Lunes, Enero 16, 2012

Karahasan sa Demolisyon sa Jose Corazon de Jesus

KARAHASAN SA DEMOLISYON SA JOSE CORAZON DE JESUS

ni Greg Bituin Jr.


Ang naganap na demolisyon sa Brgy. Jose Corazon de Jesus sa San Juan noong Enero 11 ay sadyang kalunos-lunos. Ngunit kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ay nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Nagkabatuhan, nagkasakitan, nawalan ng tahanan ang mga pamilya, nawalan ng matutulugan ang kanilang mga anak, nasa tatlumpung katao ang hinuli ng pulis dahil sa pagdepensa sa kanilang bahay.


Para silang mga dagang itatapon sa relokasyon sa Montalban, Rizal; isang relokasyong malayo sa kanilang trabaho, isang relokasyong malayo sa paaralan ng kanilang mga anak, isang relokasyong ang totoong kahulugan ay dislokasyon ng kanilang buhay. Masakit sa mata ng mga naghaharing uring elitista ang mga maralita. Kaya nais ng mga itong itaboy na parang mga daga ang mga maralita. Tulad ng naganap sa Brgy. Mariana at North Triangle sa Quezon City, tulad ng demolisyon sa kanto ng Shaw Blvd., at 9 de Pebrero sa Mandaluyong, tulad ng demolisyon sa Laperal Compund sa Makati, at sa iba pang mga demolisyon sa kalunsuran, iisa ang padron: ang itaboy ang maralita sa kabundukan dahil etsapuwera sila sa kalunsuran.


Panahon nang magkaisa ang mga maralita upang labanan ang ganitong mga pasistang patakaran ng mga elitista. Hindi mga hayop ang mga maralita, kundi tao. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Sa paglilipatang relokasyon sa kanila, bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay, kahit pa sabihing binigyan sila ng tigsasampung libong piso (P10,000) bawat pamilya, na mumo lang kung ikukumpara sa limpak-limpak na tubo ng mga nais mag-okupa ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Balewala sa mga Ayala, Henry Sy, Araneta, Gozon, at iba pa ang barya-baryang ibinibigay nila sa maralita dahil kaya nila itong mabawi pag naitayo na nila ang kanilang negosyo sa pinagtanggalan sa mga maralita. Ngunit mahirap na nga ang maralita, ang ibinigay na bahay sa relokasyon ay di talaga bigay, dahil negosyo ang pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita.


Panahon nang magkaisa ang lahat ng maralita laban sa demolisyon. At dapat pag-aralan na rin ng maralita ang iba't ibang modelo ng pabahay sa iba't ibang bansa, tulad ng Cuba, na ang bayad sa bahay, kundi man libre, ay batay sa kakayanan ng maralita. Ibig sabihin, batay sa kinikita ng maralita at hindi batay sa dikta ng negosyo. Maraming mga modelo sa pabahay, ngunit marahil, kailangan pa ng maralita ang totoong mag-alsa laban sa sistemang kapitalismo, dahil ito ang pahirap sa kanila. Dahil ang karapatan sa pabahay ay negosyo ng iilang mayayaman, pabahay na hindi kayang bayaran ng mga maralitang kakarampot na lang ang kinikita, at kulang pa para sa kanilang pagkain sa araw-araw.


Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang kanyang ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan?


Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.