Biyernes, Agosto 30, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa Pandaigdigang Araw ng mga Iwinala

Pahayag ng KPML hinggil sa Pandaigdigang Araw ng mga Iwinala
(International Day of the Disappeared)
Agosto 30, 2019

Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Iwinala (International Day of Victims of Enforced Disappearance, o ang tinatawag na International Day of the Disappeared).

Pinagtibay ng United Nations General Assembly (UNGA) ang Resolusyon 47/133 noong Disyembre 18, 1992 bilang Declaration on the Protection of All Persons from Enforced Disappearance. Ang OHCHR (Office of the High Commissioner on Human Rights) Working Group on Enforced or Involuntary Disappea-rances ay nakapagtala ng 46,000 kaso ng mga taong Nawala sa di malamang mga pangyayari.

Sa ating bansa, noong Agosto 30, 2007, daan-daang mga kamag-anak at tagasuprta ng mga desaparesidos, karamihan ay mga aktibistang nawala matapos na madukot o mapatay ng mga pwesang pangseguridad, ang naglunsad ng kilos-protesta at itinakda ang Agosto 30 bilang International Day of the Disappeared.

Noong ika-21 ng Disyembre 2010, ipinasa't pinagtibay ng UNGA ang Resolusyon 65/209 bilang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance, at nagpa-syang ideklara ang Agosto 30 bawat taon bilang International Day of the Victims of Enforced Disappearances, na nagsimula noong 2011. Nitong Pebrero 2019 ay ipinrotesta ng grupong FIND (Families of victims of Involuntary Disappea-rance) at Free Jonas Burgos Movement ang kahilingan ng pamahalaan na tanggalin sa opisyal na rekord ng United Nations ang mga kaso ng enforced disappeance sa bansa.

Ipinahayag nilang matinding insult at pag-atake sa mga pamilya ng desaparesidod ang gagawing ito ng gobyerno. noong Pebrero 15, 2019, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hiniling nila sa UN Working Group na tanggalin sa listahan ang mga kaso ng enforced and involuntary disappearance mula 1975 hanggang 2012.

Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa laban ng FIND at FJBM sa kanilang paghahanap ng hustisya! Nawa'y matagpuan na ang mga nawawala nilang mahal sa buhay! Kung namatay man ang mga iwinala, nawa'y matagpuan ang kanilang mga bangkay! Nawa'y managot ang sinumang nagging dahilan ng kanilang pagkawala!

Hustisya sa lahat ng mga iwinala! Hustisya sa lahat ng desaparesidos!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 5

Lunes, Agosto 12, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa International Youth Day

PAHAYAG NG KPML 
HINGGIL SA PANDAIGDIGDIGANG ARAW NG KABATAAN (INTERNATIONAL YOUTH DAY) Agosto 12, 2019

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ayon sa ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal. At ngayong taon, ipinadiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kabataan (International Youth Day). Kaiba ito sa alam nating World Youth Day na dinadaluhan ng Papa sa Roma.

Ang International Youth Day (IYD) ay araw ng pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga kabataan, tuwing Agosto 12 bawat taon, na itinalaga ng United Nations batay sa Resolusyon 54/120 noong 1999. Ang unang pagdiriwang ng IYD ay naganap noong Agosto 12, 2000. Layunin ng araw na ito na itaguyod ng mga pamahalaan at iba pa na bigyang pansin ang mga isyu ng kabataan sa buong mundo. Ang tema ng International Youth Day para sa 2014 ay "Youth and Mental Health (Kabataan at Kalusugang Pangkaisipan). Para sa 2015, ito ay Youth and Civic Engagement (kabataan at Pakikitungong Pangsibiko). 

Ang tema naman ng 2016 ay "The Road to 2030: Eradicating Poverty and Achieving Sustainable Consumption and Pro-duction.   (Ang  Daan  tungong 2030: Ang Pagpuksa sa Kahirapan at Pagtatamo ng Sustenableng Konsumpsyon at Produksyon)" Para sa 2017, ang tema ng IYD ay "Youth Building Peace (Mga Kabataang Nagtataguyod ng Kapayapaan)". Ang tema para sa IYD 2018 ay "Safe Spaces for Youth (Ligtas na Espasyon para sa Kabataan)". At ngayong 2019, ang tema ng IYD ay "Transforming Education (Nagbabagong Edukasyon)" upang gawing inklusibo at abotkaya ng mga kabataan ang edukasyon.

Dahil dito, mahigpit na nakikiisa ang KPML, lalo na ang mga anak na kabataan ng mga lider nito, sa pagdiriwang ng International Youth Day. Maraming kabataang anak ng mga lider at kasapian ng KPML na dapat mapangalagaan at itaguyod ang kagalingan dahil balang araw, sila rin ay magiging lider, di man sa bansa, kundi sa kani-kanilang komunidad, o samahan.

Panahon na upang alagaan at tulungan ang mga kabataan upang magkaroon sila ng direksyon upang maipaglaban ang kanilang karapatan sa lipunang dapat walang naghihi-rap, walang diskriminasyon, at walang pagsasamantala.

Pahayag ng KPML hinggil sa Buwan ng Wikang Filipino

PAHAYAG NG KPML
HINGGIL SA BUWAN NG WIKANG FILIPINO
Agosto 12, 2019

WIKANG FILIPINO'Y HINDI WIKANG BAKYA!
ITO’Y WIKA NG MASA’T MARANGAL NA DUKHA!

Para sa KPML, magandang pagkakataon ito upang sabihin nating hindi bakya ang wikang Filipino. Lalo na't hindi bakya ang mga taong nagsasalita ng wikang Filipino. Ibig sabihin, hindi porke Inglesero na ang isang tao ay kagalang-galang na sila at may pinag-aralan. Habang ang wikang Filipino ay wika ng mga maralita, manggagawa, mangingisda, magsasaka, at iba pang aping sektor sa lipunan.

Tayo lang yata ang bansang lahat ng papeles at dokumento ng pagkatao (tulad ng SSS, TIN, birth certificate, atbp.) ay nakasulat sa wikang Ingles, habang tayo ay nagsasalita sa sariling wika. Hindi ba maaaring ang mga papeles at dokumento ng ating pagkatao'y nakasulat sa sariling wika? Baduy ba pag ginawa ang gayon?

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na pangalagaan ang mga katutubong wika, na nakabatay sa sumusunod na mga simulain:

Una, ang Filipino bilang Wikang Pambansa ay tulay para maging wikang panlahat ng mahigit  sandaang  wika  sa  buong kapuluan.

Ikalawa, higit pa sa pagiging tulay, ang Filipino ay dapat pagyamanin sa pamamagitan ng mga wikang katutubo.

Ikatlo, kailangang gumawa ng mga hakbang upang sa isang banda ay igalang at mahalin ang bawat katutubong wika at sa kabilang banda, panatilihin itong buháy at ginagámit ng mga nagsasalita nitó.

Maganda ang adhikain ng KWF na sana ang wikang Filipino'y mas paunlarin pa, di sa pamamagitan ng paghiram sa wikang banyaga, kundi sa pagpapayabong pa ng mga wikang katutubo.

Kaya kami sa KPML, bilang organisadong sentro ng maralita, ay nagpapahayag na payabungin pa natin at gamitin ang wikang Filipinong nakabatay sa wikang katutubo. Kaya nakikiisa kami sa KWF sa kanilang marangal na layunin para sa wikang Filipino. Gamitin din natin sa mga papeles at mga mahahalagang dokumento ang wikang mas madaling maunawaan ng ating kapwa dukha – ang wikang Filipino.

Sabado, Agosto 10, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw para sa Katarungan sa mga Bilanggo

Pahayag ng KPML
SA DAIGDIGANG ARAW PARA SA KATARUNGAN SA MGA BILANGGO
(International Prisoners' Justice Day)
Agosto 10, 2019

Katarungan sa mga bilanggo!

Kadalasang tinitingnan natin, kahit tayo'y maralita, na ang mga bilanggo, dahil nakakulong, ay masasamang tao, at walang pag-asa sa lipunan. Subalit maraming mga nabilanggo dahil sa kanilang paniniwala, tulad ng mga bilanggong pulitikal na ikinulong dahil nilabanan ang gobyernong mapagsamantala.

Kaya nang magkaroon ng araw tulad nitong International Prisoners' Justice Day (Daigdigang Araw para sa Katarungan ng Bilanggo), agad namin itong inalam at binasa. Ano ba ito? Dahil ang sekretaryo heneral ng KPMl ay siya ring sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), minabuti ng KPML na maglabas din ng pahayag hinggil dito.

Ang pagiging bilanggo dahil sa paniniwalang dapat baguhin ang sistemang mapang-api ay hindi dapat tratuhingh krimen. Si Nelson Mandela, na nabilanggo ng 27 taon dahil ipinaglaban niya ang karapatan at kagalingan ng lahing Itim, ay magandang layunin. Subalit siya'y ikinulong. Nang siya'y lumaya, siyang nahalal na pangulo ng South Africa.

Ang Agosto 10 bilang International Day Prisoners 'Justice Day ay tinakda sa anibersaryo ng pagkamatay ni Eddie Nalon, isang bilanggong  namatay sa nag-iisa sa Millhaven Maximum Security Prison sa Canada, nang di gumana ang emergency button sa kanyang selda. Sa imbestigasyon ay nakitang di na pinagana ng mga gwardya ang emergency button. 

Nang sumunod na taon, ginunita ng mga bilanggo sa Millhaven ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Eddie Nalon, sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagtangging magtrabaho. Noong Mayo, 1976, ang mga pindutan ng tawag ay hindi pa naayos. Si Bobby Landers ang susunod na mamatay sa isa sa mga seldang iyon. Walang paraan upang tumawag ng tulong, ang magagawa niya lamang ay magsulat ng isang tala na inilarawan ang mga sintomas ng atake sa puso.

Ang nasimulang isang beses lang na protesta sa Millhaven Prison ay naging daigdigang araw ng pakikiisa. Ang Agosto 10 ang araw na opisyal na itinalaga para sa mga bilanggo at kanilang mga tagasuporta upang igalang ang memorya ng mga namatay at nagpahayag ng pagkakaisa sa milyon-milyong mga tao sa loob ng mga bilangguan na humihingi ng mga pagbabago sa sistemang di makatao at malupit.

Habang ipinaglalaban ng KPML ang hustisyang panlipunan sa labas ng bilangguan dulot ng kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao, nawa'y kahit bilanggo ay mabigyang katarungan pa rin at tratuhing taong may dignidad.

Pinaghalawan:
https://www.justiceaction.org.au/campaigns/current-campaigns/prisons/237-international-prison-justice-day
http://www.vcn.bc.ca/august10/politics/1014_history.html

Biyernes, Agosto 9, 2019

Pahayag ng KPML sa Daigdigang Araw ng mga Katutubo

PAHAYAG NG KPML
SA DAIGDIGANG ARAW NG MGA KATUTUBO SA MUNDO
(INTERNATIONAL DAY OF WORLD'S INDIGENOUS PEOPLE)
Agosto 9, 2019

Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng katutubo sa buong daigdig sa pagdiriwang ng Daigdigang Araw ng mgaa Katutubo sa Mundo (International Day of World's Indigenous People).

Sa pamamagitan ng resolusyon 49/214 ng 23 Disyembre 1994, nagpasiya ang United Nations General Assembly na ideklara ang ika-9 ng Agosto kada taon bilang International Day of the World's Indigenous Peoples. Ang petsa ay mula sa araw ng unang pagpupulong, noong 1982, ng UN Working Group on Indigenous Populations ng Sub-Commission on the Promotion and Protection of Human Rights.

Noong 1990, ipinahayag ng UN General Assembly ang taon 1993 ang International Year of the World's Indigenous Peoples (A / RES / 45/164 A / RES / 47/75). Nang maglaon, itinatag ng General Assembly ang dalawang International Decades of the World's Indigenous Peoples: ang una ay noong 1995 - 2004 (resolusyon 48/163), at ang ikalawa ay noong 2005 - 2014 (resolusyon 59/174), na layuning palakasin ang internasyonal na kooperasyon upang malutas ang mga suliraning kinakaharap ng mga katutubong tao sa mga lugar tulad ng karapatang pantao, kalikasan, kaunlaran, edukasyon, kalusugan, kaunlarang panglipunan.

May tinatayang 370 milyong katutubong tao sa mundo, na naninirahan sa 90 na mga bansa. Binubuo sila ng mas mababa sa 5 porsyento ng populasyon sa mundo, ngunit ang 15 porsiyento ay pinaka-mahirap. Sinasalita nila ang tinantyang 7,000 wika sa buong mundo at kumakatawan sa 5,000 iba't ibang kultura.

Hangad ng mga katutubo na kilalanin ang kanilang identidad, ang paraan nila ng pamumuhay at ang kanilang karapatan sa mga tradisyunal na lupain, teritoryo at likas na yaman sa loob ng maraming taon, ngunit sa buong kasaysayan ang mga karapatan nila'y laging nilalabag. Halimbawa na lang ang proyektong Kaliwa Dam sa lalawigan ng Quezon at Rizal. Pilit na ipinagtatanggol ng mga tribung Dumagat at Remontados ang kanilang lupaing ninuno, na nais tayuan ng pamahalaan ng proyektong Kaliwa Dam. Ayon sa mga katutubo, lulubog ang kanilang lupain, maraming barangay ang tatamaan, mapapalayas sila sa kanilang lupaing ninuno, at masisira ang kanilang kultura.

Kaya kami sa KPML ay mahigpit na nakikiisa sa laban ng ating mga kapatid na katutubo. Dahil sila ay tao rin tulad natin. Sila, higit sa lahat, ay biktima rin ng kapitalistang sistemang yumuyurak sa dignidad ng tao sa ngalan ng tubo.

Mabuhay ang lahat ng katutubo! Ipagtanggol ang kanilang karapatan at kagalingan!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/events/indigenousday/
https://en.wikipedia.org/wiki/International_Day_of_the_World%27s_Indigenous_Peoples

Bakit kailangan natin ng National Land Use Act (NLUA)?

BAKIT KAILANGAN NATIN NG NATIONAL LAND USE ACT (NLUA)?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang nagaganap na labanan sa pagitan ng komunidad ng maralita  ng Malipay sa Bacoor, Cavite, at mga tauhan ng Villar, ay maaaring matugunan kung maisasabatas ang isang National Land Use Act (NLUA). Ito'y upang mapigilan ang kasakiman ng mga mayayaman na manguha ng lupa dahil sila'y mapera, marami talagang pera, maraming pinagkunan ng pera.

Kailangan ng NLUA dahil ang mga lupang pang-agrikultura at mga lugar ng paglikha ng mga pagkain ay di wastong pinapalitan ng gamit o kino-convert na lupang residensyal at komersyal / industriyal. Ang kagubatan at iba pang pinpprotek-tahang lugar ay ginawang minahan. Ang mga proyekto sa pabahay ay itinayo sa mga peligrosong ;ugar. Kaya ang mga maralita o informal settlers ay nanirahan sa mga barungbarong sa kahabaan ng mga daanan ng tubig, naging kanlungan ang kalunsuran o malapit sa kanilang pinagkkukunan ng ikinabubuhay o trabaho.

Ang pagguho ng lupa ng Cherry Hills subdivision sa Antipolo noong Agosto 1999, dalawampung taon na ang nakararaan, ay patunay nang maling paggamit ng lupa. Ang nasabing landslide ay dulot ng malakas na pag-ulan ng bagyong Olga, ay nakapatay ng 58 residente. Tinayuan ng subdibisyon ang lupang lulubog din pala baling araw.

Kaya kung walang maayos na land use policy o walang patakaran sa paggamit ng lupa na makatuwiran at pangkabuuan, nagkakaroon ng maraming kaso ng pagsasaman-tala. Ang mga lupang dapat mapro-tektahan ay ginamit para sa mga industriya. Ang mga lupang sakahan ay napipilitang ipagbili ng mga magsasakang hirap sa buhay gayong sila ang lumilikha ng pagkain ng buong mundo. Ang mga lupang agricultural ay ginawang residensyal at pinagtubuan ng mga developer ng bahay. Ang lupain para sa mga komunidad ay ginamit para sa komersyal o pang-industriya. Ang mga maling paggamit ng lupa ang sanhi ng pagbaba ng produksyon ng pagkain, pagkasira ng mga ari-arian at buong komunidad lalo sa mga oras ng kalamidad. Inaari lamang ng iilan ang mga lupang dapat ay para sa mamamayan.

Kaya kailangang magsabatas ng isang National Lans Use Plan (NLUA) kung saan di basta-basta maiko-convert ang lupa sa hindi tamang paggamit. Subalit may Villar sa Senado na humaharang sa mga panukalang batas hinggil sa NLUA dahil sila mismo ang tatamaan nito. Matatapos ang kanilang pangangam-kam ng lupa upang gawing subdibisyon pag naisabatas ang NLUA. Subaybayan natin at lumahok tayo sa usapin ng NLUA sa Kongreso at Senado.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 2.