PAHAYAG NG KPML
Mayo 5, 2021
PAHAYAG NG MARALITA SA UNANG ANIBERSARYO
NG PAGSASARA NG ABS-CBN
Mahigpit na nakikiisa ang pamunuan at kasapian ng pambansang samahangKongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa higit labing-isang libong manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho nang magsara ang nasabing kumpanya isang taon na ang nakararaan.
Matatandaang hindi na binigyan pa ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN sa pasiya ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ito'y itinuring na matinding pagbira sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa.
Naging bahagi na ng kabataan at ng buhay ng maraming Pilipino ang mga palabas sa ABS-CBN. Maraming mga palabas o programa ritong kinagiliwan ng mga manonood. Bukod pa sa mga balitang nakakaabot sa mga liblib na pook. Nang mawala ang ABS-CBN, maraming kababayan ang nasalanta ng bagyo at nasira ang mga ari-arian at pananim sapagkat hindi nila napaghandaan at nabalitaan dahil na rin sa pagsasara ng ABS-CBN.
Sa pakikibaka ng mga manggagawa ng ABS-CBN bago ito magsara, nakiisa ang iba't ibang mga unyon at grupong maralita upang ipaglaban ang mahigit 11,000 manggagawang mawawalan ng trabaho. Kabilang na sa mga nakiisang ito ang mga lider-maralita ng KPML.
Gayunman, kung ibabalik ito, gaya ng sigaw ng marami, hiling namin na gawing regular sa trabaho ang lahat ng manggagawa ng ABS-CBN. Hindi dapat pagsamantalahan ng pangasiwaan ng ABS-CBN ang mga manggagawa sa pagpapanatili sa mga ito bilang mga kontraktwal. Dagdag pa, ibigay ang tamang pasahod sa mga manggagawa ng ABS-CBN. Isang nakabubuhay na sahod o living wage batay sa isinasaad ng Konstitusyon ng bansa, at hindi libing wage na hindi nakakabuhay ng pamilya.
Kaya ang panawagan namin sa KPML: Ibalik ang mga manggagawang tinanggal sa ABS-CBN, at gawing regular ang lahat ng mga manggagawa ng ABS-CBN, at ipagbawal na ang kontraktwalisasyon!
Makikita rin ang pahayag na ito sa facebook page ng KPML
https://www.facebook.com/maralitanglungsod/photos/a.121383745932501/561304331940438/