ANG ADMINISTRASYONG P-NOY AT ANG MARALITA
Discussion Paper para sa pulong ng
National Council of Leaders (NCL) ng KPML
1. Panibagong yugto ang pinasok ng maralita matapos ang unang automated election noong Mayo 10, 2010. Sa unang automated election, mabilis na nalaman ng mamamayan ang resulta kumpara sa mga nakaraang eleksyon na umaabot ng 2-3 linggo bago malaman kung sino ang nanalo. Bagamat laganap pa rin ang dayaan, bilihan, karahasan at pananakop sa kampanyahan, naging credible pa rin sa malawak na mamamayan ang resulta ng halalan na may rata ng partisipasyon na pitumpu't limang bahagdan (75%), ayon sa Comelec, at dahil na rin sa bilis ng resulta. Naunang ipinroklama ang 12 senador at noong Hunyo 9, 2010 ay nanalo si Noynoy Aquino bilang pangulo at si Jejomar Binay bilang pangalawang pangulo.
2. Ang panalo ni Noynoy (15.2 milyong boto) sa nakaraang halalan ay utang niya sa suporta ng malalaking kapitalista, lokal na negosyante at sa mga dayuhang interes na umalalay at sumuporta sa kanyang diktadura kahit walang maningning na track record bilang mambabatas si Noynoy.
Naging mabisa at umakit sa masa ang panawagang kung walang korap, walang mahirap dahil sa naging karanasan ng mamamayan sa administrasyong Gloria Arroyo na batbat ng korapsyon at mga anomalya. Si Noynoy ang kumabig sa malaking bahagi ng botong anti-Arroyo at kumatawan sa sentimyento ng masa ng sambayanan laban sa siyam na taon ng korap na administrasyon ni Gng. Arroyo.
Sinuportahan ng US, mga dayuhang kapitalista at lokal na negosyante (MBC) ang kandidatura ni Noynoy. Naging palatandaan na si Noynoy ang manok ng US nang magingcover siya ng Time magazine. Napondohan ang kampanya ni Noynoy at pumanig ang INC na naoong 2-3 linggo bago ang eleksyon ay makiling kay Manny Villar. Nahati ang boto ng masa kina Noynoy at Erap.
3. Kapansin-pansing nagtiwala pa rin ang malaking bahagi ng masang Pilipino kay Erap (9.4 milyong boto) na pumangalawa sa bilangan at naungusan ang magastos sa ad na si Manny Villar (4 milyong boto) na sang-ayon sa mga nakaraang survey ay mahigpit na kalaban ni Noynoy dahil sa laki ng pondong ginastos sa eleksyon, sa mga TV at radio advertisement, pagkabig sa mga pulitiko na kapartido ni Gloria Arroyo, paggamit sa mga bata sa kanyang mga political jingle ("Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura") na pangkabig sa masa na siya umano'y nanggaling sa buhay mahirap, na nagpakilala sa kanya sa masang naghihirap at galit sa administrasyon ni Gloria Arroyo.
4. Ngunit nang mailantad si Villar ng mga iskandalo at anomalya, tulad ng "C5 at Taga" at PSE, ay gumuho ang kanyang nilikhang imahe sa masa na siya'y malinis na oposisyon at makalulutas sa kahirapan ng masang naliligo sa dagat ng basura. Malaking epekto rin ang pinalaganap na "Villaroyo" na hindi epektibong ng kampo ni Villar. Ang pagkabulgar ng mga kasinungalingan ni Villar ay bumalik na parang boomerang at naging malaking dagok sa umaangat na kampanya ni Villar-Legarda.
Ang mga kandidatong tukoy na sagadsagaring maka-Arroyo ay nilaglag ng mga botante. Pinatunayan nito ang sentimyento ng masa laban sa administrasyong GMA na 9 na taong nagpahirap sa masa. Kiss of death ang dumapo at nangyari kay Gibo (3 milyong boto), na nagiba sa pagiging kandidato ni GMA. Bukod dito ay nagreklamo na gipit sa pondo ang kampanya ni Gibo at may mga lokal na opisyal na kadikit ni GMA na lumipat kay Noynoy tulad ni Joey Salceda ng Albay at mga Garcia ng Cebu naman ay napabalitang sumuporta kay Villar. Sa madaling salita nabiyak ang Lakas Kampi CMD at hindi naging mapagpasya sa kampanya ni Gibo na ang inaasahan na magdadala ay ang mga lokal na opisyal ng gobyerno na myembro ng Partido Lakas-Kampi CMD.
5. Sa pagluklok kay Noynoy Aquino, ano ang posibleng maging patakaran nito? Ipagpapatuloy ba nito ang mga patakaran ng administrasyong GMA? O uugit ng sariling landas batay sa kanyang panawagang laban sa korapsyyon? Sa mas malamang dahil sa kanyang uring kinabibilangan, ang uring hasendero, ang mga patakarang aasahan ay ang pangangayupapa pa rin sa interes ng naghaharing uri at sa mga dayuhang interes, sa interes ng kapitalistang globalisasyon.
6. Lumilitaw na ang mga posibleng papasok sa gabinete ni Noynoy. At ito’y ang mga lumang pulitiko at mga datihang burukrata na papalit sa gabinete ni GMA at magpapatakbo ng pamahalaan. Nagsimula na ang balyahan para makuha ang mga juicy positions. Mga posisyong pinagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi mula sa katiwalian.
7. Walang matitibay na ebidensyang pinanghahawakan ang mga nag-aakusa ng electronic cheating, tulad nina "Koala Bear", Koala boy, at mga natalong kandidato tulad nina Mike Defensor, Barbers, Susano, Lazaro, atbp. na may naganap na dayaan sa pamamagitan ng automated election cheating gamit ang pcos machine at compact flash cards. Kakailanganin pa natin ng mas malalim na pag-aaral para patunayan ang naganap na dayaan. Mismong si Mar Roxas na tinalo ni Binay sa pagka-VP ay kinuwestyon pa ang null votes (2M) at walang malinaw na tindig sa suspetsang malaganap na electronic cheating. Ang dayaan na malinaw na naobserbahan ay ang malaganap na bilihan ng boto na umaabot ng libong piso, ang tradisyunal na paraan ng pandaraya.
Bagamat sa pahayag ng PCS (Phil Computer Society), ang electronic cheating ay posible dahil sa hindi na nasunod ang mga technical requirements kasama ang security features tulad ng digital signatures, ultra violet security sensor, etc. Anila, na-mismanaged ng Comelec ang unang automated election sa bansa dahil sa hindi nasunod ang panahong kailangan para magawa ang preparasyon; testing ng pcos, compact flash cards, ATBP.
8. Ang ating paninindigan sa Bagong Administrasyong Aquino
Ang islogang "kung walang korap, walang mahirap", "dadalhin tayo sa tuwid na daan" at "kayo ang aking lakas" ang mga islogan na maaari nating maging lubid na pambigti sa rehimeng Aquino. Ang mga islogang ito ang nagbigay pag-asa sa mamamayan at nagdeliber ng milyon-milyong boto kay Noynoy. Madaling sabihin ang mga islogang ito ngunit mahirap gawin at ipatupad batay na rin sa uring pinagmulan at sa naging karanasan ng mga manggagawa at magbubukid ng Hasyenda Luisita na pag-aari ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
Magiging masalimuot ang pagiging pangulo ni Noynoy. Malaking bilang ng mamamayan ang umasa sa kanyang mga pangako ngunit kaalinsabay nito ay ang pagbabayad ng kanyang pampulitikang pagkakautang sa malalaking kapitalista't dayuhang interes tulad ng US na walang dudang may malaking tulong (lohistika at propaganda) sa kanyang kandidatura para masungkit ang panguluhan.
ANG ATING PAGKILOSHamunin si Noynoy sa islogang kanyang ibinandila sa masa kung walang korap ay walang mahirap, kung tunay na hindi magiging korap ang kanyang rehimen at dadalhin tayo sa tuwid na daan at kikilalanin niya at aasahan na ang taumbayan ang kanyang lakas.
Ang taktikang "Subukan at Hamunin si Noynoy" ay naglalayon na ilantad ang tunay na kulay ng administrasyong Aquino. Ang mismong magiging tugon ni Noynoy sa mga kahilingan ng masa ang maglalantad ng katangian ng kanyang administrasyon na tiyak nating pabor sa naghaharing uring kanyang kinabibilangan at sa interes ng kapitalistang globalisasyon na binabayo ng krisis.
Sa taktikang ito maghaharap tayo ng mga kongkretong kahilingan, ng mga problema ng masang manggagawa at ng mamamayan, sa rehimeng Aquino, tulad ng sumusunod:
1. Ipagbawal ang pwersahan at marahas na demolisyon, padlocking at ebiksyon sa mga maralita ng lunsod
2. Moratoryum sa demolisyon at bayarin
3. Re-oryentasyon sa mga programa, proyekto at mga patakaran hinggil sa pabahay ng maralita
4. Ipawalang-bisa ang mga batas at patakaran na kontra-maralita
5. Parusahan ang sinumang tauhan ng gobyerno na napatunayang sangkot sa paglabag sa karapatang pantao ng mga maralita
6. Isabatas ang Magna Carta of the Urban Poor
7. Buwagin ang mga ahensyang walang silbi sa kapakanan ng maralita
8. Irebisa ang mga imprastrakturang proyektong nakakaapekto sa maralita
9. Garantiyahan ang social cost, di lang ang project cost, sa lahat ng proyektong apektado ang maralita
10. Integrado, komprehensibo at tuloy-tuloy na programang pangmasa at sosyalisadong pabahay
11. Lagislated at sapat na pondong panustos sa mga programa at proyektong pangmasang pabahay ng maralita at mga batayang serbisyo
12. Maglaan ng "endowment fund" para sa mga programang pangkabuhayan at pagsasanay para sa mga maralita
13. Tiyakin ang distribusyon ng murang bilihin at konsumo sa mga komunidad at relokasyon ng mga pamilyang maralita
14. Kilalanin ang karapatan ng maralita sa paglahok sa lahat ng aspeto ng proyekto, programa at batas na nakakaapekto sa maralita
15. Pagtitiyak ng trabahong regular, at hindi kontraktwal, sa mga maralita
Kung maisasagawa ang mga ito, tumatahak tayong maralita sa tuwid na landas na sinasabi ni P-Noy. Alam nating hindi simple, kundi daraan ito sa maraming proseso. Ngunit ang pagkilala rito ni P-Noy at pagsasagawa ng plano at programa hanggang pagpapatupad ng mga ito ay malaking bagay na para sa ating mga maralita.
Gayunman, mas tamang kumilos tayo at hamunin si P-Noy na gawin ang mga nararapat para sa ating maralita, pagkat sabi nga niya, “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo.” Kung hindi, ang pagbabagong sinasabi niya ay pambobola lang pala.
Kailangan nating magsuri, magkaisa at patuloy na makibaka upang ilantad ang tunay na katangian ng bagong administrasyong Aquino at pagtataguyod nito sa mga patakaran at sistemang nagpapahirap sa tulad nating maralita at sa sambayanan. Ihanda natin ang kapasidad ng maralita sa darating na malalaking labanan.
Kaya sikapin nating mapakilos ang malapad na kilusan ng maralitang lunsod. Maaaring magkaanyo ito sa kongkreto na mga petisyon, delegasyon at mga paghahayag ng mga kahilingan ng masa at hahantong sa malawakang labanan para singilin ang bagong administrasyon.