Martes, Pebrero 25, 2025

Pahayag sa ika-39 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa

ITULOY ANG KINAPOS NA LABAN NG EDSA 1986:
LABANAN ANG KRISIS, PANDARAMBONG, AT PANLILINLANG!
MARCOS-DUTERTE, PANAGUTIN!
ITAKWIL ANG REHIMENG MARCOS!

Isang taon na lang at apat na dekada na ang pag-aalsang EDSA. Kaisa kami sa pagtitipon ngayong taon, na nananawagang muling "isabuhay ang diwa ng Edsa". Subalit nais naming iklaro kung ano para sa BMP, PLM, at SANLAKAS ang diwang dapat nating muling isabuhay.

Para sa amin, ang pag-aalsang Edsa ay kulminasyon ng mahabang laban ng bayan sa diktadurang Marcos. Karugtong ng mga pag-aalsa ng kilusang estudyante noong First Quarter Storm; ng pagpihit ng armadong labanan sa kanayunan dahil nawalan ng puwang para sa hayagan at ligal na oposisyon; sa welga sa La Tondeña at ang "strike wave" sa gitna at dulong bahagi ng dekada '70 na bumasag sa lagim ng Martial Law, ang ispontanyong noise barrage laban sa noise barrage laban ssa dayaan noong 1978 Interim Batasang Pambansa elections (kung saan tumakbo sa oposisyon si Ninoy Aquino at ang lider-manggagawang si Alex Boncayao sa ilalim ng LABAN o Lakas ng Bayan), ng malawak na ispontanyong protesta sa asasinasyon kay Ninoy noong 1983 na umabot pa sa business district ng Makati; at ng civil disobedience noong 1986 na resulta ng dayaan sa snap elections.

Ang "diwa ng Edsa" ay ang kahilingan ng taumbayan para sa ganap na pagbabagong panlipunan, hindi lamang simpleng pagpapabagsak ng rehimen. Paghahangad na ang mga abstraktong panawagan para sa "kalayaan", "demokrasya", at "karapatan" ay magkaroon ng totoo't kongkretong pagbabago sa araw-araw na buhay ng masang Pilipino.

Sariwain natin ang kamangha-manghang kabanata ng pagkakaisa ng taumbayan. Pagkakaisang nagpabagsak sa diktadura. Subalit kinapos para ihatid ang pagbabagong inaasam ng mamamayan bilang bunga ng pag-aalsa. Ang lakas ng nagkakaisang mamamayan ay nauwi sa simpleng "regime change". Ang karapatang bumoto ay naging pagpili kung sinong dinastiya ang may monopolyo sa kapangyarihan - ramdam ito mula sa pambansa hanggang sa mga LGUs. Ang paglaya mula sa mga kroni ni Marcos ay humantong sa monopolyo ng iilang bilyonaryo sa ipinagmamalaking taon-taong paglago ng yaman ng bansa.

Matamis at mapait ang mga aral ng kasaysayan sa naganap na pag-aalsa noong 1986. Minsan nating nalasap ang matamis na simoy ng pagkakaisang may kakayahang yumugyog sa bulok na kaayusan at magpatalsik sa diktador. Subalit aminin nating kinapos ito sa paghahatid ng pagbabago sa mayoryang naghihirap. Ang pait ng kahirapan at kawalang pag-asang dinanas ng taumbayan matapos ang Edsa 1986 ang ginagatungan ng mga rebisyunista para malimutan ng taumbayan ang bisa at lakas ng kanilang nagkakaisang laban.

Upang hindi malimot ang "diwa ng Edsa", ipagpatuloy natin ang laban para sa ganap na pagbabagong panlipunan, at kilalanin na ang rekisito nito ay ang pangangailangan sa tuloy-tuloy na pakikibakang hindi magpapalimita sa simpleng pagpapalit ng rehimen. Magagawa ito kung ang pagkakaisa ng taumbayan ay independyente sa elitistang paksyong karibal ng nakaupong administrasyon. Kung hindi, mauulit lamang ang trahedya ng Edsa 1986, kung saan ang taumbayan ay sama-samang nagpabagsak sa rehimen habang bihis na bihis ang karibal na elitistang paksyon (kasama ang mga balimbing na sina Ramos at Enrile) para umagaw lamang ng estado poder.

Ang ating pag-amin sa kakapusan at kahinaan ng pag-aalsa noong 1986 ay batayan kung bakit natin itinutuloy ang laban para sa "diwa ng Edsa" o sa "ganap na pagbabagong panlipunan". Sapagkat ang mga kabulukang nagsindi sa pakikibakang anti-Marcos noon ay siya ring namamayagpag hanggang ngayon. Nananatili ang krisis sa kabuhayan, ang pandarambong, at ang panlilinlang ng taumbayan.

KRISIS SA KABUHAYAN: Tatlong taon na ang rehimeng Marcos Junior pero wala itong nagawa para ampatin ang krisis sa kabuhayan ng taumbayan. Sumisirit pataas ang presyo ng mga bilihin. Hinahayaan ang pagtaas ng presyo ng langis at singil sa kuryente. Laganap pa rin ang kawalan ng hanapbuhay at kontraktwalisasyon. Hindi sumasabay ang sweldo sa patuloy na pagtaas ng inflation rate.

PANDARAMBONG: Sa dulo pa ng ikatlong taon ay ginawa ang enggrandeng pandarambong sa kaban ng bayan sa anyo ng 2025 election budget ng mga trapo't dinastiya. Sa halip na aksyunan ang desperadong kalagayan ng masa, mas pinokusan pa ang pagtugis sa kabilang bahagi ng dating Uniteam - ang paksyon ng mga Duterte. Subalit pareho lang naman sila ng mga isinusulong na patakaran sa ekonomya. Pareho lang na mga mandarambong sa kaban ng bayan. Sa alitan ng Team Kasamaan at Team Kadiliman, napatunayang muli ang kasabihang "ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw".

PANLILINLANG: Nagbabalatkayo ang rehimeng Marcos na tinutugis ang mga Duterte sa madugong "War on Drugs" subalit ano ba ang kanilang pandarambong sa badyet kundi pagnanakaw sa pondong naipon sa pawis at dugo ng mamamayang pinapatawan ng buwis sa kanilang sweldo't kita at sa kanilang paggastos at pagkonsumo? Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga Duterte na maingay sa isyu ng 2025 budget subalit nananahimik sa "confidential fund" ni Sara at sa walang kaparis na pangungutang at pagnanakaw sa kaperahan ng gobyerno noong pandemya. At sa darating na halalan, pinapaniwala tayo ng paksyon ng mga Marcos at mga Duterte na sila lamang ang pagpipilian taumbayan. Maihahalintulad ito sa pagpili ng nagpapatiwakal kung siya ba ay nagbibigti o maglalason. Pareho lamang ang dalawang dinastiya, na mga salot sa taumbayan!

Mga kamanggagawa at kababayan! Tipunin natin ang pinakamalawak na independyenteng kilusan laban sa mga Marcos at mga Duterte. Ang eleksyon ay magbubukas ng oportunidad para sa ganitong inisyatiba't proyekto. Ang elektoral na alyansa o kasunduan ay "basis of unity" para tiyaking may boses ang oposisyong independyente sa kontrol ng dalawang nagbabangayang mga dinastiya. Subalit ito ay limitado. Magkaisa tayo sa paniningil sa mga Marcos at mga Duterte sa krisis, pandarambong, at panlilinlang - mga usaping tiyak tayong iniinda at inirereklamo ng pinakamalawak na mamamayan. Totohanan nating isulong ang mga reporma para lutasin ang kagyat at araw-araw na mga problema ng masa. Sapagkat tayo ay para sa totoong pagbabago at hindi lamang para sa mga nakaupo sa pwesto. Sa pakikibaka para sa reporma, kunin natin ang simpatya't suporta ng masang nililinlang ng mga Marcos at mga Duterte. Tipunin natin ang nagkakaisang hanay ng taumbayan para panagutin ang mga Marcos at mga Duterte. Singilin ang dalawang dinastiya sa kanilang kalapastanganan sa manggagawa't mamamayan mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Ituloy ang laban ng EDSA 1986. Pandayin ang pagkakaisang hihigop at magpapayabong sa lakas at inisyatiba at inisyatiba ng milyon-milyong Pilipino. Upang ang "pagtatakwil", na kinalauna'y magiging "pagpapatalsik" sa rehimeng Marcos, ay hindi magagamit ng mga Duterte at magiging tuloy-tuloy na pakikibaka laban sa paghahari ng mga elitistang trapo't dinastiya. At ang nagkakaisang taumbayan na ang magpapasya sa kanilang paraan ng pagpapatalsik sa rehimeng Marcos - kung ito ay sa pamamagitan ng halalang 2028 at/o ng bagong pag-aalsa ng kilusang bayan na nakapagwasto na sa mga kahinaan at kakulangan ng naunang "People Power Revolution".#

BMP - PLM - SANLAKAS
Pebrero 25, 2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* PLM - Partido Lakas ng Masa

Huwebes, Pebrero 6, 2025

Pahayag ng KPML: Pagpupugay kay Cong. Edcel Lagman Pebrero 6, 2025

Pahayag ng KPML
Pagpupugay kay Cong. Edcel Lagman
Pebrero 6, 2025

Taas kamaong pagpupugay ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nagawa ni Congressman Edcel Lagman sa sambayanang Pilipino.

Si Cong. Edcel ang nakatatandang kapatid ni Ka Popoy Lagman, na ginugunita natin sa araw na ito ang ikadalawampu't apat na anibersaryo ng pagkapaslang sa kanya sa UP Diliman.

Ipinanganak si Cong. Edcel noong Mayo 1, 1942, petsa ng Dakilang Araw ng Paggawa, at namatay noong Enero 30, 2025, petsa ng pagkakatatag ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) na itinatag ni Ka Popoy Lagman noong Enero 30, 1999. Tunay ngang silang magkapatid ay kasangga ng uring manggagawa upang itayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Si Cong. Edcel ay kakampi ng maralita sa maraming laban. Isinulong niya ang mga batas na nagpoprotekta sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, pangunahin na ang Human Rights Defenders Protection Bill, na siya ang may-akda. Siya rin ang may-akda ng Siya rin ang pangunahing may-akda ng mga batas sa karapatang pantao, katulad ng Anti-Torture Act of 2009 (R.A. 9745), ang Anti-Enforced o Involuntary Disappearance Act of 2012 (R.A. 10353), at ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 (R.A.3013). Siya ang pangunahing tagapagtaguyod ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (R.A. 10354).

Dagdag pa, ang pagpapatayo ng pambansang tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Pasig, kung saan nakikiopisina rin ang KPML, ay mula sa pondong inilaan doon ni Cong. Lagman. Maraming, maraming salamat po.

Taospusong pakikiramay sa pamilya ni Congressman Edcel Lagman. Muli taaskamaong pagpupugay sa mga nagawa ni Cong. Edcel upang ipaglaban ang karapatang pantao at hustisyang panlipunan para sa lahat. 

Huwebes, Hulyo 18, 2024

Press statement - BAGONG PILIPINAS NI BBM: Budul-Budol sa Maralita

URBAN POOR PRESS CONFERENCE
PRESS STATEMENT
18 HULYO 2024

BAGONG PILIPINAS NI BBM: Budul-Budol sa Maralita

Papasok na ang Administrasyong Marcos Jr. sa kanyang ikatlong taon at malamang sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ay ipagmamalaki nito ang kanyang mga nagawa at prayoridad sa ilalim ng kanyang Bagong Pilipinas.

Ngunit para sa malawak na masang maralita ng bansa, walang bago sa BAGONG PILIPINAS ni BBM. Sa nakalipas na 2 taon, hindi umangat ang kalagayan at kabuhayan ng masang maralita at manggagawa sa bansa. Isang taon matapos ilunsad ni Marcos Jr. ang BAGONG PILIPINAS, hindi naramdaman ng mamamayan ang inilalakong pagbabago. Bagkus lalong dumilim ang kinabukasan ng mga maralita sa nakalipas na 2 taon ng administrasyong Marcos Jr.

Budul-Budol ang napala ng maralita sa ilalim ng administrasyon ni BBM. Walang natupad sa mga ipinangako nito para gumaan man lamang ang buhay ng masang Pilipino. Patunay nito ang mismong pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na kung saan 46% ng mga pamilyang Pilipino ay itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Kaya't hindi kataka-taka na sa halip na tumaas ang kumpiyansa ng mamamayan sa kasalukuyang administrasyon ay patuloy na bumababa ang Tiwala at Dismayado ang mamamayan.

Nabudol ang maralita sa pangako nito na pagpapababa sa presyo ng pagkain sa bansa. Ni anino ng P20/kilo ng bigas ay walang maipakita ang administrasyon. Sa halip patuloy ang pagsirit ng presyo hindi lamang ng bigas kundi ng mga batayang pagkain sa bansa sa kabila ng patuloy na importasyon at pagpapababa ng taripa sa mga imported na produktong agrikultura. Ang pangakong benteng bigas ay P55 - P65 per kilo sa kasalukuyan. Ang presyo ng isda't karne ay hindi bumaba sa P200 kada kilo.

Budul-Budol din ang napala ng maralita sa pangako nitong makataong pabahay sa mga maralita. Palsipikado ng Programang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o 4PH. Hindi para sa mga mahihirap ang programang pabahay na 4PH dahil patuloy pa rin itong pabahay para sa mga may kakayahang magbayad ng buwanang hulog na P4,000 - P6,000. Sinong maralita ang makakakaya sa halagang ito? Bulto ng aming hanay ay bahagi ng impormal na sektor at walang regular na trabaho. Hindi ito para sa maralita kundi sa mga maykaya at para sa mga developer na siyang tatabo sa mga proyekto.

Patunay din ng kapalpakan ng programang 4PH ay kabiguan nitong tuparin ang mismong pangako nito na 1M pabahay kada taon. Isang taon makalipas ilunsad, ni isang gusaling pabahay ay hindi naitayo. Masaklap mismo ang DHSUD ay umamin sa kapalpakan nito sa pagbaba nito ng target mula 1M bahay kada taon, ngayon ay 300,000 na lang.

Masaklap, wala na ngang bagong naitayong pabahay ang administrasyong Marcos Jr. binubulabog naman ang mga maralitang pamilya sa mga relokasyon sa pagpapatupad ng National Housing Authority (NHA) ng programa nitong CANCELLATION of HOUSING CONTRACT at PAGBAWI sa BAHAY ng mga maralita dahil sa kabiguan nitong magbayad sa kanilang mga tirahan. Sa halip na tuklasin ang kadahilanan kung bakit hindi makabayad, paparusahan ang mga maralitang pamilya sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa kani-kanilang tahanan. Ito ba ang BAGONG PILIPINAS?

Nabudul-Budol ni BBM ang maralita dahil sa halip solusyunan ang problema ng mga maralita ay lalo nitong ibinabaon sa kahirapan. Hindi na nga makontrol ang presyo, hindi pa rin nito magawang dagdagan ng sapat ang sahod ng mga manggagawang Pilipino at masaklap plano pang patawan ng buwis ng gobyerno.

Bulok ang Bagong Pilipinas ni BBM dahil hindi nito tinutumbok ang tunay na dahilan kung bakit umaaray ang mga maralita sa mataas na presyo ng mga pagkain at batayang serbisyo. Bakit hindi ito makabayad sa kanyang obligasyon sa bahay? Bakit hindi maniniwala ang maralita na gumaganda ang ekonomiya at hindi katanggap-tanggap ang mumong umento sa sahod sa manggagawa habang lumalangoy sa dagat ng karangyaan at yaman ang iilang Bilyonaryo sa bansa.

Budul-Budol ang Bagong Pilipinas ni BBM. Bigo ito sa lahat ng kanyang ipinangako sa maralitang Pilipino. Sa halip, sa nakalipas na dalawang taon, lalong sumirit ang presyo ng mga bilihin, hindi dumami ang may regular na trabaho, hindi nakakabuhay ang sahod ng mga manggagawang Pilipino at patuloy pa rin ang pagkakait sa maralita ng maayos, abotkaya at makataong paninirahan ng maralita. BAGONG PILIPINAS ni BBM: Budul-Budol sa Maralita.#

4PH IBASURA!
CANCELLATION of CONTRACTS sa RELOKASYON TUTULAN!
SAHOD ITAAS! PRESYO IBABA!
REGULAR na TRABAHO at PAMPUBLIKONG PABAHAY
HINDI DEMOLISYON at EBIKSYON!

SM - ZOTO * KPML * K4K-QC * PLM * BMP

Miyerkules, Mayo 1, 2024

Pahayag ng KPML sa Mayo Uno 2024

PAHAYAG NG KPML SA MAYO UNO 2024

Maalab na pagbati sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig! Taaskamaong pagpupugay sa uring manggagawa sa ating bansa! Mataas na pagpaparangal sa mga manggagawang nagsakripisyo at nag-alay ng buhay para sa katarungang panlipunan at kumilos upang itayo ang pangarap nilang lipunang makatao, kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao!

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay naniniwalang maitatayo natin ang isang lipunan ng uring manggagawa kung mapapawi natin ang bulok na sistemang nakasalalay sa pribadong pag-aari at pagsasamantala ng tao sa tao. Dapat tayong kumilos upang pawiin ang sistemang kapitalismo, magkaisa at magkapitbisig upang itayo ang isang lipunang may pagpapahalaga sa kahit kaliit-liitang karapatan ng tao, kahit yaong pinakamahihirap pa sa buhay. Na kaya naging mahirap ay dahil pinagkaitan ng ginhawa dulot ng pagpapayaman ng iilan sa kabila ng kahirapan ng marami.

Bilang mga sagigilid (marginalized), magkatuwang ang maralita at manggagawa sa labang ito. Umuuwi ang manggagawa sa komunidad ng maralita at ang mga maralitang isang kahig isang tuka ay nagbebenta ng kanilang mga paninda (tulad ng tuhog-tuhog) sa mga manggagawa. Silang kapwa nagsisikap upang sa kabila man ng kaliitan ng kita,y nais buhayin ng marangal ang kanilang pamilya.

Subalit nagtatanong din sila bakit ba may laksa-laksang mahihirap habang may nagpapasasang iilan. Dahil sa pribadong pag-aari, marami ang nawalan ng lupa't tirahan, at napakarami ang naging iskwater sa sariling bayan. Kabalintunaan ang iskwater sa sariling bayan habang nag-aari sa bansa ang mga dayuhan at malalaking kapitalista.

Dapat mabago ang ganitong kalagayan. Dapat magkaisa ang manggagawa't maralita na itayo ang lipunang walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Dapat sosyalisado ang pairalin sa lipunan kung saan walang mahirap at walang mayaman kung saan lahat ay nakikinabangan sa kalikasan at sa bunga ng paggawa.

Mabuhay ang uring manggagawa! Sulong sa pagtatayo ng lipunang walang pribadong pag-aaari! Sulong patungo sa sosyalismo!

Biyernes, Disyembre 29, 2023

Pahayag ng KPML laban sa Jeepney Phaseout

Pahayag ng KPML
NO TO JEEPNEY PHASE OUT!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga tsuper at operator na mawawalan ng kabuhayan kung matutuloy ang Disyembre 31, 2023 consolidation deadline. Ayon kay BBM, wala nang ekstensyon ang consolidation deadline para sa mga tsuper ng dyip. Ang mga jeepney operator umanong mabibigong isama ang kanilang mga sarili sa mga kooperatiba o korporasyon ay mawawalan ng kanilang karapatang muling pumasada.

Sino ang madalas sumasakay sa dyip? Tayong mga maralita. Ang mga manggagawang papasok sa trabaho at pauwi galing sa trabaho. Ang mga estudyanteng patungo sa kanilang eskwelahan, at pabalik sa bahay. Ang mga karaniwang tao. Inihahatid tayo sa ating paroroonan sa pamasaheng kaya nating maabot. Kinagisnan na natin ang dyip sa matagal na panahon na siyang ating pangunahing pampasaherong sasakyan.

Kitang-kita ang bayanihan sa dyip. Hindi lang pagbubuhat ng bahay ang halimbawa ng bayanihan, subalit bihira na ang pagbubuhat ng bahay ngayon, maliban marahil sa ilang probinsya. Tanging sa araw-gabi sa kalunsuran makikita ang bayanihan ng hindi magkakakilala sa pamamagitan ng pag-aabot ng bayad ng kapwa pasahero at pag-aabot ng sukli ng tsuper sa pasahero. Kasama na sa kasaysayan at panitikan ng bayan ang ating mga iconic jeepney. Ito na ang kulturang kinagisnan natin.

Subalit, panganib ng kawalan ng kabuhayan ang sasalubong sa mga operator at tsuper ng dyip sa Bagong Taon ng 2024. Kawawa ang kanilang pamilya. Gutom at pagdurusa kung walang kikitain ang kanilang ama na tsuper ng dyip na pamasada. Tila ba wala talagang kaluluwa ang administrasyong BBM sa maralitang namamasada. 

Dapat na aralin at suriin pang mabuti ang jeepney modernization program, lalo na kung paano nito tatamaan ang mga kapwa maralita. Dapat may makatarungang transisyon o just transition, kung saan makikinabang ang mayorya, lalo na ang maralita, at hindi ang iilan. Pagkat ang resulta ng jeepney phase out ay pagkawala ng kabuhayan, na magreresulta ng kagutuman ng kanilang pamilya. Maaaring harapin ng bansa ang krisis sa transportasyon sa pagtatapos ng taon dahil sa sinasabing deadline.

Kaya kami sa KPML ay nakikiisa, lalahok at sasama sa protesta ng mga tsuper at operator ng dyip sa anumang kilos protesta upang ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at karapatan! Wala talagang malasakit ang kapitalismo sa maralitang tsuper at maralitang pasahero! Dapat talagang baguhin na ang ganitong bulok na sistema!

No to Jeepney Phaseout!
Fight for Just Transition!
Ipagtanggol ang karapatan ng mga maralitang tsuper sa kabuhayan!

Huwebes, Setyembre 14, 2023

Pahayag ng KPML sa Ikatlong Dekada ng BMP


PAHAYAG NG KPML SA IKATLONG DEKADA NG BMP
Setyembre 14, 2023

MABUHAY ANG IKATATLUMPUNG ANIBERSARYO NG BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP)! MABUHAY ANG URING MANGGAGAWA!

Maalab at taaskamaong pagbati ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikatatlumpung taon ng pagkakatatag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)! Mabuhay kayo, mga kasama!

Sadyang makahulugan ang napili ninyong tema para sa ika-30 anibersaryo ng BMP: "Ipagpatuloy ang tatlong dekada ng inspirasyon at patnubay ng Bukluran sa pakikibaka ng mga manggagawa sa panahon ng krisis at pasistang paghahari, tungo sa demokratikong gobyerno ng masa!" Tagos sa puso't diwa kaya patuloy tayong nakikibaka para ating kamtin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nahaharap ang kilusang paggawa sa matitinding hamon, tulad ng pagpapalakas ng mga samahan tulad ng unyon, pag-oorganisa ng mga Buklod na siyang gulugod at malaking tulong sa mga manggagawa at mga maralita, paano mauunawaan ng mayorya sa lipunan ang adhikang pagbabago ng sistema ng lipunan tungo sa pagkakapantay, kung saan walang mahirap at mayaman, kung saan wala nang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon na  siyang ugat ng kahirapan.

Ating balikan at namnamin ang 10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP, na nalathala ilang taon na ang nakararaan:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Biyernes, Setyembre 1, 2023

Paliwanag ng PLM hinggil sa 4PH

HINGGIL SA PAMBANSANG PABAHAY PARA SA  PILIPINO (4PH) PROGRAM
Mula sa PLM - Partido Lakas ng Masa 
August 31, 2023

Kamakailan lamang ay naglabas ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng kanilang Operations Manual na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, ang programang pabahay na isinusulong ng administrasyong Marcos Jr.

Sa pakikipagtalakayan ng PLM - Partido Lakas ng Masa sa mga masa at maralitang diumano ay magiging benepisyaryo ng 4PH, lumalabas na hindi sila makikinabang dito, bagkus ay mayuyurakan pa ang kanilang karapatan sa marangal na pabahay.

Ilan sa mga nakikitang problema sa 4PH ay ang mga sumusunod:

1. Sa Local Government Unit (LGU) ipinasa ng DHSUD ang implementasyon ng 4PH. Dahil dito, tiyak na ito ay mapupulitika. Ang mga pangunahing bibigyan ng pabahay ay ang mga tagasuporta ng pinuno ng LGU. Ang mga kumakalaban naman sa pinuno ng LGU ay nagiging biktima ng marahas na pagpapatupad ng 4PH, tulad ng nangyayari sa Valenzuela ngayon.

2. Hindi kasali sa proseso ng pagpapatupad ng 4PH ang mga samahan ng magkakapitbahay (Homeowners’ Association o HoA) na tatamaan ng proyekto. Kahit naibigay na sa mga benepisyaryo ang yunit, kasali pa rin ang LGU sa pamamahala ng gusali. Maaaring gamitin ito upang kontrolin ng LGU ang pulitika sa komunidad. Maaari pang gumawa ng pekeng HoA ang LGU kundi nito kayang kontrolin ang pulitika ng lehitimong HoA.

3. Vertical housing (condominium-type) ang magiging disenyo ng pabahay. Dahil dito, may hangganan ang pag-aari ng bahay. Kapag kailangan nang gibain ang gusali, walang katiyakan kung magkakaroon ng pabahay ang mga anak at apo ng may-ari sa bagong itatayong gusali.

4. Ang mga benepisyaryo umano ng 4PH ay ang mga Informal Settler Family o ISF (pinabangong tawag sa squatter) na nakatira sa  gilid ng riles, estero, iba pang daluyan ng tubig, at mga lupang inaagaw ng landgrabber. Karamihan sa mga ito ay walang kakayahang magbayad sa buwanang hulog na sinisingil para sa 4PH. Mapag-iiwanan ang mga ISF na walang regular na trabaho at kita. Ang mga benepisyaryong nakalista na hindi makababayad ng advance na buwanang hulog ay papalitan ng may mga kakayanan. Ang makakakuha lamang ng pabahay ay ang mga manggagawang may regular na kita at kapasidad na magbayad.

5.Napakamahal ng presyo ng mga itatayong pabahay. Ang pinakamura ay PhP4,796.40 kada buwan (para sa PhP800,000 na 24 square meter na yunit) at ang pinakamahal ay PhP8,993.26 kada buwan (para sa PhP1.5 million na 30 square meter na yunit) na babayaran sa loob ng 30 taon na may 6% na interes. Kahit 1% lang ang interes (alinsunod sa alok ng gobyerno na subsidyohan ang 5% na interes), ang pinamababang buwanang hulog ay magiging PhP2,573.12 at ang pinakamataas ay magiging PhP4,824.59, na mahal pa rin kahit para sa mga kumikita ng minimum na sahod.  Kapag may edad na ang benepisyaryo, iikli ang bilang ng taon kung saan kailangang bayaran ang yunit kaya lalaki ang buwanang bayad. Hindi pa kasama dito ang monthly dues na kailangang bayaran sa mamamahala sa pabahay. Dahil LGU ang mamamahala sa pabahay, sila ang mangongolekta nito. Hindi rin kasama ang bayad sa lupang katitirikan ng pabahay na hindi siguradong mapupunta sa HoA. Lumalabas na ipinapasa sa mga mahihirap ang gastusin sa programang pabahay ng gobyerno.

6. Kailangan na magpakita ng interes at kapasidad na magbayad ang benepisyaryo kahit 80% pa lang ng gusali ang natatapos. Hindi ito naiiba sa “pre-selling scheme” ng mga condominium.

7. Hindi “beneficiary” ang tawag sa mga tatanggap ng pabahay kundi “buyer”. Dahil dito, ang karakter ng 4PH ay hindi serbisyo kundi negosyo.

8. Maaaring makuha ang pondo para sa 4PH mula sa pambansang badyet (General Appropriations Act) o sa badyet ng LGU ngunit maaari ring utangin mula sa National Home Mortgage Finance Corporation, mga banko, at mga pribadong korporasyon. Maaari ring ipatupad ang “socialized housing” kung saan ang may mas may kakayahang magbayad ay mas malaki ang ibabayad. Ilan ito sa mga paraan upang ipasa sa taumbayan ang gastusin sa 4PH.

9. Ang mga lupang nais pagtayuan ng pabahay ay diumano ang mga nakatiwangwang na lupa ng mga LGU, pambansang ahensya ng gobyerno, o mga donasyon mula sa pribadong sektor. Ngunit sa totoong buhay, ang pinagdidiskitahan ay ang mga lupang kinatatayuan ng mga bahay ng mga ISF.

10. Inilalantad ng 4PH ang karakter ng trapo at dinastiyang gobyerno na inabot na ang antas ng impunidad. Nagkakaroon ng demolisyon sa mga komunidad kung saan ang gobyerno ang nagiging landgrabber. Winawasak ang mga itinayong bahay kapalit ang maliit na halaga (PhP9,000 lamang ang pinipilit na ipatanggap sa mga taga Viente Reales, Valenzuela kapalit ng pagdemolish ng kanilang mga bahay).

Dahil sa mga problemang ito sa 4PH, may mga panukala ang PLM para matiyak ang pagkakaroon ng disenteng pabahay ng mga masa at maralita:

1. Itigil ang demolisyon sa mga lugar kung saan wala pang pinal na desisyon sa pagmamay-ari ng lupa at pagtatayo ng pabahay para sa mga apektadong ISF.

2. Gawing serbisyo ang karakter ng 4PH at hindi negosyo. Dapat ay magarantiyahan ang pabahay ng mga ISF kahit na walang regular na manggagawa sa kanilang pamilya.

3. Isali ang mga HoA at iba pang People’s Organization sa proseso ng pagpapatupad ng 4PH. Kung kailangan na vertical housing ang gagawing pabahay, ipangalan ang lupa sa HoA upang mapakinabangan din ng mga anak at apo ng mga kasapi sa panahong kailangan nang gibain ang gusali at magpatayo ng bagong pabahay.

4. Isaalang-alang ang kakayahang magbayad ng masa at maralita. Hindi kaya ng sahurang manggagawa na may minimum na sahod ang PhP2,222 hanggang PhP4,166 kada buwan na pabahay. Kung ISF ang totoong target ng 4PH, pinakamaliit na dapat ang 30% ang sagutin ng gobyerno sa presyo ng pabahay.

Patuloy ang PLM sa pakikipag-ugnayan sa mga samahang magkakapitbahay ng mga masa at maralita na may suliranin sa pabahay upang sama-sama nating makamit ang ating hangarin na marangal na pabahay.

ITIGIL ANG DEMOLISYON!
PABAHAY SA MASA AY SERBISYO, HUWAG GAWING NEGOSYO!
PEOPLE’S ORGANIZATIONS, KILALANIN!
ABOT-KAYANG PABAHAY PARA SA ISF AT INFORMAL WORKERS!

Martes, Hulyo 25, 2023

State of Donation - Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM

Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM:

STATE OF DONATION - ANG PATRONAGE POLITICS SA PAGHAHARI SA MASANG PILIPINO NG MGA DINASTIYA'T BILYONARYO

Sabi ni Marcos Junior sa kanyang ikalawang SONA, "The state of the nation is sound and improving - dumating na ang bagong Pilipinas". Umasa muli sa mga pasakalyeng one-liner - gaya ng hilig ngayon ng administrasyon na mga papalit-palit na mga logo at islogan. Subalit, sige, patulan pa rin natin. Kung dumating na ang bago, ano nga ba ang luma? 

Kung ang luma ay ang paghahari ng mga angkang naghahari sa kanya-kanyang mga probinsya't distrito, natibag ba ito sa loob ng mahigit isang taon? Hindi. Kung ang luma ay ang monopolyo sa ekonomya ng iilang bilyonaryo gaya nina Villar, Sy, Gokongwei, Tan, Aboitiz, Razon, atbp., may nagbago ba? Wala rin. 

Kung ang kalagayan ng bansa ay "sound and improving" o maayos at umaayos, umayos ba ang buhay ng masang Pilipino? Hindi. Hingalo pa rin ang buong ekonomya matapos ang sunod-sunod na lockdown na ipinataw ng nakaraang rehimen. Kulang ang trabaho. Talamak ang underemployment. Sumisirit pa ang mga presyo. Mababa at bumababa ang sahod. Kontraktwal karamihan ng manggagawa. Sino lang ba ang umayos ang kalagayan - bago mag-pandemya, sa kasagsagan nito, at sa ngayong itinaas na ang public emergency sa Covid19 - ang mga bilyonaryo! Naampat ba ang paglobo ng utang - hindi lamang ang minana niya kay Duterte kundi pati ang agresibong pangungutang na naging pang-ekonomyang patakaran na mula 2016? Hindi rin!

Subalit, ipagpalagay na inaayos na nga ito ng gobyerno, at nagawa lamang magsinungaling ni Marcos Junior dahil nahihiya itong umamin sa mga kahinaan sa isang SONA. Tingnan natin ang plano ng rehimen sa darating na taon, na kanyang binanggit sa kanyang talumpati. Silipin natin ang ilan sa mga "priority bills" ng administrasyon para itulak ng mga alyado nito Senado't Batasan. 

Karamihan ay may kaugnayan sa pondo ng gobyerno. 

EXCISE TAX ON SINGLE-USE PLASTICS. Mapagpasyang hakbang para labanan ang polusyong likha ng plastik? Hindi. Kung ganito, ang patakaran dapat ay probisyon - agaran o staggered. Pero hindi. Ang layon ay lumikha ng pondo. 

VAT ON DIGITAL SERVICES. Muli, buwis - na papasanin ng mga kumokonsumo. Hindi lang mga negosyo kundi ng taumbayan. Ang muling layunin, palaparin ang koleksyon sa buwis. 

RATIONALIZATION OF MINING FISCAL REGIME. Kulang pa sa detalye. Itataas ba ang mga buwis sa mga kompanya sa pagmimina? Papatawan ba sila ng danyos at oobligahing ayusin ang kanilang sinira sa kalikasan? Malamang na hindi. Dahil ang mga Romualdez ay namumuhunan din sa mga minahan. 

MOTOR VEHICLE USER'S CHARGE O ROAD USER'S TAX. Muli ay buwis. Ang dumaming may-ari ng sasakyan (mula kotse hanggang motor) dahil sa pagluluwag ng mga bangko at financing companies sa auto loan at motorcycle loan - na siyang dahilan ng trapik sa mga sentrong urban, ang siyang tiningnang malaking pagkukunan ng buwis ng gobyerno. 

MILITARY AND UNIFROMED PERSONNEL PENSION. Muli, ang paksa ay pondo ng gobyerno. Magbabawas? Malamang hindi. Dahil ang pensyon ng mga retirado at magreretirong opisyal ng pulis at militar ay paraan ng incumbent na commander-in-chief para maging tapat sa kanya ang kapulisan at sandatahan ng estado. 

May ilang paksa ukol sa agrikultura. AMENDMENT OF THE FISHERIES CODE, ANTI-AGRICULTURAL SMUGGLING ACT, BLUE ECONOMY LAW. Kailangan daw ng syensya para proteksyunan ang kalikasan habang inaangat sa kahirapan ang mga mangingisda. Ayusin din daw ang post-harvest facilities. Kalikasan? Hindi pa nga inaaksyunan ang oil spill sa Mindoro na kinasasangkutan ng mga malalaking korporasyon! Gayong ang oil spill ay patuloy na sumisira sa isa sa pinakamayaman at biodiverse ng karagatan sa buong mundo. Post-harvest? Para sa merkado? Sino ang target na mamimili? Ang mga Pilipino o ang pandaigdigang merkado? Ang mga dayuhan! Dahil ganito ang direksyon ng agri-business na tinutulak ng gobyerno, hindi lamang sa pangingisda kundi sa mismong pagtatanim. Blue (o maritime) economy para sa mga dayuhan! Ibig sabihin, higanteng kaSONAngalingan ang sinasabing "food security" na namumutawi sa mga dokumento ng gobyerno. Agricultural smuggling? Iyan ay karugtong lang ng patakaran sa liberalisasyon sa imported na produktong agrikultural na patuloy na isinusulong ng gobyerno. 

AMENDMENT OF THE COOPERATIVE CODE. Muli, may kaugnayan sa agrikultura. May target na halos 900 cluster na may saklaw na 200,000 ektarya ng lupaing agrikultural. Pabibilisin ang pagbubuo ng mga kooperatiba na susuhayan ng rekurso at tulong ng gobyerno. Agri-business para sa dayuhan! Hindi rin binanggit ang paggamit ng mga malalaking panginoong may-lupa sa mga kooperatiba, na isinasali ang mga dating tenant-farmers o benepisyaryo ng agrarian reform, para makonsentra ang lupa para sa kanilang mga agri-business. Sa huli, nananatili ang monopolyo sa lupa ng mga dating pyudal ngunit ngayo'y kapitalistang landlord, na taliwas sa nilalayon ng mga programa sa reporma sa lupa. 

Mayroong mga amyenda ukol sa paggamit sa pondo ng gobyerno. NEW GOVERMENT PROCUREMENT LAW at NEW GOVERNMENT AUDITING CODE. Bagong batas para sa paghihigpit sa maling paggamit sa kaban ng bayan. At sino ang gagawa ng batas? Ang siya ring mga mambabatas na dati nang nakinabang sa iba't ibang ligal na anyo ng "pork barrel" at pagwawaldas sa pondo na diumano'y serbisyo sa tao ngunit ginagamit para manatili sa poder ang kanilang mga angkan! 

ANTI-FINANCIAL ACCOUNTS SCAMMING. Binanggit lamang ang isa sa pinakamadalas na reklamo ng taumbayan. Gayong hindi naman ito maayos ng batas kundi ng mga sistema't teknikal na kasanayan para mapigilan ang mga scammer. TATAK-PINOY (Proudly Filipino) law (muli ay "packaging", gaya ng "city of man" ng Ministry of Human Settlements noon ni Imelda). EASE OF PAYING TAXES (muli ay ukol sa pondo ng gobyerno). LGU INCOME CLASSIFICATION, na panibagong sistema kung paano paghahatian ng mga dinastiya sa mga LGU ang pambansang kaban ng bayan. 

Panghuli ay ang PHILIPPINE IMMIGRATION ACT, mga amyenda dahil lipas na daw ang kasalukuyang bersyon nito na ginawa noong pang 1940. Ang mas target ay ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, hindi ang pag-aayos sa buhay ng mga migranteng manggagawang Pilipino. 

Ano ang mababakas na balangkas o framework sa mga "priority bills" ni Marcos Junior sa 2023? Dalawa. Pondo ng gobyerno at agri-business. Badyet at pondo ang pinagtuunan dahil sa ating lumolobong utang. Ang debt servicing ngayon taon ay nasa P819 bilyon! Sa pondo nakatutok, hindi sa direksyon ng mga pang-ekonomyang patakaran para sa redistribusyon - hindi lang produksyon - ng yaman o sa pagbaliktad sa mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, kontraktwalisasyon (pleksibilisasyon sa paggawa) at pinansyalisasyon na sumira sa ating lokal na ekonomya. Dahil para sa mga mambabatas na mula sa mga dinastiya (na siyang odyens ng SONA sa bulwagan) ang solusyon sa kahirapan ay simpleng mamahagi ng baryang serbisyo sa kanilang mga botante. Pinaksa ang agribusiness (partikular ang maritime) at ang imigrasyon ng OFW dahil narito ang potensyal at aktwal na kalakasan ng bansa sa pandaigdigang ekonomya. 

Walang "bagong Pilipinas". Pilipinas pa rin para sa mga elitista! State of donation - sa hirap at desperadong mamamayang aanggihan lamang ng pondo ng mga dinastiya habang patuloy ang konsentrasyon ng yaman ng bansa sa kamay ng iilang mga bilyonaryong negosyante. Ito ang kalagayan ng bansa sa klase ng bulok na demokrasyang nanumbalik matapos ang Edsa1986 na siya ring dahilan ng panunumbalik sa Malakanyang ng pamilya Marcos. 

###

BMP - PLM - Sanlakas
Hulyo 25, 2023

Lunes, Hulyo 24, 2023

Polyeto para sa SONA 2023

(Inilathala natin sa ating pahayagang Taliba ng Maralita ang lumabas na polyeto noong SONA 2023 upang ating mapagnilayan at bilang bahagi ng ating dokumento at paninindigan. - Ang Patnugutan)

BBM, WALANG PINAG-IBA, INUTIL SA MASA, GOBYERNONG ELITISTA!
Trabaho, Pagkain, Kalikasan, Karapatan at Kasarinlan!
Hindi Pandarambong, Gyera, at Karahasan!

Ramdam natin ang matinding kahirapan. Kahit labindalawang buwan nang nakaupo sa Malakanyang si Marcos Jr. Ang pangako niyang "ang pangarap ko ay pangarap ko" ay maihahambing sa panaginip ng bayan sa pagkakahimbing na biglang nawala nang magising makalipas ang isang taon!

Hindi tayo naghahanap ng milagro sa isang taon. Ang hinihingi natin ay malinaw na tinatahak na direksyon. Direksyong makikita sa mga naging hakbang nito mula Hunyo 2023. At kung ang mga ginawa nito ang huhusgahan, ang gobyernong ito ay inutil o walang silbi sa mamamayan. Mas pa, ang mga patakaran nito ay nagsisilbi lamang sa mga bilyonaryong kapitalista - laluna sa mga negosyanteng dikit sa administrasyon. Subalit mas masahol, ang kanyang mga plano;t patakaran ay kontra-mamamayan.

BAGONG PILIPINAS?

Kamakailan lamang ay inansunsyo ni Marcos Junior ang logo ng "Bagong Pilipinas" na nagpapakita diumano ng kanyang tatak sa pamumuno. Walang nagbago! Ang namumuno sa bansa ay dinastiya pa rin, mga angkan sa pulitika, na tumatagos mula sa LGU hanggang sa pambansang gobyerno. Ang pagkahumaling ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalit ng mga "logo", "islogan", atbp. ay maihahalintulad sa dating bisyo ni Imelda Marcos na "packaging" pati pabanguhin ang imahe ng administrasyon ng kanyang asawang si Marcos Senior.

Nagwawaldas ng milyon-milyon sa kung ano-anong pagpapalit ng pakete imbes na paglaanan ang taumbayan at ang lokal na ekonomya ng kinakailangang pondo. Pinanghihinayangan nilang gastusin ang anumang magpapaunlad sa kabuhayan at uri ng buhay ng taumbayan.

Wala silang paki sa kahirapan ng taumbayan. Pula man o dilaw o kahit anong kulay ng dinastiyang nagmamando sa gobyerno, iisa ang laging laman ng isip at gawa - patagalin at palakihin ang kanilang kapangyarihan habang ninanakaw ang kaban ng bayan. Balagoong ang Pilipinas at taumbayan sa lagi nang pag-upo sa gobyerno ng mga dinastya at elitistang pulitiko.

SALA-SALABAT NA KRISIS NG TAUMBAYAN

Ano ba ang kalagayan ng taumbayan? Tumitindi ang kahirapan. Walang trabaho ang karamihan. Ipagmalaki man ng gobyerno ang mataas na employment rate subalit malaking bahagi sa may-trabaho ay kulang sa trabaho. Mga nasa "gawa paraan" na klase ng hanapbuhay na hindi tiyak ang kikitain sa bawat araw.

Kung makapaghanapbuhay man sa mga establisimyento ay kontraktwal ang katayuan. Sa parehong kaso, palagiang nasa bingit ng gutom at kawalan ng hanapbuhay. Ang masakit, kulang na nga sa trabaho, mabilis pa sa alas-kwatro ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lalo ang presyo ng pagkain at langis na siyang dahilan ng pagtaas sa sinusukat na inflation rate. Walang ginawa ang gobyerno para kontrolin ang mga presyo. Di sinuspindi ang VAT sa langis. Di na pinarusahan ang mga trader na promotor ng importasyon ng pagkain at nagsasamantala sa mga magbubukid sa mababang farm gate prices. Habang sumisirit pataas ang presyo ng bilihin, ganun din kabilis ang pagbulusok pababa ng halaga ng sweldo o lalong lumiliit ang kayang bilhin ng sweldo ng mga manggagawa. Sobrang walang malasakit ang mga wage boards kahit lunod na sa taas ng presyo ang mga selduhan gaya ng NCR na nagdagdag nga ng P40 kada araw na minimum wage lang pero di pa kayang ibili ng isang kilong bigas.

Nariyan din ang krisis sa klima. Ang patuloy na pag-iinit ng mundo na pinangangambahang hihigit na sa 1.5 degree Celsius na magdudulot hindi lamang ng mga malalakas na bagyo sa mga tropikal na bansa gaya ng Pilipinas kundi matitinding El Niño at La Niña na pipinsala sa pananim at pangisdaan sa buong mundo. Pumorma ang gobyerno ng paniningil noon sa malalaking bansa para sa climate reparations subalit wala namang sustansya ang kanilang tindig. Nagtuloy-tuloy lang ang paggamit ng bansa ng mga fossil fuel para pagmulan ng enerhiya na nagpapainit sa mundo. Agresibo ngayon ang mga negosyante sa pagtatayo ng mga terminal ng fossil gas habang nananatili ang paggamit ng karbon o coal na pinakamaruming panggatong sa paggawa ng kuryente at numero unong sinisisi sa walang tigil na pag-init ng daigdig. Isa sa tatayuan ng fossil gas terminal ay ang Verde Island Passage sa Batangas na kung tatamaan ng polusyon ay tiyak na makakaapekto sa suplay ng isda sa buong mundo.

Isa pa ang krisis sa pagsikil sa mga karapatang pantao at karapatang sibil. Target ang mga unyonista't aktibista na titindig laban sa pang-aabuso ng mga mayayaman at may-kapangyarihan. Walang pagbabago sa "War on Drugs" na ang nabibiktima ay ang mga mahihirap. Tuloy ang "red tagging" ng NTF-ELCAC.

Nasa krisis din ang kasarinlan ng bansa. Naiipit ang bansa sa girian ng Estados Unidos at Tsina. Gaya ng nakaraang administrasyon, animo'y namamangka sa dalawang ilog ang kasalukuyang rehimen. Subalit pinalawig pa ang mga "joint military exercises" ng mga dayuhang hukbo sa bansa sa bisa ng EDCA at VFA. Habang hindi pinipigil ang pagpasok sa bansa ng mga imported na produkto, laluna mula sa Tsina na siyang pumapatay sa ating lokal na industriya, laluna sa agrikultura. Ang kawalan ng "food sovereignty" ay naglalagay sa bansa sa bingit ng sukdulang kagutuman laluna kapag umigting ang hidwaan o umabot sa gyera ang alitan ng mga makapangyarihang mga estado sa buong mundo.

PANDARAMBONG, GYERA AT KARAHASAN

Sasabihin ng gobyerno na mayroon naman itong ginagawa para iahon ang ekonomya at iahon ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Nais ng gobyerno na magpalago ng pondo. Sa paanong paraan? Sa Maharlika Sovereign Wealth Fund? Iipunin ang pondo ng gobyerno - mula sa mga GOCC / GFI - para isugal sa "high risk, high gain" na merkado. Malayong-malayo ang disenyo sa ibang bansa, kung saan ang sovereign wealth fund ay sobra o di nagagamit na kapital kaya maaaring ilagak sa "high risk" na pamumuhunan dahil kayang hintayin ang pag-ahon ng merkado kung nalugi. Sino-sino ang promotor? Liban kay Ben Diokno ng DoF ay si BBM, si Cong. Martin Romualdez, at si Sandro Marcos!

Nais daw kontrolin ang mga presyo. Sa paanong paraan? Sa pagtaas ng interest rates upang makontrol ang mga mangungutang sa bangko at ang suplay ng pera sa sirkulasyon. Subalit hindi naman para isalba ang taumbayan na nasasakal sa taas ng presyo ng bilihin. Sino ang maaapektuhan? Ang mga negosyanteng nangangailangan ng kredito, laluna ang mga maliliit na pinilay ng mga lockdown noong 2020! Na mangangahulugan din ng tanggalan sa trabaho sa maliliit na kumpanya dahil sa kakapusan ng kapital. Sino ang makikinabang sa paggalaw ng interest rate? Ang mga sugarol sa bond market, na papasok sa merkado kapag bumaba ang presyo ng bonds kapag tumaas ang interest rate! Ang nagaganap ay sugapang pandarambong sa kaban ng bayan, na tatak ng pamilya ng pinatalsik na diktador. Nakakatiyak tayong sa darating na panahon ay sisiklab pa ang mga paglalantad ng talamak na korapsyon sa pondo ng gobyerno at sa paggamit sa kapangyarihan para yumaman ang pamilya at mga kroni ng pamilya Marcos-Romualdez.

Lilikha daw ng trabaho kaya inaakit ang mga dayuhang imbestor (na siyang idinadahilan sa walang tigil na paglipad ni Marcos Junior sa ibang bansa, kasama ang kanyang pamilya at mga alipores). Kalokohan! Hindi nilultas ang numero unong mga reklamo ng mga dayuhan sa mga survey ng "ease of doing business sa bansa", na walang iba kundi kurapsyon at mataas na presyo ng kuryente! At gaya ng kaninang nabanggit, tuloy pa rin ang mga patakaran ng gyera't karahasan, sa gitna ng matinding kahirapan at mga krisis na bumabayo sa sambayanan, at sa pandarambong ng mga opisyal sa kaban ng bayan.

NASA ATIN ANG PAG-ASA, WALA SA ANUMANG KAMPO NG MGA ELITISTA

Mga kamanggagawa at kababayan! Walang bago sa darating na SONA. Magmamalaki muli ng pag-unlad ang gobyerno. Pero para kaninong pag-unlad? Para sa bilyonaryo! Para sa dinastiyang may monopolyo sa kapangyarihang pampulitika! Ipagmamalaki muli ang GNP growth, ang gross national product na sumusukat sa yamang likha ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Lumago ang yaman pero sino ang lumikha at sino ang nakinabang? Likha ito ng mga manggagawang Pilipino, lokal at mogrante? Sino ang nakinabang: ang mga negosyanteng tulad nina Villar, Sy, Tan, Gokongwei, atbp., atbp.

Sa darating na SONA, tayo ay mangalsada hindi lamang para ihatid ang tunay na kalagayan ng taumbayan. Alam na natin ang ating sitwasyon. Ang dapat magrehistro ay ang independyanteng kilusan ng mamamayan. Laluna ng manggagawa. Independyente dahil may bitbit na mga kahilingan para ipagtanggol ang sariling interes, at dahil dito ay hindi magpapagamit sa sinumang kampo ng mga paksyon ng mga elitista. Umasa tayo sa ating sarili dahil walang ibang magtataguyod sa ating kahilingan kundi tayong apektado ng paghahari ng mga elitista sa ekonomya't pulitika. Ang ating paglaya ay nasa sarili nating kamay, nasa ating pagkakaisa, at higit sa lahat, nasa ating sama-samang pagkilos, hindi lamang ngayong SONA kundi sa araw-araw na pagsulong natin sa ating mga kahilingan na humakbang tungo sa tunay na demokrasya ng nakararami - ang gobyerno ng manggagawa't mamamayan, tungo sa lipunang ang yamang likha ng kalikasan at paggawa ay pinakikinabangan ng taumbayan at ang pangangailangan ng tao para mabuhay ng masagana at mapayapa ay mangibabaw at maging prayoridad kaysa sa karapatan sa pribadong yaman ng iilang pamilya sa lipunan.

BMP - PLM - SANLAKAS
Hulyo 22, 2023

Biyernes, Hunyo 23, 2023

Pahayag ng KPML sa Naganap na Ilegal na Pagbabakod sa Malipay

PAHAYAG NG KPML
Hunyo 23, 2023

MARALITA, MAGKAISA! TUTULAN AT LABANAN ANG ILEGAL NA PAGBABAKOD SA TAHANAN NG MGA MARALITA! PALAYAIN ANG LIDER NG MALIPAY!

Mahigpit na tinutuligsa ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang naganap na pangyayari sa Malipay noong Hunyo 22, 2023 nang pilit na binakuran ng mga Villar. Inaresto pa't ipiniit si Carlota (Lot Lot) Duenos, Vice President for Internal ng Koalisyon Pangkaunlaran sa Malipay (KPM).

Ayon sa pahayag ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog: "Ang iligal na pagbabakod ay naganap kaninang hapon June 22, 2023 sa Sitio Malipay 3, Barangay Molino 4, Bacoor City, Cavite.  Sa pangunguna ni Engr. Dexter Gonzales ng SIPAG VILLAR binakuran ang lote ni Ka Manding Ecla, Tagapangulo ng KPM. Tinututulan ng mga lider at mga kasapi ng KPM ang pagbabakod dahil ang lupa o lote na kinatitirikan ng bahay ni Ka Manding ay naigawad na ng DENR noong pang 1992 sa namayapang niyang ama. Suportado ng napakaraming pulis at guwardya ang pagbabakod at habang kinikuwestsyon ng mga kasapi ng KPM ang legalidad ng pagbabakod ay pinaghuhuli ang mga lider ng KPM habang patuloy ang pagbabakod. Masuwerteng nakaalpas sa kamay ng mga nanghuhuli ang mga opisyales, subalit si Lotlot ay hindi nagawang makahulagpos sa paghawak ng apat na pulis. Dinala siya sa istasyon ng pulis, ikinulong  at pinatungan ng samut-saring mga kaso."

"Ang lupain sa Sitio Malipay ay friar lands na matagal ng naninirahan ang mga mamamayan doon. Malapit ito sa Daang Hari na napapalibutan ng mga ari-arian ng pamilya Manny Villar. Sa kabila ng pagiging friar land, ang mga lupain sa Sitio Malipay ay himalang ”napatituluhan” ng mga kumpanya na pag-aari ng pamilyang Villar. Ang usapin ng mga lupain sa Malipay ay nasa proseso pa ng pagdinig sa mga korte."

Ang mga kapulisan naman, imbes na maging tagapagtanggol ng karapatang pantao ng mamamayan, ay nagmistula silang private army ng pamilyang Villar. Imbes na sundin ang kanilang islogang "To serve and protect (the people)" ay naging "To serve and to protect (the ruling class)". Imbes na protektahan ang mga mahihirap at maliliit sa lipunan, mas pinili nilang protektahan ang mga mayayaman. Magkano ba ang kanilang prinsipyo? Nilalabag na ba nila ang tungkuling depensahan ang mamamayan at naging tauhan na ng mga mapagsamantalang mayayaman?

Senador na ang mag-inang Cynthia at Mark Villar, at ayon sa Forbes Magazine ay pinakamayamang tao sa buong Pilipinas si Manny Villar. Hindi na ba sila nakuntento sa kanilang kayamanan at nais pa nilang kunin ang lupa ng mga maralita sa Malipay? Nais pa nilang mawala ang tanging yaman ng maralita - ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, pamumuhay at kinabukasan? Nasaan na ang katarungan at pagkakapantay sa ganyang uri ng sistema?

Karapatan ang ipinaglalaban ng mga maralita ng Malipay. Ipinagtatanggol nila ang kanilang tahanan laban sa mga mapangamkam ng kinatitirikan ng kanilang mga tahanan! 

Mga kapwa maralita, magkaisa! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan ng ating mga kapatid sa Malipay! Hustisya para sa mga maralita! Palayain ang lider ng mga maralita sa Malipay!

Martes, Enero 31, 2023

Pahayag ng KPML sa pagtatapos ng National Zero Waste Month

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PAGTATAPOS NG NATIONAL ZERO WASTE MONTH
Enero 31, 2023

GALIT SILA SA DUKHA'T TINURING NA BASAHAN!
MARALITA MAN, NANGANGALAGA RIN SA KALIKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa buwan ng Enero bilang National Zero Waste Month, na batay sa Presidential Proclamation No. 760, na may petsang 5 Mayo 2014.

Malimit sabihin ng marami, kaya itinataboy ang mga maralita, na madudungis, walang pakialam sa kapaligiran, kung saan-saan itinatapon lang ang basura, tulad ng ilog at kanal, at kung anu-ano pang masasakit na salita.

Kaya nakikiisa kami sa pagdiriwang ng buong buwan ng Enero bilang National Zero Waste Month pagkat isa itong pag-alala at pag-eeduka sa aming kasapian, kapitbahay, kaibigan, kapamilya, kakilala, at mga nakakadaupang palad dahil sa lumalalang problema sa basura. Bukod sa basura ay sumama na rin ang KPML sa kampanya hinggil sa lumalalang klima ng ating daigdig.

Kaya mahigpit ang aming ugnayan sa mga grupong makakalikasan, tulad ng EcoWaste Coalition, No Burn Pilipinas, Philippine Movement for Climate Justice, at Asian People's Movement on Debt and Development.

Pinag-aaralan din ng KPML ang mga batas tulad ng Environmental Impact Assessment Law (PD 1586), Toxic Substances And Hazardous Waste Management Act (RA 6969), Clean Air Act Of 1999 (RA 8749), Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003). Clean Water Act (RA 9275), at Environmental Awareness and Education Act Of 2009 (RA 9512)

Kahit kami'y maralita, alam namin ang lugar na aming ginagalawan, at tulad ng pangarap naming isang lipunang makatao, pinapangarap din namin ang isang lipunang hindi sumisira sa ating daigdig, isang lipunang hindi nangingibabaw ang kapitalismong nagwawasak sa ating kalikasan sa paghahangad sa tubo. Ang nais namin ay isang lipunang makataong nangangalaga at may puso sa maralita't kalikasan.

Martes, Enero 24, 2023

Pahayag ng KPML sa Ikalimang International Day of Education

PAHAYAG NG KPML SA IKALIMANG INTERNATIONAL DAY OF EDUCATION (Pandaigdigang Araw ng Edukasyon)
Enero 24, 2023

EDUKASYON AY KARAPATAN NG LAHAT!
EDUKASYON AY PAUNLARIN UPANG TAMASAHIN 
KAHIT NG MGA WALANG-WALANG MARALITA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Ikalimang Pandaigdigang Araw ng Edukasyon o International Day of Education.

Noong Disyembre 2018, idineklara ng United Nations General Assembly ang Enero 24 bilang International Day of Education bilang pagdiriwang sa papel ng pagkatuto para sa kapayapaan at kaunlaran. Ito ay isang paalala ng ating sama-samang tungkulin na tulungan ang bawat babae at lalaki na ma-access ang de-kalidad na edukasyon na kanilang karapatan, na nag-aalok sa kanila ng isang hagdan mula sa kahirapan at isang landas patungo sa isang magandang kinabukasan.

Kagaya ng iba, naniniwala ang KPML na ng edukasyon ay isang karapatang pantao, para sa ikabubuti ng lahat at isang pampublikong pananagutan.

Kung walang inklusibo at patas na kalidad ng edukasyon at panghabambuhay na pagkakataon para sa lahat, hindi magtatagumpay ang mga bansa sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagwasak sa matinding kahirapan kaya napag-iiwanan ang sa milyun-milyong bata, kabataan at matatanda.

Ayon sa datos ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), 244 milyong bata at kabataan ang hindi nakakatungtong ng paaralan, at 771 milyong matatanda ang hindi marunong bumasa at sumulat. Ang kanilang karapatan sa edukasyon ay nilalabag at ito ay hindi katanggap-tanggap. Panahon na para baguhin ang edukasyon.

Ang ikalimang Pandaigdigang Araw ng Edukasyon ngayong  24 Enero 2023 ay may temang "mamuhunan sa mga tao, unahin ang edukasyon". Binubuo ang pandaigdigang momentum na nabuo ng UN Transforming Education Summit noong Setyembre 2022, ang Araw sa taong ito ay mangangailangan ng pagpapanatili ng malakas na pampulitikang mobilisasyon sa paligid ng edukasyon at ilalarawan ang paraan upang maisalin ang mga pangako at pandaigdigang inisyatiba sa pagkilos. Dapat unahin ang edukasyon upang mapabilis ang pag-unlad tungo sa Sustainable Development Goals sa kabila ng tumitinding resesyon, lumalaking hindi pagkakapantay-pantay at ang krisis sa klima.

Iniaalay ng UNESCO ang Pandaigdigang Araw ng Edukasyon ngayong 2023 sa mga batang babae at kababaihan sa Afghanistan na pinagkaitan ng kanilang karapatan sa edukasyon. Nananawagan ito para sa agarang pagtanggal sa pagbabawal na naghihigpit sa kanilang makapagtamo ng edukasyon.

Sa ating bansa, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na "Almost ten percent of the estimated 39 million Filipinos 6 to 24 years old were out-of-school children and youth (OSCY), according to the results of the 2016 Annual Poverty Indicators Survey (APIS)."

Sa ganitong punto, kami sa KPML ay nananawagang pagbutihin pa at abutin natin ang dekalidad na edukasyon para sa lahat, nang walang maiiwan, mahirap man siya o nasa putikan. Nakikiisa ang KPML sa mga institusyon at organisasyong tulad ng Teachers Dignity Coalition (TDC)upang tiyaking matugunan ang patuloy na edukasyon sa mga bata at kabataan.

Pinaghalawan:
https://www.unesco.org/en/days/education
https://www.unicef.org/pakistan/press-releases/world-celebrates-first-international-day-education
https://psa.gov.ph/press-releases/id/119882

Sabado, Disyembre 31, 2022

Pahayag ng KPML sa Bisperas ng Bagong Taon

PAHAYAG NG KPML SA BISPERAS NG BAGONG TAON
Disyembre 31, 2022

HUWAG MAGPAPUTOK NG BARIL AT LABINTADOR!
HUSTISYA SA MGA NATAMAAN NG STRAY BULLET!
PANGALAGAAN ANG KALUSUGAN AT BUHAY NG KAPWA!
SALUBUNGIN ANG 2023 NG WALANG SUGAT AT MASAYA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagsalubong sa Bagong Taon 2023.

Ang hiling lang namin, sana'y wala nang magpaputok ng baril ngayong pagsapit ng Bagong Taon, lalo na'y kayrami nang namatay sa ligaw na bala tuwing sasapit ang Bagong Taon sa mga nakaraan. Halimbawa na riyan ang batang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella ng Kalookan, na namatay sa stray bullet noong Bagong Taon 2013. Nariyan din ang mga sanggol na sina Vhon Alexander Llagas at Rhanz Angelo Corpuz. Nasumpak naman sa Mandaluyong ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer. Mabuti't nahuli agad ang suspek.

Nitong Bagong Taon 2021, namatay ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan sa ligaw na bala ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing.

Wala na rin sanang magpaputok ng mga labintador at malalakas na paputok tulad ng plapla, Goodbye Philippines, Paalam Daliri, at marami pang iba, upang wala nang masaktan at maputulan pa ng daliri, na malaki ang epekto sa kinabukasan ng kabataan. Baka hindi sila matanggap sa trabaho, o kung nais nilang magsundalo o pulis pag naputulan na sila ng daliri. Sasagutin ba ng mga pabrika ng paputok ang gamot ng mga biktima ng paputok? Paano ang kinabukasan ng mga bata?

Pangalagaan natin ang ating kalusugan at buhay ng ating kapwa. Magpaingay na lang tayo sa pamamagitan ng torotot, busina ng sasakyan, pagkalansing ng mga tansan, at iba pang hindi makakasakit sa atin at sa ating kapwa. Salubungin natin ang 2023 nang maayos, malusog, walang sugat at masaya!

Pinaghalawan:
https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/new-year-casualty-stray-bullet-kills-12-year-old-philippine-girl
https://www.mindanews.com/top-stories/2021/01/girl-12-killed-by-stray-bullet-during-new-year-revelry-in-lanao-del-norte/
https://www.cnnphilippines.com/news/2021/1/1/New-Year-2021-stray-bullet-incident.html
https://newsinfo.inquirer.net/333953/shooter-seeks-forgiveness-for-death-of-4-year-old-boy
https://www.ucanews.com/news/girl-killed-by-new-years-eve-stray-bullet/66998
https://www.philstar.com/headlines/2015/01/02/1408601/stray-bullet-kills-girl-another-fights-life
https://www.manilatimes.net/2014/01/01/news/top-stories/infant-killed-by-stray-bullet/64437

Biyernes, Disyembre 30, 2022

Pahayag ng KPML sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Dr. Gat Jose Rizal

PAHAYAG NG KPML SA IKA-126 NA ANIBERSARYO NG PAGBITAY KAY DR. GAT JOSE RIZAL
Disyembre 30, 2022

GAT JOSE RIZAL, PAMBIHIRA, BAYANI NG LAHI;
NOBELISTANG BINITAY NG NAGHAHARING URI

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa kabayanihan ng ating bayaning si Gat Jose Rizal sa ika-126 na anibersaryo ng pagbitay sa kanya.

Ang Rizal Day, o Araw ni Rizal, ay pambansang araw ng paggunita sa buhay at mga nagawa ni José Rizal, isa sa mga pambansang bayani ng Pilipinas. Ginugunita, hindi ipinagdiriwang  tuwing Disyembre 30, ang anibersaryo ng pagbitay kay Rizal noong 1896 sa Bagumbayan (kasalukuyang Rizal Park) sa Maynila.

Inaresto si Rizal habang patungo sa Cuba sa pamamagitan ng Espanya at ikinulong sa Barcelona noong Oktubre 6, 1896. Pinabalik siya sa araw ding iyon upang litisin dahil nasangkot siya sa rebolusyon sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga kasapi ng Katipunan. Gayunman, itinanggi niyang kasama siya sa paghihimagsik  at sinabing ang edukasyon ng mga Pilipino at ang kanilang pagkamit ng pambansang pagkakakilanlan ang mga kinakailangan upang kamtin ang kalayaan. Nilitis si Rizal sa harap ng korte-militar para sa paghihimagsik, sedisyon at pagsasabwatan, at dahil dito'y hinatulan siya ng kamatayan. Umaga ng Disyembre 30, 1896, siya'y binaril ng firing squad ng mga Pilipinong bahagi ng Spanish Army.

Bagamat may ilang nagsasabing American-sponsored hero si Rizal, ang kanyang dalawang nobela ang naglantad sa mga kabuktutan ng mga naghaharing uri ng kanyang panahon, ang kanyang panulat ang nagmulat upang mag-alsa ang sambayanan laban sa mga naghaharing uri - ang mga Kastila't mayayamang Pilipino. Sagisag siya ng pakikibaka laban sa mga mapaniil at mapagsamantala sa lipunan, dayuhan at mga kababayan man.

Sa ganitong punto, kasama ng mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Gat Macario Sakay, at iba pa, si Gat Jose Rizal ay halimbawa ng pagsisikap ng sambayanan na baguhin ang bulok na sistema, sa pamamaraan man ng paghihimagsik, o paraan ng panulat, upang mamulat ang bayan na sa sama-samang pagkilos ay makakamit din ang inaasam, di lamang kalayaan mula sa dayuhan at kababayang mapagsamantala, kundi kaginhawahan ng mamamayan.

Pinaghalawan:
https://loc.gov/rr/hispanic/1898/rizal.html
https://www.filipinaslibrary.org.ph/articles/rizals-last-hours/

Martes, Disyembre 27, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Epidemic Preparedness

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF EPIDEMIC PREPAREDNESS
Disyembre 27, 2022

MAGING HANDA SA EPIDEMYA!
MAAGAP NA TUGON AY PAGHANDAAN! 
PROTEKTAHAN ANG KALUSUGAN
NG BAWAT MAMAMAYAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day of Epidemic Preparedness tuwing Disyembre 27.

Noong Disyembre 2019 ay sumulpot ang coronovirus disease of 2019 o COVID-19. Mula diumano sa Tsina ang virus na ito, at kumalat sa buong daigdig.

Dahil dito, noong Marso 2020 ay nagsimula na ang malawakang lockdown, at iba't ibang uri ng quarantine, sa ating bansa upang labanan ang COVID-19 at hindi magkahawaan. Walang labasan ng bahay. Maraming nagsarang pabrika. May mga nagprotesta dahil sa gutom, dahil hindi makapagtrabaho, dahil hindi makalabas ng tahanan. 

Marami sa ating mga mahal sa buhay ang nangawala na dahil sa malupit na pananalasa ng COVID-19. Milyun-milyong buhay ang nawala, at daan-daang milyong tao ang nagkasakit. Pinapanood na lang natin sa telebisyon, napapakinggan sa radyo, at nababasa sa mga pahayagan at sa social media, ang mga datos ng namatay, natamaan ng COVID-19, at mga gumaling. Ang pag-aaral ng mga estudyante ay naging online na, pati na ang mga pag-order ng mga pagkain.

Maraming binago ang pandemya. Kung dating kayraming bus sa EDSA na pwede kang ibaba kung saan, ito'y naging bus carousel na, at sa nakatakdang babaan at sakayan ka lamang makakababa o makakasakay. Kung dati, ang naka-facemask ay sinisita ng pulis dahil baka holdaper, lahat na ang obligadong mag-facemask, at ang hindi naka-facemask ay sinisita ng pulis.

Noong 1334-1353 ay nanalasa ang Black Death, na pumaslang ng 75-200 milyong katao. May New World Smallpox noong 1520 – early 1600s, na nakaapekto sa 25-56 milyong katao. Ang Spanish flu noong 1918-1920 na nasa 50-100 milyong katao ang namatay. Ang HIV/AIDS na nanalasa noong 1981 hanggang sa kasalukuyan ay tumama sa 27.2-47.8 milyong katao. At itong COVID-19 sa ating panahon, na tinatayang nasa 5-17 milyon na ang namatay.

Marahil, ang COVID-19 ay hindi ang huling epidemya o pandemyang kakaharapin ng sangkatauhan. Kaya dapat tayong maging handa. Noong Disyembre 7, 2020, itinalaga ng United Nations General Assembly, sa pamamagitan ng Resolusyon A/RES/75/27, ang Disyembre 27 bawat taon bilang International Day of Epidemic Preparedness o Pandaigdigang Araw ng Pagiging Handa sa Epidemya.

Sa araw na ito, mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng mga nagdurusa at namatayan dahil sa epidemyang dulot ng COVID-19. Nawa'y maging handa tayo, maging ang iba't ibang pamahalaan sa buong mundo, mga lokal na pamahalaan o LGU, ospital, barangay, NGO, pamilya, at iba pa, sa paghahanda upang matugunan agad ang anumang pamndemya o epidemyang ating kakaharapin sa hinaharap.

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/epidemic-preparedness-day
https://unis.unvienna.org/unis/en/pressrels/2022/unissgsm1293.html
gavi.org/vaccineswork/historys-seven-deadliest-plagues

Linggo, Disyembre 25, 2022

Pagbati ng KPML ngayong Disyembre 25

PAGBATI NG KPML NGAYONG DISYEMBRE 25

mula sa KPML, pagbating mapagpalaya
nawa'y magbigayan din tayong mga maralita
sana sa bulok na sistema tayo'y makawala
at matayo ang lipunang makatao't malaya

mabuhay kayo, mga kasama, mga kapatid
nawa sa dilim ng gabi'y di tayo mangabulid
dahil sa mapagsamantala, mapang-api't ganid
sana bulok na sistema'y tuluyan nang mapatid

sa twenty-twenty-three, magpakatatag pa sa laban
upang kamtin ang karapatan sa paninirahan
pati ang inaasam na hustisyang panlipunan
di para sa pansarili, kundi para sa bayan

halina't magpatuloy tayong maging prinsipyado
hanggang ating matayo ang lipunang makatao

`12.25.2022

* tingnan ang voice message sa fb page na:

Martes, Disyembre 20, 2022

Pahayag ng KPML sa International Human Solidarity Day

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL HUMAN SOLIDARITY DAY
Disyembre 20, 2022

TUNAY NA PAGKAKAISA LABAN SA KAHIRAPAN!
ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP!
NEOLIBERALISMO, WAKASAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Human Solidarity Day o Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa ng Tao tuwing Disyembre 20.

Ayon sa United Nations, ang Solidarity o Pagkakaisa ay tinukoy sa Millennium Declaration bilang isa sa mga mahahalagang bagay sa ugnayang pandaigdigan sa ika-21 siglo, kung saan ang mga nagdurusa o hindi nakikinabang ay marapat bigyan ng tulong ng mga higit na nakikinabang. Ito'y idineklara noong 22 Disyembre 2005, sa pamamagitan ng resolusyon 60/209. At sa pamamagitan naman ng resolusyon 57/265, itinatag ng General Assembly, noong 20 Disyembre 2002, ang World Solidarity Fund, na itinatag noong Pebrero 2003 bilang trust fund ng United Nations Development Programme. Ang layunin nito ay puksain ang kahirapan at isulong ang pag-unlad ng tao at panlipunan sa mga umuunlad na bansa, partikular sa mga pinakamahihirap na bahagi ng kanilang populasyon.

Ayon pa sa UN, ang International Human Solidarity Day ay:
- araw upang ipagdiwang ang ating pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba;
- araw upang paalalahanan ang mga pamahalaan na igalang ang kanilang mga pagtaya sa mga internasyonal na kasunduan;
- araw upang itaas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagkakaisa;
- araw upang hikayatin ang debate sa mga paraan upang itaguyod ang pagkakaisa para sa pagkamit ng Sustainable Development Goals kabilang ang pagpuksa sa kahirapan;
- at araw ng pagkilos upang hikayatin ang mga bagong inisyatiba para sa pagpuksa sa kahirapan.

Mahalagang punto: Paglaban sa kahirapan ang diwa ng nasabing pagkakaisa.

Kaya sa araw na ito, mahalaga ang pagkakaisa upang tugunan at malutas ang kahirapan. Subalit dapat ay tugunan ito, hindi sa pagtaboy sa mga mahihirap, kundi sa paglutas sa kahirapan.

Subalit ayon sa maraming pag-aaral, ang ugat ng kahirapan ay ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. At upang mapawi ang kahirapan, dapat itong tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan, upang walang naghihirap.

Matagal nang nakikibaka ang mga maralita laban sa karukhaan at sana'y matupad ito sa pamamagitan ng pagwawakas sa neoliberalismo at pagsasamantala ng tao sa tao. Palitan na ang bulok na sistema!

Pinaghalawan:
https://www.un.org/en/observances/human-solidarity-day
https://www.zeebiz.com/trending/news-international-human-solidarity-day-2022-date-theme-significance-and-history-213577