Sabado, Nobyembre 21, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa isyung maralita ang dahilan ng deforestation

PAHAYAG NG KPML
Nobyembre 21, 2020

Pinasaringan na naman ni Pangulong Duterte ang mga mahihirap, lalo na sa pagdating sa pagtatayo ng bahay. Maralita raw ang dahilan ng pagputol ng mga puno upang gamiting materyales sa paggawa ng bahay. Natural, lalo na’t nilimas ng bagyo ang inyong bahay at kabuhayan. 

Saan ka naman kukuha ng pampatayo ng mansion kung mahirap ka? Madalas mula sa tagpi-tagping basurang pinatungan ng bato, o kaya’y mga napulot na anuman gaya na lamang ng tarpaulin o malalaking plastik basta’t masisilungan ng pamilya.

Alam po ninyo, pangulo, hindi mapipigilan ang mga maralitang magtayo ng kanilang masisilungan. Subalit ang sisihin ang mga maralita na siyang dahilan ng deforestation, iyon ay hindi katanggap-tanggap. Sinisisi mo ang mga maralita subalit ang mga malalaking illegal logger na nagpapayaman sa pagputol ng mga puno, hindi mo man lamang nabanggit. Totoo marahil na iyan lang ang kaya ng mahihirap na Pinoy, subalit kung may maayos kaming regular na trabaho, hindi kontraktwal, at sumasahod batay sa aming totoong presyo ng lakas-paggawa, hindi po kami titira sa barungbarong o sa mga ipinatayong bahay ng NHA na napakanipis ng mga dingding na sa kaunting lindol ay baka magiba.

Kaming mga maralita ay patuloy sa aming kalunos-lunos mang kalagayan subalit hindi kami namamalimos sa pamahalaan. Nagsisikap kami at nabubuhay ng marangal. Ika nga ni Freddie Aguilar sa isa niyang awitin: Ako'y anak ng mahirap, Ngunit hindi ako nahihiya, Pagka't ako'y mayroon pang dangal, Di katulad mong mang-aapi.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 10.

Walang komento: