15 Enero 2015
Reference: Anthony Barnedo 0920-2876384
Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
Binatikos ng mga Maralita ang bersyon ni Aquino ng Imeldipikong pagpapaganda ng imahe
Inimbita si “Ka Kiko” na makisalo sa Tuyo at Instant Noodles
Tinuligsa ng isang grupo ng mga maralitang laban sa kahirapan ang pambansang pamahalaan matapos makatanggap ng ulat mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita sa lungsod na ang mga pambansang opisyales kasama ang mga lokal na opisyal ay maglalagay ng malalaking tarpolin at ibang magagaan na materyales upang takpan lamang ang mata ng bumibisitang Santo Papang si Francisco na makita ang sinasabi ng mga itong “di makataong kalagayan ng mga maralita sa lungsod”.
Ayon sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lunsod (KPML), “ang huling ginawang ito ng pamahalaan laban sa mga iskwater ay hindi lamang di-maka-Kristyanong gawa kundi paglabag din sa aming batayang karapatang pantao”.
“Tulad din ng iba, ang mga dukha, na ang mayorya’y pawang Katoliko, ay nais ding makita ang Santo Papa habang binabagtas niya ag kalunsuran, gayong iyon lamang ang pagkakataon naming makita siya ng personal. Di tulad ng mga mapagbalatkayo at tiwaling mga opisyal ng pamahalaan at mga paimportanteng elit na makakakita ng personal sa Santo Papa at makapagpalitrato kasama si Papa Francisco,” dagdag pa ni Anthony Barnedo, pangkalahatang kalihim ng KPML sa Metro Manila.
Kilala sa pagkakaroon ng matinding malasakit sa dukha, si Papa Francisco, na mas nais nilang tawaging Ka Kiko, sa maraming pagkakataon, ay lantarang umatake sa di-mapigilang kapitalismo at kalupitan ng merkado sa kanyang mga panlipunang turo at pampublikong talumpati.
Binanggit ni Barnedo ang paglalagay ng mga billboard at tarpolin paikot sa mga komunidad ng maralita na dadaanan ng konvoy ng Santo Papa sa mga lungsod ng Pasay at Maynila.
Samantala, ibinalita ng British news website na Daily Mail na dose-dosenang batang lansangan, na ang iba’y may gulang na 5 taon, ang pinagkukuha at ikinulong nitong mga nakaraang linggo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang umano’y “protektahan ang Santo Papa laban sa mga gumagalang pulubi” ay naging tampukan na sa iba’t ibang social media.
“May tatlumpu’t pitong pwersang panseguridad at libu-libo pang mga boluntaryo, pati na mga tauhan ng mga ahente ng CIA, na nakatalaga upang protektahan ang Santo Papa, inaasahan pa ng mabuway na pamahalaang ito na mamalimos pa ang mga batang pulubing ito sa Santo Papa at hiyain ang mga ito sa pandaigdigan ay nakakatawa. Ang operasyong Imeldipiko ng pamahalaan sa buong lungsod ang siyang kahiya-hiya,” sinabi pa ni Barnedo.
Imeldipiko ang katagang naglarawan kay dating Unang Ginang Imelda Marcos upang itago ang mga “masakit sa mata” sa mga lansangan ng Maynila mula sa mga bumibisitang mga pinuno ng bansa at nagkukunwari sa pang-ekonomyang kalagayan ng bansa noong panahon ng batas-militar ng kanyang asawa.
Dalawin at magbigay ng panahon sa mga maralita
Hiniling din ng grupo sa Santo papa na sirain ang protokol na lagi naman niyang ginagawa at igiit na bisitahin ang mga komunidad ng iskwater sa Kalakhang Maynila “upang makita at maramdaman niya ang paligid ng karalitaan at langhap ng kawalang pag-asa na siyang kinahantungan ng patuloy na pagpapatupad ng mga patakaran ng murang paggawa at di-matinag na deregulasyon at pribatisasyon ng mga batayang panlipunang serbisyo ng pamahalaan”.
Sinabi pa ng tagapagsalita ng KPML na, “mula nang manungkulan noong 2010, imbes na makinig sa panawagang baligtarin ang patakarang deregulasyon ng langis, enerhiya at sektor ng edukasyon, ay patuloy niya itong dinidepensahan. Binubuyo pa nito ang pribadong sektor na mamuhunan sa mga pampublikong ospital, inatas ang pagwasak sa libu-libong barung-barong at pinigil ang pagtataas ng sahod na mababa pa sa pamantayang ginagarantiyahan ng konstitusyon”.
Inimbita rin ng grupo ang Santo Papa na bisitahin ang organisadong komunidad sa kahabaan ng Radial Road-10 at makisalo sa kanilang araw-araw na pagkain ng tuyo at instant noodle.
Tiyak din kaming nais ni Papa Francisco na makita mismo ng kanyang mga mata ang katumpakan ng kanyang mga turo at dalhin niya sa pandaigdigang larangan ang ating kalagayan,” pagtatapos ni Barnedo.#