Martes, Disyembre 11, 2012

Bicam, Kinundena ng mga Militante


PRESS STATEMENT
Disyembre 10, 2012

Sa Pagsang-Ayon sa P35 Bilyong Target na Sin Tax sa Taong 2013
BICAM KINUNDENA NG MGA MILITANTE!

LIMANG libong manggagawa, manininda at maralitang taga-lungsod ang nagtipon sa labas ng Hotel Sofitel Grand sa CCP Complex dala ang mga placards na may nakapintang, "Tama na, Sobra na! Sistema ng Pagbubuwis, Palitan na!", "P-Noy at Sin Tax, Pahirap sa Masa" at "Tax Revolt, Sagot sa Regressive Taxation!" Bilang pagkondena sa naganap na sin tax bicameral conference na sumang-ayon sa P35 bilyong target na kita sa sin tax ng gobyerno para sa taong 2013. 

Ayon kay Gie Relova, Secretary-General ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - National Capital Region-Rizal (BMP-NCRR), "Abot-langit naming kinukondena ang naging pasya ng bicameral conference committee. Sobrang nasusuklam ang mamamayang Pilipino sa katrayduran ng pagkakapasa ng sin tax bill. Taliwas ito sa 1987 Constitution na kung saan sinasaad nito na dapat ay paunlarin ang sistema sa pagbubuwis sa isang progresibong pamamaraan ngunit mas pinaboran ng mga mambabatas ang regresibong sistema na lalong magpapahirap sa mga miserable na ngang buhay ng taumbayan."

Bagamat matindi ang disgusto ng mga miltante sa Bicam, mabilis na dinagdag ni Relova na, "milyong manggagawa at magsasaka sa buong bansa ang kumukondena kay Pangulong Benigno Aquino III dahil sa pagpayag nitong maging sunud-sunuran sa mga utos ng mga pandaigdigang institusyong pampinansiya gaya ng International Monetary Fund at isang dambuhalang dayuhang korporasyon. Tutubo ng trilyong piso ang mga dayuhan nang walang lilikhaing hanap-buhay habang iniaalay sa altar ang ating lokal na industriya". 

Ang tinutukoy ni Relova ay dambuhalang kumpanyang naka-base sa London na British-American Tobacco (BAT) na muling pumasok sa Pilipinas makaraang umalis noong 2009. Ang pagbabalik ng BAT na gumagawa ng sigarilyong Lucky Strike ay magtatambak lamang ng sobra-sobrang tabako nito sa bansa. Ang kumpanyang BAT ang malinaw na makikinabang sa isang batas sa sin tax na siyang paraan naman nito para basagin ang monopolyo sa mekado ng isang lokal na kumpanya na mangangahulugan naman ng paglaki ng market share nito. 

Samantala, ayon naman kay Anthony Barnedo, Secretary-General ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR), isa sa nagtatag ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART), "umaasa ang gobyerno na kikita sila sa pamamagitan ng sin tax pero sigurado, hinding-hindi hindi ito magaganap dahil sa taas ng presyo ng mga produktong tabako't alkohol, wala nang makakabili nito, tiyak na malulusaw ang industriya". 

"Hindi na rin natin dapat asahan na mapapaunlad nga ng gobyerno ang mga programang pangkalusugan sa bansa kahit pa sabihin nating maabot nito ang target na kita mula sa sin tax. Ang pinangangalandakan nilang Universal Healthcare Program ay mananatili na lang panaginip na mauuwi sa bangungot kapag sinimulan na nila ang pagsasapribado sa dalawampu't anim na pampublikong ospital," dagdag pa nito.

"Habang ipinagbubunyi natin ang ika-64 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), mas pinili ng ating mga "kagalang-galang" na senador at kongresista ang labagin ang ating mga karapatan sa paggawa at proteksyon sa kawalan ng hanap-buhay. At dahil sa nakaambang masaker sa mga trabaho't kabuhayan at sa sistema ng pagbubuwis na inilalatag sa rehimeng Aquino, liniligawan nito ang isang panlipunang rebolusyon na tiyak nilang pagsisisihan," dagdag pa ng BMP lider.

Walang komento: