SALIGANG BATAS NG KPML
PREAMBULO
Kami, ang mga maralita ng lunsod, may antas ng kamalayang pampulitika at kamulatan sa uri, batid ang aping kalagayan ng kawalan ng disente, maayos, ligtas at tiyak na paninirahan, dumaranas ng matinding kahirapan ng pamumuhay at karahasan dulot ng maling sistemang umiiral na itinataguyod ng naghaharing uri pangunahin na ang globalisasyon; dulot nito’y malaganap na kaapihan, kawalan ng katarungang panlipunan, pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan; mababang pagtingin sa mga kababaihan; mithiin ang pagbabago ng lipunan; nagnanais ng isang sosyalistang kaayusan na may katarungan, pagkakapantay-pantay, may kaunlaran, at may dignidad na pamumuhay para sa lahat; may pagpapahalaga sa kalikasan at kapaligiran; nananalig at may tiwala sa masa at sa kapangyarihan ng mayoryang bilang ng mamamayan, ay nagbibigkis sa ganitong mga adhikain at mga simulain, na nagtatadhana at nagpapahayag ng Saligang Batas at Alituntunin.
ARTIKULO I
PANGALAN, TANGGAPAN AT PAGKAKAKILANLAN
Seksyon 1. Ang organisasyong ito ay KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD o KPML.
Seksyon 2. Ang sentrong tanggapan ng KPML ay itatayo sa loob ng Kalakhang Maynila, o sa lugar na pinagpasyahan ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.
Seksyon 3. Ang KPML ay makikilala sa mga sumusunod:
a. Bandilang kulay pula na dalawang yarda ang haba at isang yarda ang lapad.
b. Nakalarawan sa bandila ang dalawang mukha at nakasulat sa ibaba nito ang mga titik na KPML sa kulay dilaw na may sukat na apat na talampakan ang haba at dalawang talampakan ang taas.
Seksyon 4. Ang opisyal na selyo ng KPML ay bilog na bakal na may diyametrong apat na sentimetro (4 cm.) kung saan nakaukit paikot ang mga katagang KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNSOD, at sa gitna ay nakasulat ang KPML at Disyembre 18, 1986.
ARTIKULO II
PAHAYAG NG MGA PRINSIPYO
Seksyon 1. Ang KPML ay naniniwala na ang lahat ng kapangyarihang pang-organisasyon ay nagmumula sa kasapian.
Seksyon 2. Naniniwala ang KPML sa lakas at kapangyarihan sa iba’t ibang kakayahan at kaalaman ng sambayanan na paunlarin at baguhin ang lipunan.
Seksyon 3. Ang pakikipaglaban sa mga problema’t kahilingan at mga demokratikong karapatan ay pangunahing tungkulin ng mga organisasyon at mga kasapian ng KPML. Ang kasapian ay maaaring atasan ng organisasyon sa pamamagitan ng kanyang Saligang Batas at mga alituntunin na magkaloob ng personal na serbisyo at suporta sa mga nakatakdang gawain at mga pangangailangan.
Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.
Seksyon 5. Kinikilala ng KPML ang malaki at napakahalagang tungkulin ng kabataan at ng mga kababaihan sa pagbubuo ng mga organisasyon sa mga komunidad na magtataguyod ng kanilang kabutihang kaisipan, tungo sa pagbabago ng kasalukuyang bulok na sistema ng lipunan.
Seksyon 6. Naniniwala ang KPML na ang mga kababaihan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago at pag-unlad ng buong lipunan at dapat na magtamasa ng pantay na mga karapatan at dapat kilalanin ng lipunan.
Seksyon 7. Kinikilala rin ng KPML ang kahalagahan at pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan.
Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.
Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.
Seksyon 10. Naniniwala ang KPML na ang globalisasyon ang bagong anyo ng pananakop at pang-aalipin ng mga mayayaman at maunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at magdudulot ng patuloy at higit pang kahirapan ng mga maralita ng lunsod, ng manggagawa, at ng buong sambayanan.
ARTIKULO III
KATANGIAN NG ORGANISASYON
Seksyon 1. Ang KPML ay isang kumpederasyon na binubuo ng iba’t ibang mga samahan sa komunidad na nagbibigkis sa pormasyon ng mga lokal na samahan, balangay, pederasyon, asosasyon at alyansa na matatagpuan sa iba’t ibang pamayanan at erya ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at ng mga indibidwal sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon na maitatayo ang KPML.
Seksyon 2. Ang KPML ang sentrong pampulitika at pang-ekonomyang organisasyon ng mga maralita na may pangunahing tungkuling isulong at ipaglaban ang mga demokratiko't lehitimong karapatan at mga kahilingan ng mga maralita ng lunsod.
Seksyon 3. Sa panahon ng halalan, ang KPML ay lalahok at tatayong makinarya sa eleksyon bilang pagkilala sa gawaing parlyamentaryo, malayang magpasya sa susuportahang partido, mga kandidato sa lokal at nasyunal sa pamamagitan ng mga patakarang gagabay at kaukulang makinaryang itatayo.
ARTIKULO IV
KASAPIAN
Seksyon 1. Ang regular na kasapi ng KPML ay ang mga maralita ng lunsod na natitipon sa iisang organisasyon sa mga komunidad ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog-Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon ng bansa.
Seksyon 2. Ang mga rekisitos sa pagsapi ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal at direktang pagsapi sa KPML na ang indibidwal na kasapian ay hindi bababa sa dalawampung katao at higit pa.
b. Aktibong kumikilos para isulong ang mga usapin ng komunidad at mga karapatan ng mga mamamayan.
c. May resolusyon sa pagsapi, kasama ang organizational at community profiles.
d. Mga indibidwal na nakikiisa sa mga layunin, simulain, gawain, prinsipyo, at mga programa ng pagkilos ng KPML.
e. Handang sumunod sa Saligang Batas, Alituntunin, Pangkalahatang Programa, Pagkilos, mga Pinagtibay na Patakaran, Resolusyon, mga Atas (memorandum), at mga Panawagan ng KPML.
f. Ang mga indibidwal at mga pandangal ay maaaring sumapi sa KPML kung inirekomenda ng tatlong tao na kasapi ng KPML na lubos na nakakakilala sa indibidwal o pandangal na sasapi. Handa itong magbigay ng panahon sa KPML, suportang material, pinansya, handang umako ng gawain at tungkulin, at magbahagi ng kaalaman at talino sa organisasyon.
g. Sa panahon ng halalan ng KPML, ang mga indibidwal ay maaaring lumahok at kumatawan sa 20 indibidwal na kasapi, na dumaan sa proseso bilang grupo at inihalal.
Seksyon 3. Ang lahat ng sasaping organisasyon at mga kasapian nito, mga pandangal na kasapi, at mga indibidwal na kasapi, ay dapat na tapos at naunawaan ang Oryentasyon ng KPML, Saligang Batas, Alituntunin, Bisyon, Misyon, at Hangarin ng KPML.
ARTIKULO V
KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA KASAPI
Seksyon 1. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal na kasapi: Maghalal at mahalal sa alinmang posisyon alindunod sa mga patakaran hinggil sa pagboto at kwalipikasyon ng mga kandidato; pumaloob sa anumang komite sa sentro, balangay, pederasyon at lokal na organisasyon.
b. Organisasyonal, indibidwal, at mga pandangal na kasapi; malayang makipagtalakayan sa mga kapulungan ukol sa anumang usapin.
c. Magpaabot ng anumang mungkahi, puna, reklamo, o rekomendasyon sa mga kinauukulang komite.
d. Mapaabutan ng anumang kopya ng mga ulat, kalatas, pahayagang Taliba ng Maralita, pahayag at iba pang mga lathalain ng organisasyon.
e. Makatarungang paglilitis kung nahahabla sa anumang kaso ng paglabag sa disiplina, Saligang Batas, Alituntunin at Patakaran ng organisasyon.
f. Magbitiw bilang kasapi ng KPML sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng liham at pakikipag-usap sa kinauukulang opisyal, komite o tauhan ng KPML.
g. Magtamasa ng iba pang mga pribilehiyo na maaaring ipagkaloob ng KPML.
Seksyon 2. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Tumalima sa Saligang Batas, Alituntunin, Pinagtibay na mga Patakaran, at mga panawagan ng sentrong organisasyon.
b. Buong sigasig na tumupad sa mga atas na gawain at desisyon ng organisasyon na humihingi ng kagyat at mahigpit na pagkakaisa.
c. Aktibong dumalo sa lahat ng pulong at masiglang lumahok sa mga talakayan, pag-aaral at mga pagsasanay, o sa anumang panawagan at pagkilos ng organisasyon.
d. Tumulong sa pagpapalawak at pagpapatatag ng organisasyon at masigasig na nagpapalaganap ng layunin, simulain, bisyon, misyon at hangarin ng KPML.
e. Magbayad ng buwanang butaw, bayad sa pagsapi, at kontribusyon na hinihingi ng organisasyon na pana-panahon na gagamitin sa mga aktibidad ng KPML.
f. Maagap na mag-ulat hinggil sa kalagayan ng lokal na organisasyon, kalagayan ng komunidad, at mga gawain na iniatas ng sentrong organisasyon.
g. Pangalagaan ang integridad at moralidad ng organisasyon, mga lider at mga kasapian.
h. Mag-ambag ng mga kaalaman hinggil sa iba’t ibang larangan ng gawain para sa ikalalakas ng pamumuno ng KPML, sa pagsusulong ng kagalingan ng maralita.
ARTIKULO VI
PAMBANSANG KONGRESO
Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ang pinakamataas na kapulungan ng KPML. Binubuo ito ng mga delegado mula sa rehiyon (balangay, pederasyon), Pambansang Konseho ng mga Lider, at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.
Seksyon 2. Idaraos ang Pambansang Kongreso isang beses tuwing ikatlong taon, at ang ispesyal na Kongreso ay maaaring ipatawag sa kahilingan ng simpleng mayorya (50%+1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
Seksyon 3. Ang kapangyarihan ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. Magpatibay ng Saligang Batas, Alituntunin, mga Resolusyon at Programa ng Pagkilos.
b. Maghalal ng Pambansang Pamunuan.
c. Magpawalang-bisa ng mga programa ng pagkilos, o anumang kapasyahan ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.
ARTIKULO VII
PAMBANSANG KONSEHO NG MGA LIDER
Seksyon 1. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ang ikalawang pinakamataas na kapulungan habang hindi nagaganap ang Pambansang Kongreso.
Seksyon 2. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay binubuo ng mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap, mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad at pinuno ng pambansang komite sa pag-oorganisa, kampanya, propaganda, edukasyon at pinansya, at kinatawan mula sa kabataan. Ang bilang ng konseho ay maaaring madagdagan sa panahon na maitayo ang mga balangay sa iba’t ibang rehiyon at komite sa antas-pambansa.
Seksyon 3. Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad ay itinakda o inihalal ng kanilang mga tsapter sa eryang pinanggalingan.
Seksyon 4. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Magbuo o kaya’y magpawalang-bisa ng mga pangkalahatang patakaran, resolusyon, programa ng pagkilos, ayon sa isinasaad ng Saligang Batas.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samutsaring usapin na may kinalaman sa organisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap at Pambansang Konseho ng mga Lider.
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pambansang Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.
ARTIKULO VIII
PAMBANSANG LUPONG TAGAPAGPAGANAP
Seksyon 1. Ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, at Tagasuri.
Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano’t mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pambansang Kongreso at ng Pambansang Konseho ng mga Lider
h. Ang mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.
ARTIKULO IX
PANGREHIYONG KONSEHO NG MGA LIDER
Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay binubuo ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap at mga kinatawan mula sa iba't ibang lalawigan, lunsod at munisipalidad at mga pinuno ng mga pangrehiyong komite sa pag-oorganisa, kampanya, edukasyon at pinansya.
Seksyon 2. Ang mga kinatawan ng iba't ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at munisipalidad ay itinakda o inihalal ng mga balangay sa kanilang mga eryang pinanggalingan.
Seksyon 3. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Maghain ng mga pangrehiyong resolusyon, programa ng pagkilos sa Pambansang Konseho ng mga Lider, batay sa isinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 4-a ng Saligang Batas na ito.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samu't saring usapin na may kinalaman sa pangrehiyongorganisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider at Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pangrehiyong Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.
ARTIKULO X
PANGREHIYONG LUPONG TAGAPAGPAGANAP
Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pangrehiyong Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, Tagasuri, Pinunong Tagapag-ugnay at Pinunong Tagapamayapa.
Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano't mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng mga gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
h. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang mga hahalili sa kanila.
ARTIKULO XI
PULONG
Seksyon 1. Pambansang Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang Pambansang Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.
Seksyon 2. Pambansang Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.
Seksyon 3. Mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.
Seksyon 4. Mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.
ARTIKULO XII
SUSOG
Seksyon 1. Ang Saligang Batas at Alituntunin ay maaaring susugan sa kapasyahan ng simpleng mayorya (50% + 1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
Seksyon 2. Ang mga panukalang susog ay dapat ipaabot sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap o sa Preparatory Committee nito tatlumpung (30) araw bago dumating ang aktwal na Kongreso.
Seksyon 3. Ang sinumang kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganao na binubuo ng tatlong (3) tao, kasama ang program administrator ng KPML, ay maaaring humirang ng mga indibidwal na magiging kagawad ng NCL at NEC ayon sa kalagayan, gaya ng mga sumusunod:
a. Umaabot na sa 1/3 ng mga kagawad ng isang kapulungan ang lumiban, nagbitiw sa katungkulan o hindi na makatupad ng gawain;
b. Umiiral ang gipit na kalagayan at hindi na makapagdaos ng pulong, halalan o hindi makairal ang mga regular na gawain ayon sa isinasaad ng Saligang Batas at Alituntunin.
ARTIKULO XIII
PAGPAPATIBAY
Seksyon 1. Ang Saligang Batas na ito kaakibat ang Alituntunin nito ay sinusugan at pinagtibay ng mahigit 2/3 ng mga delegadong dumalo sa Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML, na isinagawa sa KKFI Covered Court, P. Paredes St., Sampaloc, Manila, ngayong ika-16 ng Hulyo, 2011.