Miyerkules, Agosto 17, 2011

Ang DHUD at ang Pag-amyenda sa UDHA

ANG DHUD AT ANG PAG-AMYENDA SA UDHA

Nakasalang ngayon sa Kongreso ang iba't ibang panukalang batas hinggil sa pagtatayo ng Department of Housing and Urban Development o DHUD, habang isa sa prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Aquino ang pag-amyenda sa RA 7279 (Urban Development and Housing Act).

Ayon sa talaan ng Committee Information on Housing and Urban Development, na may 55 myembrong kongresista, may 14 na House Bill (HB) at 11 House Resolution (HR) hinggil sa usaping pabahay. Ang ilan dito'y tungkol sa pagtatayo ng DHUD, programang green parks at insentibo sa mga subdibisyon, at iba pa. Sa ating mga maralita, napakahalagang suriin ang mga panukalang batas na ito.

Sa paglikha ng DHUD, nariyan ang HB 384 ni Rep. Gloria Arroyo (Pampanga, D2), ang HB 1157 ni Rep. Rodolfo Biazon (Muntinlupa City, Lone District), at ang HB 2216 ni Rep. Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro (D1). Nariyan din ang HB 1231 (Omnibus Housing and Urban Development Act) ni Rep. Winston Castelo (QC, D2); ang HB 4565 (An Act creating a Local Housing Board in every city and first to third class municipality) ni Rep. Edwin Olivares (ParaƱaque, D1); ang HB 4578 (An act prescribing the mechanisms to facilitate the disposition of government-owned lands for socialized housing) ni Rep. Joseph Gilbert Violago (Nueva Ecija, D2); at ang HB 4656 (An Act instituting reforms in the government's drive against professional squatters and squatting syndicates) ni Rep. Amado Bagatsing (Manila, D5). Sa resolusyon naman ng Kongreso, nariyan ang HR 57 (A Resolution in Aid of Legislation to resolve the issue regarding alleged Smokey Mountain Project Scam), at marami pang iba.

Noong Pebrero, sa ulat ng Pangulo sa LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council), nangunguna sa talaan ng 23 priority bills ang paglikha sa DHUD. Sa ulat ng pangulo ngayong Agosto sa LEDAC, isa sa 13 priority bills ang panukalang Twenty Percent Balanced Housing Law o ang pag-amyenda sa Lina Law o sa Urban Development Housing Act of 1992 (amendments to the Urban Housing and Development Act of 1992 mandating socialized housing equivalent to at least 20% of the total condominium/subdivision area or project cost - BusinessWorld, Aug. 15, 2011).

Nagpoprotesta naman ang mga kawani ng National Housing Authority (NHA) laban sa paglikha ng DHUD, dahil tiyak na mawawalan sila ng trabaho. Para sa kanila, ito'y paraan ng streamlining upang makatipid ang gobyerno. Apektado ang mga kawani ng gobyerno, ngunit paano ang maralita? Kaya sila nagpoprotesta ay dahil sa mawawalan sila ng trabaho, at hindi pa dahil "mahal" talaga nila ang maralita, at hindi na nila "matutulungan" ang mga maralita sa problema ng mga ito sa pabahay.

Kaya nahaharap sa dalawang panukalang batas ang maralita. Ang nakasalang na paglikha ng DHUD, at ang panukalang pag-amyenda sa UDHA. Kung hindi kikilos ang maralita, baka makalusot ang mga panukalang batas na ito at maging ganap na batas na ginawa ng mga mayayamang kongresista nang walang partisipasyon ang mismong mga maralita.

Tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ay dapat ganap na sumubaybay sa panukalang batas na ito at igiit nating maging bahagi tayo ng deliberasyon nito sa Kongreso. Upang kung may makita tayong probisyon sa panukalang batas na ikatatagilid ng maralita, ay agad nating maipoprotesta ito.

Gayunpaman, di tayo dapat umasa na ang mga panukalang batas na ito ay maging pabor sa maralita, pagkat ang komposisyon ng mga mambabatas sa Kongreso ay pawang mayayaman, may negosyong real estate developer, at marahil ay mas pumapabor sa pagsasapribado ng pabahay, imbes na ito'y pangmasa. Tulad na lang ng nangyaring batas na RA 9507, o Socialized and Low-Cost Housing Loan Condonation and Restructuring Program Act of 2008.

Dapat nating pakasuriin at araling maigi ang mga panukalang batas na ito, bigyan ng kritik na ipapasa natin sa mga kongresista, at kung kinakailangan ay aktibo tayong lumahok sa deliberasyon nito sa Kongreso.

Dapat tayong magkaisang manindigan sa mga panukalang batas na tiyak na makakaapekto sa karapatan sa pabahay at kinabukasan ng maralita sa hinaharap.

Walang komento: