Miyerkules, Mayo 1, 2024

Pahayag ng KPML sa Mayo Uno 2024

PAHAYAG NG KPML SA MAYO UNO 2024

Maalab na pagbati sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig! Taaskamaong pagpupugay sa uring manggagawa sa ating bansa! Mataas na pagpaparangal sa mga manggagawang nagsakripisyo at nag-alay ng buhay para sa katarungang panlipunan at kumilos upang itayo ang pangarap nilang lipunang makatao, kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay naniniwalang maitatayo natin ang isang lipunan ng uring manggagawa kung mapapawi natin ang bulok na sistemang nakasalalay sa pribadong pag-aari at pagsasamantala ng tao sa tao. Dapat tayong kumilos upang pawiin ang sistemang kapitalismo, magkaisa at magkapitbisig upang itayo ang isang lipunang may pagpapahalaga sa kahit kaliit-liitang karapatan ng tao, kahit yaong pinakamahihirap pa sa buhay. Na kaya naging mahirap ay dahil pinagkaitan ng ginhawa dulot ng pagpapayaman ng iilan sa kabila ng kahirapan ng marami.

Bilang mga sagigilid (marginalized), magkatuwang ang maralita at manggagawa sa labang ito. Umuuwi ang manggagawa sa komunidad ng maralita at ang mga maralitang isang kahig isang tuka ay nagbebenta ng kanilang mga paninda (tulad ng tuhog-tuhog) sa mga manggagawa. Silang kapwa nagsisikap upang sa kabila man ng kaliitan ng kita,y nais buhayin ng marangal ang kanilang pamilya.

Subalit nagtatanong din sila bakit ba may laksa-laksang mahihirap habang may nagpapasasang iilan. Dahil sa pribadong pag-aari, marami ang nawalan ng lupa't tirahan, at napakarami ang naging iskwater sa sariling bayan. Kabalintunaan ang iskwater sa sariling bayan habang nag-aari sa bansa ang mga dayuhan at malalaking kapitalista.

Dapat mabago ang ganitong kalagayan. Dapat magkaisa ang manggagawa't maralita na itayo ang lipunang walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Dapat sosyalisado ang pairalin sa lipunan kung saan walang mahirap at walang mayaman kung saan lahat ay nakikinabangan sa kalikasan at sa bunga ng paggawa.

Mabuhay ang uring manggagawa! Sulong sa pagtatayo ng lipunang walang pribadong pag-aaari! Sulong patungo sa sosyalismo!