Lunes, Hunyo 23, 2014

Mga maralitang ina, nanawagan ng price control sa bigas, bawang, atbp.

MGA MARALITANG INA, NANAWAGAN NG PRICE CONTROL SA BIGAS, BAWANG, ATBP.

Hunyo 22, 2014 - Nagrali kaninang umaga sa palengke ng Balintawak ang may limampung kasapian ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) at Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) dahil sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bawang at bigas.

Kinalampag ng mga maralitang nanay ang mga dala nilang kaldero't kawali na may mga islogang "Price Control sa Bigas, Bawang, atbp., Now na!", "Liberalisasyon, Salot!" at "Modernisasyon sa Agrikultura, Gawing Prayoridad!"

Ayon kay Geilda Mirabueno, lider ng SM-ZOTO sa Tondo at inang may siyam na anak, "Hindi sapat ang ginawang Bawang Caravan ng pamahalaan, dahil di lang naman bawang ang nagmahal."

Sinabi naman ni Anna Lampitoc, isang lider ng KPML at isang solo parent, "Walang kwenta kung pagmomonitor lang ng presyo ng bilihin ang kayang gawin ng pamahalaan. Kailangang kontrolin ng pamahalaan ang presyo dahil ito'y isang kagyat at pambansang isyu. Hangga't pinaiiral ng pamahalaan ang polisiyang liberalisasyon, hindi tayo magkakaroon ng totoong food security. Para makaalpas dito, dapat iprayoridad ang agrikultura upang di umasa ang bansa sa importasyon."

Nagsagawa sila ng isang oras na programa sa palengke ng Balintawak, nag-noise barrage at nag-ikot sa loob ng palengke.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
 

Walang komento: