PRESS RELEASE
PLANONG RELOKASYON NG GOBYERNO, TINUTULAN NG MARALITA SA ESTERO
Suspindihin muna hanggat walang Garantiya ng Trabaho, Kabuhayan at Panlipunang Serbisyo
“Ang programang pabahay ng gobyernong Aquino sa kanyang Philippine Development Plan (2011-2016) ay nakaukit ang katagang, “Gaganda ang buhay kung may bahay at hanap-buhay,” maniwala kayo o hindi pero sumasang-ayon ang mga maralita sa kanilang tema pero mukhang tinalikuran na ito ng tuluyan ng mga opisyal ng gobyerno na nakapaloob sa Oplan Likas,” pahayag ni Jhun Manlulu, Pangulo ng Pinatag Neighborhood Association (PNA), isang organisasyon ng mga residente sa tabi ng ilog San Juan sa Tatalon sa Lungsod Quezon.
Manlulu, isang dating OFW na ngayo’y bumabyahe ng kanyang tricycle ay umalma nang mabalitaan na ang naunang grupo inilipat sa Muzon, San Jose City sa Bulacan ay naobliga na lamang na tiyagain ang kapos na supply ng tubig at kuryente. “Kung tutuusin, ang kawalan ng tubig at kuryente ay ang bungad pa lang ng kanilang miserableng kalagayan, dahil mas matindi ang kawalan ng opurtunidad sa hanapbuhay at kabuhayan sa pinaglipatan sa kanila. Paniguradong may nag-a-abang na kapighatian sa lahat ng residenteng gustong ilipat ng gobyerno sa relocation sites nito,” babala ni Manlulu.
Dagdag pa ni Manlulu, “Walang debate, ang mga tabing-ilog ay mga danger zone at walang matinong tao ang pipiliin ang lugar na yun para sa kanyang pamilya ngunit walang namang ibang programa ang gobyerno liban sa paglilipat sa amin mula sa mapanganib na lugar patungo sa isang pang mas mapanganib na lugar, kung tutuusin, nakamamatay ito sa aming kabuhayan at pamilya”.
Naniniwala ang mga residente ng Tatalon na kailangan munang suspendihin ng gobyerno ang programang ebiksyon at relokasyon dahil wala naman itong binibigay na garantiya ng trabaho, kabuhayan at kahit ang mga batayang panlipunang serbisyo at imprastraktura ay kulang na kulang para masabing desente at maka-tao ang mga relocation sites. Naniwala rin ang mga residente na iko-konsidera lamang nila ang relokasyon kapag kinumpleto na ng Department Department of Interior and Local Government, ng National Housing Authority at iba pang ahensya ang mga batayang rekisitos para sa disente at makataong pamumuhay.
“Isang lumalagapak na kapalpakan ang naghihintay sa buong programang pabahay ng gobyerno hindi dahil sa minadali nila ang pagpapatupad ng Oplan Likas kundi dahil hindi nila binigyan halaga ang pinakaimportanteng bahagi para kami’y mabuhay, ang hanapbuhay dahil kailangan naming mabuhay.. Kahit ang mismong Gobernador ng Bulacan ay nag-isyu ng moratorium sa pagpasok ng mga maralitang pamilya dahil alam nitong walang kapasidad ang lokal na pamahalaan para tumanggap ng napakaraming tao ng walang pumapasok na negosyo para lumikha ng hanapbuhay at opurtunidad para sa kabuhayan. Huwag kayong magulat kung may mga report na nagsisibalikan na sa Maynila ang mga inilipat para maghanap ng trabaho dito,” paliwanag ni Manlulu.
Pinuna rin ni Manlulu ang agarang implementasyon ng Oplan Likas sa San Juan nung isang linggo. “Ang gimik papogi nina Kalihim Roxas, Soliman, Singson at mga lokal na opisyal ng San Juan isa pa lang gimik pa-panget. Panay-panay ang ngiti nila sa harap ng mga kamera na para bagang maganda ang kanilang nagawa pero ang tanging nagawa nila ay pwersahin ang mga residente na lumipat sa isang pang mas mapanganib na lugar para tirhan”.
Nanawagan si Manlulu sa mga kapwa niya lider-maralita sa iba’t-ibang samahan sa mga ilog at estero na huwag matakot sa sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno at magsanib pwersa para lumakas ang kanilang tinig laban sa bangkaroteng programang relokasyon. Suportado ng iba pang samahang maralita, nangako si Manlulu at iba pang residente ng Tatalon na sasama sila sa mga protesta kung hindi susupindihin ng gobyerno ang kanilang programa. ###
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento