POSITION PAPER
Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association
Brgy. Mariana, New Manila, Lunsod ng Quezon
Ang Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association ang samahan ng mga residente ng 6th St. at 7th St., sa Brgy. Mariana, New Manila, Lunsod ng Quezon, na may kasapiang nasa 130 pamilya.
Anim na dekada nang naninirahan dito ang aming mga ninuno, lolo, lola, nanay, tatay. Dito na kami isinilang, lumaki, natuto, nakapagpamilya, nagkaanak, nagkaapo. Dito na namin binuo ang aming mga pangarap para sa isang magandang bukas. Dito na kami mapayapang nanirahan at nagtayo ng aming mga tahanan. Ngunit ang kapayapaang ito ay biglang nagulo dahil sa pagdating ng marahas na demolisyon.
Noong Agosto 11, 2010 nag-umpisa ang demolisyon. Nakikipag-negosasyon pa ang maralita sa pamamagitan nina dating bise-presidente Teofisto Guingona at Sandy Benggala, pangulo ng Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association (BSSNA) dito sa Brgy. Mariana na may kasapiang humigit-kumulang 150 pamilya, at nakabarikada naman ang mga maralita sa 7th St., corner Broadway St., sa Brgy. Mariana, Quezon City nang biglang pumasok ang mga naka-truncheon na pulis sa hanay ng maralita. Dinepensahan ng mga maralita ang kanilang barikada, habang umabante naman ang mga pulis. Nasa likod ang mga demolition team na pawang naka-t-shirt ng green na may tatak na RTC. Bagamat matindi ang pagdepensa at pagkakapit-bisig ng mga maralita, biglang pumasok sa gitna ang 2 SWAT members na nakatutok ang kanilang mga armalite sa mga tao.
Ganito rin ang naganap noong Agosto 12. Nanguna ang dapat sana'y peacekeeping lamang na mga pulis sa pagdurog sa barikada. Nakatutok ang mga baril sa mga residente habang nagpapaputok ng mga armalite sa ere. Kailangan pa nilang tutukan kami ng mga mahahabang baril para itaboy kaming parang hayop sa lansangan. Kasalanan ba nating maging mahirap? Krimen na ba ang maging biktima ng kahirapan? Kami'y karaniwang mamamayan, hindi mga kriminal! Ganito ang ginagawa sa amin ng mga mangangamkam ng lupang kinatitirikan ng aming tahanan. Mga nag-aangkin ng lupang bigla na lamang sumulpot sa mahabang panahon naming paninirahan dito. Kami'y mga maralitang hindi dapat iskwater sa sariling bayan. Kami'y mga Pilipinong may dangal ngunit pilit niyuyurakan ng mga mangangamkam ng lupa.
Agosto 13 ang iskedyul ng hearing sa RTC ngunit di natuloy dahil di dumalo ang abogado ni Felino Neri, ang umano'y nais mangamkam ng lupa ng mga residente. Sinabi pa ng sheriff sa telebisyon nitong Biyernes na patuloy silang magdedemolis kinabukasan gayong nasasaad sa batas, sa Seksyon 28 ng Republic Act 7279 (Urban Development and Housing Act, Lina Law) na bawal magdemolis ng Sabado, Linggo, pista opisyal at kung masama ang panahon. Ang mga sumunod na araw pa'y lalong nagdulot sa amin ng ibayong pangamba, bagamat matibay ang aming loob at nagkakaisang ipagtanggol ang aming mga karapatang ibig nilang agawin sa amin.
Agosto 17 ng gabi, tahimik na kumakain ang ilang pamilya sa amin nang biglang bulabugin ng mga gwardya sa kalapit na lote. Ayon sa mga saksi, tinatakot nila ang mga residenteng nais nilang palayasin sa lugar ng mayayaman. Mga residenteng nais itaboy na parang hayop sa lansangan dahil pawang mahihirap, pawang karaniwang tao, simpleng manggagawa na may simpleng pamilya, simpleng pamilyang may simpleng pangarap.
Sa ngayon, hindi kami naniniwalang isang nagngangalang Felino Neri ang siyang tunay na may-ari ng lupa.
Ang aming mga kahilingan:1. Itigil ang Demolisyon! Itigil ang pagwasak nila sa ating kinabukasan! Magkaroon ng status quo upang magsagawa ng negosasyon sa mga kinauukulang ahensya, kinatawan ng lokal na pamahalaan, at maging sa pangulo
2. On site / land sharing
3. Magsagawa ng imbestigasyon / inquiry ang Committee on Housing ng Quezon City Council at ang Commission on Human Rights (CHR)
Dignidad at Pagkatao. Ito ang katumbas ng ating tahanan, ng ating paninirahan ng matagal na panahon sa lugar na ating kinamulatan at kinalakhan. Nang isinilang na ang bawat isa sa atin ay may karapatan na tayong magkaroon ng tahanan upang mabuhay tayo't kilalanin bilang taong may dignidad. Kaya pag tinanggalan tayo ng tahanan, tayo’y agad nagagalit dahil tinatanggalan tayo ng dignidad at ng ating pagkatao. Subukan kaya nating tanggalan din ng tahanan ang mga sheriff, mga pulitiko, mga demolition teams, at iba pa, para maunawaan nila kung gaano kasakit ang mawalan ng tahanan.
May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.
1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;
2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);
3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;
4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;
5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;
6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;
7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.
Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hingil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."
Inaasahan naming ang aming karaingan ay dinggin at ang mga kahilingang ito ng maralita para sa aming karapatan sa paninirahan ay aming makamit at agad maisakatuparan upang magkaroon kami at ang aming mga pamilya ng katiwasayan sa aming puso't isipan. Huwag nating hayaang may magbuwis pa ng buhay kaya dapat tumulong ang mga ahensya sa problemang ito. Marami pong salamat.
Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association
Agosto 18, 2010