Biyernes, Marso 21, 2008

Ano ang KPML

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNSOD (KPML)

Noong Disyembre 18, 1986, nagbigkis-bigkis ang mga grupo ng maralita na pinangunahan ng Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP), Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Pagkakaisa ng Mamamayan sa Navotas (PAMANA) at itinayo ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML). Sa nagdaang mahigit 20 taon, ipinaglaban ng KPML ang karapatan ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at hustisyang panlipunan.

BISYON SA LIPUNAN

Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkakapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran.

PILOSOPIYA NG KPML

1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili.
2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso.
3. Mas nanaisin ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangang ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.
4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.
5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.
6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon.
7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.
8. Ang banta at panganib ay bahagi na ng buhay ng mga maralita ng lunsod.

PRINSIPYO NG KPML (Art. 2, Sek. 8)

Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan na nakabatay sa sama-samang paggawa at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkakaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.