Pahayag ng grupong Maso at Panitik sa ika-25 anibersaryo ng KPML
Disyembre 18, 2011
mula sa http://masoatpanitik.blogspot.com/2011/12/pahayag-sa-ika-25-anibersaryo-ng-kpml.html
Nagpupugay ang sosyalistang grupong pampanitikang Maso at Panitik sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ngayong Disyembre 18. Isa itong okasyon ng pagdiriwang at pagninilay sa pakikibaka, tagumpay, kabiguan at pagpapatuloy ng KPML, bilang sosyalistang sentro ng maralita, sa nakaraang dalawampu't limang taon. Isang kasaysayan ng pagpapatuloy sa hanay ng maralitang nakikibaka laban sa lupit ng demolisyon, laban sa kahirapan, laban sa bulok na sistema. Isang kasaysayang dapat magsilbing inspirasyon bagamat patuloy na naghihirap ang maralita, patuloy ang mga demolisyon ng kabahayan sa kalunsuran, patuloy ang pagpapatapon sa maralita sa mga relokasyong malayo sa kanilang trabaho.
Mula nang isilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, patuloy itong nakibaka para makamit ng mga maralita ang kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Marami nang lider-maralita ang nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng maralita. Nariyan si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay habang nakikipagdebate sa loob ng Senado para ipagtanggol ang kapakanan ng maralita laban sa demolisyon. Nariyan ang ipanalo ng KPML ang iba't ibang isyu laban sa demolisyon, tulad ng tagumpay ng mga maralita sa Sitio Mendez.
Nariyan ang pakikibaka laban sa paglaganap ng HIV at AIDS, kampanya laban sa child labor at kontraktwalisasyon, kampanya para sa pabahay at karapatang pantao. Nariyan ang patuloy na pagkilos sa parlyamento ng lansangan upang ipaglaban ang karapatan ng maralita sa paninirahan at iba pang isyung pulitikal, at ipakita ang pakikiisa at pagdamay sa laban ng iba’t ibang aping sektor ng lipunan, tulad ng manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan. Nariyan ang mga lider-maralita at kasapian nitong nananatiling matatag at hindi tumitigil sa kanilang pakikibaka upang ipalaganap ang sosyalistang adhikain ng organisasyon, buhay man ang ialay. Marami mang sakripisyo ang pinagdaanan ng KPML, nananatili itong matatag sa anumang unos na dumatal sa organisasyon.
Ang KPML bilang sosyalistang organisasyon ng maralita ay dapat magpatuloy at huwag panghinaan, sa gitna man tayo ng delubyo ng globalisasyon, sa ilalim man tayo ng bulok na sistemang kapitalismo, dapat magpatuloy ang mga maralita at higpitan ang pagkakaisa tungo sa pagkakamit ng kanilang bisyon, misyon at layuning nakaukit sa kanilang programa, plataporma at saligang batas hanggang sa tagumpay.
Patuloy tayong makibaka. Patuloy nating hawanin ang landas tungo sa adhikain nating lipunan. Kaya sa okasyong ito, isang pagpupugay para sa mga lider at kasapi ng KPML. Tuloy ang laban tungo sa pagkakamit ng sosyalismo, tungo sa lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, tungo sa lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng kahirapan.
Mabuhay ang KPML! Mabuhay ang sosyalistang sentro ng maralita!