ORYENTASYON NG KPML
A. ANO ANG KPML?
Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML) ay isang Kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa Komunidad na naglalayong buklurin ang mga Maralitang Lunsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.
Ito ay isang kumpederasyon na may pambansang katangian, kung saan ang mga samahan mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.
Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Cavite, Rizal, Laguna, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.
B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON
Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.
Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.
C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML
Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.
Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.
Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa MalacaƱang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.
Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.
PILOSOPIYA NG ORGANISASYON
1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili
2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso
3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.
4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.
5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.
6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon
7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.
8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga Maralitang Lunsod
BISYON SA LIPUNAN
Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran
BISYON SA ORGANISASYON
Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.
MISYON
Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.
MGA HANGARIN
HANGARING PAMPULITIKA
Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika
HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO
Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.
HANGARING PANG-ORGANISASYON
Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.
MGA PROGRAMA NG KPML
Ang KPML ay may mga programang nagsisilbi sa layunin at makinarya sa pagpapatakbo ng organisasyon at pagpapatupad ng mga plano’t gawain ng mga sumusunod:
1. Programa sa Pag-oorganisa
Ang programang ito ang nagtitiyak ng kooperasyon, tulungan at koordinasyon sa pagitan ng KPML at mga samahan sa iba’t ibang komunidad, kalunsuran, bayan, lalawigan, at ng rehiyon. Ito rin ang makinarya sa pagpapalawak at pagbubuo ng mga samahan at balangay ng KPML, at pag-oorganisa ng iba pang sektor na nakabase sa komunidad, tulad ng kababaihan, kabataan, vendors, TODA, PODA, mga walang tahanan, mga walang trabaho, atbp.
2. Programa sa Edukasyon at Pagsasanay
Ang programang ito ang mag-aasikaso at magtitiyak ng mga angkop na pag-aaral at pagsasanay ng mga kasapian ng organisasyon. Pangunahing layunin nito ay madagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga lider at kasapian, pagtataas ng kanilang kamulatang pampulitika at malaman ang mga usapin at problemang nakaaapekto sa maralita.
3. Programa sa Kampanyang Masa at Adbokasiya
Ang programang ito ang magsisilbing daluyan ng mga pagkilos ng sektor hinggil sa iba’t ibang isyu at problemang tuwiran at di-tuwirang nakaaapekto sa mga maralita at mamamayan.
4. Programa sa Pinansiya’t Lohistika
Ang programang ito ang magtitiyak ng panustos at mga rekurso sa pagsusustena ng mga plano’t gawain ng KPML sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan.
5. Programa sa Pananaliksik, Dokumentasyon, Pangkabatiran at Propaganda
Ang programang ito ang responsable sa gawaing pananaliksik sa iba’t ibang mga isyu, programa’t mga proyekto, mga batas at mga patakarang nakaaapekto sa maralita. Pagtatala ng mga pangyayari sa mga pagkilos ng mga maralita, pagbibigay-kabatiran sa mga kasapi at publiko sa pamamagitan ng paglalathala ng pahayagan, polyeto, media advisory, letters-to-the-editors, press statements at press releases.
6. Programa sa Solidarity, Lokal at Internasyunal
Ang programang ito ang siyang responsable sa pakikipag-ugnayan ng KPML sa labas ng bansa at pakikipag-kooperasyon sa iba’t ibang perspektiba.
7. Programa sa Pangkagalingan at Serbisyo
Ang programang ito ang magbibigay ng iba’t ibang serbisyo na kinakailangan ng mga kasapi ng KPML, tulad ng serbisyong legal, paralegal, counselling, medikal, teknikal, at mga referral. Isa itong “action line” o network ng iba’t ibang serbisyo.
8. Programa sa Parlamentaryo
Ang programang ito ang siyang magtitiyak na ang KPML ay magsisilbing makinarya sa kampanyang elektoral, kung sakaling may pinagkaisahang susuportahang kandidato ang buong organisasyon. Ito rin ang magtitiyak ng pagla-lobby sa Kongreso at Senado ng mga agenda ng maralita.
9. Programa sa Pangkababaihan
Ang programang ito ang magtitiyak na ang mga usapin ng kababaihan, tulad ng gender equality, reproductive health, family right, economic right, at right to suffrage ay napapalaganap.
10. Programa sa Community Development at Selfhelp Resettlement Project
Ang programang ito ang inisyal na magpapasimula ng pagsangkot sa mga sariling inisyatiba ng maralita para sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad tulad ng land acquisition, housing amenities, atbp.
11. Programa sa HIV at AIDS
Ang programang ito ang nagbibigay ng pag-aaral hinggil sa HIV at AIDS, at nagbibigay ng makakayanang tulong sa mga may HIV at AIDS.
12. Programa sa Microfinance
Ang programang microfinance ang siyang nagpapautang ng kaunting puhunan sa mga magulang ng mga bata at kabataang manggagawa upang makatulong sa pamilya, at matiyak na ang mga bata at kabataang manggagawa ay makabalik sa paaralan.
13. Programa laban sa Child Labor
Ang programang ito ang siyang nakatutok sa mga bata at kabataang manggagawa upang ang mga ito’y makabalik sa paaralan, at sa pamamagitan ng paralegal ay matigil na ang mga pang-aabuso at karahasan laban sa mga bata at kabataang manggagawa.
14. Programa sa Child and Youth Rights
Ang programang ito ang siyang nakatutok sa pagtalakay sa karapatan ng mga bata at kabataan upang malaman nila at maipatanggol ang kanilang mga karapatan