Lunes, Marso 12, 2012

KUMILOS para ibaba ang presyo ng LPG!

KUMILOS para ibaba ang presyo ng LPG!

KAPAG tumaas ang presyo ng langis, kadalasang kumikilos agad ang sektor ng transport - ang mga tsuper at operator. Alam kasi nilang direkta ang kabawasan nito sa kanilang kita.

Pero ang hindi napapansin, ang numero unong biktima nito ay tayo – mga ordinaryong Pilipino. Hindi lang dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil nagmahal ang transportasyon ng mga produkto.

Mas pa, dahil, bunga nito, agad ding tumataas ang presyo ng Liquefied Petroleum Gas o LPG – isang ordinaryong kasangkapang gamit ng milyon-milyon sa pagluluto. Sa madaling salita, ang oil price increase ay umaabot sa kusina at tumatagos sa ating mga sikmura!

Dahil may nagpoprotesta, ang presyo ng diesel at gasolina ay sumasabay sa presyo ng langis sa world market. ‘Yun nga lang, kapag tumaas ang presyo sa buong mundo, mabilis na sumusunod ang lokal na presyo. Kapag bumaba naman sa ibang bansa ay napakabagal kung sumunod ang mga presyo sa Pilipinas.

Pero mas malala ang LPG! Hindi ito gaya ng gasolina’t diesel na naipapasa ng tsuper/operator bilang dagdag pasahe o dagdag na transportation fee. Ito ay direktang gastusin ng taumbayan!

Hindi lang ‘yon. Tulad ng gasolina’t diesel, tumataas ang presyo ng LPG kapag tumaas ang langis sa pandaigdigang merkado. Pero hindi gaya ng ibang produktong petrolyo, ang LPG ay hindi sumasabay kapag bumaba ang world oil prices. Kaya ngayon, ang 11 kg. LPG ay nagkakahalagang P900-P1000!

Hamunin natin si PNoy. Kung matapang siya laban kay Corona at mga Arroyo, ilabas niya din ang kanyang tapang laban sa mga dambuhalang kompanya ng langis! Kontrolin niya ang presyo ng langis, lalo na ng LPG! Ating ipaglaban ang mga sumusunod na kahilingan:

1) Para sa Department of Trade and Industry (DTI): Ikategorya ang LPG bilang “basic commodity” o pangunahing bilihin para makontrol ng ahensya ang presyo nito. Bantayan ang presyo nito gaya ng pagbabantay ng DTI sa presyo ng asukal, sardinas, tinapay, arina, atbp.

2) Para sa Malakanyang: Ibasura ang Oil Deregulation Law. Kontrolin ang presyo ng langis. Sapagkat ang pagtaas nito ay may matinding epekto sa buhay ng milyon-milyong katao. Alisin ang VAT sa langis! Kayo na mismo ang umamin – noong 2011 – na bawat $1 pagtaas sa presyo ng krudo sa world market ay nangangahulugan ng dagdag na koleksyong P1 Bilyon mula sa VAT! Buwagin ang Oil Cartel at LPG Cartel.

3) Para sa LPGMA o Liquefied Petroleum Gas Marketers Association: Ibaba ang presyo ng LPG! Huwag kayong umastang maliliit na negosyante dahil bilyon-bilyon ang inyong puhunan.

4) Tanggalin sa Batasan si Cong. Arnel Ty ng LPGMA partylist. Ang LPGMA ay binubuo ng mga kompanyang nagbebenta ng LPG pero hindi sila maliliit na negosyante kundi mga kapitalistang may bilyon-bilyong puhunan. Sila ay hindi marginalized o inaaping sektor kung di sila mismo ang isa sa mga nang-aapi sa taumbayan.

Mga kapatid na manggagawa at maralita! Halina’t kumilos para ibaba ang presyo ng LPG. Lumahok sa mga protesta. Sumama sa mga pagkilos. Hindi magkukusa ang mga kapitalista – lalo na ang kanilang mga kauri sa gobyerno – na ibaba ang mga presyo dahil sila ang nakikinabang sa ating kahirapan! Ang ating kinabukasan ay nasa sarili nating kamay.

KPML – SM ZOTO – PK – PLM
Marso 12, 2012