Linggo, Enero 30, 2011

Modyul - Karapatan sa Pabahay

KARAPATAN SA PABAHAY
Inihanda ni Greg Bituin Jr., ng KPML-BMP-Sanlakas

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay at ito'y ating karapatan? May mga pandaigdigang kasunduan na nagsasabing karapatan natin ang pabahay.

Nahahati sa dalawa ang talakayang ito – ang pandaigdigang pagkilala sa karapatan sa pabahay at ang pambansa.

International Year of Shelter for the Homeless (1987) - pagpapaangat ng pampublikong kamalayan hinggil sa pabahay at mga kaugnay pang problema nito na nararanasan sa iba't ibang panig ng mundo. Sinundan ito ng:

Global Strategy for Shelter to the Year 2000, kung saan, ayon dito:
"Ang karapatan para sa sapat na pabahay ay daigdigang kinikilala ng pamayanan ng mga bansa... Ang lahat ng bansa, ng walang eksempsyon, ay may iba't ibang anyo ng obligasyon sa sektor ng pabahay, na inihahalimbawa nito ay ang paglikha nila ng mga ministry o ahensya sa pabahay, sa paglalaan nila ng pondo sa sektor ng pabahay, at sa kanilang mga polisiya, programa at proyekto... Lahat ng mamamayan ng lahat ng Estado, gaano man sila kahirap, ay may karapatang asahan ang kanilang pamahalaan na may pakialam sa kanilang pangangailangan sa pabahay, at tanggapin ang batayang tungkuling protektahan at paunlarin ang mga kabahayan at pagkkapitbahayan, imbes na pagsira o pagwasak dito."

May 12 batayang pandaigdigang kasunduan na nababanggit ang ating karapatan sa pabahay

1. Universal Declaration of Human Rights (1948) - Artikulo 25.1
- Sinuman ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng tao at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, tirahan at pangangalagang medikal at kinakailangang serbisyong panlipunan, at ng karapatan sa seguridad kung mangyari ang pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, kawalang-kakayahan, pagkabalo, pagtanda o iba pang kakulangan sa kabuhayan sa isang pagkakataong di niya matanganan.

2. Convention Relating to the Status of Refugees (1951) - Artikulo 21
- Hinggil sa pabahay, ang Magkakontratang Partido, hangga't ang mga bagay-bagay ay nareregulahan ng mga batas o regulasyon o nasasaklaw ng kontrol ng awtoridad ng bayan, ay dapat maglaan sa mga nanganganlong (refugee) ng naaayon sa batas na naninirahan sa kanilang teritoryo ng mabuting pagtrato hangga't posible, at sa anumang pangyayaring di naman gaanong paborable kaysa inilalaan sa mga taga-ibang bansa (alien) na nasa kaparehong kalagayan sa pangkalahatan.

3. Declaration of the Rights of the Child (1959) - Prinsipyo 4
- Ang bawat bata ay dapat magtamasa ng benepisyo ng panlipunang seguridad. Dapat bigyan siya ng karapatang lumago at umunlad ang kalusugan; dahil dito'y dapat ilaan sa kanya ang isang espesyal na pangangalaga at mabigyan siya at ang kanyang ina ng proteksyon, tulad ng sapat na pangangalaga bago at pagkatapos ng pagbubuntis. Ang bata ay may karapatan sa sapat na nutrisyon, pabahay, paglalaro at serbisyong medikal.

4. International Labor Organization (ILO) Recommendation No. 115 on Worker's Housing (1961) - Prinsipyo 2
- Dapat na maging layunin ng isang pambansang patakaran sa pabahay na isulong, sa loob ng balangkas ng pangkalahatang patakaran sa pabahay, ang pagtatayo ng pabahay at kaugnay na pasilidad ng komunidad na may pananaw na matiyak na ang sapat at disenteng pabahay at magandang kapaligiran ng pamumuhay ay mailaan sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya. Ang antas ng prayoridad ay dapat ilaan sa mga mas nangangailangan.

5. International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination (1965) - Artikulo 5
- Bilang pagtalima sa mga batayang tungkuling nakasaad sa artikulo 2 ng Kapulungang ito, dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado na ipagbawal at tanggalin ang diskriminasyon sa kulay ng balat sa lahat ng anyo nito at tiyakin ang karapatan ng sinuman, nang walang pagtatangi sa balat, kulay, o pambansa o etnikong pinagmulan, na may pagkakapantay sa batas, lalo na sa kaligayahang malasap ang mga sumusunod na karapatan:... (e) sa partikular ay karapatan sa Pangkabuhayan, Panlipunan at Pangkalinangan (ESCR):... (iii) Ang karapatan sa pabahay.

6. International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (1966) - Artikulo 11.1
- Kinikilala ng mga Kapartidong Estado sa kasalukuyang Kasunduan ang karapatan ng sinuman para sa sapat na pamantayan ng pamumuhay para sa kanya at sa kanyang pamilya, kasama ang sapat na pagkain, pananamit at tirahan, at sa patuloy na pag-unlad ng kalagayan ng pamumuhay. Magsasagawa ng kaukulang hakbang ang mga Kapartidong Estado upang tiyakin ang pagkilala sa karapatang ito, sa bisa nito'y pagkilala sa kahalagahan ng pandaigdigang kooperasyon batay sa malayang pagsang-ayon.

7. Declaration on Social Progress and Development (1969) - Bahagi II, Artikulo 10, f
- Ang probisyon para sa lahat, partikular sa mga taong mababa ang kinikita at sa mga malalaking pamilya, hinggil sa sapat na pabahay at serbisyo sa komunidad.

8. Vancouver Declaration on Human Settlements (1976) - Seksyon III (8) at Kabanata II (A.3)
- Ang sapat na pabahay at serbisyo ay batayang karapatang pantao na nagpapataw ng tungkulin sa mga gobyerno na tiyakin na makamit ito ng lahat ng mamamayan, umpisa sa direktang tulong sa pinakamahihirap sa pamamagitan ng mga gabay na programa ng pansariling-tulong (self-help) at aksyon ng komunidad. Dapat magpursigi ang mga gobyerno na tanggalin ang lahat ng sasagka sa pagkakamit ng layuning ito. Espesyal na pagpapahalaga ang pagpawi sa pagkakahati sa lipunan at kulay ng balat, kasama ang iba pa, sa pamamagitan ng paglikha ng mas mabuting balansyadong pamayanan, na sama-sama na ang iba't ibang grupo, trabaho, pabahay at kaginhawahan.

- Ang ideyolohiya ng Estado ay sumasalamin sa kanilang patakaran sa pananahanan ng tao (human settlement). Ang mga ito bilang makapangyarihang instrumento ng pagbabago, ay di dapat magamit upang tanggalin ang mga tao sa kanilang tirahan o lupa o manghimasok sa pribilehiyo at magsamantala. Ang mga patakaran sa pananahanan ng tao ay dapat naaayons sa mga deklarasyon ng prinsipyo at sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (UDHR).

9. Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (1979) - Artikulo 14.2
- Dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado ang lahat ng nararapat na batas upang mapawi ang diskriminasyon sa kababaihan sa mga kanayunan upang matiyak, sa batayan ng pagkakapantay ng lalaki at babae, na sila'y lumahok at makinabang sa pag-unlad ng kanayunan, at sa partikular, ay matiyak sa kababaihan ang karapatan:... (h) Ang masiyahan sa sapat na kalagayan ng pamumuhay, lalo na kaugnay ng pabahay, sanitasyon, suplay ng elektrisidad at tubig, transportasyon at komunikasyon.

10. Declaration on the Right to Development (1986) - Artikulo 8.1
- Dapat isagawa ng mga Estado, sa pambansang antas, ang lahat ng kinakailangang panuntunan para maisakatuparan ang karapatan sa pag-unlad at pagtiyak, kasama ang iba pa, ng pagkakapantay ng oportunidad para sa lahat sa kanilang pagkakamit ng batayang rekurso, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at pantay na pamamahagi ng kita. Dapat isagawa ang mga epektibong panuntunan upang matiyak na ang mga kababaihan ay may aktibong papel sa proseso ng kaunlaran. Dapat maisagawa ang mga karampatang repormang pang-ekonomya at panlipunan na may pananaw ng pagpawi sa lahat ng panlipunang inhustisya.

11. Convention on the Rights of the Child (1989) - Artikulo 27.3
- Ang mga Kapartidong Estado, alinsunod sa pambansang kalagayan at sa kanilang kakayanan, ay dapat magsagawa ng kaukulang batas na tutulong sa mga magulang at iba pang responsable sa bata na maisakatuparan ang karapatang ito at kung sakaling kailanganin ay magbigay ng materyal na tulong at suportang programa, lalo na kaugnay sa nutrisyon, pananamit at pabahay.

12. International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (1990) - Artikulo 43.1
- Ang mga migranteng manggagawa ay dapat magtamasa ng pagkakapantay sa pagtrato kasama ng mamamayan ng Estadong kanilang pinagtatrabahuhan kaugnay ng:... (d) access sa pabahay, kasama ang iskema ng panlipunang pabahay, at proteksyon laban sa pagsasamantala kaugnay sa renta.

* Sa ilalim ng ICESCR, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:
1. To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito
2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan
3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan
4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat

ANG PITONG SANGKAP SA SAPAT NA PABAHAY

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hinggil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;
2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;
3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;
4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;
5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;
6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;
7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;
8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hinggil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.

Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas [1987]
Artikulo XIII - Reporma sa Lupang Urban at sa Pabahay

SEKSYON 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.

SEKSYON 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang kanilang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban or rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao. Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

Urban Development Housing Act of 1992
(Ang UDHA, Republic Act 7279 at Lina Law ay iisa lang)
Ang Batas na ito na pinagsanib na HB 34310 at SB 234 ay pinal na pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado ngayong ika-3 ng Pebrero, 1992. Ito'y nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Marso 24, 1992.

* Mga artikulo sa UDHA na pwedeng magamit sa pagkakamit ng karapatan sa pabahay:

Sec. 2, b - b) Magkakaloob ng makatwirang paggamit at pagpapaunlad ng mga lupaing lunsod upang malikha ang mga sumusunod... (5) (5) Paglalaan ng lupain at pabahay para sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan.

ARTIKULO IV: Public Domain:
Seksyon 7 : Paggamit, inbentaryo, pagkakamit at pamimigay ng lupa.
Seksyon 9 : Mga prioridad sa pagkakamit ng lupa.

CMP:
Seksyon 10 : Paraan sa pagkakamit ng lupa.
Seksyon 18 : Balanseng pagpapaunlad ng programang pabahay.

Seksyon 15. Patakaran. - Ang pampamayanang pabahay, ayon sa kahulugan sa Seksiyon 3 nito, ay magiging pangunahing pamamaraan sa pagkakaloob ng tirahan sa mga kapuspalad at walang tahanan.

Seksyon 21 : Mga serbisyo.
Seksyon 23 : Pakikilahok ng mga benipisyaryo.
Seksyon 28 : Ebiksyon at Demolisyon.

ANG MARALITA SA PILIPINAS
NCR - 4.2 Milyong Maralita, mula sa QC, Manila, Malabon, Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong,, Marikina, Pateros, San Juan, Parañaque, Pasig, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa
Pambansa – 22 Milyong Maralita sa lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, Pampanga, Bulacan, Bacolod, Cebu, Iloilo, Davao, atbp.

MGA ISYU
- Marahas na demolisyon
- Kanselasyon ng Rights
- Ebiksyon
- Kakulangan ng panlipunang serbisyo (tubig, kuryente, kalusugan, atbp.)
- RA 9507 - condonation and restructuring
- Kakulangan ng kabuhayan
- Irregular / pabagu-bagong pagkukunan ng kita
- Mababang kita
- Isyu ng kababaihan
- Mataas na halaga ng pangunahing bilihin

PAMBANSANG PANUKAT SA PABAHAY (National Housing Indicators)
- Bilang ng tao sa bawat silid-tulugan
- Kakayahang makakuha agad ng ligtas na tubig (assess to safe water)
- Maayos na sanitasyon
- Ginamit na bubong at dingding na materyales
- Istatus sa tagal ng bahay / pag-aari
- Pagkakaroon ng kuryente
- Pagtambad sa polusyon sa hangin at tubig dala ng industriya
- Porsyento ng pamamahay na meron o walang akses sa sanitary toilet at ligtas na inuming tubig

MGA PILING PANUKAT (Selected Indicators)

A. AFFORDABILITY (Kakayahang Matamo)
- Ang gastusin sa pabahay ay di dapat lumampas sa 20% ng makabubuhay na sahod (living wage) o ng aktwal na kita ng pamilya
- Pagkakaroon ng iskema sa pinansya sa pabahay (home financing scheme) kasama ang subsidy
- Kakayahang makabili at madaling puntahang pasilidad sa pabahay hinggil sa nakalaang gugulin (housing credit facility)
- Pagkakaroon ng iskemang paupa tungo sa pag-angkin (rent-to-own schemes)
- Pagkakaroon ng epektibong mekanismo sa pamamahala ng upa (rent control mechanism)

B. ACCESSIBILITY (Kakayahang Maabot)
- Direktang paglalaan ng gobyerno ng mga yunit ng pabahay nang may partisipasyon ang mga tao sa paglalaan nito
- Mas inuuna ng pamahalaan sa programa sa pabahay ang mga bulnerableng grupo tulad ng mga walang tirahan (homelss), may kapansanan (disabled), at mga nanganganlong mula sa ibang bansa (refugee)
- Sapat na mga nakahandang pabahay o silungan para sa mga internal refugees at mga biktima ng kalamidad
- Patakaran ng pamahalaan sa abot-kayang pabahay at presyo
- Priyoridad sa pabahay na on-site

C. SECURITY OF TENURE (Seguridad sa Paninirahan)
- Kawalan ng marahas na ebiksyon
- Mekanismo sa bayad-pinsala at kumpensasyon para sa lahat ng biktima ng mararahas na demolisyon

D. HABITABILITY (Maayos na Natitirahan)
- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado
- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)
- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal
- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)
- May palikuran at kusina
- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal
- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)
- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente
- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)
- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)
- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

E. AVAILABILITY OF SERVICES, MATERIALS, FACILITIES AND INFRASTRUCTURE (May serbisyo, materyales, pasilidad at imprastruktura)
- Pagkakaroon ng plano sa paggamit ng lupa (land use plan) na inuuna ang kinakailangang pabahay ng maralita
- Pagkakaroon ng abot-kaya at episyenteng sistema sa transportasyon
- May pasilidad ng umaagos na tubig (running water facility) na halagang P50-100 kada buwan o malalim na balon na may maksimum na distansyang 10 metro
- Abot-kaya at madaling makuhang koneksyon sa kuryente sa halagang P50-100 kada buwan
- Madaling makuha at mapuntahang daanan at malawak na eskinita, at mga daanang mula sa bukid tungo sa pamilihan (farm-to-market roads) sa mga kanayunan
- Regular na koleksyon ng basura at pagpapatupad ng programa sa pamamahala ng basura (waste management)
- Epektibo at abot-kayang paraan sa komunikasyon tulad ng linya ng telepono, hand held radios at mga cellphone
- Agaran at episyenteng tugon ng mga yunit emerhensya tulad ng fire trucks, ambulansya, atbp

F. LOCATION PROVIDING ACCESS TO ECONOMIC AND SOCIAL OPPORTUNITIES (Lokasyon na nagkakaloob ng oportunidad na pang-ekonomya at panlipunan)
- Pagkakaroon ng eskwelahan, alternatibong pagkukunan ng ikabubuhay, ospital, at mga lugar ng libangan
- Ang mga proyektong pabahay ay dapat nasa lokasyon ng may minimum na layo ng sakay (minimum commuting distance) na 5 km o malapit na paglalakbay tungo sa pamilihan
- May pinagsanayang programang pangkabuhayan (skills-based livelihood program) kasama ang mga pagsasanay, kagamitan, at pangunang puhunan sa pamamagitan ng pasilidad sa laang gugulin (credit facility)

G. ACCESS TO CLEAN, HEALTHY, SAFE AND SUSTAINABLE ENVIRONMENT (Pagkakaroon ng malinis, malusog, ligtas at sustenableng kapaligiran)
- Ang 20% ng subdibisyon o lugar ng tirahan (residential areas) ay dapat ilaan sa mga liwasan, isports at lugar ng libangan, at ang mga lokal na pamahalaan ay maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga ito
- Nararapat na plano sa sona (zoning plan) na naghihiwalay sa mga pabrika at mga istrukturang nakakaapekto sa kalusugan mula sa mga lugar ng tirahan, at magtalaga ng lugar para sa mga alagaing hayop
- Pagtalaga ng espasyo para sa pagbabaunan at pagtatapunan ng basura na malayo sa tirahan ng tao
- Malinis at maayos na palikuran sa mga pampublikong lugar
- Pagpapatupad ng plano sa pamamahala ng basura tulad ng pagreresiklo, segregasyon at pagbabaunan ng basura
- Epektibo at komprehensibong pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamamahala ng basura
- Dapat turuan ang mga nasa kanayunan hinggil sa ligtas, maayos at minimal na paggamit ng kemikal sa agrikultura o mas mabuti ay ang organikong pagsasaka (organic farming)
- Maayos na pamamahala ng paghahayupan lalo na sa mga kanayunan

H. PEOPLE’S PARTICIPATION IN MAKING HOUSING POLICIES AND DECISIONS (Paglahok ng mamamayan sa paggawa ng mga polisiya at desisyon sa pabahay)
- Kalinawan ng pamahalaan (government transparency) hinggil sa mga patakaran sa pabahay, mga programa, proyekto at pwedeng kuning rekurso
- Epektibong representasyon sa mga organisasyon mula sa pamayanan (community-based organizations) sa mga lokal na konseho ng pagsulong (local development councils) mula sa barangay hanggang pambansang antas
- Aktibong paglahok ng mamamayan sa pagpaplano ng paggamit ng lupa (land use plan), sona (zoning) at pagsasagawa ng plano ng pag-unlad ng komunidad
- Pagsuporta ng gobyerno sa mga organisasyon sa komunidad
- Palagiang paglulunsad ng konsultasyon sa mga organisasyong bayan (people’s organization), NGOs at mga samahang magkakapitbahay

MGA AHENSYA SA PABAHAY

- Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) - nilikha sa pamamagitan ng EO 82 (Dec. 8, 1986, ito ang direktang ugnay ng pamahalaan sa maralita at tagasubaybay hinggil sa mga polisiya at programa ng gobyerno sa pabahay, dating clearing house sa demolisyon (EO 152), at naipasa ang kapangyarihang ito sa LGU (EO 708)

- Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) – pinakamataas na konseho sa pabahay na gumagawa at nagpapasya sa patakan, at nagbibigay ng pangkalahatang direksyon para sa pagsulong ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang mahihirap

Sa ilalim ng HUDCC ay ang mga sumusunod:
1. National Housing Authority (NHA) – ahensyang namamahala sa programa sa pabahay lalo na sa walang-bahay na pamilya na mababa ang kita na may kakayahang makuha ang kinakailangang serbisyong panlipunan at pang-ekonomiyang oportunidad at mag-ambag sa pagtiyak ng pagtaas ng kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo
2. Home Guaranty Corporation (HGC) – naggagarantiya ng pagbabayad sa anuman at lahat ng anyo ng pagsasangla, pautang at iba pang anyo ng credit facilities para sa usapin ng pabahay, matulungan ang mga pribadong debeloper na magsagawa ng sosyalisado at mababang halagang proyektong pangmasang pabahay
3. Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) – kambal na ginagampanan nito ang pagpapahusay at pagpapalakas sa rasyunal na pabahay at serbisyong real estate sa pamamagitan ng tatlong estratehiya: patakaran, pagpaplano at regulasyon, tulad ng isinasaad sa mga Dekretong Pampaunguluhan (PD), Presidential Decrees (PD), Letters of Instruction (LOI), Republic Acts (RA), Executive Orders (EO), Office of the President Memorandum Circulars (OP-MC) at Batas Pambansa (BP)
4. National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) – mayor na institusyon ng pamahalaan hinggil sa sanglaan (mortage) ng pabahay, at pamamahala sa pinanggalingan ng pangmatagalang pondo lalung-lalo na mua sa Social Security System, ang Government Service Insurance System, at ang Home Development Mutual Fund
5. Home Development Mutual Fund (HDMF) – popular na tinatawag na PAG-IBIG, ito ang ahensya sa pabahay na ang tungkulin ay magpondo ng pabahay at paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga myembro nito
6. Social Housing and Finance Corporation (SHFC) – isang institusyong pinansyal na tungkuling maglaan ng pabahay sa mga kapuspalad na mamamayan sa pamamagitan ng paglalaan ng abot-kayang pinansya sa pabahay, at makipagtulungan sa mga multisektoral na stakeholders para para sa pagbuo at pagpapatupad ng makabago at sustenableng programa sa panlipunang pabahay

MGA DOKUMENTONG MAGAGAMIT SA LEGAL NA PARAAN:
1. Sinumpaang salaysay
2. TRO – Temporary Restraining Order
3. OCT – Original Certificate of Title
4. TCT – Transfer Certificate of Title
5. Certificate of census
6. Barangay Permit

MGA BATAS NA KARANIWANG GINAGAMIT SA DEMOLISYON:
1. Building Permit (City Ordinance)
2. Court Order
3. E.O. – Executive Order (sa lupang gobyerno na may proyekto)

MGA DAPAT GAWIN NG MARALITA
1. Pagsusuri sa kalagayan
2. Pagkakaisa
3. Pagtutulungan
4. Pag-oorganisa
5. Negosasyon

MGA REMEDYO SA USAPIN NG PAGTATANGGOL SA KARAPATANG PANTAO:

1. LEGAL – Umaasa sa nakasaad lamang sa batas at ang tanging remedyong alam ay nakukuha lamang sa korte.

2. METALEGAL – Di masyadong umaasa sa sinasaad ng batas, pero di rin ipinagbabawal ng batas.
(Hal. Welga, rally, petisyon signing, dialogue, piket at iba pa)

3. EXTRA LEGAL – Labag sa sinasaad ng batas at marahas (Hal. Armadong pakikibaka)

*Dapat kabisado ng maralita ang kanyang mga karapatan sa pabahay upang maipagtanggol niya ang kanyang sarili, pamilya, organisasyon ng maralita, at kanilang komunidad laban sa anumang suliraning dumating, tulad ng ebiksyon at demolisyon. Dapat ding mapag-aralan ng maralita kung anong klase ng sistema ng lipunan ngayon kaya di malubos-lubos ang karapatang pantao, at kung bakit marami ang naghihirap at kakarampot ang yumayaman.

Walang komento: