Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pandepensa sa niyuyurakan nilang pagkatao at dignidad. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "Sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang po kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban, tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Wala itong pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang alam lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil walang trabaho roon at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi kinakausap nang maayos ang mga maralita nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat usapin ng maralita, dapat tandaang magkasama lagi ang kanilang tatlong mahahalagang usapin - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay, pinalayas pa, inilayo pa sa trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya tiyak na lalong gutom at kahirapan ang inaabot ng mga maralitang pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city housing dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na sa market value nakabatay ang halaga ng pabahay, dapat ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad. Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, dalawang libong piso (P2,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P200 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Kinikilala pa ba ng kasalukuyang lipunan na ang mga maralita’y mga tao ring tulad nila? Kung laging etsapwera ang maralita, nararapat lamang magkaisa sila’t lumaban at tuluyan nang baguhin ang mapang-aping lipunang ito. Dapat magkaisa ang lahat ng maralita bilang iisang uri at lusawin na ang konseptong demolisyon at relokasyon!

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang magkakasakitan, masasaktan din ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatang mabuhay ng may dignidad.