Lunes, Hunyo 30, 2008
Katipunan ng Maralita sa Timog Katagalugan (KTMK), Ikinakasa
Ka Eddie Guazon, Unang Tagapangulo ng KPML
Sabado, Hunyo 28, 2008
Hinggil sa Paglikha ng Urban Poor Agenda
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Nalathala ang artikulong ito sa KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita, Unang Labas, 2007)
Layunin ng artikulong ito na maipaalam sa iba pa ang tinakbo ng pagsasagawa ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) ng isang Urban Poor Agenda, na ito’y dumaan sa iba’t ibang pagsusuri at pagpapatining ng mga konsepto, kumbaga sa panday idinadaan muna sa apoy upang matiyak ang maayos na pagkahubog nito.
Gayunpaman, wala pa ring isang komprehensibong Urban Poor Agenda ang maralita. Isang komprehensibong agenda na panlahatan, at hindi nakapokus lamang sa ilang seksyon ng maralitang lunsod. Ang KPML ay nagkaroon na ng initial na pagsusuring malaliman sa usaping ito, ngunit ang inilabas na 14-points agenda ng maralita ay kinakailangan pang kinisin upang maging bill at mailatag sa Kongreso.
May inisyal na napag-usapan ang mga lider maralita hinggil sa gagawing amyenda sa UDHA dahil may nakitang maraming dapat baguhin. Isa na rito ang hinggil sa depinisyon. Marami ang malabo, halimbawa, sa depinisyon ng professional squatters. Ang professional squatters, ayon sa UDHA, ay yaong mga maralitang nagpunta sa relokasyon, ibinenta ang lupa, at bumalik sa pagiging squatter. Ang ilang mayor na isyu: Walang maralita na nagnanais na bumalik sa squatter area kung mas maayos ang kanyang pinaglipatan. Ang problema, mamamatay siya sa gutom sa relokasyon, pagkat napakalayo na ng kanyang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Ikalawa, kasalanan ba ng maralita na bumalik siya sa pagiging squatter kung hindi naman siya mabubuhay sa relocation site pagkat wala roong pagkakitaan? Ikatlo, hindi naman mga maralita ang gumawa ng UDHA kundi pawang mayayamang pulitikong hindi nakaranas maging squatter, kaya hindi lapat sa maralita ang mga batas na isinagawa.
Ayon sa UDHA, dapat na may livelihood program para sa maralitang lilipat sa relokasyon. Pero hindi sinasagot ang usaping napapalayo sa trabaho nila ang mga maralitang itinapon sa relokasyon. Ang mangingisdang taga-Navotas o iyong mga maralitang nagtatrabaho sa batilyo ay inilipat sa bundok ng Towerville sa Bulacan, gayong walang pangisdaan sa bundok. Dapat na kasamang ilipat ang trabaho ng maralita sa relocation site, o kaya nama’y may tiyak siyang hanapbuhay na kikita siya kaparis, kundi man lagpas, ng kinikita niya nang nakatira pa siya sa dinemolis nilang tahanan.
Wala ring probisyon sa UDHA na dapat maningil ng disturbance fee ang mga maralita dahil sa tindi ng physical, economic at psychological effect ng demolisyon at paglipat sa relokasyon, lalo na sa usaping mapapalayo sa pinagkukunan ng ikabubuhay ang mga maralita. Kung ang mga mayayaman ay nakakapagsampa ng libel case at humihingi ng danyos perwisyos, o kaya’y moral damages dahil hindi mapagkatulog sa ginawang pagyurak sa kanilang dangal, mas dapat magsampa ang maralita ng moral damages sa mga nagdemolis sa kanilang tahanan, dahil mas matinding pagyurak sa maralita ang isinasagawang sapilitang demolisyon.
Wala ring kaparusahan sa sinumang kasapi ng demolition teams na lalabag sa proseso ng demolisyon na nakasaad sa Seksyon 28 ng UDHA. Dapat ring mailagay sa UDHA ang posisyon ng maralita na “dapat isama sa project cost ang social cost”. May mga demolition teams na kahit Sabado, umuulan at hapon na nagdedemolis, na pawang lumalabag sa prosesong nakalatag sa seksyon 28 ng UDHA. Sadyang dapat amyendahan ang UDHA. Kaya noong Agosto 31, Setyembre 1-2, 2006, isinagawa ng KPML, ZOTO, Kasama-Ka at Perokaril sa Laguna ang ginawang pag-amyenda ng UDHA. Natapos ito pero hanggang dito na lang ito at hindi na muli pang umuusad. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa nakalap na dokumentong binalangkas ng maralita para maging batayan ng gagawing mga pagkilos. Ating pag-aralan ang ilang mga dokumento.
I. RIGHTS OF THE URBAN POOR
Nalathala sa kauna-unahang isyu ng Taliba ng Maralita, opisyal na pahayagan ng KPML, Enero 1995, ang ilang mayor na usapin na nakasaad sa Magna Carta for the Urban Poor na inakda ng noon ay Senador Wigberto Tañada. Ang sumusunod ay ang artikulo sa Magna Carta sa ilalim ng “Rights of the Urban Poor”.
1. The Right to Security of Land Tenure – bibigyan ng pagkakataong tumira sa isang lugar na on-site development ng isang local government unit (LGU), kung saan aayusin ang nasabing lugar at bibigyan ng mga facilities tulad ng tubig, ilaw, kanal, o drainage system at mga daan.
2. The Right Against Arbitrary Demolition – ang demolisyon ay maisasagawa lamang kung may nasabing clearance mula sa court, PCUP at mga LGU. Ang demolisyon ay magagawa lamang kapag Sabado at Linggo at may kinatawan ng LGU, at ang mga pamilyang apektado ay may karapatang mag-dismantle ng kanilang sariling bahay. Ang mga pamilya ay bibigyan ng libreng sakay papunat sa kanilang resettlement area.
3. The Right to Permanent Resettlement Site – ang mga resettlement site na ito, na proyekto ng National Housing Authority (NHA), ay pagpapasyahan ng mga pamilya ng naturang komunidad sa pamamagitan ng plebisito para sa pagpapa-apruba ng nasabing resettlement site.
4. The Right to Housing Facilities – ang mga maralitang lunsod ay bibigyan ng karapatang magpatayo ng bahay sa nasabing on-site development project at mangutang ng pondo sa mga ahensya ng gobyerno.
5. The Right to Assistance for the Establishment of Cooperative and Livelihood Programs – ang mga maralitang lunsod ay may karapatang magbuo ng kooperatiba at makakuha ng mga training at management programs ng gobyerno at ng mga non-government organizations (NGOs).
6. The Right to Organization – ang komunidad ng maralitang lunsod ay may karapatang mag-organisa at ang nasabing organisasyon ay may responsibilidad para sa kaayusan ng kanilang myembro sa loob ng komunidad, tulad ng kooperatiba, livelihood programs at iba pang projects
Paunawa: Nitong 2004, proposal ng KPML na sa house bill hinggil sa Magna Carta for the Urban Poor na palitan ang salitang “for” ng “of” upang maging Magna Carta of the Urban Poor. Ibig sabihin, dapat na ito’y Magna Carta ng Maralita, at hindi Magna Carta para sa Maralita. Naniniwala ang KPML na sa pagbubuo ng Magna Carta, dapat na may partisipasyon mismo ang maralita sa paggawa ng bill na ito, pagkat hindi dapat isinusubo na lamang sa maralita ng isang senador o ng isang batas ang isang Magna Carta kundi dapat kasali sa paggawa nito ang mismong mga maralita.
II. MGA KAHILINGAN NG EDSA POOR COALITION KAY GMA
(Ang mga kahilingang ito ang napagkaisahan ng mga delegado ng Urban Poor Summit on Housing and Urban Development, na ginanap noong Oktubre 24, 2001 sa Mendiola, Manila. Kasama rito ang KPML at ZOTO, pati na iba pang samahang maralitang nasa ilalim ng ibang blokeng pampulitika. Nalathala ito sa Taliba ng Maralita, October 2001 issue)
1. Sa bisa ng isang Presidential Proclamation ay ideklara ang lahat ng government lands na may mga naninirahang maralita, na maipamahagi sa mga residente dito. Halimbawa ng mga ito ay ang National Government Center (NGC) areas, North Triangle, Welfareville, Parola, Baseco, Camarin, kasama na ang 10-metrong inner-core ng PNR sa Norte at pababa sa Bicol. Siguruhin ang mga mekanismo nito at itayo ang isang sistema na paunlarin ang batayang serbisyo sa mga pook na ito, kasama ang pagpapaluwag ng 5-taong moratorium ng pagbabayad sa lupa, para makaraos sa krisis-pinansyal;
2. Magpalabas ng isang Executive Order na nagdedeklara ng General Moratorium on Demolitions hangga’t hindi naihahanda ng mga kinauukulang ahensya ang mga relocation areas, katulad ng itinatadhana ng RA 7279 ukol dito. Pangunahing sasaklawin ng EO na ito ang 620,000 pamilya na nasa ilalim ng banta ng danger zones, area for priority development (APD), government lands at malalaking private lands na may mga residente at matagal na naninirahan doon. Magtiyak ng isang mekanismo para sa implementasyon nito;
3. Ipatupad ng gobyerno ang iskemang land acquisition sa mga malalaking pribadong lupain na maraming naninirahan at buksan ang programa para sa financing ng mga ito na ang tutok ng pansin ay yaong mga nasa mababang saray ng mga maralita;
4. Kumpletong batayang serbisyo sa mga relocation areas maging ito ay nasa in-city relocation areas ay yaong mga nasa iskema ng slum upgrading. Gawing community-based managed ang mga batayang serbisyong ito para mabigyan ng puwang ang kasanayan sa lokal na pamamahala ang mga maralita;
5. Itayo ang isang kagawaran ng Maralitang Lunsod (Department of the Urban Poor) na mag-iimplementa ng mga reporma at programang kontra-kahirapan para sa mga marginalized sektor na ito. Palakasin ang mandato ng departamentong ito sa pamamagitan ng paggamit ng tripartite na pagtutulungan ng GO, NGO at PO. Ang mga manggagawa ay may Department of Labor, ang mga magsasaka ay mga Department of Agrarian Reform at Agriculture, at ang mga mangingisda ay may Bureau of Aquatic Resources. Dapat na may isang departamento para sa mga maralitang lunsod na umaabot na sa humigit-kumulang na 14 hanggang 17 milyon ang populasyon;
6. Magpalabas ng isang Magna Carta for the Urban Poor na maggagarantiya sa batas at implementasyon ng mga karapatan at pananagutan ng gobyerno para sa mga maralita na isinasaad ng Saligang Batas, ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights at ng International Declaration of Human Rights. Kung talagang naghahangad ang administrasyong Arroyo ng isang makamahirap na batas, gawin niya itong priority administration bill;
7. Tiyakin sa pamamagitan ng isang mekanismo at kautusang pampanguluhan ang partisipasyon ng mga bloke ng maralitang lunsod sa pagpaplano, paggawa ng desisyon, implementasyon at pagsubaybay dito – ukol sa polisiya at programa na apektado sila.
III. ANG ATING IPINAGLALABAN
(Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, Hulyo-Setyembre 2002 issue, pahina 5 at 6)
1. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor
Ang Magna Carta of the Urban Poor ang komprehensibong batas para sa batayang karapatan ng maralita para sa paninirahan, kabuhayan at demokratikong partisipasyon sa pagbubuo ng mga patakaran ng gobyerno. Babaligtarin nito ang balangkas ng Republic Act 7279 (UDHA) pagkat mas pabor ito ng UDHA sa mga negosyante at developer ng lupa kaysa maralita.
2. Itayo ang Kagawaran ng Maralitang Lunsod (Department of the Urban Poor)
Tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa sektor ng paggawa, kailangang magkaroon ng ispesyal na saray ng gobyerno para ipatupad ang mga reporma at mga programang kontra-kahirapan para sa matagal nang kinalimutang sektor ng maralitang lunsod
3. Gawing prayoridad ang paggamit sa mga pampublikong lupain at government land para sa pabahay at relokasyon ng mga maralita
Sa pamamagitan ng Presidential Proclamation, ipamahagi at ideklara ang mga pampublikong lupain at government lands na may naninirahang maralita.
Ipatupad ng legalisasyon ng maralita sa mga pampublikong lupain at government lands. Ang may 100,000 pamilya na matagal nang naninirahan sa mga lupa ng gobyerno ay hindi dapat na ituring na kriminal. Kagyat na ayusin ang proseso ng integrasyon ng mga maralita sa komunidad. Itayo ang mekanismo para sa pagbibigay ng serbisyo sa mga benepisyaryo ng lupa. Palawakin ang 5-taong moratorium sa pagbabayad ng lupa upang bigyang pagkakataon ang mga benepisraryo nito na makapagpundar at para tiyaking mas mababayaran nila ang lupa.
4. Absolutong pagbabawal sa pwersahang ebiksyon at marahas na demolisyon
Maglabas ng isang Executive Order at ideklara ang isang General Moratorium on Demolitions hangga’t hindi naihahanda ng mga kinauukulang ahensya ang mga relocation areas. Pangunahing sasaklawin ng kautusang ito ang may 620,817 pamilya na naninirahan sa danger zones, sa areas for priority development o APD, sa mga pampublikong lupain, pribadong lupain at mga lupain para sa imprastruktura kung saan matagal nang naninirahan ang mga maralita.
5. Ipatupad ang iskemang land acquisition
Bilhin ng gobyerno ang mga lupaing pag-aari ng pribado na matagal nang tinitirhan ng maralita. Buksan ang iskema sa financing upang mabayaran ito ng mahihirap habang pangunahing ikinukunsidera ang mga mas mababang saray ng maralita. Halimbawa ay ang komunidad ng 20,000 pamilya sa Tanza, Navotas, na maaaring gawing in-city relocation para sa socialized housing on the stilts (SHOTS).
6. Ibigay ang komprehensibo at batayang serbisyo – gaya ng tubig, ilaw, kalsada, health center, at iskwelahan – sa mga relocation area.
Ilunsad ang iskema ng slum upgrading sa mga relocation area kabilang ang mga nasa in-city relocation upang paunlarin ang mga komunidad na pinaglipatan ng mga maralita. Maging prayoridad ang in-city relocation o ang relokasyon ng mga komunidad ng maralita sa loob ng mga lunsod, dahil mas malapit ito sa kanilang trabaho at pinagkakabuhayan.
7. Gawing prayoridad ng gobyerno ang mga sumusunod na reporma:
a. Trabaho at kabuhayan para sa mahihirap ng lunsod at kanayunan
b. Sahod na makabubuhay sa pamilya
c. Kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kontrol sa presyo ng langis, tubig at kuryente
d. Ilaan ang badyet ng gobyerno para sa serbisyong panlipunan. Ipagpaliban ang pagbabayad ng utang.
IV. AGENDA NG MAMAMAYAN
PARA SA PANINIRAHAN, KABUHAYAN
AT PANLIPUNANG SERBISYO
(Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, Tomo VIII, Blg. 3, Taon 2003, pahina 5.)
Ang sumusunod na 11 agenda ang nakasulat sa malaking banner [puting tela na may sukat na approximate 20x20 ft.] na inilatag ng grupong Kilusan ng Mamamayan para sa Karapatan sa Paninirahan at Kabuhayan (KAKAMPI KA), Oktubre 14, 2003, sa isang rally sa Welcome Rotonda (dapat ay papunta itong Malacañang, ngunit hinarangan ng mga pulis). Simula nito, ang Agenda ng Mamamayan na ito ang siyang itinuring na Urban Poor Agenda ng maralita.
1) Tutulan ang pagsasapribado ng serbisyong pabahay
2) Subsidy ng gobyerno sa pabahay at abot-kayang presyo para sa maralita, manggagawa at pamilyang may mababang kita
3) Ibasura ang Department of Housing and Urban Development (DHUD) bill
4) General moratorium sa demolisyon hangga’t walang maayos at komprehensibong programa sa palupa, pabahay, at pangkabuhayan para sa maralita
5) Absolutong pagbabawal sa marahas at pwersahang demolisyon sa tirahan ng maralita bunga ng pagpapatupad sa proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan
6) Ibasura ang UDHA at iba pang mapanupil at anti-maralitang batas
7) Moratorium sa foreclosure, padlocking, ejectment at pagbabayad ng di-makatarungang interes at penalties sa mga naninirahan sa socialized at low-cost housing
8) Sapat na pondo para sa maayos na kalsada, drainage, patubig, pailaw, paaralan, ospital, kabuhayan, trabaho, at iba pang serbisyo sa lahat ng relokasyon
9) Moratorium sa paniningil ng di-makatarungang bayarin sa mataas na interes, surcharges, penalties sa mga pook-relokasyon
10) Baguhin ang escalating scheme of payment na ipinatutupad ng NHA sa kasalukuyang pook-relokasyon
11) Buuin ang special task force na binubuo ng pamahalaan, maralitang tagalunsod at mga pamilyang mababa ang kita
V. ANG 14 POINTS AGENDA NG MARALITA
Noong Abril 2004, sa KPML NEC-Staff out-of-town meeting/seminar ng 4 araw, tinanong ako ni Ka Butch Ablir, executive director ng ZOTO, kung dala ko ang kopya ng dyaryong Taliba ng Maralita, kung saan nakalathala ang Urban Poor Agenda (Agenda ng Mamamayan), ngunit sinabi kong hindi ko dala. (In the first place, hindi naman ako sinabihan na dapat ko iyong dalhin.) Dahil out-of-town kami, pinagtulungan na lang buuin mula sa memorya ang mga kahilingan ng maralita. Ito ang ipinroseso sa naganap na pulong. Ang produkto ng pagsisikap na ito ay ang sumusunod na 14 points agenda ng maralita:
1. Absolutong ipagbawal ang sapilitan at marahas na ebiksyon at demolisyon.
2. Ipatupad ang komprehensibong programa para sa pabahay.
3. Ipawalang bisa ang mga kontra-maralitang batas.
4. Ipatupad ang mga batayang serbisyo sa mga maralitang komunidad.
5. Moratorium sa mga bayarin, amortization sa mga Low Cost Housing at Socialized Housing Program.
6. Isabatas ang Magna Carta para sa maralita.
7. Prioritization ng In-City Relocation
8. No to Department of Housing and Urban Development.
9. Sapat na pondo para sa Sosyo-Ekonomikong proyekto at pagpapaunlad ng maralita.
10. Itigil ang mga hindi makatarungang bayarin sa mga relokasyon at komunidad.
11. Isulong ang Urban Poor Legislative Agenda.
12. Hanapbuhay at pagsasanay.
13. Tutulan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
14. Partisipasyon at kinatawan ng maralita sa Pagpaplano, Implementasyon at Ebalwasyon ng mga Proyektong may kinalaman sa komunidad.
VI. ILAN PANG PAHAYAG
Kung makakagawa ang mga maralita ng isang bill na mailalatag sa Kongreso para maging batas, magiging isa itong malaking kampanya ng maralita dahil, kung baga sa manggagawa na may Labor Code, magkakaroon na rin ang maralita ng mga batayang dokumento na kinakailangan nila bilang pandepensa sa kanilang karapatan sa paninirahan.
Nagkaroon ng pag-amyenda sa Urban Development and Housing Act (UDHA) sa pagpupulong ng KPML, ZOTO, KASAMA-KA at PEROKARIL sa UP Los Baños noong Agosto 31, Setyembre 1-2, 2005.
Ang Papel ng Papeles
ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.
Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.
Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.
Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.
Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon
Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic.
Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.
Dyalektika
DYALEKTIKA: GABAY SA PAGSUSURI
ni Juan Maralita
Mahalagang pag-aralan ng maralita kung ano ang diyalektika. Mahalaga pagkat ang diyalektika ang teorya at praktika ng wastong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuklas sa kaalaman. Ang praktika ay bukal ng teorya habang ang teorya ay pinagyayaman ng praktika. Ito ang walang tigil na pag-unlad ng kaalaman ng tao batay sa tuloy-tuloy na praktikal na karanasan ng tao sa kanyang ugnayan sa kalikasan at kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan.
Halimbawa, sa usapin ng kahirapan. Naniniwala ba ang maralita na ang dahilan ng kahirapan ay katamaran, kasalanan, kamangmangan, kapalaran at populasyon? Ang mga dahilang ito ito ang pilit na isinusubo ng gobyerno sa kanilang utak. Kung susuriin ng maralita ang kanyang kalagayan, hindi ito totoo!
Hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap. Ang mga magsasaka’y napakaaagang gumising upang asikasuhin ang bukirin, pero naghihirap ang gumagawa ng pagkain. Ang mga vendors ay marangal na naglalako ng kanilang paninda kahit alam nilang maaari silang hulihin, basta’t mapakain nila ang kanilang pamilya.
Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.
Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na salapi’t tubô ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.
Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.
Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay. Salamat na lang sa diyalektika at natututo tayong magsuri.
Sa kalagayan din ng maralita sa kasalukuyan, ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. ng edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y naging pribilehiyo ng iilan. Kung talagang magsusuri tayo sa kongkretong sitwasyon gamit ang diyalektika, alam natin na sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan. At hindi dapat ganito kaya dapat itong baguhin. Palitan natin ang bulok na sistemang ito ng sistemang makatao.
Ilan sa pundamental na batas ng diyalektika ay ang mga sumusunod:
Una, ang pagsasanib at tunggalian ng magkatunggali. Sa batas ng paggalaw ng mga bagay, dapat na maunawaan natin na ang lahat ng pagkakaisa ng magkakatunggali ay pansamantala lamang at ang tunggalian ay permanente.
Ikalawa, ang kantitatibo at kalitatibong pagbabago. Ang motibong pwersa sa pagbabago sa loob ng isang kontradiksyon ay ang pagdaragdag ng mga kantidad na dahilan ng mga pagbabago.
Ikatlo, ang pagpawi sa nagpawi. Ang pag-unlad ng mga bagay ay hindi laging mabagal, ito ay kinatatangian din ng biglang pag-igpaw. Hindi rin ito laging tuwid, bagkus ito ay isang spiral na pag-unlad. Ibig sabihin nito, anumang pagbabago sa kalidad ng isang bagay ay dinadala pa din nito ang aspeto ng luma o nakaraan, pero ito ay isa ng ganap na pagbabago sa kabuuan at nagmula sa pagsilang sa pamamagitan pag-igpaw, isang pundamental na pagbabago na dumaan sa proseso.
Sa ngayon, dapat magpakabihasa ang maralita sa diyalektika. Dapat makapagsuri ang maralita batay sa kongkretong analisis sa kongkretong sitwasyon. Panahon na upang kumawala ang maralita sa mga kaisipang pamahiin, pantasya at mahika. Panahon na upang pag-aralang mabuti, isaisip at isapuso ang diyalektika.
Paralegal at Maralita
Linggo, Hunyo 15, 2008
Mula Danger Zone Hanggang Death Zone
Miyerkules, Hunyo 4, 2008
Sa Panaginip Lang Pala - ni Anthony Barredo
Sa Panaginip Lang Pala
Ni Anthony P. Barnedo
March-June, 2008.
Tuwang tuwa ako. Busog na busog ang mga mata ko. Ramdam ko ang lamig ng hangin. Ang ganda ng karagatan. Ang sikat ng araw. Ang maputing buhangin. Ang kulay na asul na tubig.
Tatakbo ako. Lalangoy ako. Maglalaro ako. Magpapakasaya ako. Magsasaya ako…
…hangang mamaya maya, biglang dumilim ang kapaligiran ko.
Nakabaluktot ako sa isang maiksing kumot. Ramdam ko nga ang lamig ng hangin na nagmumula sa karagatang malapit sa aming barung-barong. Hanggang mamaya maya pa’t naramdaman kong bumangon ang aking ina. Nilamon ng liwanag ng gasera ang kadiliman ng aming tahanan. Mamaya maya pa’t namatay ang liwanag dahil sa lakas ng hangin. Mamaya maya ulit ay lumiwanag na naman sa isang kiskis lang ng posporo. Didilim muli. Liliwanag. Nagpatay sindi. Hanggang sa wakas ay makahanap ang aking inang si Alona ng panangga sa malakas na hangin.
Nanatili akong nakahiga sa isang sulok ng aming barung-barong. Hindi ako kumikilos ngunit buhay na buhay ang aking diwa. Tantiya ko’y malayo pa ang umaga. Hindi ko pa kailangan ang bumangon. Hindi pa kailangan ang kumilos ng aking katawan upang maghanap ng mapag-kakaperahan.
Maya maya pa’y naramdaman ko ang isang malakas na hangin. Muling namatay ang apoy sa nag-iisa naming gasera. Naramdaman kong may bumangon. At muling lumiwanag ang loob ng aming barung-barong.
Gising na pala ang aking kuya Jernald. “Nay, anong oras na kaya?” habang naghihikab pa itong nagtatanong sa aming ina.
“Alas dos na siguro.” sagot ni nanay.
“Nay, ang lakas ng hangin ‘no?” sumilip pa si kuya sa awang ng pinto ng aming barung-barong. “Nay, mukhang uulan pa ‘ata.” Sabi pa ni kuya.
“Mukha ngang may bagyo. At kapag lumakas ang hangin at ulan, lilipat tayo sa kapilya para magpalipas ng magdamag.”
“Bakit po ‘nay?”
“Delikado dito, kung may bagyo talaga.”
Nanatili pa rin akong nakahiga. Ito kaya ang pinaka-gusto ko sa buong araw. Pagkatapos ng maghapong pagkabilad sa araw, wala ng iba pang gugustuhin ko kundi ilapat ang aking likod sa sahig na kawayan at ipikit ang aking mga mata.
Ngunit kahit anong pilit na pagpikit ang aking gawin ay ginugulo ito ng ingay ng unti-unting papalakas na ulan.
May bagyo nga siguro. Ngunit ayokong isipin. Ayoko, kasi mas gusto kong isipin ang pagdating ng trak ng basura na malapit sa pabahay ng Habitat. Gusto ko roong mamalagi kesa mamulot ng kakarampot na sibak sa tabi ng dagat.
Lumalakas nga ang ulan. Ngunit ayoko pa ring isipin na may bagyo. Ayoko, kasi mas gusto ko pang isipin kung ilang kilo ng bakal ang aking masisisid doon sa ilog na papalabas ng Manila bay sa tabi ng pier.
Ayokong isipin ang bagyo kasi mas gusto ko pang isipin ang aking panaginip. Walang nagugutom, walang pangit, walang marumi, lahat naaayon sa gusto ko.
Maya maya pa’t tila humina ang ulan ngunit ang hangin ay patuloy na lumalakas. May bagyo nga. “E, ano naman ngayon?” naibulalas ng pag-iisip ko.
Matibay kaya ang aming barung-barong. Gawa kaya ito ng aking yumaong ama. Ang aming ama na namatay sa karagatan. Ang aming ama ay pinatay dahil daw sa agawan ng pasahero sa bangka. Mga babaeng menor de edad daw ayon kay ka Jojo, na kaibigang matalik ng aming amang si Angelo. Silang mga pasaherong nagbibigay aliw sa mga tripulante ng nakadaong na barko, malapit sa aming pampang.
Hindi mabubuwal ang aming barung-barong dahil itinayo ito ng aming ama ng buong puso. Pagmamahal na ipinamana niya sa amin sa kanyang pagyao. Kaya ayokong isipin ang bagyo dahil mas gusto kong isipin ang alaala ng aming ama. Ang masayang alaala na sa panaginip ko na lang kayang balikbalikan.
Nakaramdam ako ng galit. Biglang tumulo ang aking luha. Nanikip ang dibdib ko. Hayop ang pumaslang sa aming ama! Ni hindi man lang naparusahan ang hayop na iyon.
Biglang bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Napakalas. Napaka-ingay ng lagaslas ng ulan sa aming bubungan. Biglang humiyaw ang kulog kasabay ng pagliwanag ng kidlat. Kinabahan ako. Kakaibang kaba. Tumawag ang aking ina. “Diyos ko po, ‘wag po
Hindi pa
Walang kaabug-abog na lumabas ang aming ina sa aming barung-barong. Kahit malakas ang ulan at hangin ay susuungin namin. Sumunod ang kuya Jernald na may pinakamaraming daladala sa aming tatlo.
Bago ako lumabas ay inabot ko muna ang aking pangkawit ng basura sa bandang itaas ng pinto ng aming barung-barong. Hindi ko pwedeng iwanan ang bagay na iyon, iyon ang aking buhay, iyon ang nagsasalba para makatawid kami sa kahit sa sandaling kaginhawaan.
Nagulantang ako sa aking nasaksihan. Napakadilim ng kalangitan. At kahit napakalakas ng ulan ay tanaw ko ang naglalakihang alon sa karagatan. Sadyang galit na galit ang panahon.
Biglang umalingawngaw ang kulog, kasabay niyon ay ang nagliliwanag na kidlat. Sunod-sunod. At ang liwanag na iyon ang naging gabay ko para masundan ko ang aking kuya jernald.
Nakakailang hakbang pa lang kami ay basang basa na kami sa ulan. Sobrang lamig ng pakiramdam ko. Ngunit di ko pansin iyon, mas kailangan kong makasunod sa aking kuya at nanay Alona. Hanggang biglang pumalo sa aking ang isang malakas na hangin. Muntik na akong mabuwal pero napaglabanan ko ang hangin na iyon.
Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang daan patungo ng kapilya. Bago pa man ako nagpatuloy sa paglalakad ay nilingon ko muna ang direksyon ng aming barung-barong. Nakita kong may nililipad na yero, animo’y nakikipag-sayaw ito sa ulan habang hinahangin.
Nang makarating na kami sa maliit na kapilya ay bumungad sa amin ang nagsisiksikang mga tao. Mga kapitbahay namin. Mga matatandang nanginginig sa ginaw. Mga batang katulad ko.
Nagpatuloy ang malakas na ulan. Ang malakas na hangin ay dumadampi sa aking balat. Doble ang nararamdaman kong ginaw. Ginaw na sumusuot sa aking kaibuturan. Nakabaluktot ako sa pagkakasalampak ko sa sahig ng kapilya. Nakaupo sa tabi ko ang aking Ina, gayun din ang aking kuya Jernald.
Sadyang napakaingay ng magdamag. Sa lagaslas ng tubig. Sa hampas ng hangin. Sa nagbabanggaang alon. Sa kalampag ng yero. Sa alingawngaw ng kulog. Sa nagkakahulang aso. Sa atungal ng kapitbahay naming sanggol.
Nakaramdam ako ng pagkapagod. Nabalisa ako sa bigla kong pag-iisip ng aming kalagayan. Ganito ba talaga kami? Bakit ganito kami?
Naisip ko. Kelan ba ang huling tungtung ko sa eskwelahan? Noong ako’y grade one… ah… grade two… Sadyang napakabata ko pa para makalimutan ko iyon. Basta ang alam ko, natuto akong magbasa ng abakada at, isulat ang buong pangalan ko at buong pangalan ng mga kapamilya ko.
Biglang naalala ko ang telebisyon ng magarang Baranggay ng aming lugar, at ng minsang makapasok ako doon ng walang nakakapansin. Nakakaaliw kasi naglalakihang gusali at magagandang bahay ang aking napapanood. Kahit hindi ko naiintindihan ang lenggwaheng Inglis at kumukulo na ang aking kalamnan sa gutom ay nabusog naman ang aking diwa at mga mata sa aking napanood.
Habang ang aming bahay ay dinidimolis ng kalikasan.
At maya-maya pa, pipikit na ang aking mata. Hanggang tuluyan ng agawin ng aking diwa ng pagod at antok.
Hanggang biglang lumiwanag.
Naghahalakhakan ang mga batang katulad ko.
Napakalinis ng paligid.Napakapayapa.
Tanaw ko ang dulo ng karagatan. Ang ganda ng bahaghari. Ang balangkas ng ulap. Ramdam ko ang simhayo ng hangin. Ang asul na tubig. Ang puting buhangin. Napakalamig sa mata, ang ganda ng kalikasan.
Hanggang ang init ay tumama sa aking balat. Naalimpungatan ako. Iilan na lang kaming nasa loob ng kapilya. Bumangon ako at binaybay ko ang patungo sa baybay ng dagat.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Napakarami ng kalakal na makukuha ko. “Tiba-tiba!” naibulalas ko. Ngunit kung ito’y aking ikatutuwa, paano na ang mga bahay na giniba ng malakas na hangin.
Paano na nga ba ang aming bahay?
Habang papalapit ako sa direksyon ng aming bahay ay nadaanan ko ang pinsalang dulot ng nagdaang bagyo. Di ko mabilang kung ilang bahay ang nasira. Ang hirap bilangin kung ilang pamilya ang nawalan ng tirahan.
Maya-maya pa’y umpukan doon, malapit sa kinatitirikan ng aming bahay.Kaya pala’y may kamera. Aliw na aliw sila sa gwapong reporter ng T.V. Patrol.
May media. Kaya pala’y may anak ng mayor. Nakikidalamhati sa biktima ng sakuna. May dalang ilang supot ng grocery, pagkaing para sa aming nasalanta.
“Thank you po.” banat ng isang aling tuwang-tuwa sa biyayang natanggap.
“Sana araw-araw ganito!” sambit ng binatang nakipagsingitan sa pila.
Lumapit ako kay nanay Alona. Nasa tapat na ako ng nawasak na bahay namin. Ang tubig sa dagat ay ilang dipa na lang ang layo sa aming bahay.
”Dapat na talaga tayong lumipat ng bahay.” si nanay.
“Bakit po inay?” tanong ko.
“kasi…” sumulpot si kuya Jernald sa bandang likuran ko. “…kapag nag-high tide, sigurado aabutin ang bahay natin.”
“Tama.” si ka Jojo na kaibigang matalik ni tatay. “Tulungan mo ang kuya mong maghakot ng mga gamit ninyo, doon nyo dalhin sa bandang likuran ng kabahayan.
“Salamat Jojo.” garalgal ang boses ng aking ina. “Isa ka talagang tunay na kaibigan.”
“Wala namang ibang tutulung sa inyo dito. Malayo pa ang eleksyon, hindi pa tayo kilala ng mga pulitiko.”
Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan ni ka Jojo at ng aking nanay Alona. Basta ang alam ko hindi lang unang beses nangyaring lumipat kami ng aming tirahan. Tanaw ko pa nga ang poste ng huli naming bahay, ngayon ay lilipat na naman kami.
Hindi ko nga alam ang pinag-uusapan nila dahil ang alam ko ay ginagamit lang daw kaming mga taga dito sa tuwing darating ang eleksyon. Kapalit ng grocery, pangakong aayusin ang aming kalagayan at limang daang pisong nakasobre, na minsan ay sikwenta pesos lang ang laman.
Nagmamadali akong maghakot ng mga gamit. mga kahoy at yerong mapapakinabangan pa. Nagmamadali ako dahil sigurado maraming basurang mapapakinabangan pa sa tabi ng dagat.
At hindi nga ako nagkamali.
Pagkatapos kong tumulong kay kuya Jernald ay dumiretso na ako sa tabing dagat. Sandaling oras lang ay napuno agad ng plastik, sibak ang isang sakong dala ko.
Hanggang matanaw ko ang gwapong reporter. Ang kamera ay pilit akong hinahabol. Ang reporter ay nagmamadaling lumapit sa akin, bitbit ang mikropono para kausapin ako.
Napangiti ako ng maalala ko nitong nakaraanng bago magpasko. Sa tabi ng dagat, malapit sa pier habang kinakausap kami ng taga-emergency. Katatapos ko lang sumisid noon. napakaswerte ko ng araw na iyon. Bukod sa dami ng bakal na nasisid ko ay nagkaroon pa ako ng ‘sang supot ng grocery at ‘sang libong piso mula sa reporter ng na kumausap sa akin.
Ibinaba ko ang pasan pasan kong ‘sang sakong kalakal. Sanay na ‘ata ako sa pagharap sa kamera. Sanay na rin akong bulahin ng mga taong gustong alamin kung paano ako nabubuhay. Sanay sa pangako nilang tutulungan kami para maalis sa ganitong kalagayan.
Naging mahaba ang usapan namin ng gwapong reporter. Alam na alam ko ang isasagot ko, gayon din kaya ang naging takbo ng usapan namin nila Jessica Suho at Karen Davila.
At natapos na ang pagharap ko sa kamera. Katulad ng inaasahan ko ay binigyan ako ng isang plastic ng grocery at limang daang piso.
Palubog na ang araw. Naibigay ko na kay nanay Alona ang perang ibinigay sa akin ng repoter at napagbentahan ko ng aking kalakal.
Tuwang-tuwa si nanay Alona. Tamang-tama daw iyon sa pagtatayo ng aming bagong tirahan. Tuwang-tuwa rin ako dahil sa perang iyon ay natuwa ang aking nanay.
At sa paglubog nga ng araw ay nakita ko kung gaano kagandang pagmasdan ang itsura nito. Bigla akong nalungkot at nadurog ang aking puso. Naalala ko ang itinanong ng reporter.
“Sa tingin mo ba ay mararanasan mo pa ang masaganang buhay? Ang magkaroon ng malinis na karagatan… Mabangong hangin…”
Napahiga ako sa buhangin.
Bahagyang tumulo ang aking luha sa aking mata.
Ipinikit ko ang mga mata ko.
Alam ko sa aking panaginip, mararanasan ko ang lahat ng iyon.
Sa paglulunsad ng CRP-KPML ng Participatory Action Research (PAR) noong Setyembre,2007. Nabuo ang kwentong ito base sa karanasan ng mga batang manggagawa na nakatira sa Baseco, Port Area,
Inaalay ko ang maikling kwentong ito sa mga batang manggagawa ng Baseco at sa mga kasama ko sa panahon ng aming pagbaba sa area ng Baseco. Maraming salamat dahil sa sandaling panahong iyon kami ay namulat sa gayong kalagayan.