Linggo, Mayo 24, 2015
Ikapitong Kongreso ng KPML-NCRR, Matagumpay na Idinaos
IKA-7 KONGRESO NG KPML-NCRR, MATAGUMPAY NA IDINAOS
Sa temang "Palakasin ang KPML-NCRR bilang sosyalistang organisasyon. Isulong ang pakikibakang masa ng maralitang lungsod", matagumpay na idinaos ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) chapter ang ika-7 Kongreso nito noong Mayo 23, 2015, araw ng Sabado, sa Bernardo Park Covered Court, Brgy. Kamuning, sa Lungsod ng Quezon. Mahigit isandaang lider-maralita mula sa iba't ibang bahagi ng NCR at lalawigan ng Rizal, ang dumalo rito.
Ang buong umaga ay sinimulan sa pamamagitan ng pananalita ng mga pinuno ng KPML-NCRR at mga lider mula sa mga kapamilya nitong organisasyon, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), Solidarity of Workers Against Contractualization (SWAC), at Sanlakas. Nagbigay naman ng mga inspirasyunal na awitin ang grupong Teatro Proletaryo sa iba’t ibang bahagi ng buong programa.
Bilang panimula, nagbigay ng inspirasyunal na pahayag si Orly Gallano, na noon ay pangulo ng KPML-NCRR. Kasunod noon ay ang mga mensahe ng pakikisa mula kina Ka Leody de Guzman ng BMP, Ka Sonny Melencio ng PLM, Atty. Aaron Pedrosa ng Sanlakas, Franco Villanueva ng SWAC, at Rasti Delizo ng Sanlakas.
Ang tumayong tagapagpadaloy ng buong programa ay si Manny Toribio, secretary general ng SM-ZOTO, na taos-pusong nagpasalamat kay Brgy. Capt. Jayson Encomienda na kapitan ng Brgy. Kamuning.
Sinimulan ang sesyon sa hapon sa pamamagitan ng binasang mensahe mula sa Terres des Hommes ng France, na sumusuporta sa Child Rights Program ng KPML-NCRR. Kasunod nito'y nagsalita si Kim Erro, na siyang program admin ng programang anti-Child Trafficking ng KPML-NCRR, at Children and Young People's Right program.
Nagbigay din ng pahayag si Rowell "Kokoy" Gan ng KPML nasyunal, na nagbilin sa mga delegado na "kamtin natin ang mahigpit na pagkakaisa" lalo na sa usapin ng paninirahan at karapatan ng maralita.
Matapos ito'y binasa na at tinalakay ang Saligang Batas at Alituntunin ng KPML.
Ang pagpapaliwanag sa Programa sa Tatlong Taon (Program of Action) ay isinadula naman ng iba’t ibang lider-maralita kasama ang mga kabataan mula sa Teatro Proletaryo.
May limang resolusyong sinang-ayunan ng kapulungan, at ito'y ang mga sumusunod: (1) Reso hinggil sa pagpapatapos ng mga araling pampulitika; (2) Reso hinggil sa kabataan bilang organisador at kampanyador; (3) Reso hinggil sa pagsuporta sa SWAC at pagsapi dito; (4) Reso hinggil sa pagtatayo ng komite sa pag-oorganisa ng manggagawa sa komunidad; at (5) Reso hinggil sa pagsuporta sa SANLAKAS sa susunod na halalan
Hindi na tinalakay ang mga resolusyong binasa noong Pre-Congress ng KPML-NCRR noong Abril 18, 2015 sa Quezon City Hall, tulad ng pangangalaga sa kalikasan, muling pagtatayo ng grupong KASAMA, at paggawa ng sariling pahayagan ng KPML-NCRR.
Matapos nito'y naganap ang halalan, at ang tumayong COMELEC ay sina Boy Panaligan (BMP-NCRR), Mabelle Bacalso (SM-ZOTO), Mai Pacay (Sanlakas). Ang halalan ay sa pamamagitan ng viva voce o taasan ng kamay ng lahat ng sumasang-ayong delegado ng kongreso.
Ang mga nahalal bilang bagong pamunuan ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap (Regional Executive Committee - REC) ng KPML-NCRR para sa taon 2015-2018 ay sina: Pangulo - Manny Toribio; Ikalawang Pangulo (Panloob) - Pablo "Bong" Sanchez; Ikalawang Pangulo (Panlabas) - Jonathan "Kgwd. Potpot" Manaois; Pangkalahatang Kalihim - Anthony Barnedo; Ikalawang Pangkalahatang Kalihim - Melanie Margallo; Ingat-Yaman - Cecilia Asis; Tagasuri - Norma Rebolledo; PRO - John Richard "Lembot" Pajares; at Peace Officer - Roger Mengolio.
Ang nagpasumpa sa kanila bilang mga bagong halal ay si Rowell "Kokoy" Gan ng KPML-nasyunal.
Matapos nito ay naglitratuhan at nagsalusalo sa meryendang pansit ang mga delegado.
Ulat ni Greg Bituin Jr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)