Sa mga kasama sa KPML,
Ipagpaumanhin ang hindi ko pagkakadalo sa inyong ika-4 na Pambansang Kongreso. Ako po'y nasa ibang bansa dahil sa dagliang pangangailangan, subalit kapiling ninyo sa inyong pagtitipon ngayon.
Binabati ko po kayo sa walang-sawa at malugod ninyong paglilingkod sa mga maralita at abang sektor ng ating lipunan sa iba't ibang dako ng kapuluan ng Pilipinas.
Sa ngalan ng Partido Lakas ng Masa, ipinaaabot namin ang lubos na pagsuporta sa inyong mga proyekto para sa maralita, gaya ng pagtatanggol sa walang pakundangang demolisyon ng maralitang komunidad sa tinatawag na "danger zones". Kagaya ninyo, nananawagan kami ng makatao at abot-kayang pabahay malapit sa lugar ng demolisyon o sa syudad at munisipalidad na kinalalagyan nito. Nagkakampanya din kami sa pabahay sa maralita na segun sa kakayahan nilang hulugan o otomatik na moratoryum sa pagbabayad kung walang sapat na trabaho ang naninirahan.
Ang mga nabanggit ay panimulang panawagan lamang sapagkat sa lipunang nais naming ipalit sa bulok na kaayusan ngayon, ang lahat ay dapat magtamasa ng trabahong may nakabubuhay na sweldo, may disenteng tahanan na ang paghuhulog para maging pag-aari ay hindi tataas sa 10 porsyento ng kita o sweldo ng naninirahan, libreng pagpapagamot at medisina, libreng edukasyon sa lahat, at marami pang iba na para sa kapakanan ng masa.
Magtulung-tulong po tayo na itayo ang lipunang ito na matatawag nating sosyalista -- lipunang ang sosyal na yaman na likha ng sosyal na paggawa ay sosyal na paghahatian ng lahat.
Muli, isang pagbati at mabuhay kayong lahat!
Sa tagumpay ng sosyalismo,
Ka Sonny Melencio
Tagapangulo, PLM
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento