Pahayag ng KPML
NO TO JEEPNEY PHASE OUT!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga tsuper at operator na mawawalan ng kabuhayan kung matutuloy ang Disyembre 31, 2023 consolidation deadline. Ayon kay BBM, wala nang ekstensyon ang consolidation deadline para sa mga tsuper ng dyip. Ang mga jeepney operator umanong mabibigong isama ang kanilang mga sarili sa mga kooperatiba o korporasyon ay mawawalan ng kanilang karapatang muling pumasada.
Sino ang madalas sumasakay sa dyip? Tayong mga maralita. Ang mga manggagawang papasok sa trabaho at pauwi galing sa trabaho. Ang mga estudyanteng patungo sa kanilang eskwelahan, at pabalik sa bahay. Ang mga karaniwang tao. Inihahatid tayo sa ating paroroonan sa pamasaheng kaya nating maabot. Kinagisnan na natin ang dyip sa matagal na panahon na siyang ating pangunahing pampasaherong sasakyan.
Kitang-kita ang bayanihan sa dyip. Hindi lang pagbubuhat ng bahay ang halimbawa ng bayanihan, subalit bihira na ang pagbubuhat ng bahay ngayon, maliban marahil sa ilang probinsya. Tanging sa araw-gabi sa kalunsuran makikita ang bayanihan ng hindi magkakakilala sa pamamagitan ng pag-aabot ng bayad ng kapwa pasahero at pag-aabot ng sukli ng tsuper sa pasahero. Kasama na sa kasaysayan at panitikan ng bayan ang ating mga iconic jeepney. Ito na ang kulturang kinagisnan natin.
Subalit, panganib ng kawalan ng kabuhayan ang sasalubong sa mga operator at tsuper ng dyip sa Bagong Taon ng 2024. Kawawa ang kanilang pamilya. Gutom at pagdurusa kung walang kikitain ang kanilang ama na tsuper ng dyip na pamasada. Tila ba wala talagang kaluluwa ang administrasyong BBM sa maralitang namamasada.
Dapat na aralin at suriin pang mabuti ang jeepney modernization program, lalo na kung paano nito tatamaan ang mga kapwa maralita. Dapat may makatarungang transisyon o just transition, kung saan makikinabang ang mayorya, lalo na ang maralita, at hindi ang iilan. Pagkat ang resulta ng jeepney phase out ay pagkawala ng kabuhayan, na magreresulta ng kagutuman ng kanilang pamilya. Maaaring harapin ng bansa ang krisis sa transportasyon sa pagtatapos ng taon dahil sa sinasabing deadline.
Kaya kami sa KPML ay nakikiisa, lalahok at sasama sa protesta ng mga tsuper at operator ng dyip sa anumang kilos protesta upang ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at karapatan! Wala talagang malasakit ang kapitalismo sa maralitang tsuper at maralitang pasahero! Dapat talagang baguhin na ang ganitong bulok na sistema!
No to Jeepney Phaseout!
Fight for Just Transition!
Ipagtanggol ang karapatan ng mga maralitang tsuper sa kabuhayan!