Huwebes, Setyembre 6, 2012

Ang ating paninindigan laban sa patakaran ni Pnoy sa mga maralitang lungsod


Ang ating paninindigan laban sa patakaran ni Pnoy sa mga maralitang lungsod 

Pambungad: Nilalayon ng papel na makabuo ng posisyon laban sa pahayag ng gobyerno kaugnay ng deklarasyon nito na pag-demolis sa lahat ng mga kabahayan na nakatirik sa mga danger zones makaraan ang pananalasa ng bagyo at habagat. Nais ring buksan ng dokumento ang diskusyon sa anti-kapitalistang linya at pagsusuri sa puno’t dulo ng usapin ng maralitang lungsod. Ang isyu ng demolisyon, mapaminsalang kalamidad natural man o gawa ng tao, hanapbuhay, serbisyong panglipunan at ang mga polisiya ng gobyerno ay dapat makita sa balangkas ng mapagsamantalang kapitalistang sistema na kinakatawan ni Noynoy Aquino bilang Chairman of the Board at ng uring manggagawa na bumubuo sa hanay ng maralitang mamamayan. 

Sa proseso ng mga diskusyon ay inaasahang mapagyayaman pa ang nilalaman ng papel at makabuo ng higit pang talas sa pagdadala natin sa isyu ng maralita hindi bilang sektor kungdi bilang namumuong pwersa ng kilusang manggagawa sa yugto ng pagsusulong ng demokratikong pakikibakang hahawan sa landas patungong sosyalismo. 

Sa pananalasa ng mga kalamidad gaya ng mga nagdaan at paparating pang mga bagyo nakatagpo ang gobyerno ng kumbenyenteng palusot upang walisin lahat ang mga itinuturong dahilan ng pagbabara ng mga lagusan ng tubig na nagdulot ng mga matitinding pagbaha. At dahil dito, buong-yabang na idineklara ni Pnoy ang pwersahang pag-demolis sa mahigit sa 195,000 informal settlers o mga iskwater sa Metro Manila na tatangging aalis sa mga danger zone gaya ng tulay, estero, tabing-ilog at tabing-dagat na daluyan ng tubig. Ipapatupad din ang three (3) meter easement sa mga tabing ilog at creek na madadag-dag pa sa bilang ng mga mawawalan ng tirahan. 

Ang problema sa patuloy na pananalasa ng baha ay simplistikong tinitingnan ng gobyerno na dulot ng mga pasaway na mga maralitang naglulungga sa mga daluyan ng tubig. Tayo ang nakababara kaya dapat na tayo ang tanggalin. Ang nakikita ng gobyerno ay mga madudungis at mga baboy na mga iskwater na kung saan-saan nagtatapon ng kanilang mga basura habang pikit-mata ito sa mga naglalakihang gusaling nakahambalang mismo sa mga daanan ng tubig. Mga salaulang pabrika na nagtatapon ng mga mapaminsalang basura, walang-habas na pagmimina, pagka-kalbo ng kagubatan at iba pang mga kababuyan ng mga kapitalista sa paghahangad ng malaking tubo na lalo pang nagpapabilis sa pag-init ng daigdig o global warming. 

 Ang problema sa gobyerno, tayo lang ang kayang-kayang pagbuntunan ng lahat ng sisi sa mga pagbaha at hindi makita ang mga baradong programang pang-ekonomiya na hindi lumulutas sa patuloy na paglobo ng mga mahihirap na mamamayan na napipilitang manirahan sa kahit sa pinaka-mapanganib na lugar. Kung susuriin marami sa mga naninirahan sa mga danger zones ay mga maralitang galing na sa kung saan-saang relocation sites sa bansa. Marami ang nagsibalikang relocatees dahil sa kawalan ng hanap buhay sa mga pinagdalhan sa kanilang relocation areas. May mga napaalis din bunga ng bantang demolisyon at cancellation of rights dahil sa kawalan ng pera para sa mga bayarin sa mga relocation areas. 

Ang dapat makita at dapat aminin ng gobyerno ay ang palpak na ipinatutupad na polisiyang pang-ekonomiyang neo-liberal na patuloy na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan habang binabale-wala ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Ang dapat makita ng gobyerno ay ang nakatakdang paglobo pa ng bilang ng mga maralitang lungsod na titira sa kahit sa pinakamapanganib na lugar dahil sa kakulangan at kawalan ng hanapbuhay dahil ang programang pang-ekonomiya ay inilaan hindi sa mahihirap na mamamayan kungdi sa mga dayuhan at bilyonaryong iilan. 

Negosyo hindi serbisyo

Ang programang pabahay ay para pagkakitaan ng mayayaman hindi para sa serbisyong panglipunan. Walang libreng pabahay, walang libreng relokasyon. At dahil negosyo ang trato ang sinumang negosyante ay hindi aaktong pilantropo na ilalaan ang kanyang kapital sa negosyong walang hahamiging limpak-limpak na tubo. Ang dahilan kung ganun ng mga kabiguan ng programang pabahay ng kasalukuyan at ng mga nagdaang administrasyon ay ang patuloy na paghahangad ng mabilis na ganansyang iluluwal (tubo) buhat sa programa. Ang mga lupain na marapat na maging ligtas na lugar para sa tirahan ng mamamayan ay nakalaan lamang sa mga panginoong may kapital, ang tunay na Boss ni Aquino. 

Ilan sa mga halimbawa ng pagkasugapa ng gobyerno (ng kapitalista) sa tubo ay ang proyektong Quezon City Business District na sumasakop sa Old Capitol Site, Philcoa, Vasra (SRA), North Triangle, Veterans, NIA, Botanical, Forestry at kung saan-saang bahagi ng Lungsod na naging tahanan at matagal na pinagyaman ng mga mamamayan sa mahabang panahon. Itataboy ang mga residente kapalit ng pagtatayo ng mga shopping malls, matatayog na condominum, activity centers at iba pang mga gusaling magsisilbing show case ng isang ”maunlad na bansa” upang umakit pa ng mga dayuhang mamumuhunan. 

Itataboy tayo ng gobyerno dahil sa tingin nitong higit na ganansya sa negosyo ngunit sa mga pagtatapunang relokasyon ay hindi tayo ligtas sa matataas na bayaring obligado nating bayaran dahil pa rin sa cost recovery, cross subsidy at scalating scheme ng amortization ng negosyo pa rin na proyektong pabahay ng rehimeng Aquino. 

Ang karanasan sa Isla Puting Bato at Navotas

Hindi natin mababago sa kasalukuyan ang ngit-ngit ng kalikasan ganundin ang mga sakunang dulot ng mga aksidente at asahan pang maraming buhay pa ang kikitlin sa mga araw pang darating na pipinsala sa pinaka-bulnerableng seksyon ng lipunan. Ang masaklap, tayo na ang nasalanta tayo pa ang patuloy na pini-peste ng kawalang-puso ng gobyerno. Hindi kalabisang sabihing ipinagbubunyi pa yata ng gobyerno ang kapighatian ng maralitang nabiktima ng samut-saring kalamidad at sunog dahil nalibre ito sa pag-demolis sa mga tirahan.

Patunay dito ang karanasan ng mga maralita sa Isla Puting Bato sa Tundo na hindi na nakabalik sa lugar na kinatirikan dati ng kanilang kabahayan dahil itinaboy na sila ng PPA dahil sa modernisasyon at pagsasa-pribado sa nabanggit na lugar sa North Harbor. Ganito din ang istorya ng mga kasama natin sa mga nasalantang mga kapatid natin sa Navotas na matapos masunugan at bayuhin ng samut-saring bagyo at hanging habagat ay nananahan na lamang ngayon sa mga evacuation centers sa iba’t-ibang Barangay covered courts sa Lungsod at hindi na makabalik sa dati nilang tirahan. 

Ang mga karanasang nabanggit sa Navotas at Maynila ay ilan lang sa patunay na sa ”kamalasang” sinasapit ng mga residente ay klarong ”biyaya” sa mga kapitalistang titiba ng limpak-limpak na tubo sa mga binuksang oportunidad sa negosyo ng samut-saring mga kalamidad, gawa man ito ng tao o gawa ng kalikasan. Ang pagpapa-una sa interes ng negosyo bago ang serbisyo’t kalinga sa nagdarahop na mamamayan ay tatak ng isang gobyernong elitistang ang tingin sa mga maralita ay mga basurang dapat walisin. Anuman ang sapiting kalamidad, parang buwitreng nagmamatyag ang mga kapitalistang anumang oras na makakita ng oportunidad ay sasalakay at lalapa sa mga nakahandusay na biktima. Para sa gobyerno at kapitalista, anumang panahon lahat ay pagkakataon upang tumiba ng tubo. Business as usual. 

Hindi tayo magtataka kung may nananalangin na sana’y bumagyo pa nang sa ganun ay ma-itaboy ang mga nakahambalang at istorbo sa negosyong mga iskwater sa kahabaan ng R-10 sa Maynila hanggang sa mga kalsada at baybayin ng Navotas. 

Ang ating hamon sa gobyernong Aquino

May pondo daw na sampung bilyon ang administrasyon para sa relokasyon ng 195,000 na maralita na nasa danger zones. Pondo ito para sa relokasyon o yung proseso ng pagdi-demolis at paghakot mula sa mga demolition areas papuntang relocation sites. Ito ang ipinagyayabang ni Pnoy na solusyon sa problema ng mga maralita sa danger zones na syempre pa’y malabo pa sa tubig-baha na lulutas sa problemang binabanggit.

Subukan nilang gibain ang tirahan ng libo-libong maralitang lungsod na ayon sa gobyerno ay sanhi ng pagbaha at paglubog partikular sa Kalakhang Maynila. Saan tayo dadalhin ng hambog na administrasyong ito? Sa Kasiglahan Village na kumitil ng buhay ng mga residenteng inilipat duon ng pamahalaan makaraang sunugin at gibain ang kanilang kabahayan sa Lungsod ng Quezon? Ganito ba ang pinagmamalaki ng gobyernong relokasyon na nakatuntong pala sa mismong lagusan ng tubig ng San Mateo at ang mga ginawang pabahay ay yari sa mga mababang uri na materyales? Ang lakas ng loob ng gobyernong paratangan tayong mga matitigas ang ulong ayaw magsilikas o magsilayas sa ating mga barung-barong sa mga tinatawag nilang danger zones yun pala’y para lamang isadlak sa mga death zones. 

Nasa gobyerno ang lahat ng puwersa upang mapalayas tayo sa ating mga lungga. Ngunit wala ito sa katinuan na makita ang paulit-ulit nating sinasabi na kailanman ay hindi malulutas ang problema ng paninirahan ng mamamayan kung hindi nito matutugunan ang problema sa ating kabuhayan. Maari nilang dahasin ang mga maralita at sapilitang hakutin sa mga relocation sites ngunit hindi nila mapipigilan ang muling pagbalik ng mga tao dahil nga sa kawalan ng ikabubuhay at miserableng kalagayan sa mga nabanggit na lugar ng relokasyon. 

Ang problema sa gobyerno ay ang tingin nitong tayo ay mga basurang mga walang silbi. Ang hindi nito makita ay ang kolektibo at produktibong lakas ng mga mamamayang binubuo ng mga manggagawa bilang pangunahing puwersa para sa tunay na kaunlaran. Ang patakarang pribatisasyon, deregulasyon at iba pang mga patakaran sa ilalim ng neo liberal na polisiya ng pamahalaan ang salot na magluluwal pa ng henerasyon ng mga mamamayang mananahan kahit sa kasingit-singitan o pinakamapanganib na mga lugar sa lungsod.

Gayung ipinagyayabang nito ang diumano’y ranggo ng Pilipinas bilang pangalawa sa may pinakamataas na economic growth sa rehiyon ano’t hindi makita ng mga matatalinong taga-plano ng administrasyong Aquino na ang problema sa paninirahan ay problema sa kabuhayan. Walang titira sa lungga ng daga kung sasapat ang kanyang kinikita para bigyan ng matinong masisilungan ang kanyang pamilya. 

Ang mga kahilingang ating ipinaglalaban 

1. Paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga proyektong pabahay na may sapat na proteksyon at tibay laban sa kung anumang mga kalamidad.

2. Mga proyektong pabahay na hindi dapat malayo sa lugar ng hanapbuhay ng mga manggagawa, may sapat na pasilidad para sa mga kagyat na pangangailangan at iba pang serbisyong panglipunan.

3. Gawing abot-kaya ang halaga ng mga proyektong pabahay at itigil ang kanselasyon ng mga rights sa mga pook relokasyon na hindi nakakatugon sa mga bayaring ipinapataw. 

4. Ipagbawal ang pagsasa-pribado ng mga lupaing tinukoy bilang o kasalukuyan nang mga residential areas. 

5. Tiyakin ang malaking partisipasyon ng mamamayan sa pagpa-plano ng mga itatayong mga pabahay o anumang ipatutupad na programang pabahay. 

6. Ideklara ang limang (5) taong moratorium sa demolisyon kasabay ng puspusang pagpo-proseso ng komprehensibong programa sa pabahay sa bansa. 

7. Regular na trabaho para sa maralita’t manggagawa

8. Itigil ang kontraktuwalisasyon ng trabaho ng mga manggagawa. 

9. Ipatupad ang living wage. 

10. No to oil price hike! Ibasura ang Oil Deregulation Law 

11. Itigil ang neo liberal economic policy ng gobyernong Aquino.

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO
NATIONAL CAPITAL REGION (BMP-NCRR)

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD 
NATIONAL CAPITAL REGION – RIZAL (KPML-NCRR) 

September 2, 2012