Linggo, Agosto 30, 2009

Mga Iskwater, Pinagkakakitaan ng Gobyerno

MGA ISKWATER, PINAGKAKAKITAAN NG GOBYERNO
ni Kokoy Gan
Sgt. at Arms, KPML nasyunal

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.3, Taon 2009)

Iilan lamang sa mga ginawang transaksyon ng gobyerno ang proyekto ng Philippine National Railways (PNR) o ang PNR rehabilitation project na kasalukuyang iniimplement. Maliban sa NHA ay katulong ang mga Local Government Units para mabilisang maisakatuparan ang paglilinis sa kahabaan ng Riles.

Kanya-kanyang diskarte ang ginawang paglilipat ng kanilang mga punong lungsod sa kanilang mga constituents. Ang sa Kalookan ay pinatatayuan ng MRB sa Tala na hindi sigurado ang ginamit na materyales at wala pang maayos na serbisyo.

Sa bahagi naman ng San Pedro, Laguna, dinala ang mga maralita sa boundary naman ng Santa Rosa at San Pedro. Ang masakit pa nito ay sa tabi ng tambakan ng basura sila dinala. Dalawa ang kanilang dadanasin sa kalusugan - ang amoy ng basura at mga piggery na nakatayo rin doon. Iilan pa lang ang mga nakatayong istraktura, malayo sa kabuhayan at bakobako pa ang mga daanan.

Malayo sa orihinal na plano at sa provision ng UDHA na dapat may pinansyal assistance na ang dating napag-usapan sa bahagi ng San Pedro sa LIAC meeting, ang bawat isang pamilya na apektado ay makakatanggap ng halagang P10,000 pero sa aktwal na lipatan ay P1,000 lang ang naibigay. Ang tanong: saan napunta ang P9,000 at hindi rin nasunod ang libreng hakot. Kaya ang panawagan ukol dito ay huwag munang magbayad ng monthly amortization, ipa-audit muna ang NHA.

Sa bahagi naman ng mga danger zone, privatization at government land ang tumitiba dito ay mga UPAO. Ang head ng UPAO ang siyang direktang nakikipagtransaksyon sa may ari ng lupa at bibilhin nila ito sa murang halaga para isaayos sa pamamagitan ng CMP na ang gagawin ay isusubdivide sa mga individual at patutubuan nila ito. Para sigurado, papipirmahin ang nag-avail ng kontrata. Ang problema pa nito, karamihan ay depektibo ang papel nito.

Napakasakit ang sinasapit ng mga maralita, wala nang lupang pag-aari, pinagkakakitaan pa sila ng gobyerno. Naagrabyado dahil daming mababago sa kanilang buhay.

Samantalang ang malawak na lupain na makikita natin sa bandang south expressway ay binili ni Ayala para gawing Makati Extention. Dito titira ang mga mayayaman na gaya sa Ayala Alabang. Samantalang ang mga nadedemolis ay ihihiwalay dadalhin sa mga lugar na walang hanapbuhay, tapunan ng basura at sa mabangin na mga lupain.

P1.75M Hapunan ni Gloria, Kagutuman ng Maralita

SA P1,750,000.00 HAPUNAN NG PANGULO
PAWANG KATAKAWAN AT PULOS LUHO
HABANG GUTOM ANG MASANG PILIPINO
ni Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Tagapangulo, KPML

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.3, Taon 2009)

Kamakailan lamang ay nagpunta si Pangulong Gloria Arroyo sa Amerika upang makipagpulong kay Pangulong Barack Obama. Ibinalita ng New York Times na naghapunan siya at ng kanyang mga kasama ng halagang $20,000 (P1M) sa Le Cirque sa New York noong Hulyo 31. Ayon sa ulat, ito'y 6 na oras matapos nilang malamang namatay na si Gng. Cory Aquino (una ng 12 oras ang Pilipinas sa oras ng Amerika). Nagsasaya sila habang nagluluksa ang bayan sa pagkamatay ni Cory. Nauna rito'y $15,000 (P750T) naman ang halaga ng kanilang hinapunan sa Bobby Van’s steakhouse sa Washington DC noong Hulyo 30.

Aba, P1,750,000.00 ang ginastos nila sa dalawang hapunan lamang. Di pa bilang dito yung ikinain nila sa tanghalian at almusal. Aba'y pera iyan ng bayan. Sampung maayos na pabahay na ito ng maralita (kung P180,000 kada bahay sa presyo naman ng NHA). mapapasahod nito ang 176 manggagawang Pilipino sa minimum wage na P382 bawat isa sa isang buwan, 6 na araw ang pasok kada linggo. Mapapakain nito ang 648 mahihirap ng tatlong beses bawat araw sa loob ng isang buwan kung P30 bawat kainan, ngunit di pa ito masustansya. Makakabili ito ng 97,222 kilo ng bigas kung P18 bawat kilo ng NFA rice. Makakapagpaaral ito ng 70 estudyante na ang matrikula bawat semestre ay P25,000 (ngunit baka mas mataas pa rito ang matrikula ngayon). Sa P1,750,000 ginastos sa hapunan ni Gng. Arroyo at kanyang mga kasama, makakakain ng tig-isang noodles ang 218,750 maralita kung P8 bawat noodles.

Naghihirap ang taumbayan. Ang iba'y namumulot ng pagpag sa Payatas para lang may makain. Ngunit ang hinayupak na pangulong ito'y niyuyurakan ang dangal ng bayan sa panahon ng kagipitan. Nagpapakasasa sila sa kaban ng bayan.

Balak pa niyang bumili ng jet na nagkakahalaga ng P1.2B, nagbago ang isip niya dahil sa protesta ng taumbayan.

Ang ganitong pangulo ay walang kwenta, dahil hindi ang kapakanan ng taumbayan ang kanyang iniisip kundi pawang luho. Kaya yata gusto niyang manatili pa sa poder. Ang ganitong pangulo ay dapat na ibinabagsak!

Cha Cha at Gloria, Ibasura! - KPML

CHA CHA at GLORIA, IBASURA!
ni Ka Allan Dela Cruz
Secretary General, KPML Nasyunal

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 1, p.2, Taon 2009)

Nang magsilagda ang mga kongresista sa House Resolution 1109 para itransporma ang Kongreso sa Constituent Assembly (Con Ass) upang palitan ang buong Saligang Batas, ipinakita lamang nilang wala silang malasakit sa sambayanan. Silang nagnanais na ibuyangyang ang ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhan. Silang pabor na gawing 100% ang pag-aari ng mga dayuhan sa ating mga lupain, media, eskwelahan, ospital at iba pang serbisyo sa sambayanan. Silang ang uri ay trapo kaya walang malasakit sa manggagawa't maralita. Babaguhin nila ang Saligang Batas para sa kanilang sariling interes sa negosyo at tubo, at hindi para sa kapakinabangan ng buong bayan. Ang mga ganitong klase ng kongresista ay hindi tunay na mga lingkod ng bayan. Dapat silang hindi na muling mahalal sa susunod na eleksyon.

Ngunit kung hindi magagawa ang mga pagbabagong ito, nagbabanta si Gloria na ideklara ang emergency rule o martial law. Kahit mga heneral at dating tagasuporta ni Gloria ay nagsasabi nito. Ito’y dahil desperado si Gloria na iwasan ang mga kaso ng plunder na nakaabang sa kanya kapag nawala na siya sa pwesto. Natatakot si Gloria na makulong, gaya ng nangyari kay Erap. Ikalawa, kailangan rin ni Gloria na protektahan ang bilyun-bilyong piso na mga nakaw na yaman ng kanyang buong pamilya. Dapat nating tutulan ang kanilang mga pakana para palawigin ang termino ni GMA at magdeklara ng martial law.

Nangangamba ang mga maralita kung magpapatuloy pa ang HR 1109, hindi lamang dahil sa paglawig ng termino ng kasalukuyang nag-ookupa sa MalacaƱang, kundi higit sa lahat, dahil balak na ng mga kongresistang tanggalin ang mga proteksyong nasasaad sa mga probisyong pang-ekonomya sa Saligang Batas, na tiyak na magpapahamak sa bansa, at pati na rin sa mga maralitang komunidad.

Nais ng mga pro-Con Ass na kongresista na irebisa, di lang amyendahan, ang Saligang Batas, lalo na yaong 60%-40% pag-aari na gagawing 100% pag-aari ng mga dayuhan ang mga lupa, media, eskwelahan, ospital, at iba pang serbisyo sa mamamayan. Kung magkakaganito, wala nang matitirahan ang mga Pilipino, laluna ang mga maralita pag inari na ng mga dayuhan ang ating lupain. Kaya ating isigaw:

PAGBABAGO, HINDI CON ASS!
Con Ass at Gloria, IBASURA!

Sari-Saring Balita, 2009

SARI-SARING BALITA NG KPML

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.7, Taon 2009)

SUMMER YOUTH CAMP, MATAGUMPAY NA IDINAOS

Matagumpay na inilunsad ng KPML ang Summer Youth Camp noong ika-4-6 ng Mayo 2009 sa Golden Shower Resort sa Barangay Tabe, Guiguinto, Bulacan. Layunin ng nasabing aktibidad na paunlarin ang kaalaman ng mga kabataan sa iba't ibang larangan tulad ng pagpipinta, pagbubuo ng mga awitin, pagsusulat ng tula, at marami pang iba.

Sa ilalim ng programa laban sa HIV/AIDS, inihahanda ng KPML ang mga kabataan na makaiwas sa virus na ito sa pamamagitan ng edukasyon.


MGA BATANG MANGGAGAWA, LUMAHOK SA SPORTS ACTIVITY NG CRP

Sa ilalim ng programang CRP (child's rights program), inilunsad ng KPML ang isang sports activity noong ika-12 ng Mayo 2009 sa Malabon Ampitheater. Nagpaligsahan sa iba't ibang larangan ang mga batang manggagawa mula sa limang erya (Maynila, Malabon, Caloocan, Navotas, at Cavite). Naglaro sila ng tug-of-war, volleyball, basketball, tennis, atbp., at pinairal ang sportsmanship sa bawat isa.

Kitang-kita sa mga kalahok ang kasiyahan na madama nila ang kanilang karapatang malayang makapaglaro. Naniniwala ang KPML sa kasabihan na ang pamayanan ay balon ng katalinuhan dahil dito natin makikita ang likas na kaalaman, kakayahan, katatagan, at katalinuhan ng mga kabataan.


KPML, NAHALAL SA KONSEHO NG PATTAK

Nahalal ang KPML bilang isa sa sampung kasaping organisasyon ng konseho ng PATTAK (Progresibong Alyansa ng mga Tagatangkilik ng Tubig sa Kamaynilaan) sa pangkalahatang asembliya nito na ginanap sa Session Hall ng Quezon City Hall noong Hunyo 26, 2009.


KPML, NAGBIGAY-PUGAY KAY KA LITO MANALILI

Dumalo ang KPML sa parangal na ibinigay sa ika-63 kaarawan ni Ka Lito Manalili, isang magiting na guro at lider mula sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) at Unibersidad ng Pilipinas noong Hulyo 1, 2009 sa KKFI, P. Paredes St, Sampaloc, Maynila. Dumalo rin dito ang ZOTO, SAMANA-FA, mga taga-KKFI, at iba pang samahang maralita.

Nagbasa ng isang madamdaming tula si Ka Danny Afante, PRO ng KPML, para sa may kaarawan, na ikinasiya naman nito. Nagbigay din ng pahayag sina Ka Pedring Fadrigon para sa KPML at Ka Allan Dela Cruz para sa ZOTO.

Balita - 25 Anib ng SAMANA-FA, Ipinagdiwang

ANIBERSARYONG PILAK NG SAMANA-FA, IPINAGDIWANG

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.7, Taon 2009)

Ipinagdiwang ng Samahan ng Makabayang Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA) ang kanilang ika-25 anibersaryo (silver anniversary) ng pagkakatatag noong Agosto 24, 2009. Dito’y binalikan nila at sinariwa ang mga pinagdaanan ng samahan tulad ng mga taong nagtanim o nagtatag nito, paano nila ito inalagaan hanggang sa ang binhing kanilang itinanim ay maging isang matatag na punong ang bunga’y pinakikinabangan ng higit na nakararami.

Ang nasabing pagtitipon ay kinatampukan ng pagbibigay ng pagkilala sa mga taong nagsumikap na mabuo at umunlad ang samahan. Nagkaroon din ng mga papremyo at give-aways sa mga kasapi.

Mula sa bila-bilao at latag-latag na paninda sa bukana ng WelfareVille Compound nabuo ang SAMANA-FA. Limang katao ang nangahas pagbuklurin ang mga maliliit na manininda laban sa hindi makatarungang paniningil ng P2.50 kada araw sa ilalim ng proyektong KKK ni Imelda Marcos. Ang kapangahasaang iyon nina Boy Valencia, Manuel Cauday, Domingo Agustin, Cesar Banico at Ka Pedring Fadrigon, kasalukuyang tagapangulo ng SAMANA-FA, ang naging simula ng pagbabago sa buhay ng mga manininda at naninirahan sa Fabella Road sa Mandaluyong. Sa ngayon, isa nang ganap na palengke ang SAMANA-FA na may matibay at matatag na pamunuan.

Balita - 5,000 Pamilya, Idedemolis

SA EO 803 NI GMA, 5,000 PAMILYA, NAKATAKDANG IDEMOLIS

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.6, Taon 2009)

Nilagdaan ni Pangulong Arroyo noong Mayo 21 ang Executive Order 803 na naglikha sa Metro Manila Interagency Committee (MMIAC) para sa mga informal settlers upang magplano, makipag-ugnayan at isagawa ang isang Comprehensive Shelter Program (CSP) para sa mga maralitang apektado ng mga prayoridad na proyektong imprastruktura ng pamahalaan, at yaong naninirahan o malapit sa mapanganib ng lugar tulad ng riles, estero, bangketa, tulay. basurahan at dalampasigan. Inatasan nito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na manguna rito, at katulong naman ang National Housing Authority. Ang mga kasapi ng MMIAC ay ang Housing and Urban Development Coordinating Council, Presidential Commission for the Urban Poor, National Antipoverty Commission, Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government, Office of the President-External Affairs, Department of Budget and Management, at isang kinatawan mula sa mga maralita.

Kasabay nito, ipinahayag ng MMDA na idedemolis nila ang 5,000 pamilyang nakatira sa mga danger zones, at tinukoy niya ang mga sumusunod na lugar: Damayan Lagi, 11th Street at Sta. Cruz sa gilid ng ilog San Juan sa Quezon City; ang mga barangay 177, 135, 178, 179, 180, 181 at 182 na malapit sa Estero de Tripa de Galina sa Pasay City; Old Balara (west and east) sa Commonwealth Avenue; at Masambong at Manresa sa Araneta Avenue, lahat ay sa Lunsod Quezon.

Isinumite naman ng NHA ang 11 lugar na prayoridad bigyan ng relokasyon, at ito'y ang Buting, Pasig; Santolan, Mindanao Avenue, Balintawak, Quiapo, Nissan Tatalon, Pasay, Estero de Paco, R-10 Navotas, Market 3 Fishport sa Navotas at Sta. Cruz.

Dahil dito, matindi ang pangamba ng mga lider-maralita sa nakaambang demolisyon, at naghahanda na silang ipagtanggol ang kanilang mga tirahan at tulungan ang kapwa maralita kung walang maayos na negosasyon at nakahandang relokasyong may hanapbuhay, pabahay at serbisyo.

Balita - Demolisyon sa Green Valley

MGA MARALITA SA GREEN VALLEY, DUMANAS NG ILEGAL NA DEMOLISYON

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 1, p.7, Taon 2009)

Nitong nakaraang Abril 2009, apat na bahay sa Green Valley Subdivision sa Bacoor, Cavite ang giniba ng mga demolition team sa pamumuno ng isang sheriff (di na nakuha ang pangalan). Kasama rin dito ang mga pulis-Bacoor upang sindakin at takutin ang mga naninirahan sa nasabing subdibisyon.

Ayon sa pangulo ng Green Valley Homeowners Association, ang tunay na isyu sa kanila ay ang awayan sa pagitan ng Hermogenes Rodriguez at Green Valley Homeowners Association. Bagamat pinaboran ng korte ang Green Valley Homeowners Association at binigyan pa ni Hermogenes Rodriguez ng Certificate of Occupancy, sila pa rin ay giniba ng demolition team sa utos ng sheriff. Ayon sa balita, biglang nabaligtad ang sitwasyon dahil tatanggap ng P35,000 bawat lote na mapapaalis ng tinamaan ng magaling na sheriff.

Ang tanong natin dito: tama ba o legal ba ang nasabing kautusan ng sheriff? Malinaw na sa kautusan ng korte na kanyang inilabas, walang ispesipikong nakalagay kung anong pangalan o kaninong bahay ang gigibain, kundi tanging numero lamang ng lote. Malinaw sa desisyon ng hukuman na si Hermogenes Rodriguez ang natalo kaya bakit bahay ng mga naninirahan sa Green Valley ang gigibain? Kung sakali man na hindi sa mga naninirahan ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay, hindi ito sapat na katwiran upang gibain ang mga nakatayo nang bahay dahil tahanan at pamumuhay ang nakataya rito. Hindi ba dapat ay mag-apela sa nakatataas na hukuman si Hermogenes Rodriguez laban sa Green Valley Homeowners Association. Ang mga taong naninirahan doon ay walang pag-aangkin sa lupa ng Green Valley Subdivision, kundi sila ay biktima ng taong nang-aangkin ng lupang hindi naman sa kanila.

- ang ulat na ito'y mula sa dyaryong Tinig ng Samana-Fa, Hunyo 2009