Sabado, Disyembre 19, 2009

KPML-Cebu, Matagumpay na Nagdaos ng Kongreso

KPML-CEBU, MATAGUMPAY NA NAGDAOS NG KONGRESO
ni Ka Pedring Fadrigon
(unang nalathala ang artikulong ito sa pahayagang Tinig ng Samana-Fa, Nobyembre 2009)

Matagumpay na nailunsad ang kongreso ng KPML-Cebu chapter sa Barangay Day-as, Cebu City noong ika-8 ng Nobyembre 2009. Dinaluhan ito ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang tagapangulo ng KPML. Ang nasabing kongreso ay dinaluhan ng labimpitong (17) organisadong samahan, samantalang ang buong bilang naman ng mga dumalo ay hindi kukulangin sa 130 lider at kasapi mula sa iba't ibang panig ng Cebu City.

Kinatampukan ito ng paghahalal mula pangulo hanggang PRO. Inilantad din sa nasabing kongreso ang kabulukan sa pamumuno ni Vangie Abejo, ang dating pangulo ng KPML-Cebu chapter, at naging hudyat ito ng pagkakaligtas ng mga maralita ng Cebu City mula sa awtokratiko at komandistang pamumuno ng pangkating Vangie.

Sagad sa kabulukan at kawalang konsepto ng demokrasya, nagdeklara ng pakikipaghiwalay ang pangkating ito matapos maagaw sa kanila ang pamumuno sa samahan. Patunay lamang ito na ang mga taong ito ay hindi marunong tumanggap ng pagkakamali, at hindi marunong sumunod sa kapasyahan ng nakararami dahil ang gusto nila ay sila lamang ang masusunod, sila lang ang tama at ang iba ay mali. Mula doon ay nalantad ang kawalan ng kakayahan ng pangkating ito na mamuno sa mga kapatid nating maralita sa Cebu.

Bagamat ang karamihan sa mga nahalal na pinuno ay baguhan lamang, naniniwala po tayo na mas mainam na ang mga baguhan na may kagustuhang matuto, may kahandaang panghawakan at isulong ang prinsipyo't simulain ng KPML kaysa naman sa mga tulad ng pangkating Vangie na hindi marunong makinig sa mga kapwa lider at kasapi; hindi marunong magrespeto sa kapasyahan ng mayorya.

Nagbanta naman ang KPML-National sa pangkating humiwalay na huwag gagamitin ang pangalan ng KPML upang makahikayat ng mga magiging kasapi tungo sa kanilang makasariling interes sa maralitang lungsod ng Cebu. Sa ngayon ay tinatayang naghahanap na ang pangkating ito ng kukupkop sa kanila dahil sa totoo lang ay wala naman silang kakayahang tumayong mag-isa at nagkanlong lamang sa pangalan ng KPML.

Biyernes, Disyembre 18, 2009

Minsan, lumingon sa nakaraan

MINSAN, LUMINGON SA NAKARAAN
ni Silvestre "Tek" Orfilla, KPML Deputy Sec. Gen.

Ang panahon ay nagbabago, at ang pagbabago ay pag-unlad
Pag-unlad sa pangkalahatan, hindi sa pansarili lamang
Sa panahon ng kawalan, ang pag-unlad ay katugunan
Taliwas sa kasalukuyan, ang pag-unlad ay kahirapan

Nuong unang panahon, malaya't masagana ang lahat
Ngayon ay kontrolado, nagpapatakbo'y iilan lamang
Wala ka nang mapuntahan, wala ka pang masilungan
Sana'y kahit minsan, lumingon sa nakaraan

Matataas na gusali, magagarang daanan
Magagandang mga kotse ng mga mayayaman
Ngunit tingnan ang kababayan, namamayat sa kahirapan
Ang iba ay nasa kalye, pagala-gala, walang masilungan

Magagandang bihis na sundalo, matitikas na kapulisan
Sa kanilang panginoon ay sunud-sunuran
Di tulad nuon, tapat maglingkod sa bayan
Ang kanilang sinumpaan, ipagtanggol ang mamamayan

Talaga namang nagbago na, dama na ang kaunlaran
Pagkat ang mga nasa pwesto ay nagsisipagyaman
Di tulad ng nakaraan, sa malalawak na taniman
Busog naman lahat, mga nasa posisyon ay ayos lang naman

Sana'y kahit minsan, lumingon sa nakaraan

Martes, Disyembre 15, 2009

Ulat ng KPML-Bacolod City chapter

ULAT NG KPML-BACOLOD CITY CHAPTER
mula sa email ni Joan Trinilla

Dec. 10,2009
9am-2pm.

Nagpatawag ng urban poor forum si Vishop Navarra ng Dioses ng Bacolod City sa pamamagitan ng social action center. Ang dumalo ay Diosece of Bacolod, 2 NGO at 3 PO.

Dito natin ikinasa ang ating urban poor alternative agenda. Sa lahat ng naglatag ng mga problema sa komunidad, isa sa naaprobahan ang pagbububo ng Bacolod City Urban Poor Council (UPC) na ang kumposisyon ay LGU, PO at NGO at ang lahat ng dioses ng Bacolod. Nakaupo tayo sa komite para sa pagbuo ng UPC urban poor council. Ang layunin nito ay magbubuo ng UPAA para isalang sa 2010 election.

Isa sa ating tagumpay ang pangunguna ng ating organisasyon, dahil sa ating tamang linya para pangunahan ang laban ng maralita. Kinikilala na tayo ng simbahan at ng LGU na may kakaibang linya sa pagtutulak ng pagbabago ng lipunan. Isa rin tayo sa mga convenor ng Bacolod 2020 movement - isang kilusan ng anti-trapo sa Bacolod. Mayroon tayong dalawang pinatakbong konsehal sa Bacolod - Greg Jemena at Anthony Garcia. Ang diin ng trabaho namin ngayon buwan ng December hanggang pangalawang linggo ng January 2010 ay makapagkungreso ang Sanlakas Negros.

MARAMING SALAMAT,
JUN AÑO

Miyerkules, Disyembre 9, 2009

ps - Karapatang Pantao

PRESS STATEMENT
Ka Pedring Fadrigon, Pambansang Tagapangulo
Disyembre 10, 2009

PABAHAY, PAGKAIN, TRABAHO!
KARAPATANG PANTAO, IPAGLABAN!

Ngayong araw na ito, Disyembre 10, 2009, ay ginugunita natin ng masakit sa kalooban ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, kasama ang mga mamamayan ng bansang ito at iba pang mamamayan ng daigdig. Masakit sa kalooban dahil hanggang ngayon marami pa ring mga paglabag sa ating mga karapatan bilang tao.

Bilang mga aktibistang nakikibaka para sa maayos na pamahalaan at pagbabago ng sistema, hanggang ngayon ay nililigalig pa rin tayo ng mga pangyayari tulad ng pagdukot sa mga aktibista, gaya ng kaso nina Sheryl Cadapan at Jonas Burgos; ang pamamaslang sa daan-daang aktibista at mamamahayag; at ang pinakahuli sa lahat ay ang masaker sa Maguindanao. Lahat ng ito’y nangyari sa panahon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Dagdag pa riyan ang demolisyon at sapilitang relokasyon ng mga maralita na itinatapon mula sa danger zone tungo sa death zone, kasama na rito ang panununog ng mga bahay ng maralita para tiyaking mapaalis sila sa kinatitirikan nilang bahay, tulad ng nangyari kamakailan sa Santolan, Pasig, na ikinawala ng may 30 kabahayang target ng demolisyon. Sa kabila ng kaunlaran, hindi pa rin nakakakain ng sapat ang milyon-milyong tao sa mundo, at marami ang namamatay sa gutom. Nang dahil sa kahirapan sa gitna ng kaunlaran, marami ang nagbebenta ng kanilang katawan upang mabuhay, napakaraming nangungurakot sa kaban ng bayan, napakaraming tiwaling pulitikong ang serbisyo ay ginawang negosyo, naglipana pa rin ang mga ganid na trapo sa gobyerno. Hindi na dapat pagtiwalaan pa ang sistemang kapitalismong nakaharap sa atin ngayon.

Ang mga manggagawa ay kapwa tao natin, ngunit sila'y napakababa ng sahod at karamihan ay sapilitang tinatanggalan ng trabaho dahil sa salot na kontraktwalisasyon at globalisasyon. Ang mga maralita ay kapwa tao natin, ngunit sila'y dinedemolis at itinutulak sila sa sapilitang relokasyon mula danger zone tungo sa death zone. Ang mga magsasaka’y kapwa tao natin ngunit silang gumagawa ng pagkain ang kadalasang walang makain.

Hindi tayo papayag na ang ganito'y manatili. Nais natin ng pagbabago. Nais natin ng lipunang gumagalang sa karapatang pantao, lipunang pinangangalagaan ang lahat ng mamamayan sa usapin ng mga karapatan sa pabahay, trabaho, pagkain, kalusugan, edukasyon, makataong pamumuhay.

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang lahat ng may kagagawan ng mga mapanligalig na mga pangyayaring unti-unting kumikitil sa ating dignidad bilang tao. Dapat tayong kumilos na tangan sa dibdib at puso ang adhika ng pagbabago, pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran, karapatang pantao, sosyalismo!

Sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, isigaw natin: “Gloria, Resign!” “Gloria, alis diyan!”

Hindi tayo titigil hangga't di naipagwawagi ang isang lipunan at sistemang makatao, kung saan pangunahin ang kapakanan ng kapwa tao at hindi ng tubo. Patuloy tayong makibaka hanggang sa tagumpay!

Pandaigdigang Pagdiriwang ng Karapatang Pantao

Pandaigdigang Pagdiriwang ng Karapatang Pantao
ni Ding B. Manuel, KPML Child’s Rights Advocates

Tuwing ika-10 ng Disyembre ipinagdiriwang ng “Pandaigdigang Karapatang Pantao”. Ito ay ginugunita bilang pagkilala sa mga karapatan ng bawat nilalang na ang bawat isa ay may karapatan sa mga bagay-bagay at dapat igalang ng mga mapang-abuso at di makatwirang paglapasangan sa isang indibidwal. Ang lahat ng indibidwal ay may karapatan. Maging ang mga bata, matanda, kabataan at mga biktima ng pang-aabuso at karahasan.

Ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Karapatang-Pantao ay idineklara ng United Nations (UN) General Assembly bilang paggalang sa bawat karapatan ng tao noong Disyembre 10, 1948. Ang layunin ng deklarasyong ito ay para ipalaganap at hikayatin na magkaroon ng respeto para sa karapatang pantao at batayang kasarinlan. Ito ay pagpapahayag ng personal, sibil, politikal, sosyal at kultural na karapatan ng bawat isa at ito ay pagkakaroon ng moralidad, kaayusan at pangkalahatang kagalingan.

KARAPATAN NG BAWAT BATANG FILIPINO
1. Maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyunalidad
2. Magkaroon ng tirahan at pamilyang mag-aaruga sa kanya.
3. Manirahan sa isang mapayapa at matahimik na pamayanan.
4. Magkaroon ng sapat na pagkain, malusog at aktibong katawan.
5. Mabigyan ng sapat na edukasyon at mapaunlad ang kanyang kakayahan.
6. Mabigyan ng pagkakataong makapaglaro at makapaglibang.
7. Mabigyan ng proteksyon laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan.
8. Maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan.
9. Makapagpahayag ng sariling pananaw.

Himlayan ng Maralita - ni Ding B. Manuel

Himlayan ng Maralita
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Dito
Nakahimlay
Ang mga kabahayang
Inalsan ng mga bibig, mata
Paa, kamay
Upang bigyan-daan
Ang panapal
Sa bawa kilometrong
Daraanan ng mga de-gulong
At sa bawat limpak
Na pampakapal sa bulsa.
Dahil walang puwang
Sa ngalan ng kaunlaran
Ang lipon ng mga guhuing
Kabahayan nakakaiirita
Sa mga matang-bulag.
Subalit,
Sa himlayan ring ito
Muling mabubuhay
ang mga kaluluwang
bunuklod ng panaghoy, dalit,
sigaw, galit
upang ipaglaban
ang dangal nila’t
karapatan.

Kariton - ni Ding B. Manuel

Kariton
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Gumugulong
Ang tagpi-tagping
Buhay
Ng basurang humihinga,
Nakikipaghabulan
Sa agos ng sanga-sangang
Kaligaligan
Nakikipagbuno
Sa alon ng walang katiyakang
Daluyong.

Minsang hihinga,
Madalas ay hindi,
Subalit patuloy
Sa paggulong
Upang sa paglatag
Ng karimlan
Ay maging himlayan
Ng napatang basahan.

Biyernes, Disyembre 4, 2009

Med Ad - ALMA-SANTOLAN martsa

ALMA-SANTOLAN
ALYANSA NG MGA MAGKAKAPITBAHAY SA TABING-ILOG NG SANTOLAN
Santolan, Pasig City


MEDIA ADVISORY
Disyembre 4, 2009

HUWAG KAMING ITAPON
MULA DANGER ZONE TUNGO SA DEATH ZONE!


ANO: Martsa ng Maralita Laban sa Demolisyon

SAAN: Mula Santolan, Pasig hanggang Pasig City Hall
magsisimula sa Santo Tomas Villanueva Parish Church,
Evangelista St., Santolan, Pasig

KAILAN: Disyembre 4, 2009, Biyernes, simula 2pm

Magmamartsa ang mga maralitang apektado ng demolisyon mula Santolan, Pasig tungo sa Pasig City Hall upang ipanawagan sa mga mamamayan ng Pasig at sa pamahalaang lokal ng Pasig na ayaw nilang ilipat sila sa death zone mula sa danger zone nang wala silang malinaw na pinanghahawakan upang matiyak ang kanilang kasiguraduhan sa paninirahan.

Pangunahing magmamartsa patungong Pasig City Hall ang Alyansa ng mga Magkakapitbahay sa Tabing Ilog ng Santolan, Pasig (ALMA-SANTOLAN), kasama ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), Partido Lakas ng Masa-Pasig chapter (PLM-Pasig), at mga residente sa palibot ng Manggahan Floodway.