Martes, Marso 30, 2021

Pahayag ng KPML: Kalbaryo ng Manggagawa't Maralita

PAHAYAG NG KPML
Marso 30, 2021

KALBARYO NG MANGGAGAWA'T MARALITA:
NAGPAPATULOY PA ANG HIRAP AT DUSA NG MAMAMAYAN

Kami, sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mga gumugunita sa semana santa, lalo na sa Kalbaryong dinaranas ng mga manggagawa't maralita sa ilalim ng inutil na rehimeng Duterte.

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng kapalpakan ng rehimeng Digong sa usapin ng maayos na patakarang pangkalusugan hinggil sa COVID 19 at sa mga maralita; sinong maralita ba ang dapat mabakunahan, at paano matitiyak na epektibo ang bakuna. HINDI SOLUSYON SA COVID-19 ANG LOCKDOWN. Ang solusyon ay lakihan ang badyet sa kalusugan at paunlarin ng pamahalaan ang buong health care system, tulad ng pagbibigay ng malawakan at libreng mass testing, pagpapaigting ng contact tracing, at bakunang ligtas at epektibo para sa lahat; palpak ang pagbibigay ng ayuda noong nakaraang taon at marami pa rin ang hindi nabigyan ng ayuda, tulad ng SAP;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng kontraktwalisasyon. Hinahati at pinag-aaway ng mga kapitalista ang mga manggagawang regular at manggagawang kontraktwal, subalit dapat magkaisa ang mga regular at kontrakwal na manggagawa laban sa iskemang kontraktwalisasyon na bumabawi sa mga ipinanalong benepisyo ng mga manggagawa sa kasaysayan;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng tokhang, na pumaslang ng walang awa sa libu-libong maralita nang hindi dumadaan sa wastong proseso ng batas, habang nananawagan ng hustisya ang maraming ina sa walang katarungang pagpaslang sa kanilang mga mahal sa buhay;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng tanggalan sa trabaho, na idinadahilan ay ang pandemya. maraming mga manggagawa ang pinaalis sa kanilang mga inuupahan at nakatira na lang sa kalsada nang mawalan ng trabaho dahil nagsara ang pinagtatrabahuhan;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng kawalan ng disenteng paninirahan sa mga maralita; matataas ang bayarin sa mga relokasyon; may mga bantang demolisyon dahil sa mga proyektong pangkaunlaran na hindi kasama ang mga maralita, tulad ng isyu ng Manila Bay at Bulacan International Airport; habang ipinaglalaban ng maralita ang kanilang konsepto at panawagang pampublikong pabahay;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng matataas na presyo ng mga bilihin, na dahil nawalan ng trabaho ang manggagawa, at hindi sapat na panggastos ng mga maralita, ay nagtitiis na lang sa mga walang sustansyang pagkain, tulad ng mumurahing tuyo, noodles at sardinas na kadalasang ibinibigay lang na pantawid gutom sa mga nasalanta ng kalamidad;

Sapagkat nagpapatuloy pa rin ang kalbaryo ng manggagawa't maralita, kaya nananawagan na sila ng pagtatayo ng isang lipunang makataong hindi etsapuwera ang maralita't manggagawa; Kaya sa panahon ngayon ng Kalbaryo ng Manggagawa't Maralita, nananawagan ang KPML na patuloy nating ipaglaban ang karapatang pantao at panlipunang hustisya nang walang maiiwan kahit isang dukha.

Para sa pakikipag-ugnayan, mangyaring kontakin si Ka Kokoy Gan, pangulo ng KPML, sa 09281876700

Walang komento: