Huwebes, Nobyembre 30, 2017

Labanan ang RevGov ni DU30, Itayo ang Gobyerno ng Masa

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
Press Statement
Nobyembre 30, 2017


LABANAN ANG REVGOV NI DUTERTE,
ITAYO ANG GOBYERNO NG MASA!

Ngayong ika-150 kaarawan ng ating bayaning Gat Andres Bonifacio, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ay mahigpit na tumututol sa Revolutionary Government (RevGov) na inihahain ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng mga kaalyado nito. Dahil hindi naman makikinabang dito ang mga maralita kundi ito’y pagpapatuloy ng elitistang paghahari. Ang RevGov na mungkahi ng kampong Duterte ay “All Power to Duterte”, o pagbibigay ng absolutong kapangyarihan sa pangulo o sa iisang tao lamang. Ito’y hindi RevGov ng mamamayan kundi isang diktadura. Sa pagtingin naming mga maralita, ang RevGov ni Duterte ay pamamaraan upang supilin ang kalayaang magpahayag ng mga taong tumutuligsa sa kanyang maruming polisiya ng pagpaslang, di paggalang sa kababaihan, pagmumura, atbp.

Isang bagong pauso ang tinatawag na RevGov upang tuluyang maipatupad ang ChaCha at pederalismo, na diumano'y kongkretong anyo ng "Change is Coming" na islogan ni Duterte noong kampanyahang 2016. Kailangan daw bigyan ng absolutong kapangyarihan si Duterte dahil hindi raw sapat ang balangkas ng Saligang Batas upang tuluyang masugpo ni Duterte ang oligarkiya, mga trapo, at ang narco-politics. Subalit ang nakikita nating layunin ng ChaCha ay ang paglalansag ng mga probisyon sa Konstitusyong 1987 na nagpoprotekta sa mga Pilipino, tulad ng pagtatanggal ng 60%-40% hatian sa pag-aari ng negosyo at likas-yaman, pabor sa mga Pilipino, imbes na dayuhan.

Sa pederalismo naman ay patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga political dynasty, kaya imbes na makinabang ang mamamayan, ang makikinabang ay ang mga warlord sa mga rehiyon o probinsya sa bansa.

Itinali ang estatwa ni Gat Andres Bonifacio
sa isang poste matapos idemolis ng DPWH
ang kanyang monumento sa Taguig.
Nauso na ang historical revisionism, tulad ng paglilibing sa diktador na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Tulad din ng magre-RevGov ang kasalukuyang pamahalaan, gayong ito ang nakatayong status quo. Magrerebolusyon siya sa kanyang sarili? Sa kasaysayan, ang Revolutionary Government ay itinatayo ng taumbayan laban sa nakatayong pamahalaan dahil nais nila itong mapalitan, tulad ng pag-aalsang Edsa noong 1986. Hindi makakain ng masa ang RevGov dahil patuloy lamang ang elitistang paghahari. Mahal pa rin ang mga bilihin, idedemolis pa rin ang mga maralita, kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.

Bagamat kapos ang Konstitusyong 1987 dahil sa ilusyon ng ‘pantay na karapatan’ sa burgis na demokrasya, nais din natin ng pagbabago sa Saligang Batas subalit dapat na ito’y isinagawa ng taumbayan, lalo nang uring manggagawa at maralita, at hindi ng mga elitista’t naghaharing uri sa lipunan. Sa gayon ay matiyak na mayorya ang nasusunod at hindi ang iilan lamang. Ang interes ng bawat tao ay nakapailalim sa interes ng kabuuan. Ang karapatan ng mahihirap na makakain ng tatlong beses sa isang araw ay higit pa sa luho ng iilan. Ang karapatang mabuhay ng disente’t marangal ng masang anakpawis ay higit pa sa karapatan ng mga kapitalista’t elitist sa lipunan.

Kaya sa pagdiriwang ng ika-154 na kaarawan ng ating bayaning Gat Andres Bonifacio, ipakita natin ang ating mahigpit na pagtutol sa RevGov ni Duterte. Tutulan ang bagong diktadura! Itayo ang Gobyerno ng Masa!

Para sa iba pang detalye, kontakin si Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng KPML, sa 09087826186.