Sabado, Oktubre 19, 2013

Ang usaping coal, klima at maralita


ANG USAPING COAL, KLIMA AT MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa darating na Oktubre 22, 2013 ay National Day of Action Against Coal (Pambansang Araw ng Pagkilos Laban sa Pagsusunog ng Karbon). Labinlimang lugar sa buong bansa ang magpoprotesta sa araw na ito. Ito'y sa Metro Manila, na lunsaran ng pambansang protesta; at sa mga lugar na may coal plant at balak itayong coal plant, sa Subic, Zambales, Bataan, Semirara, Caluya, Leyte, Socsargen, Ozamis, Pagadian, Palawan, Cebu, Davao, Iloilo, at Negros.

Ang protestang ito'y pinangungunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at ng iba't ibang samahang anti-coal sa mga lugar na nabanggit.

Dito sa Metro Manila, kasama ang mga maralita sa magpoprotesta. Bakit? Ano ba ang kaugnayan ng coal sa usaping klima at maralita.

Unang-una, ang proseso ng pagsusunog ng karbon sa mga coal plant ay nagpaparaming lalo sa mga carbon emission sa ating kalawakan. Isa itong "dirty and harmful energy" o marumi at mapanganib na enerhiya, dahil matindi ang dumi at polusyong ikinakalat nito sa kapaligiran, nakakapag-ambag sa papatinding pagbabago ng klima. Ibig sabihin, hindi na natural ang ating klima dahil sa napakaraming maruruming usok na nakakalat na sa ating kalawakan, lalo na sa espasyo ng ating kalawakan sa Pilipinas.

Napakalaki ng ambag ng labis na pagsusunog ng karbon sa akumulasyon ng greenhouse gas sa atmospera ng ating daigdig at ito ang pinakamalaking pinagmumulan ng pandaigdigang emisyon ng greenhouse gas. 

Ayon sa International Energy Agency (IEA), nanggaling sa pagsusunog ng karbon ang apatnapu't limang bahagdan (45%) o 14.2 gigaton ng kabuuang 31.6 gigaton ng pandaigdigang emisyon ng carbon dioxide mula sa kombustyon ng fossil fuel noong 2011. Ang labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa armospera ang pinagmumulan ng pag-iinit ng mundo at nagbabagong klima.

Sa nakaraang limang taon, inaprubahan ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagtatayo ng 26 na bagong planta ng karbon na pawang karagdagan sa 29 plantang karbon na pinatatakbo sa kasalukuyan, at 22 pang iminungkahing planta. Inaprubahan din ang 21 permit para sa pagmimina ng karbon, at ang kabuuang bilang ng mga permit na ito sa kasalukuyan ay umabot na sa 60.

Bakit dapat tayong magprotesta at makiisa sa pandaigdigang protesta laban sa coal at ano ang kinalaman nating mga maralita? Dahil ang pagbabago ng klima ay walang pinipiling taong tatamaan, kundi tayong lahat.

Una, kung lahat ay tatamaan, bakit matindi ang diskriminasyon sa ating mga maralita pag may dumating na malaking pagbaha na dulot ng pagbabago ng klima, na kahit sa panahon ng tag-araw ay matindi ang mga pag-ulan? Katunayan, matapos ang Habagat noong Agosto 2012, agad sinisi ng Malakanyang kaya dapat palayasin ang mga maralita sa mga tabing-ilog, tulay at estero dahil ang mga maralita raw ang pangunahing nakakapagdumi ng mga lagusang tubig, estero at ilalim ng tulay dahil marami sa atin ang doon nakatira.

Ayaw banggitin ng gobyerno na climate change ang dahilan ng pagbaha. Na ang nagdulot ng pagbaha ay dahil nababago na ang klima, na dulot naman ng labis-labis na konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera, na isa sa mga mayor na dahilan ay ang mga coal-fired power plant. Ayaw rin naman ng mga maralitang tumira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, ngunit napipilitang doon magtayo ng bahay dahil sa kahirapan. Hindi sapat ang sariling diskarte ng maralitang isang kahig, isang tuka para umupa ng bahay. Bukod pa sa ang mayorya ng maralita'y biktima ng salot na kontraktwalisasyon, at kawalan ng katiyakan sa trabaho.

Hanggang ngayon, nakikibaka pa rin ang mga maralitang nakatira sa tabing-ilog, ilalim ng tulay at estero, para sa maayos na paninirahan at hustisyang panlipunan, kahit na mayroon na silang ginawang mga people's proposal kung paano sila makakaiwas sa panganib ng pagbaha, dahil ang mismong gobyerno'y nais talaga silang maitaboy sa malalayong lugar, dahil ang maralita'y masakit sa mata ng mga negosyante.

Ikalawa, laging sinisisi ang mga maralita sa pagbabago ng klima, gayong ang pangunahing pinagmumulan ng pagbabago ng klima ay ang konsentrasyon ng greenhouse gas sa atmospera na ang isa sa pangunahing nagdudulot ay ang mga coal-fired power plants. Nagbabago ang klima, at sa bawat pagbabago ay apektado ang mga maralitang nakatira sa mga tabing ilog, ilalim ng tulay, at estero. Pag nagbaha, hindi sisisihin ang pagkakatayo ng malalaking malls na nagpakipot sa ilog na patungo sana sa dagat, tulad ng pagkipot ng ilog sa pinagtayuan ng SM Marikina.

Sa ating mga maralita, dapat tayong magprotesta laban sa mga panibagong plano ng pamahalaan na magtayo pa ng mga bagong coal-fired power plants bilang pinagmumulan ng enerhiya dahil bukod sa ito'y marumi at mapanganib, ito'y hindi mura. Tigilan na ang pagsisi sa ating maralita, at panahon nang tingnan ng pamahalaan ang kanilang mga patakarang nagdudulot pa ng paglala ng climate change. Ang pagmimina ng karbon at proseso ng kombustyon ay may malala at nakalalasong epekto sa kalusugan ng tao at ng kapaligiran. Pinahihina nito ang katatagan at kakayahan ng tao at ng pamayanan na harapin ang mga epekto ng nagbabagong klima. Winawasak ng pagmimina ng karbon ang mga kagubatan, kabundukan at mga daluyang tubig - na ang kahihinatnan ay malubhang kalagayan kabilang na ang paglala ng kalamidad dahil sa klima.

Dapat magsagawa ang pamahalaan ng plano patungo sa mga renewable energies o yaong mga pagkukunan ng malinis na enerhiya, tulad ng solar energy. Dapat laanan ng pondo ng pamahalaan mula sa labis-labis na pork barrel ng mambabatas at ng pamahalaan para sa mga solar panel sa mga lugar ng maralita, tulad sa mga lugar ng relokasyon, upang malinis na pinagmumulan ng kuryente ang dumaloy sa kabahayan ng maralita, bukod pa sa ito'y kabawasan sa pagbabayad ng maralita sa kuryente.

Sa Oktubre 22, magkita-kita tayo sa Morayta sa ganap na ika-9 ng umaga. Kung kakayanin, magsuot tayo ng itim na t-shirt bilang simbolo ng maitim na usok na ibinubuga ng mga coal-fired power plants at bilang simbolo ng pagdumi ng mga ilog, dagat at kapaligiran sa mismong paligid ng mga coal-fired power plants. Magmamartsa tayo patungong Mendiola sa ganap na ika-10 ng umaga.

Dalhin natin ang ating mga flags at magdala na rin ng ating sariling plakards, na ang nakasulat: 
"Climate Change at Coal Plants, Dahilan ng Pagbaha sa Kalunsuran! Huwag magtayo ng panibagong Coal Plants!"
"No to new coal plants!"
"No to coal mining!"
"Shift to Renewable Energies!"
"Pondohan ng pamahalaan ang paggamit ng Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita!"
"Solar Power sa mga Komunidad ng Maralita, Simulan Na!"
"Solar Power Na, Hindi Coal Plants!"