BALITA MARALITA
MGA RESIDENTE NG MAYNILA, TIYAK MATATAMAAN SA PROYEKTONG THE NEW MANILA BAY - CITY OF PEARL
Noong Mayo 23, 2017 nang ipinresenta ng kumpanyang arkitekturang HPA na nakabase sa Hong Kong ang isang proyektong reklamasyon kina Pangulong Duterte at Mayor Estrada ng Maynila. Tinawag ang proyektong ito na New Manila International Community, na mas kilala bilang The New Manila Bay - City of Pearl.
Inilalarawan ang City of Pearl bilang pinakamalaking proyekto ng One Belt One Road ng Tsina sa Pilipinas. Sinasaklaw nito ay 407 ektakya, na matatagpuan sa pagitan ng Manila South Port at bunganga ng Ilog Pasig, sa kasalukuyang Baseco Compound. Ang mga karagdagang lupang na-reclaim ay ipapantay para sa proyekto. Ito'y magiging pinagsamang distritong sentro ng kalakalan na kinonekta ng network ng loop road at isang driverless railway system.
Ang distrito ay hahatiin sa dalawang pangunahing lugar. Ang bandang labas ay nagtatampok ng 10 kilometrong waterfront promenade at isang all-weather park habang ang bandang loob naman ay magkakaroon ng "malawak" na sentrong parke at golf course. Magtatayo din ng istadyum sa City of Pearl, isang network ng water taxi, at solar at tidal energy. Nakatakdang umpisahan ang reklamasyon ng Agosto 2017 subalit di pa rin ito nauumpisahan hanggang ngayon.
Ayon kay Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng KPML, "Dapat isama ang mga maralita sa pag-unlad ng Maynila, at huwag basta itaboy sa malalayong lugar na parang daga. Dapat isama ang social cost sa project cost upang huwag namang madehado ang mga maralita. Kaya dapat maalarma, kumilos at magkaisa ang mga maralita ng Maynila na tatamaan ng proyektong ito.
ITATAYONG AIRPORT SA BULACAN, ILANG LIBONG MARALITA ANG TATAMAAN?
Ang New Manila International Airport (NMIA), na tinatawag ding Bulacan International Airport, ay proyektong paliparan na ipinanukala ng San Miguel Corporation na itatayo sa baybayin ng Bulakan, Bulacan, 35 kilometro sa hulaga ng Lungsod ng Maynila. Nilalayon nitong maging pangunahing airport na papalit sa Ninoy Aquino Intarnational Airport (NAIA).
Ayon kay Ramon Ang, pangulo ng San Miguel Corporation, na ang panukalang Paliparan ay itatayo sa isang 2,500 ektaryang baybay-dagat bilang bahagi ng isang 12,000 ektaryang lungsod na nagtatampok ng residential zone, sentro ng pamahalaan, daungan, at isang pang-industriyang sona.
Tinatayang nasa PhP 735.634 bilyon ang pondo upang itayo ang nasabing proyekto, na lalagyan din ng gusaling terminal ng mga pasahero na may airside at landside facility, apat na runway, isang airport toll road na kokonekta sa North Luzon Expressway sa Bulacan, at Racial Road 10 ng Manila.
* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal na Isyu, Hulyo 2019, p.3

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento