Press Statement
Agosto 21, 2012
KPML NCRR
PATAKARANG PABAHAY NG GUBYERNO NI PNOY, ANTI-MARALITA AT MAKA-KAPITALISTA
Pnoy pwersahang idedemolis ang mga maralita sa Danger Zone ng NCR
Pwersahang idedemolis ng gubyerno ang mahigit sa 120,000 informal settlers o mga iskwater sa Kalakhang Maynila na tatangging aalis sa mga danger zone gaya ng tulay, estero, tabing-ilog at tabing-dagat na daluyan ng tubig. Kamakailan lamang halos 90% ng Metro Manila at ilang probinsiya sa Luzon ang lumubog dahil sa baha dulot ng ulang ”Habagat”. Pangunahing sinisisi ng gubyerno sa pagbabahang ito ay ang mga iskwater na nakatira sa mga daluyan ng tubig ngunit hindi nakikita ng gubyernong ito ang kakulangan sa programa sa pabahay ng mahihirap, hindi dapat sila ang sisihin. Samantalang hindi nakikita ng gubyerno ang sanhi ng pagbaha sa kalunsuran ay ang dulot ng basura na galing sa mga malalaking pabrika sa gilid ng mga ilog. Mahinang klase ng drainage system at di sapat ang kapasidad ng mga daluyan ng tubig. Ang patuloy ang pagpuputol ng puno sa kabundukan na sanhi ng pagguho ng mga bato at pagtabon ng putik sa mga daluyan ng tubig. Kakulangan sa kaalaman sa pagtatapon ng basura o waste management. Ang pagtatayo ng mga gusali o mall na nagdudulot ng pagliit ng mga daluyan ng mga tubig.
Tinalikuran na ni Pnoy ang pangakong in-city at on site development sa mga maralita. Hindi naman tayo tutol na maalis sa mga danger zone basta may ligtas, permanente, abot-kaya at may kumpletong serbisyo sa mga pook-relokasyon. Ngunit ang mga relokasyon na programa ng gubyerno ay malalayo, walang trabaho at kulang sa panlipunang serbisyo, kaya ang nangyayari sa mga linikas dito mula sa danger zone patungo sa mga death zone. Samantalang may P10 bilyong piso ang gubyerno taun-taon para sa relokasyon ng mga tao ngunit saan ito napupunta, may usapin pa ng mga cancellation ng lupa para sa di nakakabayad sa pook-relokasyon.
Sa kasalukuyan halos 700 pamilya ang nasa evacuation sa navotas at pagdami ng mga panibagong biktima ng kalamidad sa 11 evacuation center sa navotas ng hanggang ngayon ay wala pang relokasyon na inilaan sa kanila ng pamahalaang local ng Navotas.
Halos ang mga lupa sa kalunsuran at inilalaan sa mga kapitalista upang pagtayuan ng shopping mall, condominium, sports complex, call center hub, town houses at parks. Sa halip na serbisyong pabahay na pangunahin para sa maralita. Lubusan na ang pribatisasyon sa serbisyong pabahay at mga patakaran sa interes ng tubo, polisiyang cost recovery, cross subsidy, escalating scheme ng amortization kasama na ang foreign exchange rate para sa pagtitiyak ng return on investment at limpak-limpak na tubo sa esensya ng negosyong real estate ang programa ni Pnoy sa pabahay.
Kaya iginigiit ni Allan Dela Cruz, Tagapangulo ng KPML NCRR, sa gubyerno ni Pnoy “na magkaroon ng in-city at on site development o near city resettlement para sa proyektong pabahay, dapat ito ay may maayos, ligtas, permanente, abot-kayang halaga ng pagbabayad at may kumpletong panlipuang serbisyo. Atasan ni Pnoy ang mga local na pamahalaan sa NCR na maglaan ng pondo para sa mga aalising pamilya na nakatira sa danger zone na i-prayoridad ang programa para sa pabahay ng maralita”.
Katulad ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Paranaque na naglaan ng pondo para sa mahigit 1,000 pamilya na aalisin sa tabing-ilog at ito ay sa pamamaraang in-city relocation at huwag dalhin ang mga tao sa death zone na relokasyon.
Mga panawagan:
• “Pabahay ay Serbisyo hindi Negosyo”
• “Itigil at walang demolisyon” at “No to Cancelation on Rights
• “Ligtas, permanente, maayos, abot-kayang halaga ng lupa’t pabahay at kumpletong pasilidad sa pook-relokasyon”
• “In City, On Site, Near City Resettlement”
• Regular na trabaho sa maralita