MENSAHE NG PAGKAKAISA
Binasa ni Ka Pedring Fadrigon, tagapangulo ng KPML noong ika-19 ng Hulyo, 2008, sa Kongreso ng Pagkakatatag ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), sa PUP Gymnasium, Sta. Mesa, Maynila
Mga kasamang manggagawa at maralita sa sektor ng transportasyon, isang maalab ng pagbati ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) sa dakilang araw ng Kongreso ng Pagtatatag ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT).
Nais naming simulan ang mensaheng ito sa isang katanungan na mula sa pagyayabang ng gobyerno: “Ramdam nyo ba ang kaunlaran?” Laganap na ang kahirapan, lalo na sa ating mga drayber. Biglang nagtaasan ang presyo ng bigas, lalo na ang presyo ng langis. Kaya ang naiuuwi na lang nating kita sa ating pamilya ay lalong nagkulang. Kaya ramdam natin ay hindi kaunlaran, kundi kasinungalingan ng pamahalaang Arroyo.
Ramdam natin ang kahirapan. Maraming mga drayber ng pampasaherong dyip, bus, taksi, tricycle, pedicab, ang kabilang sa mga naghihirap sa lipunan. Tayo ang nagpapaikot ng gulong ng kalakalan ngunit tayo pa ang naghihirap. Bakit ganito? Dahil tayo’y nabubuhay sa ilalim ng lipunang kapitalismo. Lipunang para lamang sa mayayaman. Alam nyo ba na noong 2006, ang pinagsamang kita ng 10 pinakamayamang Pilipino ay $15.6B na katumbas na taunang kita ng 52M mahihirap na Pilipino? Alam nyo ba na sa bawat sampung porsyentong pagtaas ng presyo ng pagkain, nadadagdagan ng 2.3M Pilipino ang naghihirap? Alam nyo ba na sa bawat sampung porsyentong pagtaas ng presyo ng langis, may 160,000 Pilipino ang naghihirap? Ramdam nyo ba ang kaunlaran? Kung noon tayong maralita ay nakakakain pa ng apritada, ngayon, ang binibili na lang ng maralita ay noodles na apritada flavor. Paano pa tayo nito mabubuhay ng maayos upang mapakain ng tatlong beses kada araw ang ating pamilya? Paano pa natin mapapag-aral ang ating mga anak?
Tayo ay nabubuhay sa lipunang kapitalismo. Ang kapitalismo ang lipunang pinaghaharian ng mayayaman habang inaalipin ang mga mahihirap tulad natin. Ang kapitalismo ang sistema ng lipunang nagkakamal ng malalaking tubo para sa mga pribadong kumpanya at nagkokontrol ng presyo ng langis. Ang kapitalismo ay lipunang lalong nagbabaon sa atin sa lalo’t lalong kahirapan. Ang lipunang kapitalismo ay hindi natin lipunan. Ang lipunang kapitalismo ay ibinabagsak ng lahat ng nagkakaisang manggagawa sa lipunan.
Ngayon ang lipunang kapitalismo ay nasa krisis. Krisis na hindi matugunan ng globalisasyon o imperyalismo kung hindi manggigera para sa langis, kung hindi babansagang terorista ng US ang mga kalabang bansa. Krisis na lalong nagpapalaki ng agwat ng mahirap at mayaman.
Mga kasama sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon, dapat tayong magkaisa. Manggagawa’t maralita ay magkaisa. Drayber at lahat ng mahihirap ay magkaisa. Lahat ng manggagawa saanmang panig ng bansa ay magkaisa! Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Itayo natin ang sariling lipunan para sa ating mga naghihirap. Tanggalin natin sa pribadong kamay ng iilang mayayaman ang kanilang kontrol sa mga negosyo, bansa at lipunan.
Maghanda tayong manggagawa sa pagkontrol at pamamahala sa lahat ng pabrika. Maghanda tayong mga manggagawa sa transportasyon na maging kaakibat ng buong uring manggagawa upang ibagsak ang mnapang-aping rehimeng Arroyo na laging nagpapahirap sa atin. Maghanda tayong mga manggagawa upang labanan ang ating mga kaaway sa uri – ang burgesya, mga elitista, mga mayayaman at mga kapitalista. Maghanda tayong mga manggagawa na isulong ang pagtatayo ng sarili nating lipunan. Maghanda tayong itatag ang isang lipunang sosyalismo.
Mabuhay ang PMT! Mabuhay ang mga maralita! Mabuhay ang mga manggagawa sa transportasyon. Mabuhay ang uring manggagawa!