Linggo, Hulyo 27, 2025

Polyeto ng KPML sa SONA 2025

SA RA 12216 (NHA ACT OF 2025), 
TAGILID NA NAMAN ANG MARALITA

Ang Republic Act 12216 o ang National Housing Authority Act of 2025 ay nilagdaan na nitong Mayo 29, 2025. Bagamat wala pa itong IRR (Implementing Rules and Regulations). Pinawalang bisa ng batas na ito ang Presidential Decree No. 757 (series of 1975) na siyang lumikha sa National Housing Authority (NHA), ang pangunahing ahensya ng pambansang pamahalaan hinggil sa pabahay.

Subalit nakababahala ang ilang probisyon sa bagong batas. Suriin ang ilang matitingkad na probisyon. Kung dati, 30 days notice, ngayon, 10 araw na lang. Ayon sa Article IV, letter d, "shall be given to the informal settler family or illegal occupant concerned at tleast ten (10) days befor the scheduled ejectment from the premises."

Sa nasabing probisyon din, may police power to demolish na rin ang NHA: "That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, WITHOUT the necessity of judicial order, any and all informal settler families, as well as any illegal occupant in any homelot,"

Ang mandato ng NHA ay maglaan ng pabahay para sa mga walang bahay. Subalit bakit pati ang condonation and restructuring ay pinasok na rin nito? Sec. 6, Artikulo II, d. "Establish a socialized and low-cost housing loan restructuring and condonation program, subject to the terms and conditions the Board of Directors may prescribe"

Mga kapwa maralita, ilan lang iyan sa mga matitinding kinakaharap ng mga maralita, lalo sa isyu ng pabahay. Bukod pa iyan sa 4PH (Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program), na flagship project ni BBM upang lutasin umano ang 6.8 milyong backlog sa pabahay. Subalit ang 4PH ay hindi naman para sa ating maralita, kundi para sa mga pulis, guro, at sektor na may pay slip at fixed income. Hindi para sa maralita ang 4PH.

Tapos nariyan pa ang bagong NHA Act na parang wala nang karapatan ang mga maralita sa pabahay, na pag ginusto ng NHA na walisin ang mga maralita, may police power na ang NHA na basta na lang wawalisin ang bahay ng mga dukha. Ilang beses na bang tagilid ang maralita sa mga proyekto ng pamahalaan at pribadong sektor? Walang masusulingan ang maralita kundi magkaisa, magkapitbisig at lumaban para sa kanilang mga karapatan na may hustisyang panlipunan.

Kaya ngayong ikaapat na SONA ni BBM, ating ipanawagan sa mga kapwa maralita na magkaisa upang labanan ang bagong batas o itong NHA Act na inilalagay sa dehado ang mga maralita!

Itinatakwil ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang batas na ito at IBASURA dahil hindi ito mag-aangat sa kalagayan ng mga maralita, bagkos ay magpapahirap at magbabaon pa sa kumunoy ng kahirapan ng masa.

ITO AY NEGOSYO, HINDI SERBISYO! IBASURA ANG BATAS NA ITO! Ito ay tahasang pagyurak at paglabag sa karapatang pantao! Ito ay labag sac Konstitusyon ng Pilipinas!

ANG TUNAY NA PROGRAMA PARA SA MARALITANG MASANG PILIPINO AY ANG PAMPUBLIKONG PABAHAY SA PILIPINAS!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Hulyo 28, 2025