Press Statement
Nobyembre 14, 2013
Mula kay Anthony Barnedo, Pangkalahatang Kalihim, KPML-NCRR
09497518792
Nobyembre 14, 2013
Mula kay Anthony Barnedo, Pangkalahatang Kalihim, KPML-NCRR
09497518792
MARALITANG LUNSOD, GINUNITA ANG INTERNATIONAL STREET VENDORS DAY
Ginugunita ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod - National Capital Region chapter (KPML-NCRR) ang International Street Vendors Day (Pandaigdigang Araw ng Maliliit na Manininda) tuwing Nobyembre 14.
Ito ang ikalawang taon ng paggunita sa araw na ito. Sinimulan noong Nobyembre 14, 2012 ng grupong StreetNet, isang pandaigdigang samahan ng mga manininda sa lansangan
Karamihan o mayorya ng aming kasapian ay nabubuhay sa sariling sikap upang hindi magutom ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda kahit walang tulong sa pamahalaan. Dahil sa kahirapan, dumidiskarte sila sa pamamagitan ng pagbebenta ng kung anu-anong mapapakinabangang produkto at pagkain, tulad ng pagbebenta ng balut, sigarilyo, kakanin, at iba pa sa bangketa sa pag-asang sa pamamagitan nito ay makakain ang kanilang pamilya. Karamihan ng mga vendor ay isang kahig, isang tuka, na kung hindi sila didiskarte sa isang araw ay tiyak na gutom ang aabutin ng kanilang pamilya. Nariyang magbensta sila sa lansangan ng bola-bola, barbeque, adidas o paa ng manok, betamax o dugo, penoy, balut, pusit, taho, palamig, at iba pa. Sa Metro Manila pa lang, mahigit kalahati ng populasyon ang bumibili ng bangketa dahil mas mura, tingi, at madaling kainin. May mga nagbebenta rin ng kung anu-ano sa bangketa tulad ng sinturon, pantanggal ng tutuli, tawas, at meron ding nagtitinda ng tuyo, tinapa, saging na saba, lakatan at latundan, at mga prutas tulad ng lansones, mangga, mani, at iba pa. Karamihan sa kanila ay may sariling kariton o lagayan ng panindang may gulong. Ang iba naman ay wala at kailangan lang buhatin.
Ngunit ang mga vendor na ito ay hindi ligtas. Dumating pa nga ang panahong pinaghuhuli sila ng maykapangyarihan, partikular ang Metro Manila Development Authority (MMDA) noong panahon ng dating chairman nito na si Bayani Fernando, kung saan ang mga nakukumpiskang paninda ng mga vendor ay sinusunog upang hindi na raw ang mga ito makapagtindang muli sa bangketa.
Ngunit nang mawala si Fernando sa MMDA, patuloy pa rin ang kahirapan ng mga vendor, dahil na rin sa pangongotong sa kanila kapalit umano ng proteksyon. Nais ng mga vendor magtinda dahil ang trabahong ito'y marangal. Ito'y diskarte nila sa buhay dahil hindi naman sila makapasok sa mga kumpanya o opisina dahil kulang sa kwalipikasyon. At para hindi magutom ay gumagawa sila ng paraan upang mabuhay. Ang mga vendor ay nabubuhay sa pagbabakasakali, bakasakaling mabili sa mataong bangketa ang kanilang paninda upang may maipakain sila sa kanilang pamilya.
Karapatan ng mga vendor ang mabuhay, kahit sa pagtitinda lamang. Nakasulat ang mga karapatang ito sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights - UDHR) at Pandaigdigang Kasunduan hinggil sa Pang-ekonomya, Panlipunan at Pangkultirang Karapatan (International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights - ICESCR).
At upang ganap na marespeto ang mga karapatang ito, kailangan ng maayos na implementasyon at kaukulang batas o ordinansa na poprotekta sa mga vendor sa kanilang marangal na paghahanapbuhay. Kailangang maprotektahan ang mga vendor mula sa mga mangongotong, at hangga't maaari ay mabigyan sila ng maayos na pwesto kung saan maraming tao ang nagdaraan upang kahit papaano'y hindi sila basta-basta mapapaalis lamang. Kailangang respetuhin ang mga vendor, tulad ng lahat ng maralita sa lungsod, dahil sila ay mga tao ring hindi dapat apihin at pagsamantalahan.
Mabuhay ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manininda sa Lansangan (International Street Vendors Day)! Mabuhay ang mga maralitang vendor! Mabuhay ang mga maralita ng lungsod!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento