PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAGTATAPOS NG NATIONAL ZERO WASTE MONTH
Enero 31, 2023
GALIT SILA SA DUKHA'T TINURING NA BASAHAN!
MARALITA MAN, NANGANGALAGA RIN SA KALIKASAN!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa buwan ng Enero bilang National Zero Waste Month, na batay sa Presidential Proclamation No. 760, na may petsang 5 Mayo 2014.
Malimit sabihin ng marami, kaya itinataboy ang mga maralita, na madudungis, walang pakialam sa kapaligiran, kung saan-saan itinatapon lang ang basura, tulad ng ilog at kanal, at kung anu-ano pang masasakit na salita.
Kaya nakikiisa kami sa pagdiriwang ng buong buwan ng Enero bilang National Zero Waste Month pagkat isa itong pag-alala at pag-eeduka sa aming kasapian, kapitbahay, kaibigan, kapamilya, kakilala, at mga nakakadaupang palad dahil sa lumalalang problema sa basura. Bukod sa basura ay sumama na rin ang KPML sa kampanya hinggil sa lumalalang klima ng ating daigdig.
Kaya mahigpit ang aming ugnayan sa mga grupong makakalikasan, tulad ng EcoWaste Coalition, No Burn Pilipinas, Philippine Movement for Climate Justice, at Asian People's Movement on Debt and Development.
Pinag-aaralan din ng KPML ang mga batas tulad ng Environmental Impact Assessment Law (PD 1586), Toxic Substances And Hazardous Waste Management Act (RA 6969), Clean Air Act Of 1999 (RA 8749), Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003). Clean Water Act (RA 9275), at Environmental Awareness and Education Act Of 2009 (RA 9512)
Kahit kami'y maralita, alam namin ang lugar na aming ginagalawan, at tulad ng pangarap naming isang lipunang makatao, pinapangarap din namin ang isang lipunang hindi sumisira sa ating daigdig, isang lipunang hindi nangingibabaw ang kapitalismong nagwawasak sa ating kalikasan sa paghahangad sa tubo. Ang nais namin ay isang lipunang makataong nangangalaga at may puso sa maralita't kalikasan.