Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Lunes, Hulyo 22, 2019

Pahayag ng KPML sa SONA 2019

Pahayag ng KPML sa SONA 2019
Hunyo 22, 2019

Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

IPAGLABAN ANG MAAYOS, LIGTAS AT TIYAK NA PANINIRAHAN!
ON-SITE, IN-CITY RELOCATION, IPAGLABAN!

Sona na naman ni PDu30 sa Hulyo 22. Pulos sona, sana, sona, sana SINA Du30, mga senador at kongresista.  Ano na naman ang iuulat sa SONA? 

Noong unang SONA, nadismaya tayo dahil sa kanyang polisiyang Kill, Kill, Kill, na pumaslang sa libong tao nang walang due process at walang pagrespeto sa karapatang pantao. Sumunod na SONA ay Build Build Build na magtatayo ng iba't ibang proyektong imprastruktura, na ang pangunahing makikinabang ay ang mga negosyante't kapitalista. Iuulat kaya ng Pangulo ang Borrow, Borrow, Borrow na panibagong pasanin na naman ng sambayanang Pilipino?

Sa aming mga maralita, hindi prayoridad ng pamahalaan ang pabahay. Katunayan, ayon sa National Housing Authority (NHA), nasa 1.5 Milyon ang backlog sa pabahay, habang sinasabi naman ni Bise Presidente Leni Robledo, umaabot na ito sa 5.7 Milyon. Magkaiba ang datos subalit pareho ng pagtingin nila sa solusyon, na nasa kamay ng negosyo ang solusyon sa pagtatayo ng pabahay. Sa mga kapitalistang ang hangad ay pagtubuan ang pabahay bilang negosyo imbes na serbisyo ng pamahalaan sa kanyang mamamayan. At dahil negosyo, hindi nila nilalayong lutasin talaga ang problema sa pabahay kundi pagtubuan lamang ito.

Dagdag pa, hindi naman pera ng mga kapitalista ang ilalagak sa mga proyekto kungdi  pera ng gobyerno na galing naman sa buwis ng mga manggagawa ang gagamiting pondo. 

Nahaharap din ang maralitang nakakuha ng pabahay sa mga low cost housing sa isyu ng bayarin, kung saan marami sa kanila ay hindi makapagbayad dulot ng kakapusan at karukhaan. Ang kaning isusubo na lang nila ay ilalaan pa nila sa bayarin. Naging isyu ngayon sa mga pabahay ang NHA Memo 23 na naglalayong muling singilin ang mga nakatira sa mga pabahay ng NHA, at yaong hindi makabayad at hindi pumasok sa kondonasyon at restructuring hanggang Pebrero 1, 2020, ay tiyak na ebiksyon ang kakaharapin.

Sa paghahangad ng ginhawa sa buhay, maraming nasa kanayunan ang nagtutungo sa lungsod upang makipagsapalaran. Nagbabakasakaling narito sa lungsod ang hinahanap nilang ginto. Subalit ang natagpuan nila'y mga putik ng kahirapan at alikabok ng katiwalian sa pamahalaan. Patuloy ang pananalasa ng kahirapan dahil sa mga palsong patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno, tulad ng kahirapang dinulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa TRAIN LAW. 

Naghahari pa rin ang mga yumaman dahil sa katiwalian at land grabbing. Tulad na lang ng naganap sa Sitio Malipay sa Bacoor, Cavite, kung saan nilusob ng mga tauhan ng Villar ang komunidad upang magsagawa ng clearing operation. Ipinagtanggol ng mga residente ang kanilang kabahayan at lima sa kanila ang nasugatan.

Sa isyu ng kontraktwalisasyon, hindi lamang mga manggagawa ang apektado riyan, kundi pati ang mga maralitang nagbabakasakaling magkatrabaho kahit kontraktwal man lang para maisalba ang kanyang pamilya mula sa gutom. Subalit pag naroon na sa pabrika'y hindi maatim ang kalagayang hindi siya kinikilalang empleyado ng kumpanya kung saan siya nagtatrabaho, kumpanyang pinapasukan niya araw-araw, dahil empleyado raw siya ng manpower agency. Isang malaking panlilinlang sa manggagawa't maralita!

Sa isyu ng manggagawa ng ZAGU, nakapiket sila ngayon. Nagwelga sila dahil nais respetuhin sila ng management bilang tao, bilang kanilang manggagawa, at pag nadisgrasya ang manggagawang nagmaneho ng sasakyang ng kumpanya'y mas uunahin pa ng management kumustahin kung anong nangyari sa sasakyan kaysa sa nadisgrasya nilang manggagawa.

Itigil ang mga pandarahas sa mga maralita! Itigil ang pagtataboy sa mga maralita sa malalayong lupain! Ang nais namin ay in-city at on-site relocation kung saan malapit ito sa lugar na pinagkukunan ng aming ikinabubuhay! 

Panahon na upang ipagtanggol natin ang ating dignidad bilang tao, kahit tayo ay maralita. Panahon na upang magkapitbisig ang bawat maralita at huwag ibenta ang kanyang dangal para lang sa kakarampot na baryang pilit isinusubo ng mga pulitikong paulit-ulit lang ang pangakong napapako. 

MARALITA, MAGKAISA! DIGNIDAD NG DUKHA, IGALANG!
IPAGLABAN ANG ATING MGA KARAPATAN!

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD (KPML)
Hulyo 22, 2019

Huwebes, Hulyo 11, 2019

Komprehensibong larawan ng kahirapan na dapat ugatin

KOMPREHENSIBONG LARAWAN NG KAHIRAPAN NA DAPAT UGATIN
ni Ka Pedring Fadrigon

ANG KAGUTUMAN BUNGA NG PAGBALEWALA SA PAGPAPAUNLAD NG AGRIKULTURA. Ang ating pamahalaan ay nahirati na lamang sa pag-angkat ng produkto sa labas o sa ibang bansa. 3.1 milyon ng ating populasyon ang nagugutom mula noong 3rd quarter ng 2018 dahil sa kitang mababa pa para sa pangangailangan sa pagkain. Dapat ang reporma sa lupa para sa mga magsasaka para walang magugutom.

KAKULANGAN SA MAIINOM NA MALINIS NA TUBIG. Batay sa datos, 55 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa hindi malinis na tubig at 20 milyon ang walang basic sanitation facilities. Nang dahil sa pribatisasyon, ang ating mga tubig na dumadaloy sa mga bukirin mula sa kabundukan at dati ay libre, ay nilagay na sa bote at pinababayaran na sa sangkatauhan. Dati ay libre ang mga halaman sa tubig na ating inaani, ngunit ngayon, dagdag bayarin na o gastos ng manggagawa sa bukid ang bayad sa irigasyon.

WALANG ABOTKAYANG PABAHAY ANG GOBYERNO NA MATITIRAHAN. Ang pitong milyong (7M) backlog sa pabahay at milyon ding maralita ang nanganganib na mapalayas sa mga relokasyon dahil sa hindi makabayad sa pabahay. Patuloy hanggang sa kasalukuyan ang pagdagsa ng mga maralitang naghahanap ng katiyakan sa paninirahan. Ang batayan ay ang 7M backlog ng pamahalaan sa pabahay dahil sa korapsyon at governance.

KAWALAN NG TRABAHO O HANAPBUHAY. Batay sa LFS (Labor Force Survey), ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng walang trabaho sa Southeast Asia. Kung mayroon mang trabaho ay hindi sapat ang kinikita dahil sa baba ng sahod. Sa Metro Manila, ang arawang sahod lamang ng manggagawa ay P537 (2019), na malayo sa kahilingan ng mga manggagawa na P750 minimum wage. Mayorya ng mga trabahador ay kontraktwal at walang mga benepisyo.

KAKULANGAN SA BATAYANG SERBISYO SA PANGANGAILANGAN SA KALUSUGAN. Malaki ang bilang ng mamamayang walang akses sa basic health care, lalo na ang mga nasa malalayong lugar ng ating bansa. Batay sa mga datos, 11 hospital beds lamang sa bawat 10,000 Pilipino noong 2014, at 1 doktor lamang sa bawat 33,000 pasyente o may mga karamdaman.

LUMALAKI ANG BILANG NG MGA OUT-OF-SCHOOL YOUTH. Dahil sa kahirapan at kakulangan din sa mga pasilidad sa mga paaralan, 10% ng mga Pilipino na edad 6-24 ay out-of-school youth. Makikita natin ito sa mga lansangan, mga naglalako ng kung anu-ano. Ang ilan ay natututong gumawa ng masama. Ang ilan ay makikita mo sa lansangan at napasama na sa mga batang hamog, kalaban ng mga naghahanapbuhay na drayber at pasaheros.

KAKULANGAN SA MGA PROGRAMANG MAY KAUGNAYAN SA SOCIAL PROTECTION. Tulad ng mga livelihood. 4 out of 5 senior citizens ay walang benepisyo sa retirement o pension, dapat ay magkaroon sila ng social protection. Ang social protection ay mga patakaran at mga programang makababawas sa kahirapan.

WALANG MALUSOG NA KAPALIGIRAN. Mula noong 2015 hanggang sa kasalukuyan ay mayroong 274 natural disasters na umapekto sa milyun-milyong Pilipino. Hindi lamang ito natural na kalamidad kundi kasama na rin ang man-made calamities, dahil sa di maayos na urban planning at waste displacement.

DISPLACEMENT AT ARMED CONFLICT AT IBA PANG ANYO NG KARAHASAN. Naoobliga ang mga mamamayang lumikas mula sa kanilang mga lugar para umiwas sa kaguluhan. At karamihan ay sa lungsod ang kanilang pinupuntahan. Ayon sa datos, 87,000 ang lumikas noong 2017 at 523 munisipalidad ang pinanggalingan dahil sa gera. Mayroon ding mga dinemolis ang mga tirahan sa mga danger zones, tulad ng ilalim ng tulay, basurahan, riles ng tren, at mga sirang sasakyan.

ELITE RULE AT DI TUNAY NA DEMOKRASYANG PAMUMUNO. Ang isang epektibong pamamahala sa isang demokrasyang bansa ay dapat bigyang pahalaga ang partisipasyon ng kanyang mamamayan. At iyan ay nasa ating Saligang Batas (our right to effective and reasonable participation) sa lahat ng antas (economic, social at political). Titiyakin ng pamahalaan na ang boses ng maralita at mga nasa laylayan ay mapakinggan, hindi lang sa tuwing may eleksyon, kundi sa panahong pinag-uusapan ang ekonomya, pulitikal at sosyal na patakaran at mga programa. Subalit hindi ito demokrasya kung hindi pinakikinggan ang mamamayan. Kapag nagkumento ang maralita, siya ay kalaban. Kapag tumutol ka sa gusto ng pamahalaan, ikaw ay kalaban, kulong ka. Kapag di ka paawat, patay kang bata ka. Sa demokrasya sa bansa, ang kapitalista ang nagdidikta dahil magkauri sila ng mga elitista. Sa ating mga maralita, magkaisa tayo at sama-samang magsuri sa sistemang umiiral. Ang sanhi ng kahirapan ay ang mga maling sistema at kalakaran.

Ang sistemang kapitalismo ay palitan ng sosyalismo. Sapagkat sa kapitalismo, alipin tayo, squatter tayo, dominado tayo, at agrabyado. Sa mga asunto at hustisya, lagi tayong talo. Dahil sila ang may pera at koneksyon sa gobyerno. Sa kapitalismo, silang nasa tuktok, sa hotel at sa palasyo nakaluklok, samantalang tayo ay nasa sulok. Sa sosyalismo, walang mayaman at walang mahirap. Ang walang trabaho ay binibigyan ng trabaho ng walang mga kondisyon. Ang mga mag-aaral ay binibigyan ng pagkakataong makapag-aral ng libre. Ang mga mayroong karamdaman ay ginagamot sa mga libreng pagamutan. Ang mga yaman ng kalikasan ay nakasentro sa pamahalaan na lahat ay nakikinabang.

Iyan ang kaibhan ng lipunan sa kasalukuyan. Kaya sana'y maitanong natin sa ating mga sarili kung tama ang ating mga pagsusuri. Para hindi natin danasin pa sa mahabang panahon ang kahirapan, lalo na sa ating susunod na salinglahi.

* Nalathala sa kolum ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, isyu ng Hulyo 1-15, 2019, p. 4-6.