Huwebes, Setyembre 14, 2023

Pahayag ng KPML sa Ikatlong Dekada ng BMP


PAHAYAG NG KPML SA IKATLONG DEKADA NG BMP
Setyembre 14, 2023

MABUHAY ANG IKATATLUMPUNG ANIBERSARYO NG BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP)! MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!

Maalab at taaskamaong pagbati ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikatatlumpung taon ng pagkakatatag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)! Mabuhay kayo, mga kasama!

Sadyang makahulugan ang napili ninyong tema para sa ika-30 anibersaryo ng BMP: "Ipagpatuloy ang tatlong dekada ng inspirasyon at patnubay ng Bukluran sa pakikibaka ng mga manggagawa sa panahon ng krisis at pasistang paghahari, tungo sa demokratikong gobyerno ng masa!" Tagos sa puso't diwa kaya patuloy tayong nakikibaka para ating kamtin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nahaharap ang kilusang paggawa sa matitinding hamon, tulad ng pagpapalakas ng mga samahan tulad ng unyon, pag-oorganisa ng mga Buklod na siyang gulugod at malaking tulong sa mga manggagawa at mga maralita, paano mauunawaan ng mayorya sa lipunan ang adhikang pagbabago ng sistema ng lipunan tungo sa pagkakapantay, kung saan walang mahirap at mayaman, kung saan wala nang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon na  siyang ugat ng kahirapan.

Ating balikan at namnamin ang 10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP, na nalathala ilang taon na ang nakararaan:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Biyernes, Setyembre 1, 2023

Paliwanag ng PLM hinggil sa 4PH

HINGGIL SA PAMBANSANG PABAHAY PARA SA  PILIPINO (4PH) PROGRAM
Mula sa PLM - Partido Lakas ng Masa 
August 31, 2023

Kamakailan lamang ay naglabas ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng kanilang Operations Manual na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, ang programang pabahay na isinusulong ng administrasyong Marcos Jr.

Sa pakikipagtalakayan ng PLM - Partido Lakas ng Masa sa mga masa at maralitang diumano ay magiging benepisyaryo ng 4PH, lumalabas na hindi sila makikinabang dito, bagkus ay mayuyurakan pa ang kanilang karapatan sa marangal na pabahay.

Ilan sa mga nakikitang problema sa 4PH ay ang mga sumusunod:

1. Sa Local Government Unit (LGU) ipinasa ng DHSUD ang implementasyon ng 4PH. Dahil dito, tiyak na ito ay mapupulitika. Ang mga pangunahing bibigyan ng pabahay ay ang mga tagasuporta ng pinuno ng LGU. Ang mga kumakalaban naman sa pinuno ng LGU ay nagiging biktima ng marahas na pagpapatupad ng 4PH, tulad ng nangyayari sa Valenzuela ngayon.

2. Hindi kasali sa proseso ng pagpapatupad ng 4PH ang mga samahan ng magkakapitbahay (Homeowners’ Association o HoA) na tatamaan ng proyekto. Kahit naibigay na sa mga benepisyaryo ang yunit, kasali pa rin ang LGU sa pamamahala ng gusali. Maaaring gamitin ito upang kontrolin ng LGU ang pulitika sa komunidad. Maaari pang gumawa ng pekeng HoA ang LGU kundi nito kayang kontrolin ang pulitika ng lehitimong HoA.

3. Vertical housing (condominium-type) ang magiging disenyo ng pabahay. Dahil dito, may hangganan ang pag-aari ng bahay. Kapag kailangan nang gibain ang gusali, walang katiyakan kung magkakaroon ng pabahay ang mga anak at apo ng may-ari sa bagong itatayong gusali.

4. Ang mga benepisyaryo umano ng 4PH ay ang mga Informal Settler Family o ISF (pinabangong tawag sa squatter) na nakatira sa  gilid ng riles, estero, iba pang daluyan ng tubig, at mga lupang inaagaw ng landgrabber. Karamihan sa mga ito ay walang kakayahang magbayad sa buwanang hulog na sinisingil para sa 4PH. Mapag-iiwanan ang mga ISF na walang regular na trabaho at kita. Ang mga benepisyaryong nakalista na hindi makababayad ng advance na buwanang hulog ay papalitan ng may mga kakayanan. Ang makakakuha lamang ng pabahay ay ang mga manggagawang may regular na kita at kapasidad na magbayad.

5.Napakamahal ng presyo ng mga itatayong pabahay. Ang pinakamura ay PhP4,796.40 kada buwan (para sa PhP800,000 na 24 square meter na yunit) at ang pinakamahal ay PhP8,993.26 kada buwan (para sa PhP1.5 million na 30 square meter na yunit) na babayaran sa loob ng 30 taon na may 6% na interes. Kahit 1% lang ang interes (alinsunod sa alok ng gobyerno na subsidyohan ang 5% na interes), ang pinamababang buwanang hulog ay magiging PhP2,573.12 at ang pinakamataas ay magiging PhP4,824.59, na mahal pa rin kahit para sa mga kumikita ng minimum na sahod.  Kapag may edad na ang benepisyaryo, iikli ang bilang ng taon kung saan kailangang bayaran ang yunit kaya lalaki ang buwanang bayad. Hindi pa kasama dito ang monthly dues na kailangang bayaran sa mamamahala sa pabahay. Dahil LGU ang mamamahala sa pabahay, sila ang mangongolekta nito. Hindi rin kasama ang bayad sa lupang katitirikan ng pabahay na hindi siguradong mapupunta sa HoA. Lumalabas na ipinapasa sa mga mahihirap ang gastusin sa programang pabahay ng gobyerno.

6. Kailangan na magpakita ng interes at kapasidad na magbayad ang benepisyaryo kahit 80% pa lang ng gusali ang natatapos. Hindi ito naiiba sa “pre-selling scheme” ng mga condominium.

7. Hindi “beneficiary” ang tawag sa mga tatanggap ng pabahay kundi “buyer”. Dahil dito, ang karakter ng 4PH ay hindi serbisyo kundi negosyo.

8. Maaaring makuha ang pondo para sa 4PH mula sa pambansang badyet (General Appropriations Act) o sa badyet ng LGU ngunit maaari ring utangin mula sa National Home Mortgage Finance Corporation, mga banko, at mga pribadong korporasyon. Maaari ring ipatupad ang “socialized housing” kung saan ang may mas may kakayahang magbayad ay mas malaki ang ibabayad. Ilan ito sa mga paraan upang ipasa sa taumbayan ang gastusin sa 4PH.

9. Ang mga lupang nais pagtayuan ng pabahay ay diumano ang mga nakatiwangwang na lupa ng mga LGU, pambansang ahensya ng gobyerno, o mga donasyon mula sa pribadong sektor. Ngunit sa totoong buhay, ang pinagdidiskitahan ay ang mga lupang kinatatayuan ng mga bahay ng mga ISF.

10. Inilalantad ng 4PH ang karakter ng trapo at dinastiyang gobyerno na inabot na ang antas ng impunidad. Nagkakaroon ng demolisyon sa mga komunidad kung saan ang gobyerno ang nagiging landgrabber. Winawasak ang mga itinayong bahay kapalit ang maliit na halaga (PhP9,000 lamang ang pinipilit na ipatanggap sa mga taga Viente Reales, Valenzuela kapalit ng pagdemolish ng kanilang mga bahay).

Dahil sa mga problemang ito sa 4PH, may mga panukala ang PLM para matiyak ang pagkakaroon ng disenteng pabahay ng mga masa at maralita:

1. Itigil ang demolisyon sa mga lugar kung saan wala pang pinal na desisyon sa pagmamay-ari ng lupa at pagtatayo ng pabahay para sa mga apektadong ISF.

2. Gawing serbisyo ang karakter ng 4PH at hindi negosyo. Dapat ay magarantiyahan ang pabahay ng mga ISF kahit na walang regular na manggagawa sa kanilang pamilya.

3. Isali ang mga HoA at iba pang People’s Organization sa proseso ng pagpapatupad ng 4PH. Kung kailangan na vertical housing ang gagawing pabahay, ipangalan ang lupa sa HoA upang mapakinabangan din ng mga anak at apo ng mga kasapi sa panahong kailangan nang gibain ang gusali at magpatayo ng bagong pabahay.

4. Isaalang-alang ang kakayahang magbayad ng masa at maralita. Hindi kaya ng sahurang manggagawa na may minimum na sahod ang PhP2,222 hanggang PhP4,166 kada buwan na pabahay. Kung ISF ang totoong target ng 4PH, pinakamaliit na dapat ang 30% ang sagutin ng gobyerno sa presyo ng pabahay.

Patuloy ang PLM sa pakikipag-ugnayan sa mga samahang magkakapitbahay ng mga masa at maralita na may suliranin sa pabahay upang sama-sama nating makamit ang ating hangarin na marangal na pabahay.

ITIGIL ANG DEMOLISYON!
PABAHAY SA MASA AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO!
PEOPLE’S ORGANIZATIONS, KILALANIN!
ABOT-KAYANG PABAHAY PARA SA ISF AT INFORMAL WORKERS!