PAHAYAG NG KPML
Hunyo 23, 2023
MARALITA, MAGKAISA! TUTULAN AT LABANAN ANG ILEGAL NA PAGBABAKOD SA TAHANAN NG MGA MARALITA! PALAYAIN ANG LIDER NG MALIPAY!
Mahigpit na tinutuligsa ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang naganap na pangyayari sa Malipay noong Hunyo 22, 2023 nang pilit na binakuran ng mga Villar. Inaresto pa't ipiniit si Carlota (Lot Lot) Duenos, Vice President for Internal ng Koalisyon Pangkaunlaran sa Malipay (KPM).
Ayon sa pahayag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog: "Ang iligal na pagbabakod ay naganap kaninang hapon June 22, 2023 sa Sitio Malipay 3, Barangay Molino 4, Bacoor City, Cavite. Sa pangunguna ni Engr. Dexter Gonzales ng SIPAG VILLAR binakuran ang lote ni Ka Manding Ecla, Tagapangulo ng KPM. Tinututulan ng mga lider at mga kasapi ng KPM ang pagbabakod dahil ang lupa o lote na kinatitirikan ng bahay ni Ka Manding ay naigawad na ng DENR noong pang 1992 sa namayapang niyang ama. Suportado ng napakaraming pulis at guwardya ang pagbabakod at habang kinikuwestsyon ng mga kasapi ng KPM ang legalidad ng pagbabakod ay pinaghuhuli ang mga lider ng KPM habang patuloy ang pagbabakod. Masuwerteng nakaalpas sa kamay ng mga nanghuhuli ang mga opisyales, subalit si Lotlot ay hindi nagawang makahulagpos sa paghawak ng apat na pulis. Dinala siya sa istasyon ng pulis, ikinulong at pinatungan ng samut-saring mga kaso."
"Ang lupain sa Sitio Malipay ay friar lands na matagal ng naninirahan ang mga mamamayan doon. Malapit ito sa Daang Hari na napapalibutan ng mga ari-arian ng pamilya Manny Villar. Sa kabila ng pagiging friar land, ang mga lupain sa Sitio Malipay ay himalang ”napatituluhan” ng mga kumpanya na pag-aari ng pamilyang Villar. Ang usapin ng mga lupain sa Malipay ay nasa proseso pa ng pagdinig sa mga korte."
Ang mga kapulisan naman, imbes na maging tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mamamayan, ay nagmistula silang private army ng pamilyang Villar. Imbes na sundin ang kanilang islogang "To serve and protect (the people)" ay naging "To serve and to protect (the ruling class)". Imbes na protektahan ang mga mahihirap at maliliit sa lipunan, mas pinili nilang protektahan ang mga mayayaman. Magkano ba ang kanilang prinsipyo? Nilalabag na ba nila ang tungkuling depensahan ang mamamayan at naging tauhan na ng mga mapagsamantalang mayayaman?
Senador na ang mag-inang Cynthia at Mark Villar, at ayon sa Forbes Magazine ay pinakamayamang tao sa buong Pilipinas si Manny Villar. Hindi na ba sila nakuntento sa kanilang kayamanan at nais pa nilang kunin ang lupa ng mga maralita sa Malipay? Nais pa nilang mawala ang tanging yaman ng maralita - ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, pamumuhay at kinabukasan? Nasaan na ang katarungan at pagkakapantay sa ganyang uri ng sistema?
Karapatan ang ipinaglalaban ng mga maralita ng Malipay. Ipinagtatanggol nila ang kanilang tahanan laban sa mga mapangamkam ng kinatitirikan ng kanilang mga tahanan!
Mga kapwa maralita, magkaisa! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan ng ating mga kapatid sa Malipay! Hustisya para sa mga maralita! Palayain ang lider ng mga maralita sa Malipay!