Biyernes, Disyembre 28, 2018

Patuloy na diligan ang ating mga itinanim - Kolum ni Ka Pedring Fadrigon

Mula sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 2018

Biyernes, Disyembre 7, 2018

Pagkilos sa Urban Poor Solidarity Week

PRESS RELEASE
From: Kokoy Gan, KPML Vice President
Disyembre 7, 2018

MGA MARALITA, NAGKILOS-PROTESTA LABAN SA MATAAS NA PRESYO NG BIGAS
AT BACKLOG SA PABAHAY NGAYONG URBAN POOR SOLIDARITY WEEK

Mahigit sandaang (100) katao mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang nagkilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa isyu ng mataas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Matapos dito'y nagmartsa sila patungong National Housing Authority (NHA) hinggil naman sa isyu ng backlog sa pabahay, at sa panawagan nilang public housing for all.

Ayon kay Rowell "Kokoy" Gan, ikalawang pangulo ng KPML, "Mabigat na para sa aming maralita ang mataas na presyo ng bilihin, lalo na ang bigas. Hindi na kaya ng kakarampot na kinikita naming mga maralita."

"Ang masakit pa, sa isang talumpati ng pangulo, nagsabi siya ng ganito. 'Mahirap kayo? Mamatay kayo sa gutom!' Para bang balewala sa kanya kaming mga maralita at itinuturing kaming mga dagang bahala na kung mamatay sa gutom. Ganyan ba ang dapat na asal ng pangulo? Pabaya sa kanyang mamamayan?"

Nagdala sila ng mga kalderong walang laman at ito'y kinalampag nila sa harapan ng tanggapan ng DA. Matapos nito'y nagmartsa sila mula DA hanggang sa tanggapan ng NHA. 

Ayon sa pananaliksik ng KPML, sa taon 2022 ay nasa 7.67 milyon ang backlog sa pabahay. (Malaya Business Insight, Enero 3, 2018) Ayon naman sa Business Mirror, nasa 12.3 milyon ang backlog sa housing sa taon 2030. (Why is there a housing crisis, Business Mirror, May 3, 2018) Ayon naman sa kolum ni Madeleine Joy Aloria sa pahayagang Business World, ang total housing backlog na tinataya ng Housing and Urban Development Coordinating Council, nasa 3.6 milyong pabahay ang baklog sa pagtatapos ng 2018. (Low cost housing for the rich, Business World, June 3, 2018)

"Kulang ang pondo para sa pabahay. Palpak din ang nangyaring planong pabahay ng nakaraang administrasyong Noynoy. Hanggang ngayon marami pa ring backlog sa pabahay. Tingin namin, ang problema ay hindi talaga tinutugunan ng pamahalaan ang problema sa pabahay dahil mas pinagtutuunan nila ng pansin ang pagdaragdag ng pondo para sa militar at pulis, lalo na sa kagawaran ng depensa. Hindi rin nabibigyan ng pansin ang programang pabahay dahil mas inuuna pa ang market value imbes na ibatay sa kakayahan ng maralita. Kaya kami ay nananawagan na upang malutas ang backlog sa pabahay, isabatas o ipatupad ang programang public housing for all, kung saan ang pabahay ay serbisyo at hindi negosyo."

Para sa panayam o pakikipag-ugnayan, mangyaring kontakin sa Kokoy Gan, ikalawang pangulo ng KPML sa 09281876700.

Biyernes, Nobyembre 30, 2018

Kolum ni Pangulong Pedring Fadrigon, Oktubre-Nobyembre 2018

Mula sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre-Nobyembre 2018

Lunes, Nobyembre 12, 2018

Pahayag ng KPML hinggil sa isyu ng pagtanggal ng wikang Filipino at panitikan sa kolehiyo

Pahayag ng KPML hinggil sa isyu ng pagtanggal ng wikang Filipino at panitikan sa kolehiyo

Ang wikang Filipino ang wika naming mga dukha, ang sinasalita naming mga maralita. Subalit ang balitang inayunan ng Korte Suprema ang CHED Memo Blg. 20, serye ng 2013, na nagsasaad na tinatanggal na ang wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, para sa aming maralita'y hindi katanggap-tanggap. Bukod pa sa mawawalan ng trabaho ang mga guro, tinatanggalan din ng CHED ng pagkatao ang mga Pilipino. Dahil ang ating wika ang ating pagkakakilanlan bilang isang bansa, at ang wikang Filipino ang nagbubuklod sa atin.

Ang pagtanggal sa wikang Filipino, at pagtuturo naman ng wikang Koreano sa mga paaralan, ay nagpapakitang ang ating edukasyon ay nakaangkla na sa globalisasyon. Isang edukasyong walang mukha kundi ang magturo ng mga skills na pakikinabangan ng mga dayuhang mamumuhunan. Isang edukasyong walang sikmura kundi magpahimod sa tumbong ng mga dayuhan sa ngalan ng kapitalistang globalisasyon. Isang edukasyong pilantod na nais lamang na ang mga gradweyt ay maging alipin sa ibayong dagat. Edukasyong kinikilala ang dayuhan habang niyuyurakan ang sarili.

Ang wikang Filipino ang nagbubuklod sa aming mga maralita upang kami'y magkaunawaan hinggil sa iba't ibang isyung nakaaapekto sa amin. Tulad ng mga bantang demolisyon, mga bayarin sa relokasyon, kawalan ng maayos at disenteng pabahay, usapin ng kahirapan, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin bunga ng TRAIN Law, ang batas sa kondonasyon, at marami pang iba. Takot ba silang ang wikang ito ay pagyamanin natin dahil sa wikang ito tayo nagkakaunawaan? Takot ba silang sa wikang ito’y magkaisa tayo upang ibagsak ang bulok nilang Sistema?

Ang wikang Filipino ay dangal ng pagkatao. Pag nawalan ka nito, para kang isdang bilasa. Tulad nga ng sinabi ng ating bayaning si Gat Jose Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."

Kaya kami ay mahigpit na nakikiisa sa mga nakikibaka upang ang wikang Filipino ay huwag matanggal bilang paksa o subject sa kolehiyo. Halina’t itaguyod ang ating sariling wika!

Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang lahat ng mga nakikibaka para rito!

Miyerkules, Oktubre 17, 2018

Ang KPML at ang kasaysayan ng PCUP


Nabanggit ang KPML sa website ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) hinggil sa Background (History) ng pagkakatayo ng PCUP. Kami po sa KPML ay lubos na nagpapasalamat sa PCUP sa mga nagawa nito para sa maralitang lungsod. Mabuhay ang PCUP!

Narito ang kawing (link) at ang mga nakasaad sa website:


BACKGROUND (HISTORY)

The 1960s saw the influx of migrants from the countryside to the urban centers thinking that life is better in the cities. The host cities, however, were not prepared to provide immediate employment opportunities, decent housing and basic services to the migrants so they remain unemployed or underpaid and unable to support themselves. Worst, they end up poorer thereby magnifying   the growing urban poor statistics. The fear of ejection and violence haunted the poor as they struggled for their place in society. When their situation worsened during the 1980s, urban poor groups banded together in search of possible solutions to their problems as well as opportunities for consultation on matters that affect them.

Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”.

Indeed, the creation of PCUP is one of the noblest and greatest legacy of President Corazon C. Aquino and a manifestation of her love and respect for the rights and sentiments of the urban poor. It is only in the Philippines that the Office of the President has an agency directly looking after the concerns of the urban poor.  Being the coordinating and monitoring arm of the President, PCUP has a direct reportorial function to the Office of the President.

This mandate was reinforced on January 30, 1989 by Administrative Order No.111 directing concerned government departments, agencies and offices to coordinate with PCUP and actively participate in activities concerning the urban poor.

Significant gains were attained but the advent of urbanization lured more people to the metropolis and compounded the problem. On September 27, 2004, Former President Gloria Macapagal-Arroyo, issued Executive Order No.364, transforming the Department of Agrarian Reform (DAR) into the Department of Land Reform (DLR) which included the National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) and the PCUP to take charge of ancestral domain reform and urban land reform, respectively. Executive Order No. 456 dated August 23, 2005 renamed the DLR as DAR.

Martes, Oktubre 16, 2018

Saligang Batas ng KPML - 2018

SALIGANG BATAS NG KPML

PREAMBULO

Kami, ang mga maralita ng lunsod, may antas ng kamalayang pampulitika at kamulatan sa uri, batid ang aping kalagayan ng kawalan ng disente, maayos, ligtas at tiyak na paninirahan, dumaranas ng matinding kahirapan ng pamumuhay at karahasan dulot ng maling sistemang umiiral na itinataguyod ng naghaharing uri pangunahin na ang globalisasyon; dulot nito’y malaganap na kaapihan, kawalan ng katarungang panlipunan, pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan; mababang pagtingin sa mga kababaihan; mithiin ang pagbabago ng lipunan; nagnanais ng isang sosyalistang kaayusan na may katarungan, pagkakapantay-pantay, may kaunlaran, at may dignidad na pamumuhay para sa lahat; may pagpapahalaga sa kalikasan at kapaligiran; nananalig at may tiwala sa masa at sa kapangyarihan ng mayoryang bilang ng mamamayan, ay nagbibigkis sa ganitong mga adhikain at mga simulain, na nagtatadhana at nagpapahayag ng Saligang Batas at Alituntunin.

ARTIKULO I
PANGALAN, TANGGAPAN AT PAGKAKAKILANLAN

Seksyon 1. Ang organisasyong ito ay KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNGSOD o KPML.

Seksyon 2. Ang sentrong tanggapan ng KPML ay itatayo sa loob ng Kalakhang Maynila, o sa lugar na pinagpasyahan ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 3. Ang KPML ay makikilala sa mga sumusunod:
a. Bandilang kulay pula na dalawang yarda ang haba at isang yarda ang lapad.
b. Nakalarawan sa bandila ang dalawang mukha at nakasulat sa ibaba nito ang mga titik na KPML sa kulay dilaw na may sukat na apat na talampakan ang haba at dalawang talampakan ang taas.

Seksyon 4. Ang opisyal na selyo ng KPML ay bilog na bakal na may diyametrong apat na sentimetro (4 cm.) kung saan nakaukit paikot ang mga katagang KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNSOD, at sa gitna ay nakasulat ang KPML at Disyembre 18, 1986.

ARTIKULO II
PAHAYAG NG MGA PRINSIPYO

Seksyon 1. Ang KPML ay naniniwala na ang lahat ng kapangyarihang pang-organisasyon ay nagmumula sa kasapian.

Seksyon 2. Naniniwala ang KPML sa lakas at kapangyarihan sa iba’t ibang kakayahan at kaalaman ng sambayanan na paunlarin at baguhin ang lipunan.

Seksyon 3. Ang pakikipaglaban sa mga problema’t kahilingan at mga demokratikong karapatan ay pangunahing tungkulin ng mga organisasyon at mga kasapian ng KPML. Ang kasapian ay maaaring atasan ng organisasyon sa pamamagitan ng kanyang Saligang Batas at mga alituntunin na magkaloob ng personal na serbisyo at suporta sa mga nakatakdang gawain at mga pangangailangan.

Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Seksyon 5. Kinikilala ng KPML ang malaki at napakahalagang tungkulin ng kabataan at ng mga kababaihan sa pagbubuo ng mga organisasyon sa mga komunidad na magtataguyod ng kanilang kabutihang kaisipan, tungo sa pagbabago ng kasalukuyang bulok na sistema ng lipunan.

Seksyon 6. Naniniwala ang KPML na ang mga kababaihan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagbabago at pag-unlad ng buong lipunan at dapat na magtamasa ng pantay na mga karapatan at dapat kilalanin ng lipunan.

Seksyon 7. Kinikilala rin ng KPML ang kahalagahan at pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan.

Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.

Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.

Seksyon 10. Naniniwala ang KPML na ang globalisasyon ang bagong anyo ng pananakop at pang-aalipin ng mga mayayaman at maunlad na bansa sa mga bansang mahihirap at magdudulot ng patuloy at higit pang kahirapan ng mga maralita ng lunsod, ng manggagawa, at ng buong sambayanan.

ARTIKULO III
KATANGIAN NG ORGANISASYON

Seksyon 1. Ang KPML ay isang kumpederasyon na binubuo ng iba’t ibang mga samahan sa komunidad na nagbibigkis sa pormasyon ng mga lokal na samahan, balangay, pederasyon, asosasyon at alyansa na matatagpuan sa iba’t ibang pamayanan at erya ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at ng mga indibidwal sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon na maitatayo ang KPML.

Seksyon 2. Ang KPML ang sentrong pampulitika at pang-ekonomyang organisasyon ng mga maralita na may pangunahing tungkuling isulong at ipaglaban ang mga demokratiko't lehitimong karapatan at mga kahilingan ng mga maralita ng lunsod.

Seksyon 3. Sa panahon ng halalan, ang KPML ay lalahok at tatayong makinarya sa eleksyon bilang pagkilala sa gawaing parlyamentaryo, malayang magpasya sa susuportahang partido, mga kandidato sa lokal at nasyunal sa pamamagitan ng mga patakarang gagabay at kaukulang makinaryang itatayo.

Seksyon 4. Ang BUKLOD ang batayang yunit ng KPML sa loob ng mga kasaping organisasyon nito. Binubuo ito ng tatlong katao pataas na siyang tututok sa pagpapalakas ng organisasyon at pagtitiyak ng sosyalistang oryentasyon ng KPML sa mga myembro ng kasaping organisasyon.

ARTIKULO IV
KASAPIAN

Seksyon 1. Ang regular na kasapi ng KPML ay ang mga maralita ng lunsod na natitipon sa iisang organisasyon sa mga komunidad ng Pambansang Punong Rehiyon-Rizal, Timog-Katagalugan, Bulacan, Panay-Guimaras, Negros, Cebu, at sa mga sentrong pamayanan at kalunsuran ng iba pang rehiyon ng bansa.

Seksyon 2. Ang mga rekisitos sa pagsapi ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal at direktang pagsapi sa KPML na ang indibidwal na kasapian ay hindi bababa sa dalawampung katao at higit pa.
b. Aktibong kumikilos para isulong ang mga usapin ng komunidad at mga karapatan ng mga mamamayan.
c. May resolusyon sa pagsapi, kasama ang organizational at community profiles.
d. Mga indibidwal na nakikiisa sa mga layunin, simulain, gawain, prinsipyo, at mga programa ng pagkilos ng KPML.
e. Handang sumunod sa Saligang Batas, Alituntunin, Pangkalahatang Programa, Pagkilos, mga Pinagtibay na Patakaran, Resolusyon, mga Atas (memorandum), at mga Panawagan ng KPML.
f. Ang mga indibidwal at mga pandangal ay maaaring sumapi sa KPML kung inirekomenda ng tatlong tao na kasapi ng KPML na lubos na nakakakilala sa indibidwal o pandangal na sasapi. Handa itong magbigay ng panahon sa KPML, suportang material, pinansya, handang umako ng gawain at tungkulin, at magbahagi ng kaalaman at talino sa organisasyon.
g. Sa panahon ng halalan ng KPML, ang mga indibidwal ay maaaring lumahok at kumatawan sa 20 indibidwal na kasapi, na dumaan sa proseso bilang grupo at inihalal.
h. Dalawang paraan ng pagboto sa halalan ng KPML na pinapahinyulutan: secret ballot at viva voce.

Seksyon 3. Ang lahat ng sasaping organisasyon at mga kasapian nito, mga pandangal na kasapi, at mga indibidwal na kasapi, ay dapat na tapos at naunawaan ang Oryentasyon ng KPML, Saligang Batas, Alituntunin, Bisyon, Misyon, at Hangarin ng KPML.

ARTIKULO V
KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA KASAPI

Seksyon 1. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Organisasyonal na kasapi: Maghalal at mahalal sa alinmang posisyon alindunod sa mga patakaran hinggil sa pagboto at kwalipikasyon ng mga kandidato; pumaloob sa anumang komite sa sentro, balangay, pederasyon at lokal na organisasyon.
b. Organisasyonal, indibidwal, at mga pandangal na kasapi; malayang makipagtalakayan sa mga kapulungan ukol sa anumang usapin.
c. Magpaabot ng anumang mungkahi, puna, reklamo, o rekomendasyon sa mga kinauukulang komite.
d. Mapaabutan ng anumang kopya ng mga ulat, kalatas, pahayagang Taliba ng Maralita, pahayag at iba pang mga lathalain ng organisasyon.
e. Makatarungang paglilitis kung nahahabla sa anumang kaso ng paglabag sa disiplina, Saligang Batas, Alituntunin at Patakaran ng organisasyon.
f. Magbitiw bilang kasapi ng KPML sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng liham at pakikipag-usap sa kinauukulang opisyal, komite o tauhan ng KPML.
g. Magtamasa ng iba pang mga pribilehiyo na maaaring ipagkaloob ng KPML.

Seksyon 2. Ang mga tungkulin ng mga kasapi ng KPML ay ang mga sumusunod:
a. Tumalima sa Saligang Batas, Alituntunin, Pinagtibay na mga Patakaran, at mga panawagan ng sentrong organisasyon.
b. Buong sigasig na tumupad sa mga atas na gawain at desisyon ng organisasyon na humihingi ng kagyat at mahigpit na pagkakaisa.
c. Aktibong dumalo sa lahat ng pulong at masiglang lumahok sa mga talakayan, pag-aaral at mga pagsasanay, o sa anumang panawagan at pagkilos ng organisasyon.
d. Tumulong sa pagpapalawak at pagpapatatag ng organisasyon at masigasig na nagpapalaganap ng layunin, simulain, bisyon, misyon at hangarin ng KPML.
e. Magbayad ng buwanang butaw, bayad sa pagsapi, at kontribusyon na hinihingi ng organisasyon na pana-panahon na gagamitin sa mga aktibidad ng KPML.
f. Maagap na mag-ulat hinggil sa kalagayan ng lokal na organisasyon, kalagayan ng komunidad, at mga gawain na iniatas ng sentrong organisasyon.
g. Pangalagaan ang integridad at moralidad ng organisasyon, mga lider at mga kasapian.
h. Mag-ambag ng mga kaalaman hinggil sa iba’t ibang larangan ng gawain para sa ikalalakas ng pamumuno ng KPML, sa pagsusulong ng kagalingan ng maralita.

ARTIKULO VI
PAMBANSANG KONGRESO

Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ang pinakamataas na kapulungan ng KPML. Binubuo ito ng mga delegado mula sa rehiyon (balangay, pederasyon), Pambansang Konseho ng mga Lider, at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

Seksyon 2. Idaraos ang Pambansang Kongreso isang beses tuwing ikatlong taon, at ang ispesyal na Kongreso ay maaaring ipatawag sa kahilingan ng simpleng mayorya (50%+1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

Seksyon 3. Ang kapangyarihan ng Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. Magpatibay ng Saligang Batas, Alituntunin, mga Resolusyon at Programa ng Pagkilos.
b. Maghalal ng Pambansang Pamunuan.
c. Magpawalang-bisa ng mga programa ng pagkilos, o anumang kapasyahan ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganap.

ARTIKULO VII
PAMBANSANG KONSEHO NG MGA LIDER

Seksyon 1. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ang ikalawang pinakamataas na kapulungan habang hindi nagaganap ang Pambansang Kongreso.

Seksyon 2. Ang Pambansang Konseho ng mga Lider ay binubuo ng mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap, mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad at pinuno ng pambansang komite sa pag-oorganisa, kampanya, propaganda, edukasyon at pinansya, at kinatawan mula sa kabataan. Ang bilang ng konseho ay maaaring madagdagan sa panahon na maitayo ang mga balangay sa iba’t ibang rehiyon at komite sa antas-pambansa.

Seksyon 3. Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang rehiyon, probinsya, lunsod o munisipalidad ay itinakda o inihalal ng kanilang mga tsapter sa eryang pinanggalingan. Dalawang kinatawan bawat tsapter ang itatalaga sa Pambansang Konseho ng mga Lider.

Seksyon 4. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Magbuo o kaya’y magpawalang-bisa ng mga pangkalahatang patakaran, resolusyon, programa ng pagkilos, ayon sa isinasaad ng Saligang Batas.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samutsaring usapin na may kinalaman sa organisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap at Pambansang Konseho ng mga Lider.
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pambansang Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO VIII
PAMBANSANG LUPONG TAGAPAGPAGANAP

Seksyon 1. Ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pambansang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, at Tagasuri.

Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano’t mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pambansang Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pambansang Kongreso at ng Pambansang Konseho ng mga Lider
h. Ang mga kagawad ng Pambansang Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO IX
PANGREHIYONG KONSEHO NG MGA LIDER

Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay binubuo ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap at mga kinatawan mula sa iba't ibang lalawigan, lunsod at munisipalidad at mga pinuno ng mga pangrehiyong komite sa pag-oorganisa, kampanya, edukasyon at pinansya.

Seksyon 2. Ang mga kinatawan ng iba't ibang rehiyon, lalawigan, lunsod at munisipalidad ay itinakda o inihalal ng mga balangay sa kanilang mga eryang pinanggalingan.

Seksyon 3. Ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay ang mga sumusunod:
a. Maghain ng mga pangrehiyong resolusyon, programa ng pagkilos sa Pambansang Konseho ng mga Lider, batay sa isinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 4-a ng Saligang Batas na ito.
b. Magbalangkas ng mga gabay na makakatulong sa pagpapatupad ng mga plano at gawain, magpasya sa mga samu't saring usapin na may kinalaman sa pangrehiyongorganisasyon at kapakanan ng buong kasapian.
c. Punuan ang bakanteng posisyon ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider at Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
d. Magtakda ng bilang ng mga delegado, petsa at aktwal na Pangrehiyong Kongreso.
e. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang hahalili sa kanila.

ARTIKULO X
PANGREHIYONG LUPONG TAGAPAGPAGANAP

Seksyon 1. Ang Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay binubuo ng Pangrehiyong Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo Panloob, Ikalawang Tagapangulo Panlabas, Pangkalahatang Kalihim, Ikalawang Pangkalahatang Kalihim, Ingat-Yaman, Tagasuri, Pinunong Tagapag-ugnay at Pinunong Tagapamayapa.

Seksyon 2. Ang kapangyarihan at tungkulin ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay ang mga sumusunod:
a. Tiyakin na naipatutupad ang kabuuang programa ng pagkilos at iba pang patakaran ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
b. Pangasiwaan at subaybayan ang lahat ng mga pagkilos, plano't mga gawain at mga proyekto ng organisasyon.
c. Mag-atas at magbuo ng mga kinakailangang komite at istraktura na makakatulong sa pagpapabilis ng pagsasakatuparan ng mga gawain.
d. Gabayan at mahigpit na subaybayan ang mga pagkilos ng mga rehiyon.
e. Magbalangkas ng mga patakaran sa editoryal na pahayagan ng organisasyon at pagtitiyak ng regular na paglalabas nito.
f. Regular na mag-ulat sa pulong ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
g. Gumampan ng iba pang gawain na iniatas ng Pangrehiyong Konseho ng mga Lider.
h. Ang mga kagawad ng Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap ay manunungkulan ng tatlong taon o higit pa habang hindi pa nahahalal ang mga hahalili sa kanila.

ARTIKULO XI
PULONG

Seksyon 1. Pambansang Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang Pambansang Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 2. Pambansang Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang Pambansang Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 3. Mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Konseho ng mga Lider tuwing ikalawang Sabado ng ikatlong buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

Seksyon 4. Mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap
a. Magpupulong ang mga Pangrehiyong Lupong Tagapagpaganap tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Maaaring ipatawag ang ispesyal na pulong ayon sa pangangailangan.

ARTIKULO XII
SUSOG

Seksyon 1. Ang Saligang Batas at Alituntunin ay maaaring susugan sa kapasyahan ng simpleng mayorya (50% + 1) ng Pambansang Konseho ng mga Lider.

Seksyon 2. Ang mga panukalang susog ay dapat ipaabot sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap o sa Preparatory Committee nito tatlumpung (30) araw bago dumating ang aktwal na Kongreso.

Seksyon 3. Ang sinumang kagawad ng Pambansang Konseho ng mga Lider at Pambansang Lupong Tagapagpaganao na binubuo ng tatlong (3) tao, kasama ang program administrator ng KPML, ay maaaring humirang ng mga indibidwal na magiging kagawad ng NCL at NEC ayon sa kalagayan, gaya ng mga sumusunod:
a. Umaabot na sa 1/3 ng mga kagawad ng isang kapulungan ang lumiban, nagbitiw sa katungkulan o hindi na makatupad ng gawain;
b. Umiiral ang gipit na kalagayan at hindi na makapagdaos ng pulong, halalan o hindi makairal ang mga regular na gawain ayon sa isinasaad ng Saligang Batas at Alituntunin.

ARTIKULO XIII
PAGPAPATIBAY

Seksyon 1. Ang Saligang Batas na ito kaakibat ang Alituntunin nito ay sinusugan at pinagtibay ng mahigit 2/3 ng mga delegadong dumalo sa Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML, na isinagawa sa Barangay Hall ng Brgy. Damayan sa Lungsod Quezon ngayong ika-16 ng Setyembre, 2018.

Lunes, Setyembre 17, 2018

Kalagayan ng KPML sa buong bansa

Kalagayan ng KPML sa buong bansa

Pagkatapos ng Ikaapat na Pambansang Kongreso noong Hulyo 16, 2011. Nagkaroon ng kagyat na pagpaplano ang National Council of Leaders (NCL) upang makagawa ng Action Plan sa nabuong 3 taon na programa noong kongreso. Bitbit ng lahat na NCL pabalik sa kanilang mga rehiyon, probinsya, at mga chapter, ang planong magsilbing gabay para direksyon ng pagkilos, 

Sa panahon ng pagpapatupad na ng nabuong plano, samutsaring problema ang dumating sa pambansang pamunuan at ng mga lider ng NCR. Maraming mga bagay at desisyon ang hindi magkasalubong, humantong ito sa hindi pagkaka-intindihan. Lalo pang nadagdagan ang problema nang hindi na nag-aktibo ang ibang NEC sa kadahilanan na tinamaan na rin ang iba sa matinding krisis pang-ekonomiya at mga personal na problema. Maraming mga kasama ang tumutulong para maayos ang gusot sa loob ng pitong taon, hanggang sa narating natin ngayon ang kongreso. Kahit may ganitong problemang umiiral, hindi pa rin natitinag ang KPML. Dahil sa paninindigan at prinsipyo ng ating pambansang pangulo at sa hangarin ng mga lider ng NCR chapter, na maibagsak ang mapang-aping lipunang ito. Ang KPML pa rin ang pumupuno sa lansangan sa tuwing may pagkilos ang mga manggagawa laban sa mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon. 

Sa kabila ng pagkakaroon ng krisis sa pambansang pamunuan ng KPML, ang mga rehiyon, probinsya, chapter at pederasyon, lumalarga ito batay sa kanyang kapasidad, tulad ng:
o. KPML Bacolod na may 53 lokal na organisasyon, 4,606 ang kasapian, 583 liders, para sa pagpapalakas ng ating kilusan. Pinasok ang mga estratehikong pormasyon ng LGU, tulad ng City Development Council (CDC) member, City Disaster and Risk Reduction Management Council member, Bacolod Housing Board member, Sectoral concerns office kontrolado ang urban poor and labor desk, na may walong full time organizers. 
o. Mandaluyong 12 LOs aktibong kumikilos 
o. Cebu 68 LOs
o. Bulacan 6 LOs, 1 na pederasyon na may 12 LOs Piglas maralita
o. Iloilo 3 LOs
o. ZOTO peds 22 chapters, 200 LOs
o. NCR 113 LOs
o. Cavite 9 LOs
o. Malipay 3000 members ekspansyon

Sa kasalukuyan may mga 452 humigit kumulang na mga LOs na pwedeng pag-umpisahan ng pagkonsolida sa susunod na tatlong taon.

Mga kasama, hindi nasayang ang pitong taon nang walang nailunsad na kongreso, bagamat marami tayong napulot na leksyon. Dito nasukat ang ating pagkakaisa bilang mga abansing pwersa ng maralita, na nagtutulak ng lipunang may pagkapantay pantay at hangaring maibagsak ang kapitalistang sistemang umiiral.

Mabuhay ang sosyalismo!!!!
Mabuhay ang KPML!!!!!
Mabuhay!!!!!!

(Binasa sa ikalimang pambansang kongreso ng KPML noong Setyembre 16, 2018)

Bagong Halal na Pambansang Pamunuan ng KPML


Mabuhay ang bagong halal na pamunuan ng KPML!

President - Pedrito "Ka Pedring" Fadrigon
Vice President Internal - Rowell "Kokoy" Gan
Vice President External - Silvestre "Tek" Orfilla
Secretary General - Gregorio "Greg" Bituin Jr.
Deputy Secretary General - Gloria "Glo" Alcoroque
Treasurer - Prescila "Neneng" Engcot
Auditor - Manuel "Ka Manny" Mendoza

Sila'y nahalal sa Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML na ginanap sa Conference Hall ng Barangay Damayan, Frisco, Lungsod Quezon, Setyembre 16, 2018