Martes, Hulyo 25, 2023

State of Donation - Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM

Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM:

STATE OF DONATION - ANG PATRONAGE POLITICS SA PAGHAHARI SA MASANG PILIPINO NG MGA DINASTIYA'T BILYONARYO

Sabi ni Marcos Junior sa kanyang ikalawang SONA, "The state of the nation is sound and improving - dumating na ang bagong Pilipinas". Umasa muli sa mga pasakalyeng one-liner - gaya ng hilig ngayon ng administrasyon na mga papalit-palit na mga logo at islogan. Subalit, sige, patulan pa rin natin. Kung dumating na ang bago, ano nga ba ang luma? 

Kung ang luma ay ang paghahari ng mga angkang naghahari sa kanya-kanyang mga probinsya't distrito, natibag ba ito sa loob ng mahigit isang taon? Hindi. Kung ang luma ay ang monopolyo sa ekonomya ng iilang bilyonaryo gaya nina Villar, Sy, Gokongwei, Tan, Aboitiz, Razon, atbp., may nagbago ba? Wala rin. 

Kung ang kalagayan ng bansa ay "sound and improving" o maayos at umaayos, umayos ba ang buhay ng masang Pilipino? Hindi. Hingalo pa rin ang buong ekonomya matapos ang sunod-sunod na lockdown na ipinataw ng nakaraang rehimen. Kulang ang trabaho. Talamak ang underemployment. Sumisirit pa ang mga presyo. Mababa at bumababa ang sahod. Kontraktwal karamihan ng manggagawa. Sino lang ba ang umayos ang kalagayan - bago mag-pandemya, sa kasagsagan nito, at sa ngayong itinaas na ang public emergency sa Covid19 - ang mga bilyonaryo! Naampat ba ang paglobo ng utang - hindi lamang ang minana niya kay Duterte kundi pati ang agresibong pangungutang na naging pang-ekonomyang patakaran na mula 2016? Hindi rin!

Subalit, ipagpalagay na inaayos na nga ito ng gobyerno, at nagawa lamang magsinungaling ni Marcos Junior dahil nahihiya itong umamin sa mga kahinaan sa isang SONA. Tingnan natin ang plano ng rehimen sa darating na taon, na kanyang binanggit sa kanyang talumpati. Silipin natin ang ilan sa mga "priority bills" ng administrasyon para itulak ng mga alyado nito Senado't Batasan. 

Karamihan ay may kaugnayan sa pondo ng gobyerno. 

EXCISE TAX ON SINGLE-USE PLASTICS. Mapagpasyang hakbang para labanan ang polusyong likha ng plastik? Hindi. Kung ganito, ang patakaran dapat ay probisyon - agaran o staggered. Pero hindi. Ang layon ay lumikha ng pondo. 

VAT ON DIGITAL SERVICES. Muli, buwis - na papasanin ng mga kumokonsumo. Hindi lang mga negosyo kundi ng taumbayan. Ang muling layunin, palaparin ang koleksyon sa buwis. 

RATIONALIZATION OF MINING FISCAL REGIME. Kulang pa sa detalye. Itataas ba ang mga buwis sa mga kompanya sa pagmimina? Papatawan ba sila ng danyos at oobligahing ayusin ang kanilang sinira sa kalikasan? Malamang na hindi. Dahil ang mga Romualdez ay namumuhunan din sa mga minahan. 

MOTOR VEHICLE USER'S CHARGE O ROAD USER'S TAX. Muli ay buwis. Ang dumaming may-ari ng sasakyan (mula kotse hanggang motor) dahil sa pagluluwag ng mga bangko at financing companies sa auto loan at motorcycle loan - na siyang dahilan ng trapik sa mga sentrong urban, ang siyang tiningnang malaking pagkukunan ng buwis ng gobyerno. 

MILITARY AND UNIFROMED PERSONNEL PENSION. Muli, ang paksa ay pondo ng gobyerno. Magbabawas? Malamang hindi. Dahil ang pensyon ng mga retirado at magreretirong opisyal ng pulis at militar ay paraan ng incumbent na commander-in-chief para maging tapat sa kanya ang kapulisan at sandatahan ng estado. 

May ilang paksa ukol sa agrikultura. AMENDMENT OF THE FISHERIES CODE, ANTI-AGRICULTURAL SMUGGLING ACT, BLUE ECONOMY LAW. Kailangan daw ng syensya para proteksyunan ang kalikasan habang inaangat sa kahirapan ang mga mangingisda. Ayusin din daw ang post-harvest facilities. Kalikasan? Hindi pa nga inaaksyunan ang oil spill sa Mindoro na kinasasangkutan ng mga malalaking korporasyon! Gayong ang oil spill ay patuloy na sumisira sa isa sa pinakamayaman at biodiverse ng karagatan sa buong mundo. Post-harvest? Para sa merkado? Sino ang target na mamimili? Ang mga Pilipino o ang pandaigdigang merkado? Ang mga dayuhan! Dahil ganito ang direksyon ng agri-business na tinutulak ng gobyerno, hindi lamang sa pangingisda kundi sa mismong pagtatanim. Blue (o maritime) economy para sa mga dayuhan! Ibig sabihin, higanteng kaSONAngalingan ang sinasabing "food security" na namumutawi sa mga dokumento ng gobyerno. Agricultural smuggling? Iyan ay karugtong lang ng patakaran sa liberalisasyon sa imported na produktong agrikultural na patuloy na isinusulong ng gobyerno. 

AMENDMENT OF THE COOPERATIVE CODE. Muli, may kaugnayan sa agrikultura. May target na halos 900 cluster na may saklaw na 200,000 ektarya ng lupaing agrikultural. Pabibilisin ang pagbubuo ng mga kooperatiba na susuhayan ng rekurso at tulong ng gobyerno. Agri-business para sa dayuhan! Hindi rin binanggit ang paggamit ng mga malalaking panginoong may-lupa sa mga kooperatiba, na isinasali ang mga dating tenant-farmers o benepisyaryo ng agrarian reform, para makonsentra ang lupa para sa kanilang mga agri-business. Sa huli, nananatili ang monopolyo sa lupa ng mga dating pyudal ngunit ngayo'y kapitalistang landlord, na taliwas sa nilalayon ng mga programa sa reporma sa lupa. 

Mayroong mga amyenda ukol sa paggamit sa pondo ng gobyerno. NEW GOVERMENT PROCUREMENT LAW at NEW GOVERNMENT AUDITING CODE. Bagong batas para sa paghihigpit sa maling paggamit sa kaban ng bayan. At sino ang gagawa ng batas? Ang siya ring mga mambabatas na dati nang nakinabang sa iba't ibang ligal na anyo ng "pork barrel" at pagwawaldas sa pondo na diumano'y serbisyo sa tao ngunit ginagamit para manatili sa poder ang kanilang mga angkan! 

ANTI-FINANCIAL ACCOUNTS SCAMMING. Binanggit lamang ang isa sa pinakamadalas na reklamo ng taumbayan. Gayong hindi naman ito maayos ng batas kundi ng mga sistema't teknikal na kasanayan para mapigilan ang mga scammer. TATAK-PINOY (Proudly Filipino) law (muli ay "packaging", gaya ng "city of man" ng Ministry of Human Settlements noon ni Imelda). EASE OF PAYING TAXES (muli ay ukol sa pondo ng gobyerno). LGU INCOME CLASSIFICATION, na panibagong sistema kung paano paghahatian ng mga dinastiya sa mga LGU ang pambansang kaban ng bayan. 

Panghuli ay ang PHILIPPINE IMMIGRATION ACT, mga amyenda dahil lipas na daw ang kasalukuyang bersyon nito na ginawa noong pang 1940. Ang mas target ay ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, hindi ang pag-aayos sa buhay ng mga migranteng manggagawang Pilipino. 

Ano ang mababakas na balangkas o framework sa mga "priority bills" ni Marcos Junior sa 2023? Dalawa. Pondo ng gobyerno at agri-business. Badyet at pondo ang pinagtuunan dahil sa ating lumolobong utang. Ang debt servicing ngayon taon ay nasa P819 bilyon! Sa pondo nakatutok, hindi sa direksyon ng mga pang-ekonomyang patakaran para sa redistribusyon - hindi lang produksyon - ng yaman o sa pagbaliktad sa mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, kontraktwalisasyon (pleksibilisasyon sa paggawa) at pinansyalisasyon na sumira sa ating lokal na ekonomya. Dahil para sa mga mambabatas na mula sa mga dinastiya (na siyang odyens ng SONA sa bulwagan) ang solusyon sa kahirapan ay simpleng mamahagi ng baryang serbisyo sa kanilang mga botante. Pinaksa ang agribusiness (partikular ang maritime) at ang imigrasyon ng OFW dahil narito ang potensyal at aktwal na kalakasan ng bansa sa pandaigdigang ekonomya. 

Walang "bagong Pilipinas". Pilipinas pa rin para sa mga elitista! State of donation - sa hirap at desperadong mamamayang aanggihan lamang ng pondo ng mga dinastiya habang patuloy ang konsentrasyon ng yaman ng bansa sa kamay ng iilang mga bilyonaryong negosyante. Ito ang kalagayan ng bansa sa klase ng bulok na demokrasyang nanumbalik matapos ang Edsa1986 na siya ring dahilan ng panunumbalik sa Malakanyang ng pamilya Marcos. 

###

BMP - PLM - Sanlakas
Hulyo 25, 2023

Walang komento: