PRESS RELEASE
From: Kokoy Gan, KPML Vice President
Disyembre 7, 2018
MGA MARALITA, NAGKILOS-PROTESTA LABAN SA MATAAS NA PRESYO NG BIGAS
AT BACKLOG SA PABAHAY NGAYONG URBAN POOR SOLIDARITY WEEK
Mahigit sandaang (100) katao mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang nagkilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa isyu ng mataas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Matapos dito'y nagmartsa sila patungong National Housing Authority (NHA) hinggil naman sa isyu ng backlog sa pabahay, at sa panawagan nilang public housing for all.
Ayon kay Rowell "Kokoy" Gan, ikalawang pangulo ng KPML, "Mabigat na para sa aming maralita ang mataas na presyo ng bilihin, lalo na ang bigas. Hindi na kaya ng kakarampot na kinikita naming mga maralita."
"Ang masakit pa, sa isang talumpati ng pangulo, nagsabi siya ng ganito. 'Mahirap kayo? Mamatay kayo sa gutom!' Para bang balewala sa kanya kaming mga maralita at itinuturing kaming mga dagang bahala na kung mamatay sa gutom. Ganyan ba ang dapat na asal ng pangulo? Pabaya sa kanyang mamamayan?"
Nagdala sila ng mga kalderong walang laman at ito'y kinalampag nila sa harapan ng tanggapan ng DA. Matapos nito'y nagmartsa sila mula DA hanggang sa tanggapan ng NHA.
Ayon sa pananaliksik ng KPML, sa taon 2022 ay nasa 7.67 milyon ang backlog sa pabahay. (Malaya Business Insight, Enero 3, 2018) Ayon naman sa Business Mirror, nasa 12.3 milyon ang backlog sa housing sa taon 2030. (Why is there a housing crisis, Business Mirror, May 3, 2018) Ayon naman sa kolum ni Madeleine Joy Aloria sa pahayagang Business World, ang total housing backlog na tinataya ng Housing and Urban Development Coordinating Council, nasa 3.6 milyong pabahay ang baklog sa pagtatapos ng 2018. (Low cost housing for the rich, Business World, June 3, 2018)
"Kulang ang pondo para sa pabahay. Palpak din ang nangyaring planong pabahay ng nakaraang administrasyong Noynoy. Hanggang ngayon marami pa ring backlog sa pabahay. Tingin namin, ang problema ay hindi talaga tinutugunan ng pamahalaan ang problema sa pabahay dahil mas pinagtutuunan nila ng pansin ang pagdaragdag ng pondo para sa militar at pulis, lalo na sa kagawaran ng depensa. Hindi rin nabibigyan ng pansin ang programang pabahay dahil mas inuuna pa ang market value imbes na ibatay sa kakayahan ng maralita. Kaya kami ay nananawagan na upang malutas ang backlog sa pabahay, isabatas o ipatupad ang programang public housing for all, kung saan ang pabahay ay serbisyo at hindi negosyo."
Para sa panayam o pakikipag-ugnayan, mangyaring kontakin sa Kokoy Gan, ikalawang pangulo ng KPML sa 09281876700.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento