PAHAYAG NG KPML SA IKA-157 KAARAWAN NI GAT ANDRES BONIFACIO
Nobyembre 30, 2020
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng ika-157 kaarawan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio, habang sa panahong ito ng pandemya dulot ng COVID-19 at sunud-sunod na matitinding bagyo, nababahala ang mga maralita dahil sa libu-libong apektado ng kalamidad, na nagdulot ng pagkawala ng maraming gamit at buhay, at pagkawasak ng tahanan dahil sa bagyo’t baha.
Gayundin naman, sinasamantala ng mga employer ang kasalukuyang krisis sa pamamagitan ng pagwawakas ng kanilang regular na mga manggagawa at unyonista at pinapalitan ito ng mga kontraktwal na manggagawa. Ang mga manggagawa naman ay nahaharap sa krisis na nagbabanta sa kalusugan, trabaho at kabuhayan, mga karapatan at kalayaan, at mismong buhay ng ating mga pamilya. Habang nananalasa rin ang pasistang pag-atake laban sa mga unyon ng manggagawa at karapatang pantao.
Kaya ipinaglalaban ng KPML ang isang komprehensibong pagsusuri at pagsasaayos ng mga patakaran ng estado at mga batas upang mapangalagaan ang karapatan, kagalingan, at kapakanan ng mga maralita, manggagawa at ng kanilang pamilya.
Ngayong Araw ni Bonfacio, patuloy ang pakikibaka para sa kagalingan at karapatan ng ating kapwa maralita tungo sa tunay na pagbabago ng sistema. Sugod, mga kapatid! Tuloy ang laban!
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 6.