Martes, Pebrero 22, 2011

Bukas na Liham sa Kapwa Maralita sa Agham Rd

ISANG BUKAS NA LIHAM


PARA SA:
Mga kapwa maralita ng Agham Road, Botanical Garden komunidad na apektado ng proyektong QC Central Business District (QC-CBD Project)


Mahal na mga kasamang kapwa maralita,

Una ang aming matapat na pakikipagkaisa, damang-dama namin ang hirap at bigat ng inyong pinagdaraanan ngayon sanhi ng mapaminsalang sunog, sadyang makirot sa dibdib, ang bilis ng mga pangyayari, nabago ang takbo ng buhay. Ang dating maalwan at masiglang buhay ngayon ay hirap, hikahos, parang abnormal, ni’sa hinagap di inaasahan, sa loob ng siyam na oras tinupok ang lahat-lahat ng naipundar at pinuhunan ng hirap at pagod.

Ang bilis ng dating ng mga “fire truck” ng kiyusi, kaso walang lamang tubig at parang sinasadyang bumalagbag sa kalye kung kaya’t ang mga sumunod na fire truck ay malayo sa sentro ng apoy kaya’t siyam (9) na oras bago na “fire out”. Sunod-sunod ang mga naganap na sunog sa mga tirahan ng mga tinaguriang iskwater sa sariling bayan, sa San Roque, North Triangle, sa Sitio Palanas ng Brgy. Vashra, nauna rito’y sa NIA site. Ganito rin ang karanasan sa Damayan Lagi at kamakailan lang sa Brgy. BAHAY TORO, naranasan din ito ng mga taga West Sipac Navotas. Parang naging isang kalakaran (TREND) ang panununog ng mga iskwaters erya, kaysa idemolis minus gastos nga naman, at epektibong pamamaraan ng pagpapalayas sa ating mga “iskwater sa sariling bayan”. May kaibahan ang kaso ng Agham/Botanical Garden, Palanas, San Roque, at NIA site. Ang mga komunidad na ito ay bahagi ng 250 ektaryang lupaing saklaw ng proyektong QC-CBD na iniluwal ng E.O. 680-A na nilagdaan ni GMA noong 2007, at ngayon nga’y pinaghatian ng dalawang (2) “buwitreng” developer - ang pamilyang Ayala at Lucio“fer” Tan, isang intsik at isang kastila, kasabwat ang mga tauhan ng NHA at ang local na pamahalaan ng kiyusi. Daang-daang milyong piso ang komisyong kikitain ng mga magkakasabwat. Kung kaya’t kahit katiting na pagmamalasakit sa atin ay wala.

Nakakangitngit ng kalooban, sa halip na tulungang makabangon sa pagkakalugmok ang mga biktima ng sunog ay mahigpit na pinagbabawalan na mag-ayos ng kahit pansamantalang masisilungan at mahigpit ang bantang kumpiskasyon ng anumang gagamiting materyales at pang-aaresto sa mga lumabag. Parang mga sundalong sakang ang mga tauhan ng DPOS at armadong PNP ng Kiyusi ay paikot-ikot sa lugar nang mga nasunugan.

Hilo, litong-lito pa ang mga tao’y sinasamantala naman ng NHA ang taktikang panawagang “boluntarismo”, nilalakipan ng kampanyang demoralisasyon, at pang-eenganyo. “Maganda ang lugar mauubusan na kayo.” Pwede pang magreserve mukhang big time ang bonus sa mga taga-NHA kaya ganoon na lang kaagresibo at determinado ang mga sukab at kurap, at may pananakot pa ng pwersahan at marahas na demolisyon sa mga nakaligtas sa sunog. Grabeng psywar tactics at dala ng kawalang malay halos nagpapanic ang mga biktima para sa pag-site visit sa tatlong malalayong relocation site at hindi pa handa para panirahan. Sa Gaya-gaya, San Jose Del Monte ay poso ang tubig na hindi pwedeng inumin, 6pm to 6am ang malamlam na ilaw mula sa generator, amoy-amoy ang malaking piggery. Samantalang sa Towerville at San Isidro, Montalban ay walang lababo, pintuan at inidoro. Ang pangunahin pang problema sa mga lugar na relokasyon ay walang anumang kabuhayan o mapagkakakitaan.

Mga kasamang kapwa maralita, wala pa naman dapat ikatakot para magparelocate, walang batayan para magmadali sa paglikas. Dapat kumalma muna tayo kahit saglit para makapag-isip-isip kung relokasyon nga ba ang solusyon sa ating problema. Ano ba ang pamumuhay ng mga pamilyang nasa relokasyon? Masaya at maunlad ba ang kanilang pamumuhay?

Gutom…napakahirap na buhay at grabeng hirap ang dinaranas, sanhi ng pagkakawasak at pagkawalay sa mga pinagkakakitaan, at sa mga serbisyo. Sa tutuo lang marami ang iniiwan ang mga yunit at muling bumabalik sa kalunsuran, ang iba wala ng mabalikan ay sa mga bangketa na lang natutulog, ang iba sa mga kariton, o di kaya’y sa ilalim ng mga tulay o kung saan pa pwedeng muling makapag-iskwat.

Alam nyo ba na kailanman ay hindi solusyon ang demolisyon at sapilitang relokasyon? Grabeng kahirapan ang dulot nito. Sa totoo lang bigo at patuloy na mabibigo ang lahat ng mga programa’t mga proyekto na ginagawa at gagawin pa ng gobyerno. Ang patuloy na pagdami at paglawak ng maraming komunidad maralita, at ang paglobo ng bilang ng pamilyang maralita (28.5 milyon) ang patunay ng kabiguan ng pamahalaan sa paglutas ng suliranin ng maralita sa kabila ng mahabang panahong iginugol at bilyung-bilyong halagang nawaldas lamang. Bunga ito ng maling pag-unawa at pag-intindi sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mga tinaguriang “iskwater sa sariling bayan” pero sa kabila nito’y patuloy pa rin ang mga maling programa, polisiya at mga proyektong relokasyon.

Tulad ng kaso ng taga-Agham/Botanical Garden na mistulang sinasakripisyong tupa o sacrificial lamb na iniaalay sa altar ng progreso ng negosyo ni Ayala at Lucio“fer” Tan…Tama ba ito? Payag ba kayo?

Mga kasama, hindi lang bahay ang ating problema, tatlo (3) ang ating pangunahing suliranin. Una sa lahat ay ang kahirapan ng buhay sanhi ng kawalan ng sapat na kita at trabaho katapat ng mataas na presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. Ang ikalawa at pinakadikit sa sikmura ay ang ating kawalan ng katiyakan ng paninirahan, at palagiang banta ng demolisyon at sapilitang relokasyon, kapos o tuwirang walang mga batayang serbisyo, at ang ikatlo ay ang kawalan ng ating demokratikong partisipasyon sa pagpaplano at pagpapasya sa lahat ng mga usapin o proyekto na tuwirang umaapekto sa atin.

Mga kasama, mas tingnan natin ang ating kapakanan sa halip na magboluntaryo at pa-relocate. Kailangan nating magkaisa at manindigan na manatili sa lugar, gawin natin ito. Tayo muna bago sila Ayala at Lucio“fer” Tan. Ipaglaban at kamtin ang karapatan ng maayos at ligtas na paninirahan, mismo sa lugar na ating kinalalagyan dito sa Agham/Botanical.


I-REPEAL ang E.O. 680–A ni GMA!
IBASURA at LABANAN ang SALOT na QC-CBD!

Mula sa: KPML - ZOTO - SANLAKAS - BMP - PLM

Walang komento: