Martes, Mayo 1, 2012

Polyeto sa Mayo Uno 2012


ANG MGA MARALITA'Y MANGGAGAWA RIN!
KAMALAYANG MAKAURI'Y PATALASIN!

Mga kapatid na maralita’t manggagawa sa komunidad, 

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno bawat taon. Kadalasan, hinihingi natin sa kapitalistang gobyerno ang pagkakaroon natin ng trabaho, pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin. Ngunit kadalasan din, hindi naman talaga pinagbibigyan ng pamahalaan ang kahilingan ng kanyang mamamayan. Ito'y dahil kapitalismo nga ang umiiral sa ating lipunan, at saklot nito ang buong bayan, kasama na ang pamahalaan ni PNoy. Kaya bakit hihingi tayo sa kapitalistang gobyerno, gayong kapitalismo nga ang kanilang pinaiiral, kapitalismong siyang dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang mga batayang karapatan tulad ng pabahay at kalusugan ay naging negosyo na! Patuloy na nananalasa ang salot na kontraktwalisasyon kaya walang katiyakan sa trabaho at di maging regular ang ating mga manggagawa. 

Marami sa ating mga maralita ang mga walang trabaho at isang-kahig, isang-tuka ang ating pamilya. Patuloy tayong nakikibaka sa araw-araw upang mabuhay. Bilang maralita, tayo'y manggagawa rin. Wala man tayo sa mga pabrika, nabubuhay rin tayo sa pagbebenta ng ating lakas-paggawa. Wala tayong pag-aaring kasangkapan sa produksyon. 

Totoo, nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at upang makaangkop tayo dito'y dapat taasan din ang ating sinasahod, pamahalin ang ating itinitinda, taasan ang pamasahe. Ngunit ang mas mahalaga, huwag nang itaas ang presyo ng mga bilihin. Subalit hindi ito gagawin ng gobyernong nakasuso sa mga kapitalista para mabuhay. 

Kailangang maibsan ang ating mga nararanasang kahirapan, kaya dinudulog natin sa pamahalaan ang ating mga suliranin dahil sila ang namumuno sa ating bayan. Ngunit hindi sapat na humingi lang tayo sa kapitalistang gobyerno ng ikaaalwan ng ating kabuhayan. Hindi tayo dapat mamalimos sa kanya na tulad ng pulubi, kundi dapat nga ay palitan natin ang gobyernong ito ng totoong naglilingkod sa sambayanan.

Ang dapat nating gawin ay putulin na ang ganitong tanikala ng pagkaalipin. Patuloy nating pag-aralan ang lipunan! Kailangang makilala natin ang ating sarili bilang isang uri, dahil ito ang unang larangan ng labanan, ang palayain ang kaisipan ng manggagawa mula sa bansot na kaisipang isinubo ng kapitalistang sistema sa buong bayan, sa buong daigdig. Sa madaling salita, hindi lamang dapat magkasya ang manggagawa sa isyu ng pagtaas ng sahod, pagwawagi ng living wage, at pagiging maayos ng kondisyon sa pabrika bilang mga sahurang alipin. Higit sa lahat, tayo'y dapat maging mulat-sa-uri na may layuning durugin ang katunggali nating uri, ang uring kapitalista, elitista, burgesya. 

Kaya ang sustansya ng lagi nating isinisigaw na "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya" ay kung mulat na tayo sa ating uring kinabibilangan – ang uring manggagawa. Ang makauring kamalayan ang ating armas sa pagbabago. Ito ang larangan natin tungo sa paglaya ng ating uri laban sa bulok na sistema.

Bilang mga mulat-sa-uri, ang dapat paghandaan natin ay ang pagtatayo ng isang lipunang ating ipapalit sa bulok at inuuod na sistemang kapitalismo, ang pagtatagumpay ng diktadurya ng uring manggagawa, hanggang sa maitayo ang ating nakatakdang lipunan, ang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, ang lipunang SOSYALISMO. Doon titiyakin natin na may pabahay para sa lahat, ang karapatan sa kalusugan at edukasyon ay tinatamasa ng lahat, ang katiyakan sa trabaho ay tiyak para sa lahat, dahil sa sosyalismo, papawiin natin ang pribadong pag-aaring siyang ugat ng ating kasalukuyang paghihirap. 

Wakasan ang salot na kapitalismo! Bawat hakbang natin patungong sosyalismo! 

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP-NCRR)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML-NCRR)
ZONE ONE TONDO ORGANIZATION (SM-ZOTO)
PIGLAS-KABATAAN (PK)
Mayo 1, 2012