Sabado, Abril 26, 2014

Pagbabalik ng mga dukha

PAGBABALIK NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di na maganda ang buhay sa relokasyon
gutom, walang kabuhayan, walang malamon
klasiko nga itong "from danger zone to death zone"
inilayo sa lungsod, sa bundok tinapon
tayong mga dukha'y dito na binabaon
sa walang kabuhayan at walang malamon

sa dati naming lugar, kami'y may trabaho
pamilya'y di gutom, kumakaing totoo
ilalim man ng tulay, di kami istorbo
tabi man ng riles, kami pa rin ay tao
nang kami'y tinapon sa relokasyong ito
napalayo na sa kabuhayan, trabaho

tila kami tinraydor ng mga ulupong
at inilagay kami sa kutya't linggatong
kaytaas ng bayarin, saan pa hahantong
tila ililibing kaming walang kabaong
mula death zone, babalik kami sa danger zone
dahil may trabaho kami't di gutom doon

Huwebes, Abril 17, 2014

Istorya ng Kalbaryo ng Maralita 2014 sa Larawan

Isinagawa ng KPML at ZOTO ang Kalbaryo ng Maralita 2014, sa pamamagitan ng pagsasadula nito mula sa Sto. Domingo Church (una at ikalawang istasyon), Holy Trinity Parish sa Balic-Balic, Sampaloc, Mla. (ikatlo, ikaapat at ikalimang istasyon), San Roque de Sampaloc Parish sa M. dela Fuente, Sampaloc, Mla. (ikaanim at ikapitong istasyon), Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., Sampaloc, Mla. (ikawalo, ikasiyam at ikasampung istasyon), at Mendiola Bridge (na ngayon ay Chino Roces Bridge) (ikalabing-isa, ikalabingdalawa, ikalabingtatlo, at ikalabing-apat na istasyon). Binubuo ito ng 30 litrato.

(Mga litrato ni Greg Bituin Jr.)

Mga tagapagsalita sa Kalbaryo ng Maralita 2014, sa larawan

Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita sa Kalbaryo ng Maralita 2014 ang iba't ibang isyu at kalagayan ng mga maralita, tulad ng bantang demolisyon at kawalang serbisyo't kagutuman sa relokasyon. Iniugnay nila ito sa kalbaryo ni Hesus sa panahon ng mga malulupit na Hudyo, kung saan siya'y pinahirapan ng husto hanggang sa mamatay, tulad din ng kasalukuyang kalagayan ng mga dukha sa lipunan. Para sa mga maralita, kalbaryo nila sa araw-araw ang nararanasang banta, gutom, at kahirapan. Ninanais nilang sumibol ang pag-asa at pagkakaroon ng katarungang panlipunan, di lang para sa kasalukuyang henerasyon kundi sa mga susunod pa. Nais nilang mawala na ang banta ng demolisyon at magkaroon ng kapayapaan na may hustisyang panlipunan para sa lahat.

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)
Si Ka Orly Gallano, pangulo ng ZOTO at bagong pangulo ng KPML-NCRR
Si Ka Glenly Mendina, ikalawang tagapangulo ng KPML-NCRR
Si Ka Anthony Barnedo, ang pangkalahatang kalihim (secretary general) ng KPML-NCRR.

Si Ate Melai Margallo, ang nanay ng mga kabataang gumanap sa Pasyon ni Hesus at direktor ng munting palabas, ang siyang tagapagsalita ng kalbaryo ni Hesus sa bawat istasyon.

 Si Ka Erwin, isang lider-maralita, at kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM) - Quezon City chapter.

 Si Nanay, isang lider-maralita sa Muntinlupa, habang galit na nagsasalita. Ang kanilang mga kabahayan ay dinemolis nitong nakaraang buwan lamang, Marso 2014.

 Si Ka Manny Toribio, unang pangulo ng Piglas-Kabataan, at kasalukuyang deputy secretary general ng ZOTO.

 Si Ka Gie Relova, ang pangkalatang kalihim ng BMP-NCRR.

Si Ka Edwin Guarin, isa sa council member ng PLM.

Si Ka Orly Gallano, pangulo ng ZOTO at bagong pangulo ng KPML-NCRR, habang kinakapanayam ng reporter ng ABS-CBN.

Islogan at Tema ng Kalbaryo ng Maralita 2014, Mga Larawan

Narito ang sentral na islogan at ang mga tema ng bawat istasyon ng Kalbaryo ng Maralita na may 14 na istasyon ng krus, na isinagawa ng KPML at ZOTO, mula sa Sto. Domingo Church (una at ikalawang istasyon), Holy Trinity Parish sa Balic-Balic, Sampaloc, Mla. (ikatlo, ikaapat at ikalimang istasyon), San Roque de Sampaloc Parish sa M. dela Fuente, Sampaloc, Mla. (ikaanim at ikapitong istasyon), Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., Sampaloc, Mla. (ikawalo, ikasiyam at ikasampung istasyon), at Mendiola Bridge (na ngayon ay Chino Roces Bridge) (ikalabing-isa, ikalabingdalawa, ikalabingtatlo, at ikalabing-apat na istasyon).

Ang mga lumahok sa Kalbaryo ng Maralita ay mga kasapi ng KPML at ZOTO mula sa mga eryang may banta ng demolisyon, at mula sa mga lugar ng relokasyon. May banta ng demolisyon ang mga nasa tabing ilog, estero at ilalim ng tulay, na prayoridad na tanggalin ng gobyerno at itapon sa mga lugar ng relokasyon. Ang mga nasa relokasyon naman ay nagbabalikan sa dati nilang lugar dahil sa gutom at kawalan ng maayos na serbisyo, walang trabaho, at pulos kagutuman ang kanilang nararanasan. isinasagawa ng KPML ang Kalbaryo ng Maralita taun-taon tuwing panahon ng kuwaresma. Ngayong 2014, sumuporta rin sa aktibidad na ito ng KPML at ZOTO ang Partido Lakas ng Masa (PLM).

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)