Lunes, Nobyembre 25, 2019

Polyeto para sa Nobyembre 25

WAKASAN ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
IGALANG ANG KANILANG KARAPATAN!

Tuwing Nobyembre 25 taun-taon ay ginugunita ang International Day for the Elimination of Violence Against Women o Pandaigdigang Araw Upang Wakasan ang Karahasan sa Kababaihan.

Sa panahon ngayon, maraming kababaihan ang pinagsasamantalahan. Hanggang ngayon, sila ay nananatili pa rin sa tradisyunal na sistema – na pag ikaw ay babae, wala kang karapatang ipagtanggol ang sarili. Pag babae ka, pailalim ka sa lalaki. Pag babae ka, alipin ka. Marami pa rin ang nasasaktan ng asawa, di alam kung saan sila lalapit, at iiyak na lang sa isang tabi. Dapat mabago ang ganitong tradisyunal na sistema.

Dahil dito, napakahalaga ng araw na ito upang mamulat tayo sa karapatan at dignidad ng kababaihan, na sila'y dapat irespeto at hindi saktan, na sila'y dapat mahalin, imbes na bugbugin, na ang kababaihan ay may karapatang dapat igalang, na sila ang kalahati ng populasyon ng daigdig. Dapat na maorganisa at mapalawak ang bilang ng kababaihang mulat sa karapatan upang maging pundasyon sa pagbabago ng sistema ng lipunan.

Dapat nga mulatin din ang mga lalaki, pagkat di lang sila ang may boses. Dapat kilalaning pantay ang karapatan ng babae at lalaki.

Nariyan ang problemang triple burden sa kababaihang manggagawa, kung saan nagtatrabaho na ang babae ng otso oras, magluluto pa at mag-aalaga pa siya ng mga anak matapos ang trabaho, at kung buntis ay aalagaan pa niya ang kanyang ipinagbubuntis. Dapat bayaran din ang lakas-paggawa ng kababaihan sa pag-aalaga ng anak.

Sa usapin naman ng karahasan sa kababaihan, marami ang binubugbog ng mga asawang lasenggero, o hinihipuan ng kung sino. Alalahanin din natin ang mga tulad ni Joanna Demafelis, na isang OFW, na pinaslang ng kanyang amo sa Kuwait. Alalahanin din natin ang mga pinaslang na batang babae dahil sa War on Drugs, na sina Danica Mae Garcia, edad 5, Althea Barbon, edad 4, at Myka Ulpina, edad 3. Alalahanin din natin si Gloria Capitan, na pinaslang sa unang araw ng pag-upo ni Pangulong Duterte, dahil sa pagkilos laban sa nakasusulasok na coal plant sa kanilang lugar.

Hinggil naman sa pabahay ng maralita, ang pabahay ay mahalaga para sa kababaihan. Saanman sila naroroon, ina ang ilaw ng tahanan. Nasa lugar man sila ng mayayaman o sa lugar ng mga iskwater, sa sa mga danger zones, sa mga relokasyon, kaya dapat magkaroon sila ng disente, sapat, at maayos na pabahay, na tahanan ng kanilang mag-anak. Hiling din ng mga kababaihan na itigil o bawasan ang walang patumanggang bayarin, lalo na ang mga amortization at multang sa tingin ng kababaihan ay lalo pang pahirap sa hirap na nilang kalagayan.

Dapat mawakasan na ang anumang karahasan sa kababaihan! Ngayong Nobyembre 25, International Day for the Elimination of Violence Against Women, alalahanin natin ang maraming nagbuwis ng buhay, nabugbog, nasaktan, dahil sila'y babae, dahil tingin sa kanila'y mahina. Alalahanin natin ang mga babaeng malalakas at matatapang, tulad nina Gabriela Silang, Gregoria "Oriang" De Jesus, at Olympic silver medalist Hidilyn Diaz, bilang inspirasyon ng kababaihan. 

WAKASAN ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
IGALANG ANG KARAPATAN NG MGA KABABAIHAN!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
KPML-KABABAIHAN
Nobyembre 25, 2019

Walang komento: