Pahayag ng Pambansang Tanggapan
ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
Mayo 5, 2017
Ginugunita ngayong taon ng mga manggagawa sa buong daigdig ang ika-199 taong kaarawan ni Karl Marx, dakilang guro at lider komunista. Sa araw na ito, nananawagan ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod sa lahat ng kasapian nito, pati na mga kaalyado at kapatid nitong organisasyon, sa lahat ng mga dukhang walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, lalo na sa manggagawang Pilipino at sa buong sambayanan na patuloy na pag-aralan ang Marxismo at simulan ang isang taong paggunita at pagdiriwang sa ika-200 taong kaarawan ni Marx sa Mayo 5, 2018.
Halina't ating itanghal ang papel ng dakilang gurong si Karl Marx at ng teorya ng Marxismo na nagpalaya sa marami, tulad ng simula ng Unyong Sobyet sa panahon ni Lenin, mula sa pagsasamantala ng tao sa tao, bunsod ng kapitalistang sistema. Pag-aralan natin ang Marxismo bilang gabay sa paglaya ng mga maralita, ng uring manggagawa at ng buong sangkatauhan. Tayong mga maralita ay bahagi ng proletaryong walang pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, kaya tayo ay proletaryo at kaisa ng uring manggagawa tungo sa sosyalistang rebolusyon.
Ngayong 2017 ay isa na namang pagkakataon upang seryosong pag-aralan ang Marxismo at gamitin iyon upang suriin ang kasalukuyang kalagayan at krisis ng bansa at daigdig. Dapat nating ipalaganap ang iba't ibang babasahin at mga sulating inakda ni Marx, pati na rin ng iba pang mga gurong nagpaunlad sa Marxismo. Balikan din natin ang pulang aklat na Puhunan at Paggawa na sinulat ni Ka Popoy Lagman bilang panimulang aralin sa Marxismo.
Dapat din nating bigyan ng panahon na isalin ang mga akda ni Karl Marx upang mas maunawaan ng mga maralita at ng uring manggagawa ang Marxismo. Simulan na rin natin ang paglulunsad ng mga seminar, grupong pantalakayan at pagbubuo ng mga buklod o sirkulo upang pag-aralan ang Marxismo at talakayin ito ng bawat isa.
Si Marx ang dakilang guro ng uring manggagawa at ng mga dukhang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Binuo niya ang Marxistang teoryang yumanig sa kapitalismo, at naglatag ng bagong yugto ng kasaysayan. Nang dahil kay Marx ay natutunan ng mga sosyalista kung ano ang materyalismong diyalektiko at ginamit iyon para suriin ang kasaysayan at baybayin ang pag-unlad ng mga sistemang panlipunan at ang kasaysayan ng tunggalian ng mga uri. Sinuri niya ang ubod ng kapitalistang sistema at binigyan ng siyentipikong batayan ang hangarin ng proletaryo na lumaya mula sa kapitalistang pagsasamantala.
Mga kasamang maralita, tayo rin ay bahagi ng proletaryado, dahil tayo'y nagbebenta rin ng ating lakas-paggawa kapalit ng kakarampot na sahod kahit na wala tayo sa malalaking industriya. Nagbebenta tayo ng anumang kalakal upang mabuhay. Karamihan sa atin ay nakatira sa mga iskwater o sa mga lupang pagmamay-ari dahil nilagyan ng titulo ng mga maykapangyarihan. Subalit may pangarap tayong mabago ang kapitalistang kaayusan yumurak sa ating mga karapatan bilang tao.
Kaya, halina't pag-aralan natin ang Marxismo at maglunsad ng malalaking kumperensya at pagkilos tungo sa pagdiriwang ng ika-200 kaarawan ni Karl Marx sa Mayo 5, 2018.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento