Pahayag ng KPML hinggil sa isyu ng pagtanggal ng wikang Filipino at panitikan sa kolehiyo
Ang wikang Filipino ang wika naming mga dukha, ang sinasalita naming mga maralita. Subalit ang balitang inayunan ng Korte Suprema ang CHED Memo Blg. 20, serye ng 2013, na nagsasaad na tinatanggal na ang wikang Filipino at Panitikan sa kolehiyo, para sa aming maralita'y hindi katanggap-tanggap. Bukod pa sa mawawalan ng trabaho ang mga guro, tinatanggalan din ng CHED ng pagkatao ang mga Pilipino. Dahil ang ating wika ang ating pagkakakilanlan bilang isang bansa, at ang wikang Filipino ang nagbubuklod sa atin.
Ang pagtanggal sa wikang Filipino, at pagtuturo naman ng wikang Koreano sa mga paaralan, ay nagpapakitang ang ating edukasyon ay nakaangkla na sa globalisasyon. Isang edukasyong walang mukha kundi ang magturo ng mga skills na pakikinabangan ng mga dayuhang mamumuhunan. Isang edukasyong walang sikmura kundi magpahimod sa tumbong ng mga dayuhan sa ngalan ng kapitalistang globalisasyon. Isang edukasyong pilantod na nais lamang na ang mga gradweyt ay maging alipin sa ibayong dagat. Edukasyong kinikilala ang dayuhan habang niyuyurakan ang sarili.
Ang wikang Filipino ang nagbubuklod sa aming mga maralita upang kami'y magkaunawaan hinggil sa iba't ibang isyung nakaaapekto sa amin. Tulad ng mga bantang demolisyon, mga bayarin sa relokasyon, kawalan ng maayos at disenteng pabahay, usapin ng kahirapan, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin bunga ng TRAIN Law, ang batas sa kondonasyon, at marami pang iba. Takot ba silang ang wikang ito ay pagyamanin natin dahil sa wikang ito tayo nagkakaunawaan? Takot ba silang sa wikang ito’y magkaisa tayo upang ibagsak ang bulok nilang Sistema?
Ang wikang Filipino ay dangal ng pagkatao. Pag nawalan ka nito, para kang isdang bilasa. Tulad nga ng sinabi ng ating bayaning si Gat Jose Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda."
Kaya kami ay mahigpit na nakikiisa sa mga nakikibaka upang ang wikang Filipino ay huwag matanggal bilang paksa o subject sa kolehiyo. Halina’t itaguyod ang ating sariling wika!
Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang lahat ng mga nakikibaka para rito!
1 komento:
mabuhay ang kongreso ng pagkakaisa ng maralitang lunsod cavite.
Mag-post ng isang Komento