4Ps ni P-Noy:
Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!
Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!
Usap-usapan ngayon sa balita ang namumuong pagkwestyon at pagtutol ng ilang kongresista kabilang and kinasusukalaman nating dating pangulo na si GMA sa sentral na programa ng gobyerno ni P-Noy para iahon ang sambayanang Pilipino sa patuloy na lumalalang kahirapan sa ating bansa.
Ito ang P21.9 bilyong pisong panibagong utang ng Pilipinas sa dambuhalang bangkong Asian Development Bank o ADB na kontrolado ng mga bansang gaya ng Japan at South Korea para sa paglago ng kanilang mga negosyo sa buong Asya. Ang halagang ito ay gagamitin ng gobyerno para pondohan ang kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Ang 4Ps ay sinimulan noong 2008 nung si GMA pa ang pangulo, ngunit ipagpapatuloy ito ni P-Noy matapos aprubahan ng ADB ang panibagong pondo para sa programang nabanggit. Ang halagang P21.9 bilyong piso ay gagamitin para ipamigay sa piling-piling mga pamilyang maralita na may kaakibat na mga kundisyones na itatakda ng DSWD.
Ngunit gaya ng lahat ng utang, mataas ang interes nito. Ang pambayad ng utang ng gobyerno natin ay magmumula rin naman sa buwis na kinakaltas sa atin ng gobyerno gaya ng E-VAT, atbp. Bagkus, nangangahulugan ito na pinagtutubuan pa ng ADB ang kahirapan ng sambayanang Pilipino. Kung ang buong sambayanang Pilipino ang magbabayad ng pagkakautang na ito, makikinabang rin nga ba talaga ang lahat ng maralitang Pilipino dito? Hindi. Mula 2008 nang sinimulan ang programa sa panahon ni GMA, anim na libong pamilya pa lang ang nakinabang dito habang hindi bababa sa 35 milyong mga kababayan natin ang nabubuhay ng mababa pa sa P50 kada araw ang kinikita. Halatang-halatang inutil at walang saysay ang mga programang kontra kahirapan ng mga gobyernong nagdaan at ng kasalukuyan. Mas malamang sa hindi ang malaking bulto pa ng mga pondong nagmumula sa mga bangkong gaya ng ADB ay binubulsa lamang ng mga walang kakupas-kupas na korap na opisyales ng ating gobyerno.
Gaya ng inaasahan, hindi nalalayo ang mga patakaran sa ekonomya at pulitika ni P-Noy sa nauna sa kanyang si GMA. Kung minana lang ni P-Noy ang mga problemang iniwan ni GMA, kinopya niya rin ang mapagsamantala’t mapanupil sa balangkas ng paggugubyerno na dinikta ng malalaking korporasyon at mayayamang bansa. Pangunahin na dito ang pagsisiguro na tuloy-tuloy na makapagbabayad ang Pilipinas ng utang sa mga internasyunal at lokal na bangkong pinagkakautangan nito. Tapat na sinusunod ng Pilipinas ang lahat ng kasunduan nito sa mga pinagkakautangan nito sukdulang tipirin o tanggalan ng badyet ang mga panlipunang serbisyo gaya ng edukasyon, pabahay at kalusugan. Ngayong 2010, umaabot sa P357.09 bilyong piso (interes pa lang) o 21% ng buong badyet ang inilaan ni P-Noy para sa pambayad-utang. Habang ang panlipunang serbisyo ay patuloy na inaasa sa mga pribadong kumpanya para kanilang pagtubuan ang mga batayang pangangailangan natin gaya ng tubig, kuryente, edukasyon atbp.
Hinding-hindi tayo dapat magpalinlang sa programa at sa mismong gobyerno na aabutan lang ng barya ang iilan sa atin habang patuloy na ipagmamalaki na tayo pa rin ang kanyang boss. Nanatiling walang disente at kongkretong programa’t solusyon si P-Noy na tugon sa krisis sa pabahay, pagkain, edukasyon at kabuhayan. Ang puro papoging administrasyong P-Noy ay malinaw na kumikilala lamang sa mga kapitalista’t asenderong tumulong sa kanya nuong kampanya at hindi na nilingon ang mas malawak na masang bumoto sa kanya noong eleksyon.
Badyet pambayad-utang, ilaan sa serbisyong panlipunan!
Singilin ang mapagpanggap na P-Noy!
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng mga Lunsod
Zone One Tondo Organization
PIGLAS-Kabataan
Zone One Tondo Organization
PIGLAS-Kabataan